Unang Hari 20:1-43

20  Ngayon, tinipon ni Haring Ben-hadad+ ng Sirya+ ang buong hukbo niya kasama ang 32 iba pang hari at ang kanilang mga kabayo at karwahe; lumusob sila at pumalibot+ sa Samaria+ at nakipaglaban doon. 2  Pagkatapos, nagsugo siya ng mga mensahero sa lunsod para sabihin kay Haring Ahab+ ng Israel: “Ito ang sinabi ni Ben-hadad, 3  ‘Akin ang pilak at ginto mo, pati na ang pinakamagaganda sa mga asawa at anak mo.’” 4  Sumagot ang hari ng Israel: “Tulad ng sinabi mo, panginoon kong hari, ako ay iyo pati na ang lahat ng sa akin.”+ 5  Nang maglaon, bumalik ang mga mensahero at nagsabi: “Ito ang sinabi ni Ben-hadad, ‘Nagpadala ako ng ganitong mensahe: “Ibibigay mo sa akin ang iyong pilak, ginto, mga asawa, at mga anak.” 6  Pero bukas ng mga ganitong oras, isusugo ko riyan ang mga lingkod ko, at hahalughugin nila ang bahay mo at ang bahay ng mga lingkod mo, at kukunin nila ang lahat ng mahalaga sa iyo.’” 7  Tinawag ng hari ng Israel ang lahat ng matatandang lalaki sa lupain at sinabi: “Tingnan ninyo, ang lalaking ito ay determinadong magdala ng kapahamakan, dahil gusto niyang kunin ang aking mga asawa, mga anak, pilak, at ginto, at hindi ako tumutol.” 8  Sinabi sa kaniya ng lahat ng matatandang lalaki at ng buong bayan: “Huwag kang sumunod. Huwag kang pumayag.” 9  Kaya sinabi niya sa mga mensahero ni Ben-hadad: “Sabihin mo sa panginoon kong hari, ‘Ang lahat ng una mong hiniling sa iyong lingkod ay gagawin ko, pero ang ikalawang ito ay hindi ko na magagawa.’” At umalis ang mga mensahero at nag-ulat kay Ben-hadad. 10  Si Ben-hadad ngayon ay nagpadala sa kaniya ng ganitong mensahe: “Bigyan nawa ako ng mga diyos ng mabigat na parusa kung may matira sa Samaria na kahit isang dakot ng alabok para sa bawat sundalo ko!” 11  Sumagot ang hari ng Israel: “Sabihin ninyo sa kaniya, ‘Ang nagsusuot pa lang ng kaniyang kasuotang pandigma ay hindi dapat magyabang na gaya ng isa na naghuhubad na nito.’”+ 12  Nang makarating kay Ben-hadad ang mensaheng ito, habang siya at ang mga hari ay umiinom sa kanilang mga tolda,* sinabi niya sa mga lingkod niya: “Humanda kayo! Lulusob tayo!” Kaya naghanda sila sa paglusob sa lunsod. 13  Pero isang propeta ang lumapit kay Haring Ahab+ ng Israel at nagsabi: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Nakikita mo ba ang malaking hukbong ito? Ibibigay ko ito ngayon sa kamay mo, at malalaman mo na ako si Jehova.’”+ 14  Nagtanong si Ahab: “Paano?” Sumagot ito: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Sa pamamagitan ng mga tagapaglingkod ng matataas na opisyal ng mga nasasakupang distrito.’” Kaya nagtanong siya: “Sino ang magsisimula ng labanan?” Sumagot ito: “Ikaw!” 15  Pagkatapos, binilang ni Ahab ang mga tagapaglingkod ng matataas na opisyal ng mga nasasakupang distrito, at sila ay 232; pagkatapos, binilang niya ang lahat ng lalaking Israelita, 7,000. 16  Umalis sila nang katanghalian habang nagpapakalasing si Ben-hadad sa mga tolda* kasama ang 32 hari na tumutulong sa kaniya. 17  Unang lumabas ang mga tagapaglingkod ng matataas na opisyal ng mga nasasakupang distrito. Agad na nagsugo si Ben-hadad ng mga mensahero. Iniulat ng mga ito sa kaniya: “May mga lalaki na lumabas mula sa Samaria.” 18  Sinabi niya: “Kapayapaan man o digmaan ang sadya nila, hulihin ninyo sila nang buháy.” 19  Pero nang lumabas mula sa lunsod ang mga tagapaglingkod ng matataas na opisyal ng mga nasasakupang distrito at ang mga hukbong sumusunod sa kanila, 20  pinatay nila ang mga kaaway nila. Pagkatapos, umurong ang mga Siryano,+ at hinabol ng mga Israelita ang mga ito, pero nakatakas si Haring Ben-hadad ng Sirya sakay ng kabayo kasama ng ilang mangangabayo. 21  Gayunman, lumabas ang hari ng Israel at pinabagsak ang mga kabayo at karwahe, at dumanas ng masaklap na pagkatalo ang mga Siryano.* 22  Nang maglaon, pinuntahan ng propeta+ ang hari ng Israel at sinabi sa kaniya: “Palakasin mo ang iyong sarili at pag-isipan mo ang gagawin mo,+ dahil sa pasimula ng susunod na taon,* darating ang hari ng Sirya para labanan ka.”+ 23  Ang hari ng Sirya ay pinayuhan ngayon ng mga lingkod niya: “Ang Diyos nila ay Diyos ng mga bundok. Kaya natalo nila tayo. Pero kung lalabanan natin sila sa kapatagan, matatalo natin sila. 24  Gawin mo rin ito: Alisin mo ang mga hari+ sa digmaan at ipalit mo ang mga gobernador. 