Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica 2:1-20

2  Siguradong alam ninyo, mga kapatid, na hindi naman nasayang ang pagdalaw namin sa inyo.+ 2  Dahil kahit nagdusa kami sa umpisa at napagmalupitan sa Filipos,+ gaya ng alam ninyo, nag-ipon kami ng lakas ng loob sa tulong ng ating Diyos para masabi namin sa inyo ang mabuting balita ng Diyos+ kahit marami ang humahadlang. 3  Hindi kami nagbibigay ng payo sa inyo dahil sa maling opinyon at masamang motibo, at hindi rin ito mapanlinlang; 4  kundi nagsasalita kami bilang mga pinili ng Diyos na karapat-dapat pagkatiwalaan ng mabuting balita, hindi para maging kalugod-lugod sa mga tao, kundi sa Diyos, na sumusuri sa puso namin.+ 5  Ang totoo, gaya ng alam ninyo, hindi namin kayo labis na pinuri at hindi rin kami naging mapagkunwari sa inyo para makakuha ng pakinabang.+ Saksi ang Diyos! 6  Hindi rin namin hinangad na maparangalan ng tao, kayo man o ng iba, kahit puwede naming sabihin sa inyo na gastusan ninyo kami dahil mga apostol kami ni Kristo.+ 7  Sa halip, naging mapagmahal at mabait kami sa inyo, gaya ng isang ina na buong pagmamahal na nag-aalaga sa mga anak niya. 8  Mahal na mahal namin kayo, kaya gustong-gusto naming ibahagi sa inyo, hindi lang ang mabuting balita ng Diyos, kundi pati ang sarili namin,+ dahil napamahal na kayo sa amin.+ 9  Siguradong natatandaan ninyo, mga kapatid, ang pagtatrabaho namin at pagpapakahirap. Gabi’t araw kaming nagtrabaho para hindi mapabigatan ang sinuman sa inyo+ nang ipangaral namin sa inyo ang mabuting balita ng Diyos. 10  Saksi namin kayo, pati ang Diyos, kung paano kami naging tapat, matuwid, at di-mapipintasan sa pagtulong sa inyo na mga mananampalataya. 11  Alam na alam ninyo na pinapayuhan namin ang bawat isa sa inyo, pinapatibay, at tinuturuan,+ gaya ng ginagawa ng ama+ sa mga anak niya, 12  para patuloy kayong mamuhay nang karapat-dapat sa harap ng Diyos,+ na tumatawag sa inyo sa kaniyang Kaharian+ at kaluwalhatian.+ 13  Kaya naman walang tigil naming pinasasalamatan ang Diyos,+ dahil nang marinig ninyo mula sa amin ang salita ng Diyos, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng tao, kundi gaya ng kung ano talaga ito, bilang salita ng Diyos, na umiimpluwensiya sa inyo na mga mananampalataya. 14  Tinularan ninyo, mga kapatid, ang mga kongregasyon ng Diyos sa Judea na kaisa ni Kristo Jesus, dahil ang mga pinagdusahan ninyo sa kamay ng mga kababayan ninyo+ ay katulad ng mga pinagdurusahan nila sa kamay ng mga Judio, 15  na pumatay pa nga sa Panginoong Jesus+ at sa mga propeta at umusig sa amin.+ Bukod diyan, ang ginagawa nila ay hindi nakalulugod sa Diyos at hindi nakakabuti sa sinuman; 16  pinagsisikapan nilang hadlangan ang pakikipag-usap namin* sa mga tao ng ibang mga bansa, ang gawaing magliligtas sa mga ito.+ Kaya patuloy na nadaragdagan ang mga kasalanan nila. Pero tiyak na matitikman nila* ang poot ng Diyos.+ 17  Mga kapatid, sandali kaming napalayo noon sa inyo (pero lagi kayong nasa puso namin). At pinagsikapan naming makapunta sa inyo dahil gustong-gusto namin kayong makita.* 18  Dahil diyan, gusto naming dumalaw sa inyo. Kaya dalawang beses kong pinagsikapang gawin ito, akong si Pablo, pero hinarangan kami ni Satanas. 19  Dahil sa panahon ng presensiya ng Panginoong Jesus, sino ba ang aming pag-asa o kagalakan o ipagmamalaking korona? Hindi ba kayo?+ 20  Kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.

