Unang Liham kay Timoteo 3:1-16
Talababa
Study Notes
Mapananaligan ito: Sinasabi ng ilan na ang pariralang Griego na ginamit dito ni Pablo ay tumutukoy sa naunang sinabi niya (1Ti 2:15), pero mas tamang isipin na tumutukoy ito sa susunod na sasabihin niya. Lumilitaw na sinasabi dito ni Pablo na mahalaga at dapat bigyang-pansin ang babanggitin niya tungkol sa pag-abot ng tunguhin na maging isang tagapangasiwa.
nagsisikap: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “banatin”; ipinapakita nito na kailangang magsikap nang husto ng isang lalaki para maging kuwalipikado siya bilang tagapangasiwa. Sa sumunod na mga talata, binanggit ni Pablo ang mga katangiang puwedeng malinang ng di-perpektong mga lalaki kung magsisikap sila. (1Ti 3:2-10, 12, 13) Pero siyempre, hindi lang inatasang mga lalaki ang nangangailangan ng ganitong mga katangian, kundi lahat ng Kristiyano.—Ihambing ang Ro 12:3, 18; Fil 4:5; 1Ti 3:11; Tit 2:3-5; Heb 13:5; 1Pe 2:12; 4:9.
maging tagapangasiwa: Pananagutan ng isang tagapangasiwa na bantayan at protektahan ang mga kapatid na nasa pangangalaga niya. (Tingnan sa Glosari, “Tagapangasiwa.”) Kaya dapat na espirituwal na tao siya at naipapakita niya ang mga katangiang binanggit ni Pablo sa sumunod na mga talata. Puwede ring isalin na “katungkulan . . . bilang tagapangasiwa” (Gaw 1:20) ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo, pero hindi ito nangangahulugan na ang isang tagapangasiwa ay nakatataas sa mga kapatid niya. Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Hindi sa kami ang mga panginoon ng inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan.”—2Co 1:24 at study note; 1Pe 5:1-3.
magandang tunguhin iyan: O “siya ay nagnanais ng isang mainam na gawa.” Ang pananagutan ng isang tagapangasiwa ay tinawag dito na ‘maganda,’ o kapaki-pakinabang, pero kailangan dito ang pagsisikap. Sinabi ng isang reperensiya: “Ang pang-uri [ka·losʹ, “maganda; mainam”] ay tumutukoy sa kagandahan [ng atas na ito], at ang pangngalan [erʹgon, “gawa”] ay tumutukoy naman sa hirap ng pananagutang ito.” Kaya dapat na mapagsakripisyo ang isang tagapangasiwa at nagsisikap nang husto para sa kapakanan ng iba.
ang tagapangasiwa: Dito, nasa pang-isahang anyo ang terminong Griego na ginamit ni Pablo para sa “tagapangasiwa” (na may kasamang tiyak na pantukoy), pero hindi ito nangangahulugan na isa lang dapat ang tagapangasiwa sa bawat kongregasyon. Halimbawa, hindi lang isa ang tagapangasiwa sa kongregasyon sa Filipos. Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano doon, sinabi niya na para iyon sa kongregasyon, “pati na sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod.”—Tingnan ang study note sa Fil 1:1; tingnan din ang study note sa Gaw 20:28.
di-mapupulaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “di-mapipintasan.” Hindi ibig sabihin nito na dapat na perpekto ang isang tagapangasiwa. Nangangahulugan lang ito na dapat na walang maibabatong makatuwirang reklamo laban sa kaniya. Dapat na di-mapipintasan ang paggawi niya, pakikitungo sa iba, at paraan ng pamumuhay. Dapat na mayroon siyang napakataas na moralidad. (2Co 6:3, 4; Tit 1:6, 7) Sinasabi ng ilang iskolar na saklaw ng salitang ito ang lahat ng kuwalipikasyong dapat abutin ng isang lalaking Kristiyano para maging tagapangasiwa.
