Unang Samuel 14:1-52

14  Isang araw, sinabi ng anak ni Saul na si Jonatan+ sa tagapagdala niya ng sandata: “Halika, tumawid tayo papunta sa himpilan ng mga Filisteo sa kabilang ibayo.” Pero hindi niya iyon sinabi sa ama niya. 2  Si Saul ay nasa hangganan ng Gibeah+ sa ilalim ng puno ng granada* na nasa Migron, at may kasama siyang mga 600 lalaki.+ 3  (At si Ahias na anak ni Ahitub,+ na kapatid ni Icabod,+ na anak ni Pinehas,+ na anak ni Eli,+ na saserdote ni Jehova sa Shilo,+ ang may suot ng epod.*)+ Hindi alam ng bayan na umalis si Jonatan. 4  Sa pagitan ng mga daanang tinatawid ni Jonatan para marating ang himpilan ng mga Filisteo, may isang malaking bato na tulad-ngipin sa isang panig at isang malaking bato na tulad-ngipin sa kabilang panig; ang pangalan ng isa ay Bozez, at ang isa naman ay Sene. 5  Ang isang malaking bato ay parang haligi sa hilaga sa tapat ng Micmash, at ang isa pa ay nasa timog sa tapat ng Geba.+ 6  Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng sandata: “Halika, tumawid tayo papunta sa himpilan ng mga di-tuling lalaking ito.+ Baka tulungan tayo ni Jehova, dahil makapagliligtas si Jehova marami man o kaunti ang gamitin niya.”+ 7  Sinabi sa kaniya ng tagapagdala niya ng sandata: “Gawin mo kung ano ang nasa puso mo. Magpunta ka kung saan mo gusto, at sasama ako sa iyo saanman iyon.” 8  At sinabi ni Jonatan: “Tatawid tayo papunta sa mga lalaking iyon at magpapakita sa kanila. 9  Kapag sinabi nila sa atin, ‘Diyan lang kayo at pupunta kami riyan!’ mananatili tayo sa kinaroroonan natin at hindi tayo pupunta sa kanila. 10  Pero kapag sinabi nila, ‘Pumunta kayo rito at labanan ninyo kami!’ pupunta tayo sa kanila, dahil ibibigay sila ni Jehova sa kamay natin. Ito ang magiging tanda para sa atin.”+ 11  Pagkatapos, nagpakita sila sa mga Filisteo na nasa himpilan. Sinabi ng mga Filisteo: “Tingnan ninyo! Lumalabas ang mga Hebreo sa mga lunggang pinagtataguan nila.”+ 12  Kaya sinabi ng mga nasa himpilan kay Jonatan at sa tagapagdala niya ng sandata: “Magpunta kayo rito, at tuturuan namin kayo ng leksiyon!”+ Agad na sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng sandata: “Sumunod ka sa akin, dahil ibibigay sila ni Jehova sa kamay ng Israel.”+ 13  At umakyat si Jonatan sa bangin gamit ang kaniyang mga kamay at paa, at kasunod niya ang tagapagdala niya ng sandata; pinababagsak ni Jonatan ang mga Filisteo, at sa likuran niya, pinapatay ng tagapagdala niya ng sandata ang mga ito. 14  Sa unang paglusob ni Jonatan at ng tagapagdala niya ng sandata, nakapagpabagsak sila ng mga 20 lalaki sa mga kalahating tudling ng isang akre ng bukid.* 15  Pagkatapos, nabalot ng takot ang kampo sa parang at ang lahat ng sundalo sa himpilan, at nasindak pati ang mga grupong sumasalakay.+ Yumanig ang lupa, at natakot sila dahil sa ginawa ng Diyos. 16  Nakita ng mga bantay ni Saul sa Gibeah+ ng Benjamin na nagsimulang magkagulo ang buong kampo.+ 17  Sinabi ni Saul sa mga kasama niya: “Magbilang kayo, pakisuyo, para malaman natin kung sino ang wala rito.” Nang magbilang sila, nalaman nilang wala roon si Jonatan at ang tagapagdala nito ng sandata. 18  Sinabi ngayon ni Saul kay Ahias:+ “Ilapit mo ang Kaban ng tunay na Diyos!” (Ang Kaban ng tunay na Diyos ay nasa mga Israelita nang panahong iyon.