Unang Liham kay Timoteo 1:1-20
Talababa
Study Notes
Unang Liham kay Timoteo: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat ng Bibliya. Halimbawa, ang kilaláng manuskritong Codex Sinaiticus na mula noong ikaapat na siglo C.E. ay may pamagat na “Unang Liham kay Timoteo” sa dulo ng liham. May iba pang sinaunang manuskrito na may kahawig na pamagat.
Diyos na ating Tagapagligtas: Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo at sa liham niya kay Tito, anim na beses niyang ginamit ang terminong “Tagapagligtas” para tumukoy sa Diyos na Jehova (dito at sa 1Ti 2:3; 4:10; Tit 1:3; 2:10; 3:4), pero dalawang beses lang itong ginamit sa natitira pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (Luc 1:47; Jud 25). Sa Hebreong Kasulatan, madalas ilarawan si Jehova bilang Tagapagligtas ng bayan niyang Israel. (Aw 106:8, 10, 21; Isa 43:3, 11; 45:15, 21; Jer 14:8) Dahil si Jesus ang ginamit ni Jehova para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, tinatawag din siyang “Tagapagligtas.” (Gaw 5:31; 2Ti 1:10) Tinatawag din siyang “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” (Heb 2:10) Ang pangalang Jesus, na ibinigay sa Anak ng Diyos batay sa tagubilin ng isang anghel, ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan,” dahil sabi ng anghel, “ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” (Mat 1:21 at study note) Idiniriin ng mismong pangalan ni Jesus na nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Kaya parehong tinatawag na Tagapagligtas ang Ama at ang Anak. (Tit 2:11-13; 3:4-6) Ang mga terminong Hebreo at Griego (sa Septuagint) para sa “tagapagligtas” ay puwede ring tumukoy sa mga taong ginagamit ng Diyos bilang “mga tagapagligtas para palayain” ang bayan niya mula sa mga kaaway nila.—Ne 9:27; Huk 3:9, 15.
Kristo Jesus, na ating pag-asa: Sinabi ni Pablo na si Jehova ang ‘Diyos na nagbibigay ng pag-asa’ (Ro 15:13), pero dito, ipinaalala niya kay Timoteo na sa pamamagitan ni Kristo Jesus nagbibigay si Jehova sa mga Kristiyano ng mapanghahawakang pag-asa. Si Jesus ang tumutupad sa lahat ng pangako ni Jehova, at sa pamamagitan niya, naging posible sa mga tao na magkaroon ng buhay na walang hanggan.—Tingnan ang 2Co 1:20 at mga study note; 1Pe 1:3, 4.
Timoteo: Ibig sabihin, “Isa na Nagpaparangal sa Diyos.”—Tingnan ang study note sa Gaw 16:1.
isang tunay na anak: Ipinapakita ng malambing na ekspresyong ito ang pagkagiliw ni Pablo kay Timoteo. Walang mababasa sa Kasulatan kung si Pablo ang nagdala ng mabuting balita kay Timoteo at sa pamilya nito. Pero noong bata-bata pa si Timoteo, isinama niya ito sa mga paglalakbay niya. (Gaw 16:1-4) Kaya nang isulat ni Pablo ang liham na ito, itinuturing niya si Timoteo na anak “sa pananampalataya.” (Ihambing ang Tit 1:4.) Nabuo nila ang ganito kalapít na ugnayan dahil nagkasama sila nang 10 taon o higit pa.—1Co 4:17; Fil 2:20-22.
Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.
