Unang Liham ni Juan 4:1-21
4 Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat mensahe na sinasabing galing sa Diyos,*+ kundi tiyakin ninyo kung talagang galing ito sa Diyos,+ dahil maraming huwad na propeta ang lumitaw sa sanlibutan.+
2 Sa ganito ninyo malalaman kung ang mensahe ay galing sa Diyos: Bawat mensahe na nagsasabing si Jesu-Kristo ay dumating bilang tao* ay mula sa Diyos.+
3 Pero ang bawat mensahe na hindi kumikilala kay Jesus ay hindi mula sa Diyos.+ At ito ang mensahe ng antikristo na narinig ninyong darating,+ at ngayon ay nasa sanlibutan na ito.+
4 Kayo ay nagmula sa Diyos, mahal na mga anak, at nadaig ninyo sila,+ dahil ang kaisa ninyo+ ay mas dakila kaysa sa kaniya na kaisa ng sanlibutan.+
5 Sila ay nagmula sa sanlibutan;+ kaya ang sinasabi nila ay galing sa sanlibutan at ang sanlibutan ay nakikinig sa kanila.+
6 Tayo ay nagmula sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin;+ ang sinumang hindi nagmula sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin.+ Sa ganitong paraan natin malalaman kung ang mensahe na sinasabing galing sa Diyos ay totoo o isang kasinungalingan.+
7 Mga minamahal, patuloy nating ibigin ang isa’t isa,+ dahil ang pag-ibig ay mula sa Diyos, at ang bawat isa na umiibig ay anak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.+
8 Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos, dahil ang Diyos ay pag-ibig.+
9 Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos may kaugnayan sa atin: Isinugo ng Diyos sa sangkatauhan* ang kaniyang kaisa-isang Anak*+ para magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya.+
10 Ang pag-ibig na ito ay ganito: Isinugo ng Diyos ang Anak niya bilang pampalubag-loob na handog*+ para sa mga kasalanan natin,+ at ginawa niya ito hindi dahil sa mahal natin siya, kundi dahil mahal niya tayo.
11 Mga minamahal, dahil ganiyan ang pag-ibig ng Diyos sa atin, pananagutan din nating ibigin ang isa’t isa.+
12 Walang sinuman ang nakakita sa Diyos kahit kailan.+ Kung patuloy nating iibigin ang isa’t isa, ang Diyos ay mananatiling kasama natin at ang pag-ibig niya ay lubos na makikita sa atin.+
13 Sa ganito natin nalalaman na nananatili tayong kaisa niya at nananatili siyang kaisa natin, dahil binigyan niya tayo ng espiritu niya.
14 At nakita natin mismo at nagpapatotoo tayo na isinugo ng Ama ang Anak niya bilang tagapagligtas ng sangkatauhan.*+
15 Ang sinumang kumikilala na si Jesus ay Anak ng Diyos,+ ang Diyos ay nananatiling kaisa ng taong iyon at siya ay nananatiling kaisa ng Diyos.+
16 At nalaman natin na mahal tayo ng Diyos at naniniwala tayo rito.+
Ang Diyos ay pag-ibig,+ at siya na nananatili sa pag-ibig ay nananatiling kaisa ng Diyos at ang Diyos ay nananatiling kaisa niya.+
17 Sa ganitong paraan nagiging ganap ang pag-ibig natin, para magkaroon tayo ng kalayaan sa pagsasalita*+ sa araw ng paghuhukom, dahil sa sanlibutang ito, tayo ay gaya ng isang iyon.
18 Walang takot sa pag-ibig,+ kundi inaalis ng ganap na pag-ibig ang takot, dahil ang takot ay pumipigil sa atin. Kaya ang natatakot ay wala pang ganap na pag-ibig.+
19 Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.+
20 Kung may magsasabi, “Iniibig ko ang Diyos,” pero napopoot siya sa kapatid niya, sinungaling siya.+ Dahil ang hindi umiibig sa kapatid niya,+ na nakikita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.+
21 At binigyan niya tayo ng ganitong utos: Ang umiibig sa Diyos ay dapat na umiibig din sa kapatid niya.+
Talababa
^ Lit., “ang bawat espiritu.”
^ Lit., “laman.”
^ O “ang kaisa-isang Anak na ang Diyos mismo ang gumawa.”
^ O “sanlibutan.”
^ O “bilang handog na pambayad-sala.”
^ O “sanlibutan.”
^ O “ng kumpiyansa.”