Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica 5:1-28

5  Kung tungkol sa mga panahon at kapanahunan, mga kapatid, hindi na ito kailangang isulat sa inyo. 2  Dahil alam na alam ninyo na ang pagdating ng araw ni Jehova+ ay kagayang-kagaya ng magnanakaw sa gabi.+ 3  Kapag sinasabi na nila, “Kapayapaan at katiwasayan!” biglang darating ang kanilang pagkapuksa,+ gaya ng kirot na nadarama ng isang babaeng manganganak, at hinding-hindi sila makatatakas. 4  Pero wala kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya hindi kayo gaya ng mga magnanakaw na magugulat sa pagdating ng araw na iyon, 5  dahil kayong lahat ay anak ng liwanag at anak ng araw.+ Wala tayo sa panig ng kadiliman o gabi.+ 6  Kaya huwag na tayong matulog gaya ng ginagawa ng iba,+ kundi manatili tayong gisíng+ at alerto.+ 7  Dahil ang mga natutulog ay natutulog sa gabi, at ang mga nagpapakalasing ay lasing sa gabi.+ 8  Pero kung para sa atin na nasa panig ng araw, manatili tayong alerto* at isuot natin ang pananampalataya at pag-ibig gaya ng baluti at ang pag-asa nating maligtas gaya ng helmet,+ 9  dahil pinili tayo ng Diyos, hindi para matikman ang poot niya, kundi para maligtas+ sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo. 10  Namatay siya para sa atin,+ nang sa gayon, tayo man ay manatiling gisíng o matulog, mabubuhay tayong kasama niya.+ 11  Kaya patuloy ninyong pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa,+ gaya ng ginagawa na ninyo. 12  Ngayon mga kapatid, hinihiling namin sa inyo na igalang ang mga nagpapagal sa gitna ninyo at nangunguna sa inyo may kaugnayan sa gawain ng Panginoon at nagpapayo sa inyo; 13  mahalin ninyo sila at maging mas makonsiderasyon sa kanila dahil sa ginagawa nila.+ Makipagpayapaan kayo sa isa’t isa.+ 14  Pero hinihimok din namin kayo, mga kapatid, na babalaan ang mga masuwayin,+ patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob,+ alalayan ang mahihina, at maging mapagpasensiya sa lahat.+ 15  Tiyakin ninyo na walang sinumang gaganti ng masama para sa masama;+ sa halip, lagi kayong gumawa ng mabuti sa isa’t isa at sa lahat ng iba pa.+ 16  Lagi kayong magsaya.+ 17  Lagi kayong manalangin.+ 18  Magpasalamat kayo para sa lahat ng bagay.+ Ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo na kaisa ni Kristo Jesus. 19  Huwag ninyong patayin ang apoy ng espiritu.+ 20  Huwag ninyong hamakin ang mga hula.+ 21  Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay;+ manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mabuti. 22  Umiwas kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.+ 23  Lubusan nawa kayong pabanalin ng Diyos ng kapayapaan. At mga kapatid, maingatan nawa ang inyong buong katawan, saloobin,* at buhay at manatiling walang kapintasan sa panahon ng presensiya ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 24  Ang tumatawag sa inyo ay tapat, at tiyak na gagawin niya iyon. 25  Mga kapatid, patuloy ninyo kaming ipanalangin.+ 26  Malugod ninyong batiin ang lahat ng kapatid. 27  Binibigyan ko kayo ng mabigat na pananagutan sa ngalan ng Panginoon na tiyaking mabasa ang liham na ito sa lahat ng kapatid.+ 28  Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.

Talababa

O “malinaw ang isip.”
Lit., “espiritu.”