manatili sa Efeso: Nakakatulong ang mahalagang impormasyong ito para mas maintindihan ang sitwasyon nang isulat ni Pablo ang unang liham niya kay Timoteo. Nang matanggap ni Timoteo ang liham na ito, naglilingkod siya bilang tagapangasiwa sa kongregasyon sa Efeso. Kilalang-kilala ni Pablo ang kongregasyong ito. (Gaw 19:1, 9, 10; 20:31) Pinayuhan niya si Timoteo na manatili sa Efeso “para masabihan [niya] ang ilan doon na huwag magturo ng ibang doktrina.” Isinulat ni Pablo ang liham na ito noong mga 61-64 C.E., pagkatapos niyang mapalaya mula sa pagkakabilanggo sa sarili niyang bahay sa Roma pero bago ang huling pagkabilanggo niya roon.—Tingnan ang Introduksiyon sa 1 Timoteo at Media Gallery, “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”
huwag magturo ng ibang doktrina: Malaking pananagutan ang ipinagkatiwala ni Pablo kay Timoteo sa kongregasyon sa Efeso—ang sabihan ang ilan doon na huwag magturo ng mga doktrinang iba sa itinuro ni Jesus at ng mga inatasan niya. Ang terminong ginamit ni Pablo, na isinalin ditong “masabihan,” ay nagpapahiwatig na kailangang magawa agad ni Timoteo ang iniutos sa kaniya. Makikita sa utos na ito ang pagsisikap ni Pablo nang panahong iyon na patuloy na labanan ang apostasya. (Tingnan ang study note sa 2Te 2:3.) Ilang taon bago nito, noong mga 56 C.E., binabalaan ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso laban sa “malulupit na lobo” na manggagaling sa mga nangunguna sa kongregasyon at “pipilipit sa katotohanan para ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.” (Gaw 20:29, 30) Sa ibang liham ni Pablo na nasa Kasulatan, binabalaan niya ang mga Kristiyano na huwag makinig sa “mabuting balita na iba sa tinanggap na [nila].” (Gal 1:6 at study note; 2Co 11:4) Maliwanag na nakapasok na sa kongregasyon sa Efeso ang ilan sa mga taong iyon na nagtuturo ng maling doktrina.
mga kuwentong di-totoo: Sa 2Ti 4:4, parehong binanggit ni Pablo ang “mga kuwentong di-totoo” at ang “katotohanan.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na myʹthos, na isinalin ditong “mga kuwentong di-totoo,” ay nangangahulugang “alamat, pabula . . . kathang-isip.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, laging negatibo ang pagkakagamit sa salitang ito. Posibleng nasa isip ni Pablo ang nakakaaliw na mga alamat na base sa mga kasinungalingan sa relihiyon at sabi-sabi. (Tit 1:14; 2Pe 1:16; tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Sinabihan niya ang mga Kristiyano na huwag magbigay-pansin, o maging interesado, sa di-totoong mga kuwento. Walang makukuhang pakinabang sa mga ito, at maililihis pa nito ang isip ng mga Kristiyano mula sa katotohanang nasa Salita ng Diyos.—2Ti 1:13.
mga talaangkanan: Posibleng tinutukoy dito ni Pablo ang personal na talaangkanan ng isang tao, o ang angkan na pinagmulan niya. Sinabihan niya ang mga Kristiyano na hindi nila dapat ubusin ang panahon nila sa pag-aaral at pag-uusap tungkol sa ganitong mga bagay. Malamang na may gumagawa nito dahil ipinagmamalaki nila ang pinagmulan nilang angkan o ang kaalaman nila tungkol dito. Pero ang gayong mga bagay ay walang pakinabang, o hindi nakakatulong, para tumibay ang pananampalataya ng isang Kristiyano. Hindi na kailangang alamin ng mga Judiong Kristiyano ang pinagmulan nilang angkan dahil para sa Diyos, wala nang pagkakaiba ang mga Judio at di-Judio sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (Gal 3:28) Ang mahalaga para sa mga Kristiyano ay ang matunton na nagmula sa linya ni David ang Kristo.—Mat 1:1-17; Luc 3:23-38.
mga pag-aalinlangan: Tinukoy dito ni Pablo ang isang panganib kung magbibigay-pansin ang mga Kristiyano sa mga kuwentong di-totoo at sa mga talaangkanan. (Tingnan ang study note sa mga kuwentong di-totoo at mga talaangkanan sa talatang ito.) Ginamit niya ang salitang Griego na nangangahulugang “walang-kabuluhang espekulasyon,” ayon sa isang diksyunaryo. Ayon sa isa pang reperensiya, ang ganitong mga espekulasyon ay “mga tanong na walang sagot at hindi naman talaga kailangang sagutin.” Binanggit ni Pablo na hindi ito kasama sa “mga paglalaan ng Diyos para mapatibay ang ating pananampalataya.” Ang ganitong mga pag-aalinlangan ay ibang-iba sa taimtim na pagtatanong at pangangatuwiran na may matibay na basehan sa Kasulatan at nakakapagpatibay ng pananampalataya. (Gaw 19:8; 1Co 1:10) Walang kabuluhan kung pag-uusapan ang mga espekulasyon na ito, pati na ang kaduda-dudang sagot sa mga ito, dahil puwede nitong sirain ang pagkakaisa ng mga Kristiyano.
