Unang Samuel 7:1-17

7  Kaya dumating ang mga lalaki ng Kiriat-jearim at dinala nila ang Kaban ni Jehova sa bahay ni Abinadab+ sa burol, at inatasan* nila ang anak niyang si Eleazar na bantayan ang Kaban ni Jehova. 2  At lumipas ang mahabang panahon, 20 taon lahat, mula nang araw na dumating ang Kaban sa Kiriat-jearim, at ang buong sambahayan ng Israel ay nagsimulang humanap* kay Jehova.+ 3  At sinabi ni Samuel sa buong sambahayan ng Israel: “Kung buong puso+ kayong nanunumbalik kay Jehova, alisin ninyo sa lupain ninyo ang mga diyos ng mga banyaga+ at ang mga imahen ni Astoret,+ at ibigay ninyo ang inyong buong puso kay Jehova, at siya lang ang paglingkuran ninyo,+ at ililigtas niya kayo mula sa kamay ng mga Filisteo.”+ 4  Kaya inalis ng mga Israelita ang mga Baal at ang mga imahen ni Astoret, at kay Jehova lang sila naglingkod.+ 5  Pagkatapos ay sinabi ni Samuel: “Tipunin ninyo sa Mizpa ang buong Israel,+ at mananalangin ako kay Jehova para sa inyo.”+ 6  Kaya nagtipon sila sa Mizpa, at sumalok sila ng tubig at ibinuhos iyon sa harap ni Jehova at nag-ayuno* nang araw na iyon.+ Sinabi nila roon: “Nagkasala kami kay Jehova.”+ At si Samuel ay nagsimulang maglingkod bilang hukom+ sa mga Israelita sa Mizpa. 7  Nang marinig ng mga Filisteo na ang mga Israelita ay nagtipon sa Mizpa, ang mga panginoon ng mga Filisteo+ ay umalis para makipaglaban sa Israel. Nang marinig ito ng mga Israelita, natakot sila dahil sa mga Filisteo. 8  Kaya sinabi ng mga Israelita kay Samuel: “Huwag kang tumigil sa pagtawag kay Jehova na ating Diyos para tulungan niya tayo+ at iligtas sa kamay ng mga Filisteo.” 9  Pagkatapos, kumuha si Samuel ng isang korderong* pasusuhin at inialay iyon kay Jehova bilang buong handog na sinusunog;+ at tumawag si Samuel kay Jehova para humingi ng tulong alang-alang sa Israel, at sinagot siya ni Jehova.+ 10  Habang iniaalay ni Samuel ang handog na sinusunog, ang mga Filisteo ay lumusob para makipaglaban sa Israel. Si Jehova ay nagpakulog ngayon nang malakas+ laban sa mga Filisteo at nilito Niya sila,+ at natalo sila ng Israel.+ 11  Lumabas ang mga lalaki ng Israel sa Mizpa at hinabol ang mga Filisteo at pinabagsak ang mga ito hanggang sa timog ng Bet-car. 12  Pagkatapos, kumuha si Samuel ng isang bato+ at inilagay ito sa pagitan ng Mizpa at Jesana at pinangalanan itong Ebenezer,* dahil ang sabi niya: “Hanggang ngayon ay tinutulungan tayo ni Jehova.”+ 13  Sa gayon, natalo ang mga Filisteo, at hindi na sila muling pumasok sa teritoryo ng Israel;+ at ang kamay ni Jehova ay nanatiling laban sa mga Filisteo habang nabubuhay si Samuel.+ 14  Gayundin, ang mga lunsod na kinuha ng mga Filisteo mula sa Israel ay naibalik sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat, at nabawi ng Israel ang kanilang teritoryo mula sa mga Filisteo. Nagkaroon din ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amorita.+ 15  Si Samuel ay nanatiling hukom sa Israel habang nabubuhay siya.+ 16  Taon-taon, nagpupunta siya sa Bethel,+ Gilgal,+ at Mizpa,+ at naglingkod siya bilang hukom sa Israel sa lahat ng lugar na ito. 17  Pero bumabalik siya sa Rama,+ dahil naroon ang bahay niya, at doon ay humahatol din siya sa Israel. Nagtayo siya roon ng altar para kay Jehova.+

Talababa

Lit., “pinabanal.”
O “magdalamhati.”
Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”
O “batang tupang.”
Ibig sabihin, “Bato ng Tulong.”

Study Notes

Media