Talababa

O posibleng “Pero lubusan na nilang natikman.”
O “patuloy nila kaming pinagbabawalang makipag-usap.”
Lit., “gustong-gusto naming makita ang inyong mukha.”

Study Notes

napagmalupitan sa Filipos: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga pangyayaring nakaulat sa Gaw 16:12, 16-24. Kinaladkad sina Pablo at Silas papunta sa pamilihan, hinatulan ng mga mahistrado sibil nang walang imbestigasyon, hinubaran, pinagpapalo, itinapon sa bilangguan, at inilagay sa pangawan. Tama lang na sabihin ni Pablo na “napagmalupitan” sila. Ayon sa isang reperensiya, ang terminong ginamit dito ni Pablo ay puwedeng tumukoy sa “pagmamaltrato na ginawa para sadyang ipahiya sa publiko at insultuhin ang isang tao.” Kaya talagang kahanga-hanga ang ipinakitang lakas ng loob nina Pablo at Silas.

nag-ipon kami ng lakas ng loob: Sa kabila ng pagmamalupit na dinanas nina Pablo at Silas sa Filipos, hindi sila pinanghinaan ng loob. Sa halip, “nag-ipon [sila] ng lakas ng loob” para patuloy na makapangaral. (Gaw 17:2-10) Mapagpakumbabang kinilala ni Pablo na naging matapang sila dahil “sa tulong ng . . . Diyos” at hindi dahil sa sarili nilang pagsisikap. Ganito rin ang sinabi ng salmistang si David kay Jehova: “Pinatatag mo ako at pinalakas.” (Aw 138:3; tingnan din ang Ezr 7:28.) Ilang beses na iniugnay sa ministeryo ni Pablo ang terminong Griego na isinalin ditong “nag-ipon ng lakas ng loob,” at kadalasan nang tumutukoy ito sa ‘pagsasalita nang may katapangan.’—Gaw 13:46; 14:3; 19:8; tingnan ang study note sa Gaw 4:13; 28:31.

kahit marami ang humahadlang: Kararating pa lang nina Pablo at Silas sa Tesalonica, nakaranas na agad sila ng matinding pag-uusig. (Gaw 17:1-14; tingnan ang study note sa 1Te 1:6.) Pero dahil mahal ni Pablo ang ministeryo niya, napagtagumpayan niya ang pagsalansang at patuloy na ipinangaral ang mabuting balita nang may tapang. (Ro 1:14, 15; 2Ti 4:2) Ang ginamit ni Pablo na ekspresyong Griego ay puwede ring isaling “nang may matinding pakikipagpunyagi,” na nagpapahiwatig na nilabanan nina Pablo at Silas ang pag-uusig para patuloy silang makapangaral. Kung minsan, ginagamit ang ekspresyong ito para sa mga atletang sumasali sa Olympics na buong lakas na nilalabanan ang katunggali nila para manalo.

masamang motibo: Lit., “karumihan.” Sa makasagisag na diwa, ang “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa) ay puwedeng tumukoy sa anumang uri ng karumihan—seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba. (Ihambing ang Ro 1:24; 1Co 7:14; 2Co 6:17; Efe 4:19; 1Te 4:7.) Sa kontekstong ito, ang “karumihan” ay puwedeng tumukoy sa masamang motibo.—Tingnan ang study note sa Gal 5:19.