tagubiling: O “utos na.” Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang utos niya kay Timoteo na ‘sabihan ang ilan’ sa kongregasyon na “huwag magturo ng ibang doktrina o magbigay-pansin sa mga kuwentong di-totoo.” (1Ti 1:3, 4) Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ginamit dito ay tumutukoy sa “isang bagay na kailangang gawin.” Maraming beses ginamit ni Pablo sa liham niya ang salitang ito at ang kaugnay nitong mga ekspresyon.—1Ti 1:18; 4:11; 5:7; 6:13, 17.
para: Tingnan ang study note sa Ro 10:4.
mahalin natin ang isa’t isa nang may malinis na puso: Sa talatang ito, iniugnay ni Pablo ang mapagsakripisyong pag-ibig ng isang Kristiyano sa “malinis na puso at konsensiya at . . . pananampalatayang walang pagkukunwari.” Kapag malinis ang puso, o pagkatao, ng isang Kristiyano, malinis siya sa moral at sa espirituwal. Malinis ang motibo niya at tapat siya kay Jehova. (Mat 5:8 at study note) Ang malinis na puso niya ang nag-uudyok sa kaniya na magpakita ng tunay na pag-ibig sa kapuwa.
mahalin natin ang isa’t isa nang may malinis na . . . konsensiya: Nilalang ng Diyos ang tao na may konsensiya, ang kakayahang suriin ang sarili para malaman kung tama o mali ang naiisip, nadarama, o ginagawa niya. Dahil hindi perpekto ang tao, kailangan niyang sanayin ang konsensiya niya gamit ang Salita ng Diyos para makagawa siya ng mga desisyong ayon sa pamantayan ni Jehova. Kapag nasanay ang konsensiya ng isang Kristiyano ayon sa kalooban ng Diyos, hindi na siya dapat mabagabag sa mga nagawa niyang kasalanan dahil nagsisi na siya, tinalikuran na niya ang masamang gawain, at ginagawa na niya ang tama. (1Pe 3:16, 21; tingnan ang study note sa Ro 2:15.) Ipinapakita dito ni Pablo na nakakatulong sa isa ang malinis na konsensiya para makapagpakita siya ng mapagsakripisyong pag-ibig.
mahalin natin ang isa’t isa nang . . . may pananampalatayang walang pagkukunwari: Alam na alam ni Pablo ang pagkukunwari ng mga Pariseo at ang masasamang epekto nito. (Gaw 26:4, 5; ihambing ang Mat 23:13.) Binabalaan niya si Timoteo na iwasang maging mapagkunwari. (1Ti 4:1, 2) Ang mga salitang Griego na ginamit para sa “pagkukunwari” at “mapagkunwari” ay unang ginamit para tumukoy sa mga umaarte sa entablado na nagsusuot ng maskara para makaganap ng iba’t ibang karakter sa isang dula. (Tingnan ang study note sa Mat 6:2.) Ang salitang Griego na isinalin ditong “walang pagkukunwari” ay nangangahulugang “hindi nagpapanggap.” Kaya ipinapakita dito ni Pablo na nakakatulong sa isang Kristiyano ang tunay na pananampalataya para makapagpakita siya ng mapagsakripisyong pag-ibig.