Study Notes

mga panahon at kapanahunan: Tingnan ang study note sa Gaw 1:7.

araw ni Jehova: Sa buong Kasulatan, ang ekspresyong “araw ni Jehova” ay tumutukoy sa partikular na mga panahon kung kailan inilalapat ng Diyos na Jehova ang hatol niya sa kaniyang mga kaaway at niluluwalhati ang dakilang pangalan niya. Ginagamit din sa Hebreong Kasulatan ang ekspresyong ito. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa Isa 13:6; Eze 7:19; Joe 1:15; Am 5:18; Ob 15; Zef 1:14; Zac 14:1; Mal 4:5.) Binanggit ni propeta Joel ang pagdating ng “dakila at kamangha-manghang araw ni Jehova.” (Joe 2:31) Sinipi ito ni Pedro noong Pentecostes 33 C.E., gaya ng nakaulat sa Gaw 2:20. (Tingnan ang study note sa Gaw 2:20.) Sa unang katuparan ng hula ni Joel, dumating ang “araw ni Jehova” sa Jerusalem noong 70 C.E. Dito sa 1Te 5:2, ang tinutukoy ni Pablo na paparating na “araw ni Jehova“ ay ang “malaking kapighatian” na inihula ni Jesus sa Mat 24:21.—Para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Te 5:2.

magnanakaw sa gabi: Kadalasan nang sa gabi sumasalakay ang mga magnanakaw; mabilisan ito at di-inaasahan. (Job 24:14; Jer 49:9; Mat 24:43) Ganiyan din ang araw ni Jehova. Bigla itong darating at magugulat ang mga tao. (2Pe 3:10; Apo 16:15) Sinusunod ng tapat na mga Kristiyano ang payo na laging maging mapagbantay sa pagdating ng araw na iyon. (Luc 12:39; Apo 3:3) Puwede rin silang magulat sa biglaang pagdating ng araw na iyon (Mat 24:42-44; Luc 12:40), pero handa sila (1Te 5:4).

biglang darating ang kanilang pagkapuksa: Ipinapakita dito ni Pablo na kapag sumigaw na ng “kapayapaan at katiwasayan,” agad na mapupuksa ang mga naghahayag nito. Biglaan ito, at hindi sila makakatakas. Sa orihinal na pariralang Griego, dalawang termino na nagpapahiwatig ng pagiging biglaan ng kaganapang ito ang ginamit para idiin kung gaano kabilis darating ang pagkapuksa nila. May kahawig itong kombinasyon ng mga salita sa Luc 21:34, kung saan inilalarawan ang pagdating ng araw ni Jehova.

gaya ng kirot na nadarama ng isang babaeng manganganak: Bigla na lang nakakadama ng kirot ang isang babaeng manganganak, at walang paraan para malaman ang eksaktong araw at oras kung kailan iyon mangyayari. Ginamit ni Pablo ang paghahalintulad na ito para ipakita na biglaan din ang darating na pagkapuksa at siguradong mangyayari ito. Kapag nakadama na ng kirot ang babaeng manganganak, alam niyang magtutuloy-tuloy na ito.—Ihambing ang study note sa Mat 24:8.

hinding-hindi sila makatatakas: Gumamit dito si Pablo ng dalawang salitang negatibo para idiin na imposibleng matakasan ng masasama ang “pagkapuksa” na “biglang darating.”

hindi kayo gaya ng mga magnanakaw na magugulat sa pagdating ng araw na iyon: Ganito ang pagkakasalin ng ilang Bibliya: “Hindi kayo magugulat sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw.” Ang gayong salin ay batay sa ilang sinaunang manuskritong Griego, kung saan nasa anyong pang-isahan ang “magnanakaw” at ito ang subject, o tagagawa ng pandiwa (“manggugulat”). Pero ang saling ginamit dito ay nakabase rin sa maaasahang mga manuskrito, kung saan nasa anyong pangmaramihan ang “magnanakaw” at ito ang object, o ang tumatanggap ng pandiwa (“magugulat”). Mas kaayon ng konteksto ang saling ito, dahil sinabi ni Pablo na “wala kayo sa kadiliman,” kundi “kayong lahat ay anak ng liwanag at anak ng araw.” (1Te 5:5) Sa alinmang salin, ang punto lang ay hindi dapat magulat ang mga Kristiyano sa pagdating ng araw ni Jehova.