*) 19  At habang kinakausap ni Saul ang saserdote, lalong nagkakagulo ang kampo ng mga Filisteo. Pagkatapos, sinabi ni Saul sa saserdote: “Itigil mo ang ginagawa mo.”* 20  Kaya si Saul at ang lahat ng kasama niya ay nagtipon-tipon at lumusob sa labanan. Dinatnan nilang nagpapatayan ang mga Filisteo, at napakagulo. 21  At ang mga Hebreo na dating kumampi sa mga Filisteo at sumama sa kampo ng mga ito ay pumanig sa Israel na pinangungunahan nina Saul at Jonatan. 22  Nabalitaan ng lahat ng Israelitang nagtago+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim na ang mga Filisteo ay tumakas, at sumama rin sila sa pagtugis sa mga ito. 23  Kaya iniligtas ni Jehova ang Israel nang araw na iyon,+ at ang labanan ay umabot sa Bet-aven.+ 24  Pero nang araw na iyon, nanghihina ang mga lalaki ng Israel dahil inilagay ni Saul ang bayan sa ilalim ng ganitong sumpa: “Sumpain ang taong kakain ng anuman* bago gumabi at hanggang sa mapaghigantihan ko ang mga kaaway ko!” Kaya walang sinuman sa kanila ang kumakain ng anuman.+ 25  At ang lahat ng sundalo* ay pumunta sa gubat, at doon ay may pulot-pukyutan sa lupa. 26  Pagdating nila sa gubat, nakita nilang may tumutulong pulot-pukyutan, pero walang sinuman ang kumain nito, dahil natatakot sila sa sumpa. 27  Pero hindi narinig ni Jonatan ang kaniyang ama nang ilagay nito ang bayan sa ilalim ng sumpa,+ kaya isinawsaw niya ang dulo ng tungkod niya sa bahay-pukyutan. Nang kumain siya, lumiwanag ang mga mata niya. 28  Dahil dito, sinabi ng isa sa mga sundalo: “Inilagay ng iyong ama ang bayan sa ilalim ng isang mahigpit na sumpa nang sabihin niya, ‘Sumpain ang taong kakain sa araw na ito!’+ Kaya hinang-hina ang bayan.” 29  Pero sinabi ni Jonatan: “Pinahirapan ng ama ko ang bayan. Tingnan ninyo at lumiwanag ang mga mata ko dahil tumikim ako ng kaunting pulot-pukyutan. 30  Paano pa kaya kung kumain ngayon ang bayan+ mula sa samsam na nakuha nila sa mga kaaway nila? Mas marami sanang Filisteo ang napatay.” 31  Nang araw na iyon, patuloy nilang pinabagsak ang mga Filisteo mula sa Micmash hanggang sa Aijalon,+ at pagod na pagod ang bayan. 32  Kaya nag-unahan ang bayan sa samsam, at kinuha nila ang mga tupa, baka, at mga guya* at kinatay ang mga iyon sa lupa, at kinain nila ang karne na kasama ang dugo.+ 33  At iniulat nila iyon kay Saul: “Ang bayan ay nagkakasala laban kay Jehova dahil kumain sila ng karne na kasama ang dugo.”+ Kaya sinabi niya: “Hindi kayo naging tapat. Magpagulong kayo agad dito ng isang malaking bato.” 34  Pagkatapos, sinabi ni Saul: “Pumunta kayo sa mga tao at sabihin sa kanila, ‘Dalhin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang toro at ang kaniyang tupa, at katayin ninyo iyon dito at kainin. Huwag ninyong kainin ang karne na kasama ang dugo para hindi kayo magkasala kay Jehova.’”+ Kaya dinala ng bawat isa sa kanila ang kani-kaniyang toro nang gabing iyon at kinatay ito roon. 35  At gumawa si Saul ng isang altar para kay Jehova.+ Ito ang unang altar na ginawa niya para kay Jehova. 36  Nang maglaon, sinabi ni Saul: “Habulin natin ang mga Filisteo sa gabi at kunin natin ang mga pag-aari nila hanggang sa magliwanag. Wala tayong ititirang buháy sa kanila.” Sumagot sila: “Gawin mo kung ano ang mabuti sa paningin mo.” Sinabi ng saserdote: “Sumangguni tayo rito sa tunay na Diyos.”