asawa ng isang babae: Bago ibinigay ni Pablo ang mga tagubiling ito, naibalik na ni Jesus ang orihinal na pamantayan ni Jehova na magkaroon lang ng isang asawa. (Mat 19:4-6) Kaya hindi puwedeng magkaroon ng maraming asawa ang isang tagapangasiwang Kristiyano, kahit pa pinahihintulutan ng Kautusang Mosaiko ang poligamya at karaniwan lang ito sa mga di-Kristiyano. Karaniwan din noon ang diborsiyo at pag-aasawang muli, kahit sa mga Judio. Pero itinuro ni Jesus na hindi puwedeng makipagdiborsiyo ang isang lalaki sa asawa niya at mag-asawa ng iba kung walang makakasulatang basehan. (Mat 5:32; 19:9) Para sa lahat ng Kristiyano ang pamantayang ito, pero dapat na maging huwaran dito ang mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod. (1Ti 3:12) Isa pa, dapat na manatiling malinis sa moral ang isang tagapangasiwa at tapat sa asawa niya.—Heb 13:4.
may kontrol sa kaniyang paggawi: Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “hindi lasing; hindi nagpapakasasa; umiiwas sa alak . . . o sa sobrang pag-inom.” Pero nang maglaon, naging mas malawak ang kahulugan ng terminong ito at puwede na rin itong tumukoy sa isang tao na balanse o may pagpipigil sa sarili. Ipinapakita ng talatang ito na dapat na maging balanse ang isang tagapangasiwang Kristiyano sa lahat ng bahagi ng buhay niya. Sa sumunod na talata, direktang binanggit ni Pablo na dapat umiwas sa paglalasing ang isang tagapangasiwa.—1Ti 3:3.
may matinong pag-iisip: O “mahusay magpasiya.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang mga salitang Griego na isinaling “matinong pag-iisip” o “katinuan ng pag-iisip” ay tumutukoy sa pagiging “maingat, palaisip, may kontrol sa sarili.” Ang taong may matinong pag-iisip ay balanse at hindi padalos-dalos magpasiya.
maayos: Lit., “nakaayos.” Ang isang tagapangasiwa ay dapat na maging organisado at may maayos na paraan ng pamumuhay. Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring tumukoy sa mabuting asal. Kaya hindi puwedeng maging tagapangasiwa ang isang lalaki kung magulo siya o magaspang ang ugali.—1Te 5:14; 2Te 3:6-12; Tit 1:10.
mapagpatuloy: Dapat na maging mapagpatuloy ang lahat ng Kristiyano. (Heb 13:1, 2; 1Pe 4:9) Pero dapat na maging huwaran dito ang isang tagapangasiwa. (Tit 1:8) Ang terminong Griego para sa “pagkamapagpatuloy” ay literal na nangangahulugang “pag-ibig sa mga estranghero.” (Tingnan ang study note sa Ro 12:13.) Sa ilang diksyunaryo, ang kaugnay na pang-uring isinalin ditong “mapagpatuloy” ay nangangahulugang “makonsiderasyon sa estranghero o bisita” at “bukas-palad sa mga panauhin.” Sa isang reperensiya, ganito inilarawan ang isang taong mapagpatuloy: “Ang pinto ng bahay niya—at ng puso niya—ay bukás sa mga estranghero.” Kaya dapat na maging mapagpatuloy sa lahat, hindi lang sa malalapít na kaibigan. Halimbawa, pinasisigla ang mga Kristiyano na maging mapagpatuloy sa mahihirap, pati na sa naglalakbay na mga kinatawan ng mga kongregasyon.—San 2:14-16; 3Ju 5-8.
kuwalipikadong magturo: Dapat na isang mahusay na guro ang isang tagapangasiwa—kaya niyang ituro nang malinaw sa mga kapananampalataya niya ang mga katotohanan at prinsipyo sa Bibliya. Sa liham ni Pablo kay Tito, sinabi niya na ang isang tagapangasiwa ay dapat na “mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo” para mapatibay, mapayuhan, at maituwid niya ang iba. (Tit 1:5, 7, 9 at mga study note) Ginamit din ni Pablo ang ekspresyong “kuwalipikadong magturo” sa ikalawang liham niya kay Timoteo. Sinabi niya doon na “ang alipin ng Panginoon” ay dapat na may pagpipigil sa sarili at “mahinahong nagtuturo sa mga rebelyoso.” (2Ti 2:24, 25) Kaya dapat na may kakayahan ang isang tagapangasiwa na mangatuwiran batay sa Kasulatan sa nakakakumbinsing paraan, magbigay ng mahusay na payo, at maabot ang puso ng mga tagapakinig niya. (Tingnan ang study note sa Mat 28:20.) Dapat na masipag siyang mag-aral ng Salita ng Diyos, dahil ang mga tuturuan niya ay nag-aaral din ng Bibliya.
