Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica 3:1-13

3  Kaya nang hindi na kami makatiis, nagpasiya kaming manatili na lang sa Atenas;+ 2  at isinugo namin sa inyo si Timoteo,+ ang ating kapatid at lingkod ng Diyos alang-alang sa mabuting balita tungkol sa Kristo, para patatagin ang pananampalataya ninyo at aliwin kayo, 3  nang sa gayon, walang sinuman sa inyo ang manghina* dahil sa mga paghihirap na ito. Dahil alam ninyong hindi talaga natin maiiwasang pagdusahan ang mga bagay na ito.+ 4  Noong kasama pa namin kayo, sinasabi na namin sa inyo na magdurusa tayo, at gaya ng alam ninyo, iyan nga ang nangyari.+ 5  Kaya nang hindi na ako makatiis, may isinugo ako sa inyo para malaman kung nananatili kayong tapat,+ dahil baka sa anumang paraan ay nadaya na kayo ng Manunukso+ at nasayang na ang mga pagsisikap namin. 6  Pero kararating lang ni Timoteo+ at may dala siyang magandang balita tungkol sa inyong katapatan at pag-ibig; sinabi niya na lagi ninyong naaalaala ang masasayang panahon natin at na gustong-gusto rin ninyo kaming makita gaya ng pananabik naming makita kayo. 7  Kaya naman mga kapatid, kahit nagigipit kami at nagdurusa, napapatibay kami dahil sa inyo at sa katapatang ipinapakita ninyo.+ 8  Dahil lumalakas kami kapag nananatiling matibay ang kaugnayan ninyo sa Panginoon. 9  Paano ba kami makapagpapasalamat sa Diyos dahil talagang napasaya ninyo kami? 10  Gabi’t araw kaming marubdob na nagsusumamo na makita sana namin kayo nang personal* at mailaan ang anumang kailangan* para mapatibay ang inyong pananampalataya.+ 11  Gumawa sana ng paraan ang atin mismong Diyos at Ama at ang ating Panginoong Jesus para makapunta kami sa inyo. 12  Pasaganain din sana kayo ng Panginoon, oo, pasidhiin sana niya ang pag-ibig ninyo sa isa’t isa+ at sa lahat, gaya ng nadarama namin para sa inyo, 13  para mapatatag niya ang puso ninyo at kayo ay maging walang kapintasan at banal sa harap ng ating Diyos+ at Ama sa panahon ng presensiya ng ating Panginoong Jesus+ kasama ang lahat ng kaniyang banal.

Talababa

Lit., “mailihis.”
Lit., “makita sana namin ang mukha ninyo.”
O “kulang.”

Study Notes

kami: Posibleng mag-isa lang si Pablo sa Atenas bago siya pumunta sa Corinto, kung saan sinamahan na siya nina Silas at Timoteo. (Gaw 18:5) Kaya lumilitaw na sa sarili lang niya tumutukoy ang “kami” dito. May posibilidad pa ring kasama niya si Silas o si Timoteo sa Atenas, pero mas malamang na hindi, dahil iniwan niya sila sa Berea.—Gaw 17:13, 14.

lingkod: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa rito ay “kamanggagawa,” na salin para sa salitang Griego (sy·ner·gosʹ) na ginamit din sa 1Co 3:9 (tingnan ang study note), kung saan tinawag ni Pablo ang mga Kristiyano na “mga kamanggagawa ng Diyos.”

hindi talaga natin maiiwasang pagdusahan ang mga bagay na ito: O “itinalaga tayo rito.” Hindi naman ito nangangahulugan na may partikular na mga pagsubok na nakatadhanang danasin ng bawat Kristiyano. Ipinapakita lang nito na alam ni Jehova at ng Anak niya na ang kongregasyong Kristiyano ay pag-uusigin dahil sa pangangaral nila. (Mat 10:17, 21-23; 23:34; Ju 16:33) Pero imbes na makahadlang, kadalasan pa ngang nakakatulong ang pag-uusig sa pangangaral nila. Halimbawa, nang kinailangang tumakas ng mga Kristiyano mula sa Jerusalem, naipangaral nila ang mensahe sa mga lupaing pinuntahan nila.—Gaw 8:1-5; 11:19-21.

tapat: Ang salitang Griego na ginamit dito (piʹstis) ay puwede ring isaling “pananampalataya” (Mat 8:10; Ro 1:17; 1Te 3:2, 10), “katapatan” (Mat 23:23), at “mapagkakatiwalaan” (Tit 2:10). Sa kontekstong ito (1Te 3:5-7), ipinapahiwatig ng salitang piʹstis na ang mga Kristiyano sa Tesalonica ay nanindigan at nanatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok. Idiniriin nito ang pananatili nilang tapat sa Diyos kahit dumanas sila ng mga pag-uusig. Dahil sa katapatan nila, napatibay sina Pablo, Silvano, at Timoteo, na “nagigipit . . . at nagdurusa” noon.—1Te 3:7.

Manunukso: Ang katawagang ito kay Satanas na Diyablo, na dalawang beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay isang anyo ng pandiwang Griego na nangangahulugang “tuksuhin; subukin.” (Mat 4:3) Ginamit din ang iba pang anyo ng pandiwang ito para ilarawan ang mga ginagawa ni Satanas; ang ilang halimbawa ay nasa 1Co 7:5 at Apo 2:10.

nagigipit: O “nangangailangan.” Ang terminong ginamit dito ay isinalin ding “panahon ng pangangailangan.” (2Co 12:10) Kaya posibleng ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga sitwasyon kung kailan nagkukulang siya at ang mga kasamahan niya ng pangunahing mga pangangailangan.

lumalakas: Lit., “nabubuhay.” Ang salitang Griego para sa “mabuhay” ay ginamit dito sa makasagisag na paraan at tumutukoy sa pagkadama ng kagalakan at kaginhawahan at pagiging malaya sa kabalisahan.

nagsusumamo: Tingnan ang study note sa Gaw 4:31.

sa panahon ng presensiya ng ating Panginoong Jesus: Tingnan ang study note sa 1Te 2:19.

Media