gaya ng mga magnanakaw: Sa 1Te 5:2, ikinumpara ni Pablo ang araw ni Jehova sa isang magnanakaw na dumarating nang biglaan at walang pasabi. Pero dito, ikinumpara naman ni Pablo ang araw ni Jehova sa bukang-liwayway. Alam ng mga magnanakaw na malalantad ng liwanag ng bukang-liwayway ang masamang ginagawa nila, kaya gagawin nila ito sa dilim. (Job 24:14; Ju 3:20) Pero may ilang magnanakaw na sa sobrang gahaman ay nagugulat dahil hindi nila napansing inabot na sila ng umaga. Di-gaya ng mga magnanakaw, ang tunay na mga Kristiyano ay dapat na maging mga “anak ng liwanag” na wala sa kadiliman. (1Te 5:5) Ang mga paghahalintulad na ginamit ni Pablo sa talata 2 at dito sa talata 4 ay parehong nagdiriin na dapat na manatiling gisíng sa espirituwal ang mga Kristiyano.

matulog: Sa Bibliya, ang salitang Griego na isinalin ditong “matulog” ay kadalasan nang tumutukoy sa literal na pagtulog. (Mat 8:24; Mar 4:38; 1Te 5:7) Pero puwede rin itong tumukoy sa isa na hindi alerto at walang pakialam sa paligid niya. Kapag tulóg ang isa, hindi niya alam ang nangyayari at hindi niya namamalayan ang paglipas ng oras. Ganiyan din ang taong tulóg sa espirituwal. Hindi niya nabibigyang-pansin ang mahahalagang pangyayari na may kaugnayan sa layunin ni Jehova at ang mabilis na pagdating ng araw Niya. Dito, binababalaan ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag matulog “gaya ng ginagawa ng iba” at isiping malayo pa ang araw ng paghatol ng Diyos.—2Pe 3:10-12.

alerto: O “malinaw ang isip.” Lit., “hindi lasing.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay lumitaw rin sa 1Te 5:8; 2Ti 4:5; 1Pe 1:13; 4:7; tlb. (‘laging handa’; “alisto”); 5:8.

pananampalataya at pag-ibig gaya ng baluti: Sa talatang ito, dalawang bahagi ng kasuotang pandigma ang ginamit ni Pablo para lumarawan sa tatlong mahahalagang katangian ng isang Kristiyano—pananampalataya, pag-ibig, at pag-asa. (Tingnan ang study note sa ang pag-asa nating maligtas gaya ng helmet sa talatang ito at study note sa 1Te 1:3.) Pinoprotektahan ng baluti ang puso ng isang sundalo, at ganoon din ang ginagawa ng pananampalataya at pag-ibig sa makasagisag na puso ng isang Kristiyano. Napakahalaga ng mga katangiang ito sa buhay ng isang Kristiyano, kaya inihalintulad ni Pablo ang mga ito sa isinusuot ng isang sundalong sasabak sa mapanganib na labanan. Sa Efe 6:14, ginamit naman ni Pablo ang baluti para lumarawan sa “katuwiran.”

ang pag-asa nating maligtas gaya ng helmet: Kung paanong pinoprotektahan ng helmet ang ulo ng isang sundalo, pinoprotektahan din ng pag-asang maligtas ang pag-iisip ng isang Kristiyano. Binanggit ni Pablo ang makasagisag na helmet na ito, pati na “ang pananampalataya at pag-ibig [na] gaya ng baluti,” noong pinapaalalahanan niya ang mga Kristiyano na manatiling gisíng sa espirituwal. (1Te 5:6, 7) Kapag suot ng isang Kristiyano ang helmet na ito, “nakapokus siya sa panahong tatanggapin niya ang gantimpala,” gaya ni Moises. (Heb 11:26) Kung pananatilihin niyang malinaw sa isip ang pag-asa niyang maligtas, makakapanatili siyang gisíng sa espirituwal.—Tingnan ang study note sa Efe 6:17.

