Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Introduksiyon sa 1 Timoteo

  • Manunulat: Pablo

  • Saan Isinulat: Macedonia

  • Natapos Isulat: mga 61-64 C.E.

Mahahalagang Impormasyon:

  • Kitang-kita sa liham na ito kung gaano kamahal ni apostol Pablo si Timoteo. Gaya ng isang ama, nagbigay siya ng mga payo sa tapat niyang kaibigan at kamanggagawa na si Timoteo. Gustong matiyak ni Pablo na mahusay ang paggawi at paglilingkod nito sa kongregasyon. (1Ti 1:2, 18, 19; 4:7, 11-16; 6:11-14) Posibleng mahiyain si Timoteo o nag-aalangan na gamitin ang awtoridad na ibinigay sa kaniya. (1Co 16:10, 11; 1Ti 4:12) ‘Madalas din siyang magkasakit.’—1Ti 5:23.

  • Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na maging mapagbantay laban sa huwad na mga turo. Noong mga 56 C.E., nauna nang babalaan ni Pablo ang matatandang lalaki sa kongregasyon sa Efeso laban sa mga magtuturo ng huwad na mga doktrina. (Gaw 20:29, 30) Pagkalipas lang ng ilang taon, lumaganap na ang apostatang mga turo. Kaya tinagubilinan ni Pablo si Timoteo—na nasa Efeso nang panahong iyon—na patuloy na makipaglaban para maprotektahan ang kalinisan ng kongregasyon at matulungan ang mga kapananampalataya niya na manatiling tapat.—1Ti 1:3-7, 18-20; 4:6, 7; 6:3-5, 20.

  • Iba’t ibang mahahalagang paksa ang mababasa sa liham.

    • Mga kuwalipikasyon para sa isang matandang lalaki at ministeryal na lingkod.—1Ti 3:1-10, 12, 13.

    • Tamang paggawi ng mga babae at ang papel nila sa kongregasyong Kristiyano.—1Ti 2:9-15; 3:11.

    • Materyal na suporta ng kongregasyon sa mga biyuda.—1Ti 5:3-16.

    • Espesyal na konsiderasyon para sa matatandang lalaki.—1Ti 5:17, 18.

    • Bitag ng materyalismo.—1Ti 6:6-10, 17-19.

  • Maraming beses binanggit ni Pablo ang pananampalataya (1Ti 1:14; 4:6, 12; 6:11) at panalangin (1Ti 2:1, 2, 8; 4:5; 5:5).

  • May mababasa sa liham na mga pagsipi at kahawig na ekspresyon mula sa ibang bahagi ng Kasulatan.—Ihambing ang 1Ti 5:18, 19 sa Deu 19:15; 25:4; 1Ti 5:18 sa Mat 10:10; Luc 10:7.

  • Ipinapahiwatig ng sinabi ni Pablo sa 1Ti 1:3 na isinulat ang liham na ito noong mga 61-64 C.E. Hinimok niya si Timoteo na manatili sa Efeso para asikasuhin ang ilang bagay sa kongregasyon doon dahil kailangan niyang pumunta sa Macedonia. Hindi ito binanggit sa Gawa, na ang ulat ay sumasaklaw sa mga pangyayari mula 33 C.E. hanggang sa katapusan ng ikalawang taon ng pagkakabilanggo ni Pablo sa sarili niyang bahay sa Roma noong mga 61 C.E. Kaya lumilitaw na isinulat ni Pablo ang liham na ito pagkatapos niyang lumaya sa pagkakabilanggo niya sa bahay pero bago ang huling pagkabilanggo niya sa Roma (mga 65 C.E.).—Tingnan sa Media Gallery, “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.

  • Naniniwala ang ilang sinaunang manunulat, gaya nina Clemente ng Roma, Ignatius, at Polycarp, na si Pablo ang sumulat ng 1 Timoteo. Sa sinaunang mga koleksiyon ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, isinama rin ang liham na ito sa mga akda ni Pablo. Halimbawa, kasama ito sa Muratorian Fragment ng ikalawang siglo C.E. Kasama rin ang liham na ito sa mahahalagang manuskrito ng Bibliya gaya ng Codex Sinaiticus at Codex Alexandrinus.