Unang Samuel 1:1-28
1 May isang lalaking taga-Ramataim-zopim*+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim.+ Siya ay isang Efraimita na nagngangalang Elkana,+ na anak ni Jeroham, na anak ni Elihu, na anak ni Tohu, na anak ni Zup.
2 May dalawa siyang asawa; ang pangalan ng isa ay Hana, at ang isa naman ay Penina. Si Penina ay nagkaroon ng mga anak, pero si Hana ay walang anak.
3 Ang lalaking iyon ay umaalis taon-taon sa kaniyang lunsod para sumamba* at maghandog kay Jehova ng mga hukbo sa Shilo.+ Doon naglilingkod bilang mga saserdote ni Jehova+ ang dalawang anak ni Eli, sina Hopni at Pinehas.+
4 Isang araw, nang maghandog si Elkana, nagbigay siya ng mga bahagi ng handog kay Penina at sa lahat ng anak nitong lalaki at babae,+
5 pero kay Hana ay nagbigay siya ng espesyal na bahagi, dahil si Hana ang mahal niya. Pero hindi binigyan ni Jehova si Hana ng mga anak.*
6 Bukod diyan, lagi siyang iniinsulto ng karibal niyang si Penina para pasamain ang loob niya dahil hindi siya binigyan ni Jehova ng mga anak.
7 Ganiyan ang ginagawa ni Penina taon-taon; tuwing pumupunta si Hana sa bahay ni Jehova,+ tinutuya siya nang husto ng karibal niya, kaya umiiyak siya at hindi kumakain.
8 Pero sinabi sa kaniya ng asawa niyang si Elkana: “Hana, bakit ka umiiyak, at bakit hindi ka kumakain, at bakit napakalungkot mo? Hindi ba mas mabuti ako kaysa sa 10 anak?”
9 Pagkatapos nilang kumain at uminom sa Shilo, tumayo si Hana. Nakaupo noon ang saserdoteng si Eli sa upuan sa may pasukan ng templo*+ ni Jehova.
10 Napakabigat ng kalooban ni Hana, at nagsimula siyang manalangin kay Jehova+ at umiyak nang labis-labis.
11 At nanata siya: “O Jehova ng mga hukbo, kung bibigyang-pansin mo ang pagdurusa ng iyong lingkod at aalalahanin mo ako, at hindi mo kalilimutan ang iyong lingkod at bibigyan mo ang iyong lingkod ng anak na lalaki,+ ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng araw ng kaniyang buhay, at hindi siya puputulan ng buhok sa ulo.”+
12 Habang nananalangin siya nang matagal sa harap ni Jehova, pinagmamasdan ni Eli ang bibig niya.
13 Nananalangin si Hana nang tahimik* kaya hindi naririnig ang boses niya, pero nanginginig ang mga labi niya. Kaya inakala ni Eli na lasing siya.
14 Sinabi ni Eli sa kaniya: “Hanggang kailan ka magiging lasing? Tigilan mo na ang pag-inom.”
15 Sumagot si Hana: “Hindi, panginoon ko! Hindi po ako uminom ng alak o anumang nakalalasing na inumin. Naghihirap ang kalooban ko, at ibinubuhos ko kay Jehova ang laman ng puso ko.+
16 Huwag ninyong isipin na walang-kuwentang babae ang inyong lingkod; labis akong napipighati at nababahala kaya nananalangin ako hanggang ngayon.”
17 At sinabi ni Eli: “Umuwi kang payapa, at ibigay nawa ng Diyos ng Israel ang hiniling mo sa kaniya.”+
18 Kaya sinabi ni Hana: “Patuloy nawa kayong magpakita ng kabaitan sa inyong lingkod.” At ang babae ay umalis na at kumain, at nawala na ang lungkot sa mukha niya.
19 Kinabukasan, maaga silang bumangon at yumukod sa harap ni Jehova. Pagkatapos, bumalik sila sa bahay nila sa Rama.+ Nakipagtalik si Elkana sa asawa niyang si Hana, at binigyang-pansin* ni Jehova si Hana.+
20 Pagkalipas ng mga isang taon,* nagdalang-tao si Hana at nagsilang ng isang anak na lalaki at pinangalanan+ itong Samuel,* dahil gaya ng sinabi niya, “kay Jehova ko siya hiniling.”
21 Sa kalaunan, naglakbay si Elkana kasama ang buong sambahayan niya para ibigay kay Jehova ang taunang handog+ at iharap ang kaniyang panatang handog.
22 Pero si Hana ay hindi sumama.+ Sinabi niya sa kaniyang asawa: “Kapag naawat na sa pagsuso ang bata, dadalhin ko siya sa harap ni Jehova, at doon na siya maninirahan habambuhay.”+
23 Sinabi sa kaniya ng asawa niyang si Elkana: “Gawin mo kung ano sa tingin mo ang mabuti. Manatili ka sa bahay hanggang sa maawat mo siya sa pagsuso. Tiyakin nawa ni Jehova na mangyayari ang sinabi mo.” Kaya nanatili ang babae sa bahay at pinasuso ang kaniyang anak hanggang sa maawat ito.
24 Nang maawat na niya sa pagsuso ang bata, dinala niya ito sa bahay ni Jehova sa Shilo.+ May dala rin siyang isang toro* na tatlong taóng gulang, isang epa* ng harina, at isang malaking banga ng alak.+
25 Pagkatapos ay kinatay nila ang toro at dinala ang bata kay Eli.
26 Sa gayon ay sinabi ni Hana: “Panginoon ko! Tinitiyak ko sa inyo,* ako ang babaeng nakatayong kasama ninyo rito at nananalangin kay Jehova.+
27 Ang batang ito ang hiniling ko sa panalangin, at ibinigay ni Jehova ang hiningi ko sa kaniya.+
28 Ibinibigay* ko siya ngayon kay Jehova. Kay Jehova na siya habambuhay.”
At yumukod siya* roon kay Jehova.
Talababa
^ O “taga-Rama, isang Zupita.”
^ O “yumukod.”
^ Lit., “Pero isinara ni Jehova ang sinapupunan nito.”
^ Tabernakulo.
^ Lit., “sa kaniyang puso.”
^ Lit., “inalaala.”
^ O posibleng “Nang takdang panahon.”
^ Ibig sabihin, “Pangalan ng Diyos.”
^ O “lalaking baka.”
^ O “Kung paanong buháy kayo.”
^ Lit., “Ipinahihiram.”
^ Lumilitaw na si Elkana.