matulog: O “mamatay.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “matulog” ay tumutukoy sa pagiging patay. (Mat 9:24; Mar 5:39 at study note; Luc 8:52) Dito sa 1Te 5:10, maliwanag na ginamit ni Pablo ang mga ekspresyong manatiling gisíng o matulog para tumukoy sa pagiging buháy o patay.

patuloy ninyong pasiglahin: O “patuloy ninyong aliwin.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay isinalin namang “patuloy [na] patibayin” sa 1Te 4:18.—Tingnan ang study note sa Ro 12:8.

nangunguna sa inyo: O “nagbibigay sa inyo ng tagubilin.” Ang salitang Griego na pro·iʹste·mi ay literal na nangangahulugang “tumayo sa harap,” pero nangangahulugan din itong manguna, mangasiwa, magbigay ng tagubilin, magmalasakit, at mangalaga.

nagpapayo: Ang salitang Griego na ginamit dito (nou·the·teʹo) ay kombinasyon ng mga salita para sa “isip” (nous) at “ilagay” (tiʹthe·mi) at puwedeng literal na isaling “ilagay ang kaisipan sa.” Sa ilang konteksto, puwede rin itong mangahulugang “babalaan,” gaya sa 1Te 5:14.

maging mas makonsiderasyon sa kanila: O “bigyan ng konsiderasyon na higit sa karaniwan.” Idiniriin ng ekspresyong ito ang pag-ibig at matinding paggalang na dapat ipakita ng mga Kristiyano sa mga “nagpapagal” para sa kanila. (1Te 5:12) Ang salitang Griego na isinaling “higit sa karaniwan” ay kombinasyon ng mga terminong Griego na nangangahulugang “lampas,” “nag-uumapaw,” at “sagana.”

babalaan: O “payuhan.”—Tingnan ang study note sa 1Te 5:12.

mga masuwayin: O “magugulo.” Ang salitang Griego para sa “masuwayin” ay kadalasan nang ginagamit para sa sundalong matigas ang ulo o umaalis sa itinakdang puwesto niya. Ginamit ng unang-siglong istoryador na si Josephus ang terminong ito para ilarawan ang isang hukbo na “sumusugod nang wala sa ayos.” Sa di-pormal na gamit ng salitang ito, puwede itong tumukoy sa isang taong tamad at walang ginagawa, pero mas madalas na tumutukoy ito sa mga gumagawa ng mga bagay na di-katanggap-tanggap sa lipunan. Ginamit ito ni Pablo para lumarawan sa mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano na magugulo, di-makontrol, at lantarang sumusuway sa mga pamantayang Kristiyano.—1Te 4:11; 2Te 3:6.

patibayin ang: O “magsalita nang may pang-aaliw sa.” Ang pandiwang Griego na isinaling “patibayin” (pa·ra·my·theʹo·mai) ay ginamit din sa Ju 11:19, 31 para tumukoy sa mga Judiong nakiramay kina Maria at Marta noong mamatay ang kapatid nilang si Lazaro. Tumutukoy ito sa masidhing pagnanais na magpatibay at mang-aliw.—Tingnan ang study note sa 1Co 14:3, kung saan isinaling “umaaliw” ang kaugnay nitong pangngalan.

mga pinanghihinaan ng loob: O “mga nanlulumo.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay o·li·goʹpsy·khos. Ginagamit naman ng sinaunang mga Griegong manunulat ang kasalungat nitong termino na nangangahulugang “may kumpiyansa sa sarili” o “kontento sa buhay.” Kaya lumilitaw na ang terminong ginamit ni Pablo dito ay tumutukoy sa isang tao na mababa ang tingin sa sarili. Ito rin ang terminong Griego na ginamit sa Septuagint para ipanumbas sa mga ekspresyong Hebreo na isinaling “nababahala” at “namimighati.” (Isa 35:4; 54:6) May ilang Kristiyano sa Tesalonica na posibleng pinanghihinaan ng loob dahil sa pag-uusig o pagkamatay ng mga kapananampalataya nila. (1Te 2:14; 4:13-18) Hindi sinabi ni Pablo na pagsabihan o babalaan ng mga Kristiyano ang mga pinanghihinaan ng loob. Sa halip, dapat nilang patibayin o aliwin ang mga ito.—Tingnan ang study note sa patibayin ang sa talatang ito.

