Unang Liham kay Timoteo 4:1-16
Study Notes
sinasabi ng espiritu ng Diyos: Dalawang beses ginamit sa talatang ito ang salitang Griego na pneuʹma. Madalas itong isalin na “espiritu,” pero may iba rin itong kahulugan depende sa konteksto. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Dito, tumutukoy ang ekspresyong ito sa sinasabi ng banal na espiritu ng Diyos.—Tingnan ang study note sa mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu sa talatang ito.
may ilan na tatalikod sa pananampalataya: Inihula ni Pablo na itatakwil ng ilang nag-aangking Kristiyano ang mga turo ng Diyos na nasa Kasulatan at iiwan ang tunay na pagsamba. Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “tatalikod” ay literal na nangangahulugang “lalayo” at puwede ring isaling “hihiwalay; magtatakwil.” (Gaw 19:9; 2Ti 2:19; Heb 3:12) Kaugnay ito ng pangngalang isinasaling “apostasya.”—Tingnan ang study note sa 2Te 2:3.
mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu: Lit., “mapanlinlang na mga espiritu.” Dito, ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na pneuʹma (espiritu) ay tumutukoy sa mga sinasabi ng mga taong nag-aangking pinapatnubayan sila ng Diyos o galing sa Diyos ang kaalaman nila. Pero ang mga sinasabi nila ay mula kay Satanas at sa mga demonyo, dahil inilarawan ang mga ito na “mapanlinlang” at iniuugnay ang mga ito sa “mga turo ng mga demonyo.” (Ju 8:44; 1Ju 4:1-6; Apo 16:13, 14) Ginagamit ng masasamang anghel ang mga “kasinungalingan ng mga taong mapagkunwari” para magkalat ng maling mga turo. (1Ti 4:2; 2Co 11:14, 15) Kapag nagbigay-pansin ang isang Kristiyano sa mga kasinungalingang iyon, manganganib ang pananampalataya niya.—Ihambing ang study note sa 2Te 2:2.
ang konsensiya ay naging manhid, na para bang pinaso ng mainit na bakal: Noong panahon ni Pablo, pinapaso ng mainit na bakal ang isang hayop para magkaroon ito ng marka na tanda ng pagmamay-ari. Magpepeklat ang pinasong bahagi at magiging manhid. Ginamit ni Pablo dito ang isang anyo ng salitang Griego na kau·ste·ri·aʹzo·mai (lit., “pinaso ng nagbabagang bakal”), posibleng para ipakita na kapag paulit-ulit na gumagawa ng mali ang isang tao, mamamanhid ang konsensiya niya. Hindi na siya magdadalawang-isip na gumawa ng mali, at hindi na rin siya makokonsensiya sa ginagawa niya. (Ihambing ang study note sa Efe 4:19.) Sinasabi naman ng ilang iskolar na nangangahulugan itong minarkahan ang konsensiya ng mga taong namimihasang gumawa ng mali bilang tanda na pagmamay-ari sila ni Satanas at ng mga demonyo.
Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa: Pinilipit sa apostatang turong ito ang ilang magagandang paniniwalang Kristiyano. Totoo, inirekomenda ni Jesus ang pananatiling walang asawa at tinawag pa nga itong isang kaloob. (Mat 19:10-12) Ginabayan din si Pablo ng espiritu para isulat ang kagandahan ng pananatiling walang asawa dahil mas makakapaglingkod kay Jehova ang isa nang walang gaanong panggambala. (1Co 7:32-35) Pero hindi ipinagbabawal ni Jesus at ni Pablo ang pag-aasawa. Sa katunayan, ibinalik pa nga ni Jesus ang orihinal na pamantayan ni Jehova sa pag-aasawa. (Mat 19:3-6, 8) Sinabi rin ni Pablo na may mga pagkakataong mas mabuti pang mag-asawa ang isa at na ang pag-aasawa ay marangal at dapat pangalagaan. (1Co 7:2, 9, 28, 36; Heb 13:4) Sinabi pa niya na may mga apostol na may asawa. (1Co 9:5 at study note) Nagbigay rin siya ng mga payo sa mga mag-asawa kung paano nila magagampanan ang kanilang bigay-Diyos na mga pananagutan. (Efe 5:28-33) Kaya maliwanag na ipinapakita dito ni Pablo na kasama sa “mga turo ng mga demonyo” ang pagbabawal sa isang ministro na mag-asawa.—1Ti 4:1.
