Unang Samuel 20:1-42

20  At si David ay tumakas mula sa Naiot sa Rama. Pero nagpunta siya kay Jonatan at nagsabi: “Ano ba ang ginawa ko?+ Anong krimen ang nagawa ko? Ano ba ang kasalanan ko sa iyong ama at gusto niya akong patayin?” 2  Sinabi sa kaniya ni Jonatan: “Malayong mangyari iyan!+ Hindi ka mamamatay. Hindi gagawa ang ama ko ng anumang bagay, malaki man o maliit, nang hindi muna sinasabi sa akin. Bakit naman ito ililihim sa akin ng ama ko? Hindi mangyayari iyan.” 3  Pero sinabi pa ni David: “Siguradong alam ng iyong ama na magkaibigan tayo+ at sasabihin niya, ‘Hindi ito dapat malaman ni Jonatan dahil masasaktan siya.’ Pero tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ka, nasa bingit ako ng kamatayan!”+ 4  At sinabi ni Jonatan kay David: “Anuman ang sabihin mo ay gagawin ko para sa iyo.” 5  Sinabi ni David kay Jonatan: “Bukas ay bagong buwan,+ at inaasahang uupo ako kasama ng hari sa pagkain; hayaan mo akong umalis, at magtatago ako sa parang hanggang sa gabi ng ikatlong araw. 6  Kung sakaling hanapin ako ng iyong ama, sabihin mo, ‘Nakiusap sa akin si David na payagan ko siyang magpunta agad sa lunsod niya, ang Betlehem,+ dahil may taunang handog doon para sa buong pamilya.’+ 7  Kapag sinabi niyang ‘Walang problema,’ ibig sabihin ay ligtas ang iyong lingkod. Pero kapag nagalit siya, tiyak na gusto niya akong saktan. 8  Magpakita ka ng tapat na pag-ibig sa iyong lingkod,+ dahil nakipagtipan ka sa iyong lingkod sa harap ni Jehova.+ Pero kung may kasalanan ako,+ ikaw na ang pumatay sa akin. Bakit mo pa ako dadalhin sa iyong ama?” 9  Sinabi ni Jonatan: “Huwag kang mag-isip ng ganiyan! Kapag nalaman kong gusto ka talagang saktan ng ama ko, sasabihin ko iyon sa iyo.”+ 10  Pagkatapos ay sinabi ni David kay Jonatan: “Sino ang magsasabi sa akin kung galit ang iyong ama sa akin?” 11  Sinabi ni Jonatan kay David: “Halika, pumunta tayo sa parang.” Kaya pumunta sila sa parang. 12  At sinabi ni Jonatan kay David: “Si Jehova na Diyos ng Israel ang saksi na sa mga ganitong oras bukas o sa makalawa, pakikiramdaman ko ang aking ama. Kung nalulugod siya sa iyo,* magpapadala ako sa iyo ng mensahe para malaman mo. 13  Pero kung balak ng aking ama na saktan ka, bigyan nawa ako* ni Jehova ng mabigat na parusa kung hindi ko iyon sasabihin sa iyo at kung hindi kita hahayaang makaalis nang ligtas. Sumaiyo nawa si Jehova,+ kung paanong siya ay sumaaking ama.+ 14  At hindi ba’t magpapakita ka sa akin ng tapat na pag-ibig na gaya ng kay Jehova habang nabubuhay ako at kahit na mamatay ako?+ 15  Huwag sanang mawala ang tapat na pag-ibig mo sa aking sambahayan,+ kahit mapuksa na ni Jehova ang lahat ng kaaway mo* sa ibabaw ng lupa.” 16  Kaya si Jonatan ay nakipagtipan sa sambahayan ni David, na sinasabi, “Pananagutin ni Jehova ang mga kaaway ni David.” 17  Kaya ipinaulit ni Jonatan kay David ang pangako ng pagmamahal nito sa kaniya, dahil mahal niya ito gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sarili.+ 18  Pagkatapos ay sinabi sa kaniya ni Jonatan: “Bukas ay bagong buwan,+ at hahanapin ka dahil mababakante ang upuan mo. 19  Sa makalawa, lalo kang hahanapin. Pumunta ka sa lugar na ito na pinagtaguan mo dati* at huwag kang lalayo sa batong nandito. 20  Pagkatapos, papana ako ng tatlong palaso sa isang panig nito, na para bang may pinatatamaan ako. 21  Sasabihin ko sa tagapaglingkod, ‘Hanapin mo ang mga palaso.’ Kapag sinabi ko sa tagapaglingkod, ‘Nandiyan lang malapit sa iyo ang mga palaso, kunin mo,’ puwede ka nang bumalik, dahil tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova, ligtas ka at walang panganib. 22  Pero kung sasabihin ko sa lalaki, ‘Nasa banda roon pa ang palaso,’ umalis ka na, dahil pinalalayo ka ni Jehova. 