25  Pagkatapos, magtipon* ka ng hukbo na sinlaki ng nawala sa iyo; palitan mo ang bawat kabayo at karwahe na nawala. Labanan natin sila sa kapatagan, at siguradong matatalo natin sila.” Nakinig siya sa payo nila at ganoon ang ginawa niya. 26  Sa pasimula ng taon,* tinipon ni Ben-hadad ang mga Siryano at pumunta sila sa Apek+ para makipagdigma sa Israel. 27  Tinipon din at pinaglaanan ng mga pangangailangan ang bayan ng Israel at lumabas ang mga ito para harapin sila. Nang magkampo ang bayan ng Israel sa harap nila, ang mga ito ay para lang dalawang maliliit na kawan ng kambing, samantalang punong-puno ng mga Siryano ang buong lupain.+ 28  Lumapit ang lingkod ng tunay na Diyos sa hari ng Israel at nagsabi: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Dahil sinabi ng mga Siryano: “Si Jehova ay Diyos ng mga bundok, at hindi siya Diyos ng kapatagan,” ibibigay ko sa kamay mo ang malaking hukbong ito,+ at tiyak na malalaman mo na ako si Jehova.’”+ 29  Pitong araw silang nagkampo nang magkatapat, at sa ikapitong araw ay nagsimula ang labanan. Nakapagpabagsak ang bayan ng Israel ng 100,000 sundalong Siryano sa loob ng isang araw. 30  Ang iba pa ay tumakas papunta sa Apek,+ sa lunsod. Pero nabagsakan ng pader ang natirang 27,000 sundalo. Tumakas din si Ben-hadad at pumasok sa lunsod, at nagtago siya sa kaloob-loobang silid ng isang bahay. 31  Kaya sinabi sa kaniya ng mga lingkod niya: “Nabalitaan namin na ang mga hari ng sambahayan ng Israel ay maawaing mga hari.* Pakisuyo, hayaan mo kaming magsuot ng telang-sako sa balakang at maglagay ng mga lubid sa ulo namin at pumunta sa hari ng Israel. Baka sakaling hindi ka niya patayin.”+ 32  Kaya nagsuot sila ng telang-sako sa balakang at naglagay ng mga lubid sa ulo nila at pumunta sa hari ng Israel at nagsabi: “Ipinapasabi ng lingkod mong si Ben-hadad, ‘Pakiusap, huwag mo akong patayin.’” Sumagot siya: “Buháy pa ba siya? Kapatid ko siya.” 33  Itinuring iyon ng mga lalaki na magandang senyales at agad nila siyang pinaniwalaan, at sinabi nila: “Kapatid mo si Ben-hadad.” Kaya sinabi niya: “Sunduin ninyo siya.” Pumunta si Ben-hadad sa kaniya, at pinasakay niya ito sa karwahe. 34  Sinabi ngayon ni Ben-hadad sa kaniya: “Ibabalik ko ang mga lunsod na kinuha ng ama ko mula sa iyong ama, at makapagtatayo ka ng mga pamilihan* sa Damasco, gaya ng ginawa ng ama ko sa Samaria.” Sumagot si Ahab: “Dahil sa kasunduang* ito, palalayain kita.” Kaya nakipagkasundo siya rito at pinalaya ito. 35  Sa utos ni Jehova, isa sa mga anak ng mga propeta*+ ang nagsabi sa kasamahan niya: “Pakisuyo, saktan mo ako.” Pero ayaw siyang saktan nito. 36  Kaya sinabi niya rito: “Dahil hindi ka nakinig sa tinig ni Jehova, pag-alis mo rito, papatayin* ka ng isang leon.” Pag-alis nito, sinalubong ito ng isang leon at pinatay. 37  May nakita siyang isa pang lalaki at sinabi niya rito: “Pakisuyo, saktan mo ako.” Kaya sinaktan siya ng lalaki at sinugatan. 38  Pagkatapos, umalis ang propeta at hinintay sa daan ang hari. Binendahan niya ang mga mata niya para hindi siya makilala. 39  Nang dumaan ang hari, sinabi niya sa hari: “Sumabak sa digmaan ang lingkod mo, at may isang lalaki na nagdala sa akin ng bihag at sinabi niya, ‘Bantayan mo ang lalaking ito. Kapag nakatakas siya, buhay mo ang magiging kapalit ng buhay niya,+ o kaya ay magbabayad ka ng isang talento* ng pilak.’ 40  Habang abala ako sa ibang bagay, biglang nawala ang lalaki.” Sinabi sa kaniya ng hari ng Israel: “Iyon ang magiging parusa sa iyo; ikaw na ang humatol sa sarili mo.” 41  Pagkatapos, bigla niyang inalis ang benda sa mga mata niya, at nakita ng hari ng Israel na isa siya sa mga propeta.+ 42  Sinabi ng propeta sa hari: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Dahil pinatakas mo ang lalaki na sinabi kong puksain mo,+ buhay mo ang magiging kapalit ng buhay niya,+ at ang bayan mo ang magiging kapalit ng bayan niya.’”+ 43  Kaya umuwi ang hari ng Israel sa bahay niya sa Samaria,+ na malungkot at masama ang loob.

Talababa

O “kubol.”
O “kubol.”
O “at napakaraming namatay sa mga Siryano.”
Sa susunod na tagsibol.
Lit., “magbilang.”
Tagsibol.
O “ay mga hari na may tapat na pag-ibig.”
O “at makapipili ka ng mga lansangan.”
O “tipang.”
Ang “mga anak ng mga propeta” ay malamang na tumutukoy sa isang grupo ng mga propeta o sa isang samahan na nagsasanay sa mga propeta.
O “pababagsakin.”
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.

Study Notes

Media