+ 37  At sumangguni si Saul sa Diyos: “Hahabulin ko ba ang mga Filisteo?+ Ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel?” Pero hindi siya sinagot ng Diyos nang araw na iyon. 38  Kaya sinabi ni Saul: “Lumapit kayo rito, kayong lahat na mga pinuno ng hukbo, at alamin ninyo kung anong kasalanan ang nagawa sa araw na ito. 39  Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, na nagligtas sa Israel—kahit ang anak ko pang si Jonatan ang gumawa nito, mamamatay siya.” Pero walang sinuman ang sumagot sa kaniya. 40  At sinabi niya sa buong Israel: “Pumunta kayo sa isang panig, at kami naman ng anak kong si Jonatan sa kabilang panig.” Kaya sinabi ng bayan kay Saul: “Gawin mo kung ano ang mabuti sa paningin mo.” 41  Pagkatapos, sinabi ni Saul kay Jehova: “O Diyos ng Israel, sumagot ka sa pamamagitan ng Tumim!”+ At napili sina Jonatan at Saul, at ang bayan ay napawalang-sala. 42  Sinabi ngayon ni Saul: “Magpalabunutan+ kayo para malaman kung sino sa amin ng anak kong si Jonatan ang nagkasala.” At si Jonatan ang napili. 43  Pagkatapos, sinabi ni Saul kay Jonatan: “Sabihin mo sa akin, ano ang ginawa mo?” Kaya sinabi ni Jonatan sa kaniya: “Tumikim lang ako ng kaunting pulot-pukyutan sa dulo ng tungkod na hawak ko.+ Pero sige, handa akong mamatay!” 44  Kaya sinabi ni Saul: “Bigyan nawa ako ng Diyos ng mabigat na parusa kung hindi ka mamatay, Jonatan.”+ 45  Pero sinabi ng bayan kay Saul: “Dapat bang mamatay si Jonatan—ang nagbigay ng malaking tagumpay* na ito+ sa Israel? Hindi! Isinusumpa namin, kung paanong buháy si Jehova, walang isa mang buhok sa ulo niya ang mahuhulog sa lupa, dahil tinulungan siya ng Diyos sa araw na ito.”+ Kaya iniligtas* ng bayan si Jonatan, at hindi siya namatay. 46  Pagkatapos, tumigil na si Saul sa paghabol sa mga Filisteo, at ang mga Filisteo ay bumalik sa sarili nilang teritoryo. 47  Pinatatag ni Saul ang paghahari niya sa Israel at nakipagdigma siya sa lahat ng kaaway niya sa bawat panig, laban sa mga Moabita,+ Ammonita,+ Edomita,+ mga hari ng Zoba,+ at mga Filisteo;+ at saanman siya pumunta ay natatalo niya sila. 48  At buong tapang siyang nakipaglaban, at tinalo niya ang mga Amalekita+ at iniligtas ang Israel mula sa kamay ng mga kaaway nila. 49  Ang mga anak na lalaki ni Saul ay sina Jonatan, Isvi, at Malki-sua.+ At may dalawa siyang anak na babae; ang pangalan ng mas matanda ay Merab,+ at ang pangalan ng nakababata ay Mical.+ 50  Ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam na anak ni Ahimaas. Ang pinuno ng hukbo niya ay ang tiyo niyang si Abner+ na anak ni Ner. 51  Si Kis+ ang ama ni Saul, at si Ner+ na ama ni Abner ay anak ni Abiel. 52  Matindi ang labanan sa pagitan ni Saul at ng mga Filisteo sa buong panahon ng paghahari niya.+ Kapag nakakakita si Saul ng malakas o matapang na lalaki, kinukuha niya ito para sa hukbo niya.+

Talababa

Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari.
Ang “isang akre ng bukid” na tinutukoy rito ay sukat ng lupa na naaararo ng isang pares ng toro sa isang araw.
Lit., “nang araw na iyon.”
Lit., “Iurong mo ang kamay mo.”
Lit., “tinapay.”
Lit., “ang buong lupain.”
O “batang baka.”
O “kaligtasan.”
Lit., “tinubos.”

Study Notes

Media