iniuutos sa mga tao na umiwas sa mga pagkaing: Sa Kautusang Mosaiko, iniutos ni Jehova sa bayang Israel na umiwas sa mga pagkaing tinawag niyang marumi. (Lev 11:4-7) Pero nang mamatay si Kristo Jesus, ‘nagwakas ang Kautusan,’ kaya wala na itong bisa nang isulat ni Pablo ang liham na ito noong mga 61-64 C.E. (Ro 10:4; Col 2:14) Mahigit isang dekada bago isulat ang liham na ito, sinabi ng lupong tagapamahala sa Jerusalem kung ano na lang ang natirang utos pagdating sa pagkain: Dapat na napatulo nang maayos ang dugo nito, at hindi ito dapat kainin bilang handog sa mga idolo. (Gaw 15:28, 29; ihambing ang Gaw 10:10-16.) Hindi naman pinagbabawalan ang mga Kristiyano na mag-ayuno o umiwas sa ilang pagkain (Mat 6:16-18), pero hindi kailangan ang mga iyon para maligtas (Ro 14:5, 6; Heb 13:9). Kaya idiniriin dito ni Pablo na ang sinumang nag-uutos sa mga Kristiyano na ‘umiwas sa ilang pagkain’ ay nagtatakwil sa tumpak na kaalaman at nagkakalat ng “mga turo ng mga demonyo.”—1Ti 4:1 at study note.
napababanal ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos: Tama lang na ituring ng mga Kristiyano na banal, o malinis, ang lahat ng pagkain, dahil wala na sila sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:3.) Kapag sinabi ni Jehova na malinis ang isang bagay, malinis ito. Halimbawa, sinabi kay apostol Pedro sa isang pangitain: “Huwag mo nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.”—Gaw 10:10-15.
panalangin para dito: Napababanal ang isang pagkain, hindi lang sa pamamagitan ng “salita” ng Diyos, kundi sa pamamagitan din ng panalangin. Sa panalangin, kinikilala ng isang Kristiyano na ang Diyos ang Tagapaglaan at itinuturing niya ang pagkain bilang regalo ng Diyos. Kaya puwede niyang kainin ito nang hindi natatakot na magiging marumi siya sa paningin ng Diyos.—Gen 1:29; 9:3; Mat 14:19; Luc 9:16.
lingkod ni Kristo Jesus: Tingnan ang study note sa 1Co 3:5.
sumusulong at lumalakas: Gumamit dito si Pablo ng salitang Griego na literal na tumutukoy sa pagpapakain at pagsasanay sa isang bata. “Mula pa noong sanggol” si Timoteo, para bang kumakain na siya at napapalusog ng “banal na mga kasulatan.” (2Ti 3:14-17) Bilang Kristiyano, sumulong at lumakas si Timoteo sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya, o ng mga turo na pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Sa liham na ito, pinayuhan siya ni Pablo na patuloy na kumain ng espirituwal na pagkain para tumibay ang pananampalataya niya. (1Ti 4:16) Sa gayon, mapapatibay niya rin at mapoprotektahan ang iba sa espirituwal bilang tagapangasiwa at pastol ng kongregasyong Kristiyano.—1Ti 1:3-7, 18; 4:1.
mga kuwentong di-totoo at lumalapastangan sa Diyos: Lumalapastangan sa Diyos ang “mga kuwentong di-totoo” (salin ng salitang Griego na myʹthos) na kumakalat noong panahon ni Pablo. Nilalabag nito ang banal na mga pamantayan ng Diyos, at salungat ito sa sagrado at kapaki-pakinabang na mga katotohanan. (1Ti 6:20; 2Ti 1:13) Bunga lang ng imahinasyon ang mga kuwentong ito, kaya wala itong kabuluhan.—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4.
gaya ng ikinukuwento ng matatandang babae: Sa pariralang ito, gumamit si Pablo ng salitang Griego na lumilitaw na naging kasabihan noon para tumukoy sa pagiging “walang saysay.” Pero sa sumunod na kabanata, makikita sa mga sinabi ni Pablo na hindi naman masama ang tingin niya sa mga may-edad, kasama na ang matatandang babae. Pinayuhan niya pa nga si Timoteo na ituring silang mahal na mga kapamilya.—1Ti 5:1, 2.