labis na pinuri: Ang labis na papuri ay hindi totoo at hindi taos sa puso, at kadalasan nang ginagamit ito para makakuha ng pabor o materyal na pakinabang. Hinahatulan ito ng Bibliya. (Aw 5:9; 12:2, 3) Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ko·la·kiʹa, na isinalin ditong “labis na pinuri,” ay tumutukoy sa “papuri na lalong nagpapalaki sa ulo ng isa na mataas ang tingin sa sarili.” Isang beses lang lumitaw ang salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinabi ni Pablo na hindi niya “labis na pinuri” ang sinuman sa Tesalonica noong nangangaral siya at “saksi ang Diyos” dito. Kapag iniiwasan ng mga Kristiyano na maghangad ng labis na papuri, tinutularan nila ang napakagandang halimbawa ni Jesu-Kristo. Agad na itinuwid ni Jesus ang isang tagapamahalang Judio nang tawagin siya nitong “Mabuting Guro,” dahil lumilitaw na ginamit niya ito para labis na papurihan si Jesus.—Mar 10:17 at study note, 18; ihambing ang Job 32:21, 22.

mapagkunwari: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na isinaling “mapagkunwari” ay puwedeng mangahulugang “nanlilinlang; may itinatago.” Ayon sa isang diksyunaryo, nangangahulugan ito na “ang ipinapakita ng isa ay iba sa kung ano talaga ang totoo.” Hindi kailanman naging sakim si Pablo at ang mga kasamahan niya; hindi nila kailangang magsinungaling at labis na purihin ang iba dahil wala naman silang itinatagong maling motibo.

hinangad na maparangalan ng tao: Dahil isang mapagpakumbabang ministro si Pablo na nagsisikap tularan si Kristo, malamang na nasa isip niya ang sinabing ito ni Jesus: “Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatian mula sa tao.” (Ju 5:41; 7:18; 1Co 11:1) Hindi naman sinasabi ni Pablo na maling igalang, o bigyang-dangal, ang mga nasa kongregasyon. (Ihambing ang Ro 12:10; 1Ti 5:17.) Hindi lang hinangad ni Pablo na tumanggap ng karangalan, espesyal na atensiyon, labis na paghanga, at papuri mula sa mga tao.

kahit puwede naming sabihin sa inyo na gastusan ninyo kami: Hindi humingi si Pablo ng kahit kaunting materyal na tulong sa mga Kristiyano sa Tesalonica para sana mas makapagpokus siya sa ministeryo niya. Ganiyan din ang ginawa niya noong nasa Corinto siya kahit na may makakasulatang basehan naman siya para humingi ng tulong, gaya ng binanggit niya. (1Co 9:11-15, 18) Ayon sa 1Te 2:9, “gabi’t araw” na nagtrabaho si Pablo sa Tesalonica; posibleng gumawa din siya ng tolda doon gaya ng ginawa niya sa Corinto. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:3.) Bukod sa ayaw niyang maging pabigat sa kanila, gusto niya ring magpakita ng magandang halimbawa sa mga Kristiyano sa Tesalonica.—2Te 3:7-12.

naging mapagmahal at mabait: Lit., “naging banayad.” Mahal na mahal ni Pablo at ng mga kasamahan niya ang mga kapatid sa Tesalonica, at gustong-gusto nilang sumulong ang mga ito sa espirituwal. (1Te 2:8) Pero sa ilang salin, ang mababasa dito ay “naging bata” o “naging sanggol.” Nagkaroon ng ganitong pagkakaiba dahil may mga manuskritong Griego na gumamit ng salitang nangangahulugang “mapagmahal at mabait” (eʹpi·oi), at may iba naman na ang salitang ginamit ay nangangahulugang “sanggol; bata” (neʹpi·oi). Isang letra lang ang kaibahan ng dalawang salitang ito. Ayon sa ilang iskolar, posibleng nagkaroon ng ganitong pagkakaiba sa mga manuskrito dahil di-sinasadyang nadoble ng mga eskriba ang letrang Griego na “n” na galing sa naunang salita. Tinatawag ang pagkakamaling ito na dittography. Pero batay sa konteksto at sa paghahalintulad sa isang ina na ginamit sa talatang ito, mas makatuwiran ang saling “mapagmahal at mabait,” na ginamit sa maraming makabagong salin.