maging mapagpasensiya sa lahat: Ang mga salitang Griego na isinasaling “pagpapasensiya” o “pagtitiis” ay nagpapahiwatig ng pagiging kalmado habang nagtitiis at pagiging hindi magagalitin, mga katangiang ipinapakita ni Jehova at ni Jesus sa mga tao. (Ro 2:4; 9:22; 1Ti 1:16; 1Pe 3:20; 2Pe 3:9, 15; tingnan ang study note sa Gal 5:22.) Para matularan ng mga Kristiyano si Jehova at si Jesus, kailangan nilang maging mapagpasensiya. (1Co 11:1; Efe 5:1) Ang pandiwang Griego para sa “maging mapagpasensiya” ay dalawang beses na ginamit sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa dalawang alipin, na parehong nagmakaawa at humingi ng “pasensiya.” (Mat 18:26, 29) Hindi naging mapagpasensiya at maawain ang ‘napakasamang alipin,’ at ayaw niyang magpatawad. Kabaligtaran siya ng hari sa ilustrasyon, na lumalarawan sa Ama ni Jesus sa langit. (Mat 18:30-35) Ipinapakita ng ilustrasyon ni Jesus at ng pagkakagamit sa pandiwa ring ito sa 2Pe 3:9 na kasama sa pagiging mapagpasensiya sa iba ang pagiging mapagpatawad at maawain.

Lagi kayong manalangin: Hindi naman sinasabi ni Pablo na literal na dapat manalangin ang mga taga-Tesalonica nang walang tigil. Sa halip, pinapasigla niya sila na laging humingi ng patnubay sa Diyos sa anumang sitwasyon, maliit man o malaki ang gagawin nilang desisyon. (Kaw 3:6) Nagbigay din ng ganitong payo si Pablo sa iba pang liham niya.—Ro 12:12; Efe 6:18; Fil 4:6; Col 4:2.

Huwag ninyong patayin ang apoy ng espiritu: O “Huwag ninyong hadlangan ang pagkilos sa inyo ng espiritu.” Isang pandiwang Griego lang ang tinumbasan ng ekspresyong “patayin ang apoy,” at literal itong nangangahulugang “apulahin.” Sa Mar 9:48 at Heb 11:34, ginamit ito para tumukoy sa makasagisag at literal na apoy. Dito, ginamit naman ito ni Pablo para tumukoy sa “espiritu,” o aktibong puwersa, ng Diyos. Puwedeng maging gaya ng apoy sa puso ng mga Kristiyano ang espiritung ito. Dahil dito, “nag-aalab ang sigasig” nila kaya nakakapagsalita sila at nakakakilos kaayon ng kalooban ni Jehova. (Tingnan ang Ro 12:11 at study note; tingnan ang study note sa Gaw 18:25.) Kapag makalaman ang pag-iisip at pagkilos ng isang Kristiyano, kinokontra niya ang banal na espiritu ng Diyos, kaya para bang pinapatay niya ang apoy ng espiritu sa puso niya.—Gal 5:17; 1Te 4:8.

hula: Mensahe mula sa Diyos. (Tingnan sa Glosari, “Hula.”) Ang paghamak sa mga mensahe mula sa Diyos ay nangangahulugang binabale-wala ito, minamaliit, at hindi pinapahalagahan ng isa.