sanayin mo ang iyong sarili: Mula talata 7 hanggang talata 10, gumamit si Pablo ng iba’t ibang termino na ginagamit sa paligsahan ng mga atleta para magturo. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:8, 10.) Ang salitang Griego na isinalin ditong “sanayin mo ang iyong sarili” ay gy·mnaʹzo, na madalas gamitin para tumukoy sa puspusang pagsasanay ng mga atletang sasali sa mga paligsahan. Kailangan sa pagsasanay na iyon ang disiplina sa sarili, sipag, at determinasyon. (Tingnan ang study note sa 1Co 9:25.) Ginamit ni Pablo ang salitang ito para idiin na kailangan ng pagsisikap para magkaroon ng makadiyos na debosyon.
makadiyos na debosyon: Ang salitang Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos na ipinapakita ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat at lubusang pagsunod sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng salitang ito; tumutukoy rin ito sa tapat na pag-ibig o malapít na kaugnayan sa Diyos ng isang tao na nag-uudyok sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Kaya binanggit sa isang diksyunaryo na ang pinakadiwa talaga ng salitang ito ay “mamuhay sa paraang gusto ng Diyos.” Ipinakita rin ni Pablo na hindi tayo ipinanganak na may makadiyos na debosyon. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na magsikap nang husto gaya ng isang atleta para mapasulong pa ang ganitong katangian. Sa naunang bahagi ng liham na ito, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na si Jesu-Kristo ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:16.
pagsasanay: O “pag-eehersisyo.” Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang paggamit ng mga terminong pang-atleta na sinimulan niya sa naunang talata, kung saan ginamit niya ang pandiwang Griego na gy·mnaʹzo, na literal na nangangahulugang “magsanay (bilang atleta).” (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Dito, ginamit niya ang pangngalang gy·mna·siʹa, na tumutukoy sa pisikal na pagsasanay. Noong panahon ni Pablo, tinatawag na gymnasium (sa Griego, gy·mnaʹsi·on) ang lugar kung saan nagsasanay ang mga atleta. Popular noon ang ganoong mga lugar sa iba’t ibang lunsod sa Imperyo ng Roma dahil pinupuntahan talaga ito ng mga tao. Sa kultura nila, napakahalaga ng pisikal na pagsasanay. Pero may nag-iisip din noon na mali o walang kabuluhan ang ganoong pagsasanay. Sa patnubay ng espiritu, ipinakita ni Pablo kung ano dapat ang maging pananaw dito. Sinabi niya na may kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay, pero idiniin niya na mas kapaki-pakinabang sa isa na “gawing tunguhin na magpakita ng makadiyos na debosyon.”—1Ti 4:7.
makadiyos na debosyon: Para sa paliwanag sa ekspresyong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7; tingnan din ang study note sa 1Ti 2:2.
kapaki-pakinabang sa lahat ng bagay: Ipinakita dito ni Pablo na di-hamak na mas kapaki-pakinabang ang makadiyos na debosyon kaysa sa pisikal na pagsasanay. (Tingnan ang study note sa pagsasanay sa talatang ito.) Alam niya mula sa sarili niyang karanasan na ang makadiyos na debosyon ay “kapaki-pakinabang sa lahat ng bagay” sa “buhay sa ngayon.” Halimbawa, dahil sa makadiyos na debosyon ni Pablo, nanghawakan siya sa “tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (Tit 1:1, 2) Kaya hindi siya kailanman nadaya ng mga bagay na pinapaiwasan niya kay Timoteo, gaya ng mga kasinungalingan, mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu, at ng mga kuwentong di-totoo at lumalapastangan sa Diyos. (1Ti 4:1, 2, 7) Gayundin, tinulungan ni Jehova si Pablo na manatiling malakas kahit nanghihina, masaya kahit nahihirapan, at mapagmahal kahit iniinsulto. (2Co 6:12; 12:10, 15; Fil 4:13; Col 1:24) At dahil napanatili ni Pablo ang kaniyang makadiyos na debosyon, sigurado ang pag-asa niyang “buhay . . . sa hinaharap.” Masayang-masaya siya dahil sa pag-asa niyang mamahala sa langit kasama ni Kristo. Kahit noong malapit na siyang patayin, masaya pa rin siya dahil alam niyang may buhay na walang hanggan na naghihintay sa kaniya.—2Ti 2:12; 4:6-8.