ina: O “nagpapasusong ina.” Mula talata 7 hanggang 11, dalawang ugnayang pampamilya ang ginamit ni Pablo para malinaw na ilarawan kung gaano sila kalapít ng mga Kristiyano sa Tesalonica. (1Te 3:6) Dito, ikinumpara ni Pablo ang sarili niya at ang mga kasamahan niya sa isang “ina,” na mahal na mahal ang mga anak at inuuna ang kapakanan nila kaysa sa kaniya. Pero sa 1Te 2:11, ginamit naman niya ang ugnayan ng isang ama at anak. (Tingnan ang study note.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang terminong isinaling “nagpapasusong ina.” Pero ginamit ito sa salin ng Septuagint sa Isa 49:23, kung saan sinabi ni Jehova na kapag ibinalik na niya ang bayan niya sa kanilang lupain, maglalaan siya sa kanila ng mga prinsesa na “maglilingkod,” o “magpapasuso sa mga anak” (tlb.) nila.

buong pagmamahal na nag-aalaga: O “nag-aaruga.” Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “painitin.” Sa kontekstong ito, posibleng maisip ng mambabasa ang ginagawang pag-aalaga ng isang ina para hindi ginawin ang anak niya at maging komportable ito. Sa Septuagint, ginamit din ang salitang ito sa Deu 22:6 (para sa Hebreo ng “nililimliman”) at sa Job 39:14 (“pinananatiling mainit”) para ilarawan ang ginagawa ng isang inahin sa mga inakáy o itlog niya.

Mahal na mahal: Para mailarawan ni Pablo ang nararamdaman niya para sa mga Kristiyano sa Tesalonica, gumamit siya ng isang pandiwang Griego na ang kahulugan ayon sa isang diksyunaryo ay “pagkadama ng isang matinding emosyon na lalo pang pinatindi ng malapít na ugnayan.” Sa ibang diksyunaryo, nangangahulugan naman itong “pananabik” o “pangungulila.”

gustong-gusto: “Mahal na mahal” ni Pablo at ng mga kamanggagawa niya ang mga taga-Tesalonica na tumanggap ng mabuting balita. Kaya napakilos sila na ibigay ang buong makakaya nila para tulungan ang mga bagong Kristiyanong iyon. Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “gustong-gusto” ay nagpapahiwatig din na determinado (o “handa”) silang gawin ito. Sinabi rin ng isang reperensiya tungkol kay Pablo: “Ang imperfect na anyo ng [Griegong] pandiwa ay nagpapakita ng di-natitinag na determinasyon niya na ibigay ang buong lakas niya para sa mga natulungan niyang makumberte.”

sarili: O “buhay.”—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

hindi mapabigatan: Tingnan ang study note sa 1Te 2:6.

gaya ng ginagawa ng ama sa mga anak niya: Para maipakita ang naging papel ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, ikinumpara niya ang sarili niya sa isang ama na maibiging nagpapayo, nang-aaliw, at nagtuturo sa mga anak niya ng mahahalagang katotohanan. (Ihambing ang Deu 6:6, 7; Aw 78:5, 6.) Sinusuportahan nito ang naunang metapora sa 1Te 2:7, kung saan ginamit ni Pablo ang ugnayan ng isang ina at anak. (Tingnan ang study note.) Idiniriin ng dalawang paglalarawang ito na kahit na mga pastol si Pablo at ang mga kasamahan niya at may bigay-Diyos na awtoridad sila, gusto nilang mahalin at suportahan ng mga miyembro ng kongregasyon ang isa’t isa, na gaya ng isang pamilya.—Ihambing ang 1Ti 5:1, 2.

patuloy kayong mamuhay nang karapat-dapat sa harap ng Diyos: Sa orihinal na teksto, inihalintulad ni Pablo sa paglakad ang paraan ng pamumuhay ng isang Kristiyano. Katulad ito ng ginamit niyang ekspresyon sa Col 1:10.—Tingnan ang study note.