Tiyakin: Ang salitang Griego na ginamit ni apostol Pablo para sa “tiyakin” ay puwede ring isaling “suriin; subukin.” Ang salitang Griegong ito ay tumutukoy sa masinsing pagsusuri kung tunay ang isang bagay, gaya ng ginagawa sa mamahaling mga metal. Ito rin ang salitang Griego na ginamit ni Pablo sa Ro 12:2 (tingnan ang study note) sa ekspresyong “mapatunayan ninyo sa inyong sarili.”

Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay: Ipinapakita nito na dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang “lahat ng bagay” na pinaniniwalaan nila ay kaayon ng kalooban ng Diyos. (Ihambing ang Gaw 17:11.) Malinaw na sinabi ni Pablo sa konteksto, sa talata 20: “Huwag ninyong hamakin ang mga hula.” Makikita sa babalang ito na may pananagutan ang mga Kristiyano sa Tesalonica na “tiyakin” na talagang galing sa Diyos ang lahat ng hulang papaniwalaan nila. Noong unang siglo C.E., may ilang tagasunod ni Kristo na tumanggap ng kaloob na humula. (Ro 12:6; 1Co 14:1-3) Pero inihula ni Jesus na may lilitaw na huwad na mga propeta. (Mat 24:11, 24; Mar 13:22) Dapat suriin ng mga Kristiyano ang mismong tao (Mat 7:16-20) at ang hula nito, kung kaayon ba ito ng Kasulatan. Nang sumulat si Pablo sa mga taga-Tesalonica (mga 50 C.E.), malamang na Ebanghelyo ni Mateo pa lang ang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na naisulat noon. Kaya para malaman nila kung ang isang hula o turo ay talagang galing sa Diyos, napakahalaga na pag-aralan nilang mabuti ang Hebreong Kasulatan.

ang inyong buong katawan, saloobin, at buhay: Makikita sa marubdob na panalangin ni Pablo (talata 23, 24) para sa mga kapatid sa Tesalonica kung gaano katindi ang pagmamalasakit niya sa espirituwalidad ng buong kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Sa kontekstong ito, lumilitaw na ganito ang kahulugan ng tatlong terminong ginamit ni Pablo: ang “espiritu” (tlb.) ay tumutukoy sa “saloobin” ng kongregasyon (tingnan ang study note sa 1Co 5:5; Gal 6:18; at Glosari, “Ruach; Pneuma”); ang salitang Griego na psy·kheʹ ay tumutukoy sa buhay, o pag-iral, ng kongregasyon (tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe”); at ang katawan ay tumutukoy sa mga pinahirang Kristiyano na bumubuo sa kongregasyon. (Ihambing ang 1Co 12:12, 13.) Hiniling ni Pablo sa Diyos na lubusan nawa Niyang pabanalin ang kongregasyon at ‘panatilihin itong walang kapintasan’; kitang-kita dito na talagang nagmamalasakit siya sa kongregasyon.

panahon ng presensiya ng ating Panginoong Jesu-Kristo: Tingnan ang study note sa 1Te 2:19.

Malugod ninyong batiin: Tingnan ang study note sa Ro 16:16.

Panginoon: Sa mga ganitong konteksto, ang “Panginoon” ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo. Dahil walang basehan sa Hebreong Kasulatan at sa konteksto nito na ang lumitaw dito ay pangalan ng Diyos, pinili ng New World Bible Translation Committee na panatilihin ang saling “Panginoon” para hindi sila lumampas sa papel nila bilang tagapagsalin. (Tingnan ang Ap. C1.) May ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos. Pero sa kontekstong ito, posible rin talagang tumukoy ang “Panginoon” sa Panginoong Jesu-Kristo.—1Te 5:28.

Jesu-Kristo: Nagdagdag ang ilang manuskrito ng salitang “Amen” sa dulo ng liham na ito. Totoo naman na may “Amen” sa dulo ng ilang liham ni Pablo (Ro 16:27; Gal 6:18), pero walang matibay na basehan para magdagdag ng “Amen” sa liham na ito.

Media