nagsisikap tayo nang husto at nagpapakapagod: Gumamit dito si Pablo ng dalawang salitang Griego na halos magkapareho ng kahulugan para idiin ang punto niya. (Ihambing ang Col 1:29.) Ang isa, na isinaling “nagsisikap . . . nang husto,” ay lumilitaw na nakapokus sa laki ng pagsisikap na ginagawa ng isang tao. Ang isa naman, na isinaling “nagpapakapagod,” ay posibleng tumutukoy sa paggawa ng trabahong nakakaubos ng lakas.—Luc 5:5; 2Ti 2:6; tingnan ang study note sa Luc 13:24.
umaasa tayo sa isang buháy na Diyos: Tinatawag ni Pablo si Jehova na “buháy na Diyos,” ang Diyos na di-hamak na nakahihigit sa walang-buhay na mga idolong sinasamba noong panahon niya. (Gaw 14:15; 1Co 12:2; 1Te 1:9; tingnan ang study note sa 1Ti 3:15.) Bilang buháy na Diyos, may kapangyarihan si Jehova na gantimpalaan ang tapat na mga lingkod niya dahil sa pagsisikap nilang paglingkuran siya. (2Cr 16:9; Jer 32:19; 1Pe 3:12; 1Ju 3:22) Ipinapangako niyang ililigtas niya sila at bibigyan ng buhay na walang hanggan. (Ro 2:6, 7; 1Ti 1:16; Tit 1:2) Nauudyukan si Pablo at ang iba pang Kristiyano na magsikap nang husto at magpakapagod dahil alam nilang galing sa buháy at makapangyarihang Diyos ang pag-asa nila.
Tagapagligtas: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.
lahat ng uri ng tao: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:4.
lalo na ng mga tapat: Sa konteksto, ang ekspresyong “mga tapat” ay tumutukoy sa mga nananampalataya sa buháy na Diyos at nananatili sa panig niya. (Gaw 14:22; 1Te 3:5 at study note, 7) Ang Diyos ang “Tagapagligtas ng lahat ng uri ng tao” dahil inilaan niya ang pantubos, na nagbigay ng pag-asa sa lahat ng tao na maligtas. Pero ang maliligtas lang ay ang mga patuloy na mananampalataya kay Jesus at maglilingkod nang tapat sa Diyos.—Ju 3:16, 36; 1Ti 6:12.
pagiging kabataan mo: Posibleng nasa mahigit 30 anyos si Timoteo nang mga panahong ito, at mahigit isang dekada na siyang sinasanay ni apostol Pablo. Posibleng mga ganito rin ang edad ni Pablo nang una siyang iulat sa Bibliya. Sa Gaw 7:58 (tlb.), tinawag ni Lucas si Saul (Pablo) na ‘kabataang lalaki,’ gamit ang isang salitang Griego na kaugnay ng salita para sa “kabataan” na ginamit dito sa 1Ti 4:12. Gayundin, sa Septuagint, ang terminong Griego na isinasaling “kabataan” ay tumutukoy kung minsan sa mga may asawa. (Kaw 5:18; Mal 2:14, 15; LXX) Sa mga Griego at Romano noon, itinuturing pa ring bata at kulang sa karunungan ang mga lalaking mahigit 30 anyos na. Malamang na mas bata si Timoteo sa ilang lalaki na kailangan niyang payuhan o atasan bilang matandang lalaki, kaya posibleng nag-aalangan siyang gamitin ang awtoridad niya. (1Ti 1:3; 4:3-6, 11; 5:1, 19-22) Siguradong nakapagpalakas ng loob ni Timoteo ang sinabi sa kaniya ni Pablo na “hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan” niya.
maging halimbawa ka sa mga tapat: Nilinaw dito ni Pablo kung paano susundin ni Timoteo ang payong huwag niyang hayaang “hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan” niya. Hindi ito nangangahulugan na magiging dominante si Timoteo o magiging mahigpit siya sa paggamit ng awtoridad na ibinigay sa kaniya ng Diyos; hindi rin niya kailangang pilitin ang iba na igalang siya. Hindi rin kasi ganiyan ang ginawa ni Pablo. (Tingnan ang study note sa 2Co 1:24.) Sa halip, hinimok ni Pablo si Timoteo na patuloy na maging mabuting halimbawa sa iba dahil mas epektibo ito. Pagkatapos, bumanggit si Pablo ng limang bagay kung saan puwedeng maging halimbawa si Timoteo sa “mga tapat”: sa pananalita, paggawi, kalinisan, pag-ibig, at pananampalataya. Kapag nakita ng mga tapat ang halimbawa niya, mapapakilos din silang maging mas mabuting Kristiyano.—Heb 13:7, 17.
kalinisan: O “kadalisayan.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:2.