Gusto nilang maging guro ng kautusan: Lumilitaw na ang mga taong tinutukoy dito ni Pablo ay naghahangad na maging guro sa kongregasyon dahil iniisip nilang magkakaroon sila ng awtoridad at magiging prominente. Ambisyoso ang mga taong ito, at hindi sila kuwalipikadong maging pastol o inatasan mang magturo sa kawan ng Diyos. Pero “magandang tunguhin” ang maging guro kung ang motibo ng isang Kristiyano ay ang paglingkuran ang kaniyang kapuwa at kung naabot niya ang mga kahilingan sa Kasulatan para sa isang tagapangasiwa.—1Ti 3:1.
mabuti ang Kautusan kung sinusunod ito nang tama: Noong panahon ni Pablo, itinuturo ng ilan na dapat sundin ng mga Kristiyano ang lahat ng nasa Kautusang Mosaiko, na para bang nakadepende dito ang kaligtasan nila. Alam ni Pablo na mali ang itinuturo ng mga gurong ito. Wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano; nakadepende rin ang kaligtasan nila sa pananampalataya nila sa pantubos ni Kristo. (Gal 2:15, 16) Pero makikinabang pa rin ang mga Kristiyano sa Kautusang Mosaiko kung susundin nila “nang tama” ang mga prinsipyo nito. May matututuhan sila kung pag-aaralan nila ang Kautusan, dahil ito ay “anino ng mabubuting bagay na darating” may kinalaman kay Kristo Jesus. (Heb 10:1) Ipinakita rin ng Kautusan na kailangang tubusin ang tao sa pamamagitan ng buhay ni Jesu-Kristo. (Gal 3:19) Higit sa lahat, malalaman din mula rito ang kaisipan ni Jehova.—Exo 22:21; Lev 19:15, 18; Ro 7:12.
ginawa ang kautusan, hindi para sa matuwid: Matuwid ang mga Kristiyano dahil sinusunod nila ang pamantayan ng Diyos ng tama at mali. May kapakumbabaan silang nagpapagabay sa espiritu ng Diyos. (Gal 5:16-23) Kaya hindi nila kailangan ng napakarami at detalyadong batas, gaya ng nasa Kautusang Mosaiko. Sinusunod ng mga Kristiyano ang “kautusan ng Kristo,” na nakakahigit sa ibang kautusan at nakabase sa pag-ibig.—Gal 6:2 at study note.
imoral: Tingnan ang study note sa 1Co 5:9; Gal 5:19.
lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal: O “lalaking nakikipagtalik sa lalaki.”—Tingnan ang study note sa 1Co 6:9.
maluwalhating mabuting balita: ‘Maluwalhati’ ang mabuting balita dahil sa napakagandang nilalaman nito. Halimbawa, makikita dito ang kamangha-manghang personalidad at katangian ng Diyos na Jehova, ang Pinagmulan ng magandang mensaheng ito. Ginagamit ng “maligayang Diyos” ang mabuting balita para malaman ng mga tao na may pag-asa silang maligtas sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Kaya hindi nakakapagtakang maramdaman ni Pablo na malaking karangalan na ipagkatiwala sa kaniya ang mabuting balitang ito.—Tingnan ang study note sa 2Co 4:4, 6.
maligayang Diyos: Ipinapakita dito ni Pablo na isa sa pangunahing katangian ni Jehova ang pagiging maligaya. Sa loob ng di-mabilang na taon ng pag-iral ng Diyos, lagi siyang masaya, kahit noong nag-iisa siya. (Mal 3:6) Nakadagdag din sa kaligayahan ni Jehova ang pag-iral ng kaniyang panganay na Anak. (Kaw 8:30) Nasaktan at nalungkot si Jehova dahil sa pagrerebelde at paninirang-puri ni Satanas, pero masaya pa rin siya dahil nananatiling tapat ang kaniyang mga lingkod. (Kaw 27:11) Nang makipagkita si Pablo sa matatandang lalaki sa Efeso, sinipi niya ang sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gaw 20:35 at study note) Makikita dito ang isang dahilan kung bakit “maligayang Diyos” si Jehova; siya ang pinakabukas-palad sa buong uniberso. (Aw 145:16; Isa 42:5) Kapag tinutularan si Jehova ng mga lingkod niya, nagiging maligaya din sila. (Efe 5:1) “Maligaya” ang taong araw-araw na nagbabasa ng kautusan ni Jehova, gaya ng sinasabi sa Aw 1:1, 2. Sa tekstong iyon, ginamit sa saling Septuagint ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo. Sa Sermon sa Bundok, paulit-ulit na sinabi ni Jesus na puwedeng maging maligaya ang mga tagasunod niya, kahit sa panahon ng problema at pag-uusig.—Mat 5:3-11; tingnan ang study note sa Mat 5:3; Ro 4:7.