hindi marahas: O “hindi nambubugbog.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “marahas” ay puwedeng literal na tumukoy sa isa na nananakit sa pisikal. Pero malawak ang kahulugan ng terminong ito at puwede ring tumukoy sa isa na nananakot at masakit magsalita. Ang sakit na naidudulot nito ay katulad din ng sakit ng pambubugbog. (Tingnan ang study note sa Col 3:8.) Sa patnubay ng espiritu, itinuro ni Pablo na dapat na maging mabait at mahinahon ang mga Kristiyano, kahit na sa mahihirap na sitwasyon. Lalo na itong dapat sundin ng matatandang lalaki.—Ihambing ang 2Ti 2:24, 25.
makatuwiran: Malawak ang kahulugan ng salitang ginamit dito ni Pablo. Puwede rin itong tumukoy sa pagiging mahinahon, magalang, o mapagpasensiya. (Tingnan ang study note sa Fil 4:5.) Literal itong nangangahulugang “mapagparaya.” Pero hindi naman sinasabi ni Pablo na hahayaan na lang o kukunsintihin ng isang tagapangasiwa ang gumagawa ng mali o ikokompromiso niya ang pamantayan ng Diyos. Sa halip, sinasabi niya na pagdating sa personal na mga kagustuhan, handang magparaya ang isang tagapangasiwa. Hindi niya igigiit ang karapatan niya o ipipilit na masunod ang mga nakasanayan niyang paraan, kundi igagalang niya ang opinyon ng iba at makikibagay siya sa nagbabagong mga kalagayan. Nanghahawakan ang isang tagapangasiwa sa mga batas at prinsipyo ng Bibliya, pero pinagsisikapan niyang maging mabait at balanse sa pagtataguyod nito. Tanda ng karunungan mula sa Diyos ang pagiging makatuwiran, at isa rin ito sa mga katangiang kitang-kita kay Jesu-Kristo. (San 3:17; tingnan ang study note sa 2Co 10:1.) Dapat na kitang-kita rin ito sa lahat ng Kristiyano.—Tit 3:1, 2.
hindi palaaway: Tingnan ang study note sa Tit 3:2.
hindi maibigin sa pera: Kung pangunahin sa isang tao ang pagkakaroon ng materyal na kayamanan, hindi niya mapapastulang mabuti ang “kawan ng Diyos.” (1Pe 5:2) Kapag nakapokus siya sa materyal na mga bagay sa sanlibutang ito, hindi niya matutulungan ang mga lingkod ng Diyos na magpokus sa pag-abot sa buhay na walang hanggan sa “darating na sistema.” (Luc 18:30) At hindi niya matuturuan ang iba na “umasa . . . sa Diyos” kung siya mismo ay umaasa sa “kayamanan na walang katiyakan.” (1Ti 6:17) Kaya hindi puwedeng maging tagapangasiwa ang taong “maibigin sa pera.” Ang kuwalipikasyong ito para sa mga tagapangasiwa ay kaayon ng payo ng Bibliya para sa lahat ng Kristiyano.—Mat 6:24; 1Ti 6:10; Heb 13:5.
namumuno: O “nangangasiwa.”—Tingnan ang study note sa Ro 12:8.