Magsikap ka: O “Ibuhos mo ang atensiyon mo.” Makaranasang ministro at tagapangasiwa si Timoteo. (Fil 2:20-22; 1Te 3:2) Pero dito, pinasigla siya ni Pablo na pasulungin pa ang kaniyang pangmadlang pagbabasa, pagpapayo, at pagtuturo. Para magawa ito, kailangang mag-aral at maghandang mabuti ni Timoteo. Nasa panahunang pangkasalukuyan ang pandiwang Griego na ginamit dito, na nagpapakitang kailangang patuloy na pag-isipan ni Timoteo kung paano siya susulong at pagsikapang maisakatuparan ito sa mga bahaging iyon ng kaniyang ministeryo.
pangmadlang pagbabasa: Mahalagang bahagi ng pagsamba noon sa sinagoga ng mga Judio ang pagbabasa ng Kasulatan nang malakas, at naging mahalagang bahagi rin ito ng mga Kristiyanong pagpupulong. (Luc 4:16 at study note; Gaw 13:15 at study note) Sa pagtitipon ng mga Kristiyano noon, binabasa nila ang Hebreong Kasulatan, at nang maglaon, pati na rin ang ilang akda na naging bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Nagpapadala rin ang matatandang lalaki ng mga liham na dapat basahin sa mga kongregasyon. (Gaw 15:22, 23, 30, 31; 16:4, 5; Col 4:16; 1Te 5:27; Apo 1:3) Kailangan talagang basahin nang malakas ang mga iyon dahil iilan lang ang may kopya nito at posible ring may mga hindi marunong magbasa. Kailangang maghandang mabuti ng magbabasa para mabasa niya nang mahusay ang materyal at maintindihan ito ng mga nakikinig. (Ihambing ang Ne 8:8.) Mas mahirap ang pagbabasa noon, dahil sa mga manuskritong Griego na ginagamit nila, walang espasyo sa pagitan ng mga salita at kakaunti rin ang mga bantas. Kaya siguradong napahalagahan ni Timoteo ang payo sa kaniya ni Pablo tungkol sa pangmadlang pagbabasa at ipinayo niya rin ito sa iba.
pagpapayo: O “pagpapatibay.” Kasama sa pagpapayo ang pagpapakilos sa iba na gawin ang isang bagay, pero ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring tumukoy sa pagpapasigla at pagpapatibay. Kung paanong kailangan ni Timoteo na maghandang mabuti sa pangmadlang pagbabasa at pagtuturo, kailangan din niyang gawin ang buong makakaya niya para mapasigla at mapatibay ang mga kapatid.—Tingnan ang study note sa Ro 12:8; Fil 2:1.
Huwag mong pabayaan ang regalong ibinigay ng Diyos sa iyo: Tinutukoy dito ni Pablo ang isang regalong ibinigay ni Jehova kay Timoteo sa pamamagitan ng banal na espiritu. Lumilitaw na tumutukoy ito sa espesyal na pananagutan ni Timoteo sa bayan ng Diyos. Malamang na tinanggap niya ang regalong ito noong dumalaw si Pablo sa Listra sa ikalawang paglalakbay nito bilang misyonero. Nang panahong iyon, “isang hula” ang ibinigay tungkol sa magiging mga pananagutan ni Timoteo. Nang maglaon, naging naglalakbay na tagapangasiwa si Timoteo. Inatasan din siyang maglingkod nang ilang panahon sa Efeso bilang tagapangasiwa. (1Ti 1:3) Alam ni Pablo na masasayang ang isang regalo kung hindi ito gagamitin. Kaya nang payuhan niya si Timoteo na huwag pabayaan, o bale-walain, ang regalong natanggap nito, napaalalahanan niya si Timoteo kung gaano kahalaga ang regalong ito. Gusto niyang patuloy itong mahalin ni Timoteo sa pamamagitan ng pagbibigay ni Timoteo ng buong makakaya niya sa atas na ito.—Tingnan din ang 2Ti 1:6 at study note.