marinig ninyo mula sa amin ang salita ng Diyos: Nakarating sa mga Kristiyano sa Tesalonica ang salita, o mensahe, ng Diyos dahil sa pangangaral nina Pablo at Silas (Gaw 17:1-4), pero alam nila na hindi lang ito mensahe ng tao. Galing ito sa Diyos na Jehova, at nakabase ito sa Hebreong Kasulatan. Pero mula noong panahon ni Jesus, sinaklaw na rin ng terminong “salita ng Diyos” ang mabuting balita ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus. (Efe 1:12, 13; Col 4:3) Nang buoin ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, malamang na ang unang naging bahagi ng Salita ng Diyos sa lahat ng mga isinulat ni Pablo ay ang unang liham niya sa mga taga-Tesalonica. Nang maglaon, sinabi rin ni apostol Pedro na ang mga isinulat ni Pablo ay bahagi ng “buong Kasulatan.”—2Pe 3:15, 16; tingnan sa Glosari, “Kanon (kanon ng Bibliya).”

na umiimpluwensiya sa inyo na mga mananampalataya: Ang isang anyo ng salitang Griego na e·ner·geʹo, na isinalin ditong “umiimpluwensiya,” ay puwede ring isaling “nagpapasigla.” (Tingnan ang study note sa Fil 2:13.) Dahil hindi lang “salita ng tao” ang mensaheng ipinangangaral ni Pablo at ng mga kamanggagawa niya kundi “salita ng Diyos,” napakalaki ng impluwensiya nito sa taimtim na mga mánanampalatayá. (Sa Heb 4:12, isinaling “malakas” ang kaugnay nitong pandiwang Griego.) Sa buong ministeryo ni Pablo, marami siyang nakitang gumawa ng napakalaking pagbabago sa buhay nila dahil sa kapangyarihan ng salita ng Diyos. (1Co 6:9-11; Efe 2:3; Tit 3:3) Si Pablo mismo ay isang matibay na patunay na kayang baguhin ng “salita ng Diyos” ang buhay at ugali ng isang tao.—Gal 1:13, 22, 23; 1Ti 1:12-14.

ang mga pinagdusahan ninyo sa kamay ng mga kababayan ninyo: Tingnan ang study note sa 1Te 1:6.

hindi nakalulugod sa Diyos: Tumutukoy ito sa mga taong humahadlang sa iba na makipagkasundo sa Diyos at magkaroon ng pag-asa na maligtas at mabuhay nang walang hanggan. (1Te 2:16) Gaya ni Pablo noong pinag-uusig niya ang mga Kristiyano, posibleng iniisip ng mga mang-uusig na ito na ang ginagawa nila ay sagradong paglilingkod sa Diyos. (Ju 16:2; Gal 1:13; 1Ti 1:13) Pero ang totoo, hindi talaga nila kilala si Jehova o ang Anak niya.—Ju 16:3.

hindi nakakabuti sa sinuman: Masasabing hindi nakakabuti sa lahat ng tao ang ginagawa ng mga umuusig sa tunay na mga Kristiyano dahil ang pangangaral, na pinasimulan ni Jesus, ay paraan ni Jehova para maipagkasundo sa Kaniya ang makasalanang mga tao.—Tingnan ang study note sa 2Co 5:18, 19.

patuloy na nadaragdagan ang mga kasalanan nila: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga Judio noong unang siglo na “pumatay . . . sa Panginoong Jesus” at malupit na umuusig sa mga tagasunod niya. (1Te 2:15) Sinisikap din nilang hadlangan ang mga Kristiyano na ‘makipag-usap sa mga tao ng ibang mga bansa.’ Ipinapakita ng ekspresyong “nadaragdagan ang mga kasalanan nila” na namimihasa sila sa pagkakasala. Nang sabihin ni Pablo na patuloy nila itong ginagawa, ipinapahiwatig niya na ipinagpapatuloy ng mga Judiong mang-uusig na ito ang ginawa ng mga ninuno nila nang daan-daang taon.—Tingnan ang study note sa Mat 23:32.

ang poot ng Diyos: Lit., “ang poot.” Sa orihinal na anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito, para bang naibuhos na ang poot ng Diyos, na nagpapakitang tiyak na matitikman iyon ng mga Judio. At nangyari nga ito nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem at ang templo nito noong 70 C.E. May ilan ding sinaunang manuskrito na gumamit ng “ang poot ng Diyos.”