namumuno sa sarili niyang pamilya sa mahusay na paraan: Makikita sa talata 5 kung ano ang ibig sabihin ng ekspresyong “namumuno.” Doon, ang ‘pangangalaga’ ng isang tagapangasiwa sa “kongregasyon ng Diyos” ay inihalintulad ni Pablo sa pamumuno, o pangangasiwa, ng asawang lalaki sa pamilya nito. (1Ti 3:5) Ayon sa isang reperensiya, ang pandiwang isinalin sa talatang iyon na “aalagaan” ay “tumutukoy sa pangunguna (pagpatnubay) at pangangalaga.” Kaya ipinapakita sa konteksto na ang isang asawa at ama ay hindi dapat maging isang malupit na ulo o diktador, kundi isang lalaki na nagmamahal at nangangalaga sa pamilya niya.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:5.
may mga anak na masunurin at mabuti ang asal: O ”may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso.” Ang pariralang “nang buong pagkaseryoso” ay lumilitaw na para sa “mga anak” at hindi sa “ama,” gaya ng sinasabi ng ilan. Ang mga Kristiyanong anak ay “nagpapasakop nang buong pagkaseryoso” kung masunurin sila, magalang, at mabuti ang asal. Kumikilos sila nang angkop sa edad nila at kalagayan. Ipinapakita ng Bibliya na natural lang sa mga bata na tumawa at maglaro. (Luc 7:32; ihambing ang Ec 3:4; Isa 11:8.) Sa 1Co 13:11, sinabi ni Pablo na noong bata siya, nagsasalita siya, nag-iisip, at nangangatuwiran na “gaya ng bata.” Kaya hindi naman niya sinasabi dito na dapat asahan ang mga bata na mangatuwiran o kumilos na parang mga adulto.
aalagaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay ginamit din ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas sa ilustrasyon tungkol sa mabuting Samaritano na ‘nag-alaga’ sa lalaking binugbog ng mga magnanakaw. (Luc 10:34, 35) Kaya kailangan ding ‘alagaan’ ng isang tagapangasiwa ang kongregasyon at ilaan ang pangangailangan nito.
bagong kumberte: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay literal na nangangahulugang “bagong tanim.” Pero sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa isang tao na bago lang naging Kristiyano. (Ihambing ang 1Co 3:6-8, kung saan inihalintulad ni Pablo sa pagtatanim ang paggawa ng alagad.) Dito, malinaw na ipinakita ni Pablo na ang aatasang tagapangasiwa ay dapat na isang maygulang na Kristiyano na at hindi bagong kumberte.
magmalaki: Tingnan ang study note sa 2Ti 3:4.
at tumanggap ng hatol na katulad ng sa Diyablo: Ginamit na babala dito ni Pablo ang nangyari sa perpektong espiritu na naging si Satanas na Diyablo. Sa halip na gampanan ang atas na ibinigay sa kaniya ng Diyos, ‘nagmalaki siya.’ Dahil sa pagmamataas at ambisyon niya, nagkasala siya at tumanggap ng hatol. Kaya ipinapakita dito ni Pablo na bago bigyan ng awtoridad ang isang lalaki bilang tagapangasiwa ng kongregasyong Kristiyano, kailangan ng panahon para mapatunayan niyang talagang mapagpakumbaba siya. Tinutularan ng isang taong mapagpakumbaba si Jesus, na hindi naghangad ng higit na awtoridad.—Fil 2:5-8; Heb 5:8-10.
magdala ng kahihiyan at mahulog sa bitag ng Diyablo: Ang isang Kristiyanong aatasan bilang tagapangasiwa ay dapat na may ‘magandang reputasyon’ sa mga di-kapananampalataya. Kung aatasan pa rin siya kahit pangit ang reputasyon niya, magdadala siya ng kahihiyan sa sarili niya, sa kongregasyon, at lalo na kay Jehova. Nanganganib din siyang mahulog sa bitag ng Diyablo, gaya ng pagmamataas o ambisyon, na puwedeng magtulak sa kaniya na sumuway sa Diyos. (1Ti 3:6; 2Ti 2:26) Ang sinabi ni Pablo ay puwede ring mangahulugan na ang ‘pagdadala ng kahihiyan’ ay bahagi ng “bitag” ng Diyablo. Tiyak na tuwang-tuwa si Satanas na makitang masira ang pangalan ng kongregasyong Kristiyano dahil sa pangit na reputasyon ng isang tagapangasiwa.