23  Tungkol sa pangako natin sa isa’t isa,+ si Jehova nawa ang maging saksi sa pagitan natin magpakailanman.”+ 24  Kaya nagtago si David sa parang. Pagsapit ng bagong buwan, umupo ang hari sa kainan para kumain.+ 25  Nakaupo ang hari sa lagi niyang inuupuan sa tabi ng dingding. Katapat niya si Jonatan, at si Abner+ ay nakaupo sa tabi ni Saul, pero bakante ang upuan ni David. 26  Walang anumang sinabi si Saul nang araw na iyon, dahil naiisip niya: ‘Malamang na may nangyari kaya hindi siya malinis.+ Siguradong marumi siya.’ 27  Kinabukasan, pagkaraan ng bagong buwan, sa ikalawang araw, bakante pa rin ang upuan ni David. Kaya sinabi ni Saul sa anak niyang si Jonatan: “Bakit hindi pumunta rito sa kainan ang anak ni Jesse+ kahapon at ngayon?” 28  Sumagot si Jonatan kay Saul: “Nakiusap sa akin si David na payagan ko siyang pumunta sa Betlehem.+ 29  Sinabi niya, ‘Pakisuyo, payagan mo akong umalis, dahil maghahandog ang pamilya namin sa lunsod, at pinapupunta ako ng kapatid ko. Kaya kung kinalulugdan mo ako, pakisuyo, hayaan mo na akong makaalis para makita ang mga kapatid ko.’ Iyan ang dahilan kaya wala siya sa mesa ng hari.” 30  At nag-init ang galit ni Saul kay Jonatan, at sinabi niya rito: “Ikaw na anak ng isang mapagrebeldeng babae, sa tingin mo ba hindi ko alam na kumakampi ka sa anak ni Jesse, kahit na magbigay iyan ng kahihiyan sa iyo at sa iyong ina? 31  Hangga’t nabubuhay ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw at ang iyong paghahari ay hindi magiging matatag.+ Kaya ipag-utos mo na dalhin siya sa akin, dahil dapat siyang mamatay.”*+ 32  Pero sinabi ni Jonatan sa ama niyang si Saul: “Bakit siya papatayin?+ Ano ba ang nagawa niya?” 33  Dahil dito, sinibat siya ni Saul,+ kaya nakita ni Jonatan na gusto talagang patayin ng kaniyang ama si David.+ 34  Agad na tumayo si Jonatan mula sa mesa na nag-iinit sa galit, at hindi siya kumain ng anuman nang ikalawang araw pagkaraan ng bagong buwan, dahil nasaktan siya para kay David+ at hiniya siya ng sarili niyang ama. 35  Kinaumagahan, nagpunta si Jonatan sa parang, gaya ng usapan nila ni David, at kasama niya ang isang kabataang tagapaglingkod.+ 36  At sinabi niya sa tagapaglingkod niya: “Pakisuyo, tumakbo ka at hanapin mo ang mga palaso na ipapana ko.” Ang tagapaglingkod ay tumakbo, at ipinana ni Jonatan ang palaso nang lampas sa tagapaglingkod. 37  Nang makarating ang tagapaglingkod sa kinaroroonan ng palaso na ipinana ni Jonatan, isinigaw ni Jonatan sa tagapaglingkod: “Hindi ba nasa banda roon pa ang palaso?” 38  Sumigaw si Jonatan sa tagapaglingkod: “Dali! Kunin mo agad ang palaso! Bilisan mo!” At pinulot ng tagapaglingkod ni Jonatan ang mga palaso at bumalik siya sa panginoon niya. 39  Hindi naiintindihan ng tagapaglingkod ang nangyayari; si Jonatan lang at si David ang nakaaalam kung ano ang ibig sabihin nito. 40  Pagkatapos, ibinigay ni Jonatan ang mga sandata niya sa kaniyang tagapaglingkod at sinabi niya rito: “Dalhin mo ang mga ito sa lunsod.” 41  Pag-alis ng tagapaglingkod, lumabas si David sa kinaroroonan niya sa malapit, sa bandang timog. Pagkatapos ay isinubsob niya ang kaniyang mukha sa lupa at yumukod siya nang tatlong ulit, at hinalikan nila ang isa’t isa at iniyakan ang isa’t isa, pero mas matindi ang pag-iyak ni David. 42  Sinabi ni Jonatan kay David: “Umalis kang payapa, dahil nangako tayong dalawa+ sa pangalan ni Jehova, na sinasabi, ‘Si Jehova nawa ang maging saksi sa pagitan natin at sa pagitan ng iyong mga anak* at ng aking mga anak* magpakailanman.’”+ Pagkatapos ay umalis si David, at si Jonatan ay bumalik sa lunsod.

Talababa

Lit., “kay David.”
Lit., “si Jonatan.”
Lit., “ni David.”
Lit., “sa araw ng pagtatrabaho.”
Lit., “dahil anak siya ng kamatayan.”
Lit., “iyong binhi.”
Lit., “aking binhi.”

Study Notes

Media