Unang Liham ni Juan 3:1-24

3  Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama+ at tinawag niya tayong mga anak ng Diyos!+ At ganiyan nga tayo. Kaya hindi tayo kilala ng sanlibutan,+ dahil hindi siya kilala nito.+ 2  Mga minamahal, mga anak na tayo ngayon ng Diyos,+ pero hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo.+ Ang alam natin ay kapag inihayag na siya, tayo ay magiging tulad niya, dahil makikita natin kung ano talaga siya. 3  At ang bawat isa na may ganitong pag-asa sa kaniya ay nagdadalisay ng sarili niya,+ kung paanong dalisay ang isang iyon. 4  Ang bawat isa na patuloy na gumagawa ng kasalanan ay patuloy ring lumalabag sa kautusan,* dahil ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. 5  Alam din ninyo na dumating siya para alisin ang mga kasalanan natin,+ at siya ay walang kasalanan. 6  Ang bawat isa na nananatiling kaisa niya ay hindi namimihasa sa kasalanan;+ ang sinumang namimihasa sa kasalanan ay hindi nakakita o nakakilala sa kaniya. 7  Mahal na mga anak, huwag ninyong hayaang iligaw kayo ng sinuman; ang patuloy na gumagawa ng matuwid ay matuwid, kung paanong ang isang iyon ay matuwid. 8  Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay nagmula sa Diyablo, dahil ang Diyablo ay nagkakasala na mula pa sa pasimula.*+ Iyan ang dahilan kung bakit dumating ang Anak ng Diyos, para sirain ang mga gawa ng Diyablo.+ 9  Ang bawat isa sa mga anak ng Diyos ay hindi namimihasa sa kasalanan,+ dahil ang binhi* Niya ay nananatili sa isang iyon, at hindi siya mamimihasa sa kasalanan, dahil siya ay anak ng Diyos.+ 10  Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil dito: Hindi nagmula sa Diyos ang sinumang hindi patuloy na gumagawa ng matuwid at ang hindi umiibig sa kapatid niya.+ 11  Dahil ito ang mensaheng narinig na ninyo mula pa sa pasimula, na dapat nating ibigin ang isa’t isa;+ 12  hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na masama at pumatay sa kapatid niya.+ At bakit niya ito pinatay? Dahil masama ang mga ginagawa niya,+ pero matuwid ang mga ginagawa ng kapatid niya.+ 13  Mga kapatid, huwag kayong magtaka kung napopoot sa inyo ang sanlibutan.+ 14  Para tayong patay noon pero buháy na ngayon,+ dahil iniibig natin ang mga kapatid.+ Ang sinumang hindi umiibig ay nananatiling patay.+ 15  Ang bawat isa na napopoot sa kapatid niya ay mamamatay-tao,+ at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang tatanggap ng buhay na walang hanggan.+ 16  Naunawaan natin kung ano ang pag-ibig dahil ibinigay ng isang iyon ang buhay niya para sa atin,+ at pananagutan nating ibigay ang buhay natin para sa mga kapatid natin.+ 17  Pero kung ang sinuman ay may materyal na mga bagay sa sanlibutang ito at nakikita niyang nangangailangan ang kapatid niya pero hindi siya nagpapakita ng habag dito, paano niya masasabing iniibig niya ang Diyos?+ 18  Mahal na mga anak, umibig tayo, hindi sa salita o sa pamamagitan ng dila,+ kundi sa pamamagitan ng gawa+ at katotohanan.+ 19  Sa ganito natin malalaman na tayo ay mula sa katotohanan, at makukumbinsi natin ang puso natin sa harap niya 20  sa anumang bagay tayo hatulan ng puso natin, dahil ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin at alam niya ang lahat ng bagay.+ 21  Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng puso natin, malaya nating makakausap ang Diyos;+ 22  at anuman ang hilingin natin ay tatanggapin natin mula sa kaniya,+ dahil sinusunod natin ang mga utos niya at ginagawa ang kalugod-lugod sa paningin niya. 23  At ito ang utos niya: manampalataya tayo sa pangalan ng Anak niyang si Jesu-Kristo+ at ibigin natin ang isa’t isa,+ gaya ng iniutos na niya sa atin. 24  Isa pa, ang sumusunod sa mga utos niya ay nananatiling kaisa niya, at siya ay kaisa ng isang iyon.+ At dahil sa espiritu na ibinigay niya sa atin, alam nating siya ay nananatiling kaisa natin.+

Talababa

Sa Griego, ang salitang ginamit ay tumutukoy sa paglapastangan sa mga batas ng Diyos.
O “mula nang magsimula siya.”
Binhing dumarami o namumunga.

Study Notes

Media