ministeryal na lingkod: O “katulong.” Galing ito sa salitang Griego na di·aʹko·nos, na karaniwang isinasaling “ministro” o “lingkod.” Sa konteksto, tumutukoy ang salitang ito sa mga inatasang maging lingkod sa kongregasyon at katulong ng lupon ng matatanda. Lumilitaw na para makapagpokus ang matatandang lalaki sa pagtuturo at pagpapastol, sila ang gumagawa ng iba pang mahahalagang gawain sa kongregasyon.—Tingnan sa Glosari, “Ministeryal na lingkod”; study note sa Fil 1:1; tingnan din ang study note sa Mat 20:26.
seryoso: Ang salitang Griego na isinaling “seryoso” sa 1Ti 3:8, 11, at Tit 2:2 ay puwede ring isaling “karapat-dapat igalang,” “kagalang-galang,” o “marangal.” Para maatasan bilang ministeryal na lingkod, dapat na kumilos nang kagalang-galang ang isang lalaki para irespeto siya ng mga tao. Dapat na maaasahan siya at responsable sa pagganap sa mga atas niya.
mapanlinlang ang pananalita: Lit., “dalawa ang dila.” Ang ekspresyong ginamit dito ni Pablo ay tumutukoy sa pagiging mapagpanggap. Hindi puwedeng maging ganiyan ang isang ministeryal na lingkod o tagapangasiwa. Hindi siya dapat mambola o manlinlang para sa kapakinabangan niya. Hindi rin tamang magsabi siya ng isang bagay sa isang tao at kabaligtaran nito ang sasabihin niya sa iba. (Kaw 3:32; San 3:17) Sa halip, dapat na tapat siya at mapagkakatiwalaan ang sinasabi niya.
sakim sa pakinabang: Ang ekspresyong ito (na makikita rin sa Tit 1:7) ay tumutukoy sa isa na “kahiya-hiya ang pagkagahaman sa materyal na pakinabang,” ayon sa isang diksyunaryo. (Ihambing ang 1Ti 3:3; 1Pe 5:2.) Kapag maibigin sa pera ang isa, nanganganib ang kaugnayan niya kay Jehova. Hindi rin magmamana ng Kaharian ng Diyos ang taong sakim. (1Co 6:9, 10; 1Ti 6:9, 10) Kaya naman hindi puwedeng maging tagapangasiwa o ministeryal na lingkod ang gayong tao. Malamang na samantalahin niya ang tiwala ng mga kapatid niya. Halimbawa, puwedeng ipagkatiwala sa inatasang mga lalaki ang paghawak sa pondo ng kongregasyon at paggamit nito para tulungan ang mga nangangailangan. Kung sila ay “sakim sa pakinabang,” matutukso silang magnakaw sa pondo. Hindi lang ito makakasamâ sa kongregasyon, kundi makakapagpagalit pa kay Jehova.—Ju 12:4-6.
sagradong lihim ng pananampalataya: Lumilitaw na tumutukoy ito sa mga katotohanang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Ang mga katotohanang ito ay lihim; ibig sabihin, hindi ito alam noon ng mga tagasunod ng Anak ng Diyos hanggang sa isiwalat ito sa kanila ng Ama. Kaya hindi lang basta pag-alalay sa matatandang lalaki ang ginagawa ng isang ministeryal na lingkod. Kailangan niya ring manghawakan sa isiniwalat na katotohanan. Dapat na gusto at kaya niyang ipagtanggol ang mga katotohanang ito.
malinis na konsensiya: Tingnan ang study note sa Ro 2:15.
Ang mga babae ay dapat ding: Nang banggitin ni Pablo ang mga kuwalipikasyon para sa inatasang mga lalaki, bumanggit din siya ng katulad na mga katangiang inaasahan sa mga babaeng Kristiyano. Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwedeng tumukoy sa mga babae o mga asawang babae. (1Ti 3:2, 12) Kaya ang sumunod na payo ay para sa lahat ng babaeng Kristiyano, lalo na sa asawa ng mga may pananagutan sa kongregasyon.
asawa ng isang babae: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.
namumuno . . . sa mahusay na paraan: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:4.
