Unang Samuel 8:1-22

8  Nang matanda na si Samuel, inatasan niya ang kaniyang mga anak bilang mga hukom sa Israel. 2  Ang pangalan ng panganay niya ay Joel, at ang ikalawa ay Abias;+ mga hukom sila sa Beer-sheba. 3  Pero ang mga anak niya ay hindi sumunod sa mga yapak niya; nandaraya sila para makinabang+ at tumatanggap ng suhol,+ at binabaluktot nila ang katarungan.+ 4  Nang maglaon, nagtipon ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel at nagpunta kay Samuel sa Rama. 5  Sinabi nila sa kaniya: “Matanda ka na, pero ang mga anak mo ay hindi sumusunod sa mga yapak mo. Mag-atas ka ngayon ng isang hari na hahatol sa amin gaya ng sa lahat ng bansa.”+ 6  Pero hindi nagustuhan* ni Samuel nang sabihin nila: “Bigyan mo kami ng isang hari na hahatol sa amin.” Kaya si Samuel ay nanalangin kay Jehova, 7  at sinabi ni Jehova kay Samuel: “Makinig ka sa lahat ng sinasabi sa iyo ng bayan; dahil hindi ikaw ang itinatakwil nila, kundi ako ang itinatakwil nila bilang kanilang hari.+ 8  Ganiyan na ang ginagawa nila mula pa noong araw na ilabas ko sila mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito; lagi nila akong iniiwan+ at naglilingkod sila sa ibang mga diyos,+ at ganiyan ang ginagawa nila sa iyo. 9  Makinig ka ngayon sa kanila. Pero bigyan mo sila ng matinding babala; sabihin mo sa kanila kung ano ang magiging karapatan ng haring mamamahala sa kanila.” 10  Kaya sinabi ni Samuel sa bayang humihingi sa kaniya ng isang hari ang lahat ng sinabi ni Jehova. 11  Sinabi niya: “Ito ang karapatang gawin ng haring mamamahala sa inyo:+ Kukunin niya ang inyong mga anak na lalaki+ at ilalagay sila sa kaniyang mga karwahe*+ at gagawing mga mangangabayo,+ at ang ilan ay patatakbuhin niya sa unahan ng kaniyang mga karwahe. 12  At mag-aatas siya para sa kaniyang sarili ng mga pinuno ng libo-libo+ at mga pinuno ng lima-limampu,+ at ang ilan ay mag-aararo para sa kaniya,+ gagapas para sa kaniya,+ at gagawa ng kaniyang mga sandata at mga gamit sa karwahe.+ 13  Kukunin niya ang inyong mga anak na babae para gawing tagagawa ng pabango,* tagapagluto, at panadera.+ 14  Kukunin niya ang pinakamagaganda sa inyong mga bukid, ubasan, at taniman ng olibo,+ at ibibigay niya ang mga iyon sa mga lingkod niya. 15  Kukunin niya ang ikasampu ng inani ninyong mga butil at ubas, at ibibigay niya ang mga iyon sa kaniyang mga opisyal sa palasyo at mga lingkod. 16  At kukunin niya ang inyong mga alilang lalaki at babae, ang inyong pinakamagagandang baka, at ang inyong mga asno, at gagamitin niya ang mga iyon sa gawain niya.+ 17  Kukunin niya ang ikasampu ng inyong mga kawan,+ at kayo ay magiging mga lingkod niya. 18  Darating ang araw na daraing kayo dahil sa haring pinili ninyo,+ pero hindi kayo sasagutin ni Jehova sa araw na iyon.” 19  Pero ayaw nilang makinig kay Samuel, at sinabi nila: “Basta! Gusto naming magkaroon ng isang hari. 20  At magiging gaya kami ng lahat ng iba pang bansa, at ang aming hari ang hahatol sa amin at mangunguna sa amin at makikipaglaban sa mga kaaway namin.” 21  Matapos pakinggan ni Samuel ang lahat ng sinabi ng bayan, inulit niya ito kay Jehova. 22  Sinabi ni Jehova kay Samuel: “Makinig ka sa kanila, at mag-atas ka ng haring mamamahala sa kanila.”+ Pagkatapos ay sinabi ni Samuel sa mga lalaki ng Israel: “Umuwi na kayo sa inyo-inyong lunsod.”

Talababa

Lit., “Pero masama sa paningin.”
O “karo.”
O “tagatimpla ng ungguento.”

Study Notes

Media