sandali: Gumamit dito si Pablo ng isang idyoma na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa literal, puwede itong isaling “isang panahon (isang takdang panahon) sa loob ng isang oras.” Lumilitaw na gustong sabihin ni Pablo na kahit kamakailan lang niya nakasama ang mga kapananampalataya niya sa Tesalonica—posibleng mga ilang buwan pa lang ang nakakalipas—gusto na niya ulit silang makita. Kaya nga sinabi niya na pinagsikapan pa nilang makabalik ulit doon kahit kinailangan nilang umalis agad noong una. Kaya para mapatibay sila, isinugo ni Pablo si Timoteo.—1Te 3:1, 2.

napalayo noon sa inyo: Lit., “naulila dahil sa inyo.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo (a·por·pha·niʹzo) ay kaugnay ng terminong isinaling “mga ulila” (anyong pangmaramihan ng or·pha·nosʹ) sa San 1:27. Pero malawak ang terminong ito at puwede ring tumukoy sa mga magulang na nangungulila sa mga anak. Sa talata 7 at 11 ng kabanatang ito, ikinumpara ni Pablo ang sarili niya at ang mga kasamahan niya sa isang ina at ama. Kaya posibleng ginamit ni Pablo ang terminong ito para ipakita kung gaano katindi ang pananabik niya at ng mga kasamahan niya na makita ang mga kapananampalataya nila sa Tesalonica, gaya ng magulang na nangungulila sa namatay nilang anak. Isa ulit ito sa mga pagkakataon kung saan ginamit ni Pablo ang ugnayang pampamilya para ilarawan ang kaugnayan niya sa mga kapananampalataya niya.—Tingnan ang study note sa 1Te 2:7, 11.

hinarangan kami ni Satanas: Ang ekspresyong Griego na isinaling “hinarangan kami” ay puwede ring isaling “hinarangan ang daan namin” o “pinigilan kami.” Ito rin ang pandiwang Griegong ginamit ni Pablo sa Ro 15:22. Kung minsan, ginagamit ang pandiwang ito para tumukoy sa pagsira sa isang kalsada para hindi ito madaanan o sa pagsugod sa teritoryo ng kaaway na ginagawa ng mga sundalo. Posibleng nasa isip dito ni Pablo ang ilan sa mga isinagawang pakana ng mga mang-uusig sa Tesalonica para hindi siya makabalik doon. Anuman ang nakahadlang kay Pablo, pinatnubayan siya ng espiritu na sabihing galing iyon kay Satanas, dahil siya ang “diyos ng sistemang ito.”—Tingnan ang study note sa Ju 12:31; 2Co 4:4.

presensiya: Ito ang una sa anim na beses na pagbanggit ni Pablo ng presensiya ng Kristo sa dalawang liham niya sa mga taga-Tesalonica. (Tingnan sa Glosari, “Presensiya”; tingnan din ang “Introduksiyon sa 1 Tesalonica.”) Pinananabikan ni Pablo ang panahon ng presensiya ng Panginoong Jesus, at tuwang-tuwa siyang isipin na tatanggap din ng gantimpala ang mahal niyang mga kapananampalataya sa panahong iyon. Mababasa rin sa liham niya na ipinanalangin niyang ‘maging walang kapintasan at banal sila sa harap ng Diyos at Ama sa panahon ng presensiya ng Panginoong Jesus kasama ang lahat ng kaniyang banal.’—1Te 3:13; tingnan ang study note sa 1Co 15:23.

ipagmamalaking korona: Ipinagmamalaki ni Pablo ang mga Kristiyano sa Tesalonica at tinawag silang “korona.” Posibleng nasa isip ni Pablo ang ginagawa noon sa isang embahador, mataas na opisyal, o atleta, na karaniwan nang pinuputungan ng korona o palamuti sa ulo bilang parangal o tanda ng tagumpay niya. Ang salitang Griego na isinaling ‘ipinagmamalaki’ ay puwede ring mangahulugang “nagsasaya.” Tamang-tama ang terminong ito dahil angkop lang na makadama si Pablo ng kasiyahan sa pribilehiyong makatulong sa pagtatatag ng kongregasyon sa Tesalonica.—2Te 1:4; ihambing ang Fil 4:1; ihambing ang study note sa 2Co 10:17.

Media