Nagpapasalamat ako kay Kristo Jesus: Para kay Pablo, ang pag-aatas ni Kristo Jesus sa kaniya ng “isang banal na gawain” ay patunay ng awa, pag-ibig, at tiwala ni Jesus sa kaniya. Dati siyang “mang-uusig” at “walang galang,” at pinaboran pa nga niya ang pagpatay kay Esteban. (1Ti 1:13; Gaw 6:8; 7:58; 8:1, 3; 9:1, 2) Para ipakita ni Pablo na malaki ang pasasalamat niya, buong puso siyang naglingkod para patibayin sa espirituwal ang kapuwa niya. Halimbawa, masigasig niyang ipinangaral ang mabuting balita.—Tingnan ang study note sa Ro 11:13.
walang-kapantay na kabaitan na ipinakita sa akin ng ating Panginoon: Hindi nakakalimutan ni Pablo na dati siyang mang-uusig ng mga Kristiyano, pero dito, nagpokus siya sa positibong bagay—tumanggap pa rin siya ng walang-kapantay na kabaitan ni Jehova. (Tingnan ang study note sa Gaw 13:43; 1Co 15:10; Gal 2:20.) Idiniin niya ito sa pagsasabing nag-uumapaw ang tinanggap niyang kabaitan ni Jehova. Gumamit siya ng pandiwang Griego na puwedeng tumukoy sa pag-apaw ng laman ng isang lalagyan.
ako ang pinakamakasalanan sa mga ito: Makikita sa sinabing ito ni Pablo ang kapakumbabaan niya at panghahawakan niya sa pag-asa niya. Aminado siyang napakalaki ng kasalanan niya nang pag-usigin niya ang mga Kristiyano. Pero nanghahawakan siya sa pag-asa niya dahil alam niyang “si Kristo Jesus ay dumating sa mundo para iligtas ang mga makasalanan.”—Ihambing ang Mat 9:13.
magsilbi akong halimbawa: Binanggit ni Pablo kung paano siya nakinabang sa awa ni Kristo, pero dito, ipinakita naman niya kung paano makikinabang ang iba sa halimbawa niya. Kapag nalaman ng mga Kristiyano kung paano pinakitaan ng Diyos si Pablo ng awa, mapapatibay sila na posible rin silang mapatawad. Nang sabihin ni Pablo na siya ang “pinakamakasalanan sa lahat,” ipinakita niyang posibleng mapatawad ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo kahit ang pinakamalulubhang kasalanan ng isa, basta tunay ang pagsisisi niya.
Haring walang hanggan: Para lang sa Diyos na Jehova ang titulong ito. Tinatawag din siyang “Sinauna sa mga Araw.” (Dan 7:9, 13, 22) Umiiral na si Jehova bago pa man umiral ang sinuman o anuman sa uniberso, at wala ring katapusan ang pag-iral niya. (Aw 90:2) Kaya si Jehova lang ang puwedeng magtakda ng “walang-hanggang layunin,” at siya lang ang makakatupad nito. (Efe 3:11 at study note) Siya lang din ang makakapagbigay ng “buhay na walang hanggan.” (Ju 17:3; Tit 1:2) Lumitaw din ang titulong “Haring walang hanggan” sa Apo 15:3 sa “awit ni Moises na alipin ng Diyos at . . . awit ng Kordero.” Sa Exo 15:18, umawit si Moises at ang mga Israelita: “Si Jehova ay maghahari magpakailanman.”—Aw 10:16; 29:10; 146:10.