malaking kalayaan sa pagsasalita: Tingnan ang study note sa 2Co 7:4.
sambahayan ng Diyos: Tinawag ni Pablo na “sambahayan ng Diyos” ang buong kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano. Maraming beses ginamit ang paglalarawang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan ang study note sa Gal 6:10; Efe 2:19.) Ipinapakita nito na ang mga Kristiyano ay gaya ng isang pamilya na masaya at malapít sa isa’t isa.
buháy na Diyos: Madalas gamitin sa Hebreong Kasulatan ang ganitong paglalarawan sa Diyos. (Deu 5:26; 1Sa 17:26, 36; Isa 37:4, 17) Sa kontekstong ito, ipinakita ni Pablo ang kaibahan ni Jehova, ang “buháy na Diyos,” sa walang-buhay na mga idolong sinasamba ng mga pagano sa Efeso at sa iba pang lugar. Posibleng ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito para ipaalala sa mga Kristiyano na nakahihigit ang pagsamba nila.
isang haligi at pundasyon ng katotohanan: Gumamit si Pablo ng dalawang terminong pang-arkitektura para ilarawan ang kongregasyong Kristiyano. Ang matitibay na haligi ay makikita sa maraming malalaking gusali noong panahon ni Pablo; kadalasan nang sinusuportahan ng mga ito ang mabibigat na bubong. Malamang na nasa isip ni Pablo ang templo sa Jerusalem o iba pang malalaking gusali sa Efeso, kung saan nakatira si Timoteo nang panahong iyon. (Ginamit din ni Pablo ang terminong “haligi” sa Gal 2:9. Tingnan ang study note.) Dito sa 1Ti 3:15, tinawag ni Pablo ang buong kongregasyong Kristiyano na isang haliging sumusuporta sa katotohanan. Ginamit din ni Pablo ang isa pang salitang Griego na isinalin namang “pundasyon,” na puwede ring isaling “tanggulan.” Ginamit ni Pablo ang dalawang salitang ito para idiin na dapat suportahan at ipagtanggol ng kongregasyon ang sagradong mga katotohanan sa Salita ng Diyos. Partikular nang pinapayuhan ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon na ‘gamitin nang tama ang salita ng katotohanan.’ (2Ti 2:15) Gusto ni Pablo na magawa agad ito ni Timoteo. Kailangan niyang gawin ang lahat ng makakaya niya para mapatibay ang kongregasyon bago lumaganap ang apostasya.
ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyon: Sa Kasulatan, dito lang lumitaw nang magkasama ang mga ekspresyong “sagradong lihim” at “makadiyos na debosyon.” (Tingnan ang study note sa Mat 13:11; 1Ti 4:7.) Ito ang tinutukoy ni Pablo na sagradong lihim: May tao bang makakapagpakita ng perpektong debosyon sa Diyos sa buong buhay niya? Hindi ito nagawa ni Adan nang magrebelde siya kay Jehova sa Eden. Kaya napakahalaga ng tanong na ito para sa mga inapo niya. Sa loob ng mga 4,000 taon, nanatiling lihim ang sagot sa tanong na ito. Walang isa man sa di-perpektong inapo nina Adan at Eva ang nakapagpakita ng perpektong katapatan. (Aw 51:5; Ec 7:20; Ro 3:23) Pero si Jesus, na isang perpektong tao na gaya ni Adan, ay nakapagpakita ng makadiyos na debosyon sa lahat ng inisip, sinabi, at ginawa niya, kahit sa harap ng pinakamatitinding pagsubok. (Heb 4:15; tingnan ang study note sa 1Co 15:45.) Tapat at malapít kay Jehova si Jesus dahil tunay at di-makasarili ang pagmamahal niya sa Diyos. Ang perpektong makadiyos na debosyon na ipinakita ni Jesus ang sagot sa sagradong lihim na ito.
makadiyos na debosyon: Para sa paliwanag sa ekspresyong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7; tingnan din ang study note sa 1Ti 2:2.