Amen: Tingnan ang study note sa Ro 1:25.
anak ko: Ginamit ito dito ni Pablo bilang isang malambing na termino.—2Ti 1:2; Tit 1:4; Flm 10; tingnan ang study note sa Mat 9:2; 1Ti 1:2.
tagubiling: O “utos na.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:5.
ayon sa mga hula tungkol sa iyo: Ipinaalala ni Pablo kay Timoteo ang mga hula tungkol sa kaniya, at posibleng pati na sa magiging papel niya sa kongregasyon. Ibinigay ang mga hulang ito sa patnubay ng espiritu ng Diyos. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:14.) Lumilitaw na kasama sa mga hula ang pag-aatas kay Timoteo, dahil sinabi ni Pablo na matutulungan si Timoteo ng mga ito, o ng mga hula, sa pakikipaglaban niya sa huwad na mga guro.
mahusay na pakikipaglaban: Gaya ng ginawa ni Pablo sa 2Co 10:3, ikinumpara niya sa pakikipagdigma ang paglaban sa masasamang impluwensiya para maprotektahan ang kongregasyon. Sa labanang ito, pananagutan ni Timoteo na protektahan ang kongregasyon mula sa mga gustong pumasok dito at magturo ng mga maling doktrina.—1Ti 1:3, 4; tingnan ang study note sa 2Co 10:3.
kaya nawasak ang pananampalataya nila: Para ilarawan kung gaano kadelikado ang sadyang pagtatakwil sa pananampalataya at malinis na konsensiya, gumamit si Pablo ng ilustrasyon na tatatak sa isip: Ang Kristiyanong nawalan ng pananampalataya ay gaya ng isang nawasak na barko. Sa naunang liham ni Pablo, binanggit niya na tatlong beses siyang nakaligtas sa pagkawasak ng barko. (2Co 11:25 at study note) At nang isulat niya ang unang liham niya kay Timoteo, minsan pa siyang nakaranas ng pagkawasak ng barko, o posibleng higit pa. (Gaw 27:27-44) Alam na alam ni Pablo kung gaano ito kapanganib kaya ginamit niya itong babala sa mga taong sadyang iniwan ang katotohanan—posibleng hindi na rin sila makabangon. Pero hindi naman namamatay lahat ng nakaranas ng pagkawasak ng barko. Kaya posible pa ring makabangon ang mga taong nawasak ang pananampalataya—kung hihingi sila ng tulong sa espirituwal.—Gal 6:1; San 5:14, 15, 19, 20.
Kasama rito sina Himeneo at Alejandro: “Nawasak ang pananampalataya” ng mga lalaking ito (1Ti 1:19), at lumilitaw na nagtuturo sila ng maling doktrina. Halimbawa, sinabi ni Pablo sa 2Ti 2:16-18 na itinuturo nina Himeneo at Fileto na naganap na ang pagkabuhay-muli. “Sinisira nila ang pananampalataya ng ilan.” (Tingnan ang mga study note sa 2Ti 2:18.) Posibleng si Alejandro ang panday-tanso na binanggit sa 2Ti 4:14, 15. Sinabi ni Pablo na “napakasama ng mga ginawa” ng taong ito sa kaniya at na “inatake [nito] nang husto ang mensahe” ni Pablo at ng mga kasama niya. (Tingnan ang study note sa 2Ti 4:14.) Ipinapahiwatig ng ekspresyong “kasama rito” na may iba pang indibidwal na hindi nanindigan sa katotohanan at nakakaimpluwensiya na sa ilan sa loob ng kongregasyong Kristiyano.
ibinigay ko sila kay Satanas: Lumilitaw na nangangahulugan itong itiniwalag sila sa kongregasyon. Kailangang gawin iyon ni Pablo dahil ang mga lalaking ito na binanggit niya ay sadyang gumagawa ng kasalanan at hindi nagsisisi.—Tingnan ang study note sa 1Co 5:5.
bilang disiplina para matuto: Sinabi dito ni Pablo ang isang dahilan kung bakit ‘ibinibigay kay Satanas,’ o itinitiwalag sa kongregasyon, ang mga makasalanan na hindi nagsisisi. (Tingnan ang study note sa ibinigay ko sila kay Satanas sa talatang ito.) Nawasak ang pananampalataya ng dalawang lalaking tinukoy ni Pablo, kaya kinailangan silang itiwalag para “matuto silang huwag mamusong.” (Tingnan ang study note sa 1Ti 1:19.) Maliwanag na hindi sila itiniwalag para lang parusahan, kundi para turuan din sila. Gaya nga ng sabi ng isang reperensiya, “baka may pag-asa pang magbago sila.”
mamusong: O “magsalita ng mapang-abuso.”—Tingnan ang study note sa Mat 12:31; Col 3:8.