‘Siya ay . . . niluwalhati’: Posibleng ang nasa loob ng panipi ay galing sa isang kilaláng kasabihan o sa isang awit na kinakanta ng mga Kristiyano noong unang siglo. (Ihambing ang study note sa Efe 5:19.) Ganito ang naging konklusyon ng mga iskolar dahil sa pagkakabuo ng pangungusap at paggamit ng mga paghahalintulad sa orihinal na tekstong Griego.
naging tao: Lit., “nahayag sa laman.” Lumilitaw na ginamit ang ekspresyong ito para kay Jesus mula nang bautismuhan siya sa Ilog Jordan. (Tingnan ang study note sa Mat 3:17.) Nang pagkakataong iyon, si Jesus ng Nazaret ay naging ang Mesiyas, o ang Pinahiran ni Jehova. Kahit na sa langit nanggaling si Jesus, naging perpektong tao siya na may laman at dugo, at madalas niyang tawagin ang sarili niya na “Anak ng tao.”—Mat 8:20; tingnan sa Glosari, “Anak ng tao.”
ipinahayag na matuwid sa espiritu: Tumutukoy ang pariralang ito sa panahon kung kailan binuhay-muli ni Jehova ang Anak niya bilang espiritu. (1Pe 3:18) Nang gawin ito ni Jehova, binigyan niya si Jesus ng imortal na buhay. (Ro 6:9; 1Ti 6:16) Sa ganitong paraan, kinumpirma ng Diyos na naging tapat si Jesus sa lahat ng bagay.—Tingnan ang study note sa Ro 1:4.
nagpakita sa mga anghel: Pagkabuhay-muli kay Jesus, nagpakita siya sa di-tapat na mga anghel, o sa mga demonyo, para ihayag sa kanila ang hatol ng Diyos. (1Pe 3:18-20) Ang mga anghel na ito na nagrebelde noong panahon ni Noe ay nakagapos na ngayon sa makasagisag na paraan. Nasa espirituwal na kadiliman sila, at lumilitaw na hindi na sila puwedeng magkatawang-tao.—2Pe 2:4; Jud 6.
ipinangaral sa mga bansa: Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., nagsimulang mangaral ang mga Kristiyano sa mga tuling Judio at proselita, kahit pa nakatira ang ilan sa mga ito sa mga bansang Gentil. (Gaw 2:5-11) Nang maglaon, nangaral na rin sila sa mga Samaritano. (Gaw 8:5-17, 25) At noong 36 C.E., nagpatotoo si Pedro kay Cornelio at sa iba pang di-tuling Gentil na nasa bahay nito. (Gaw 10:24, 34-43) Pagkatapos, ipinangaral din ni Pablo, ni Timoteo, at ng iba pang misyonero ang mabuting balita sa Asia Minor at Europa. (Gaw 16:10-12) Noong mga 60-61 C.E., sinabi ni Pablo na ang mensaheng dala ng mga Kristiyano ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang sa buong lupa.’—Col 1:23 at study note; tingnan din ang Gaw 17:6; Ro 1:8, 24, 28; Col 1:6; Ap. B13; at Media Gallery, “Pentecostes 33 C.E. at ang Paglaganap ng Mabuting Balita.”
pinaniwalaan sa sanlibutan: Ipinangaral ng mga Kristiyano noong unang siglo ang mabuting balita tungkol kay Jesus “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gaw 1:8 at study note) Kaya naging mánanampalatayá ang mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Halimbawa, binabanggit sa aklat ng Gawa na nagkaroon ng bagong mga mánanampalatayá sa Antioquia ng Pisidia, Listra, Iconio (Gaw 13:48; 14:21, 23), Filipos (Gaw 16:12, 33, 34), Tesalonica (Gaw 17:1, 4), Berea (Gaw 17:10-12), Atenas (Gaw 17:16, 34), at Efeso (Gaw 19:17-20).
tinanggap sa langit at niluwalhati: Tinutukoy dito ni Pablo ang pag-akyat ni Jesus sa langit. (Gaw 1:9, 10) Inilagay siya ni Jehova sa Kaniyang kanan at binigyan ng kaluwalhatiang nakahihigit kaysa sa lahat ng iba pang nilalang sa buong uniberso.—Mat 28:18; Ju 17:5; Fil 2:9; Heb 1:3, 4.