sa pamamagitan ng isang hula: Posibleng tumutukoy ito sa isa sa mga hulang binanggit tungkol kay Timoteo nang dumalaw si Pablo sa Listra noong ikalawang paglalakbay nito bilang misyonero. Ang mga hulang ito ay lumilitaw na tungkol sa magiging pananagutan ni Timoteo sa kongregasyong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Ti 1:18.) Kaya naging malinaw na ang espiritu ni Jehova ang aakay kay Timoteo sa mga gagawin niyang paglilingkod. Dahil diyan, agad na binigyan ng matatandang lalaki sa Listra si Timoteo ng espesyal na atas at ipinasama siya kay Pablo.—Gaw 16:1-5.
ipatong sa iyo . . . ang kanilang mga kamay: Tingnan ang study note sa Gaw 6:6.
lupon ng matatandang lalaki: Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na pre·sby·teʹri·on para tumukoy sa isang grupo ng matatandang lalaki. Kaugnay ito ng salitang madalas isaling “matandang lalaki.” (Tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”) Sa Luc 22:66 (tingnan ang study note) at Gaw 22:5 (tingnan ang study note), ang terminong pre·sby·teʹri·on ay tumutukoy sa “kapulungan ng matatandang lalaki,” na malamang na ang Judiong Sanedrin. Lumilitaw na ginagamit din ang terminong Griegong ito para sa mga lalaking nangunguna sa mga komunidad ng mga Judio sa iba’t ibang bahagi ng Imperyo ng Roma. Ipinapakita sa talatang ito na ito rin ang terminong ginagamit ng mga Kristiyano para sa grupo ng “matatandang lalaki,” o mga lalaking nangunguna, sa bawat kongregasyon. Makikita rin sa ibang teksto na karaniwan nang higit sa isa ang matandang lalaki sa bawat kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 14:23; 20:17; Fil 1:1.
Pag-isipan mong mabuti: O “Bulay-bulayin mo.” Idiniriin dito ni Pablo ang kahalagahan ng pagbubulay-bulay. Posibleng tumutukoy ang mga bagay na ito sa payo ni Pablo kay Timoteo sa naunang mga talata tungkol sa paggawi, ministeryo, at pagtuturo (1Ti 4:12-14) o sa buong liham niya. Idiniriin din sa Hebreong Kasulatan kung gaano kahalaga na pag-isipang mabuti ng mga lingkod ni Jehova ang mga ginagawa nila at ang kaugnayan nila sa Diyos. (Aw 1:2 at tlb.; 63:6; 77:12; 143:5) Halimbawa, sa Jos 1:8, sinabi ni Jehova kay Josue tungkol sa “aklat . . . ng Kautusan”: “Dapat mo itong basahin nang pabulong [o, “bulay-bulayin,” tlb.] araw at gabi.” Ang pandiwang Hebreo na ginamit sa talatang iyon ay tumutukoy sa pagbabasa nang hindi nagmamadali para mapag-isipang mabuti ng isa ang binabasa niya. Ginamit din ng Griegong Septuagint sa talatang iyon ang pandiwa na ginamit ni Pablo dito sa 1Ti 4:15. Gaya ni Josue, kailangan din ni Timoteo na bulay-bulayin araw-araw ang Kasulatan para patuloy siyang sumulong sa espirituwal at maging mas mahusay sa pagganap ng atas niya.
magbuhos ka ng pansin dito: Ang ekspresyong ito ay nagpapahiwatig ng pagiging tutok na tutok sa isang gawain. Sinabi ng isang reperensiya tungkol dito: “Dapat na ang mga bagay na ito ang pumupuno sa isip ng isa, kung paanong pinupuno ng hangin ang katawan ng isang tao.”
para makita ng lahat ang pagsulong mo: Gusto ni Pablo na patuloy na sumulong si Timoteo sa mga aspekto ng paglilingkod na binanggit niya. Ang mga makakakita sa pagsulong ni Timoteo ay mauudyukang tularan siya, at lalo rin silang magtitiwala sa kaniya. (1Ti 4:12-16) Ang dapat na motibo niya ay hindi itaas ang sarili niya o pahangain ang iba, kundi tulungan ang kongregasyon.—Ro 12:3; 1Co 4:7; 13:4.
Laging bigyang-pansin ang sarili mo: Talagang gusto ni Pablo na maingatan ni Timoteo ang espirituwalidad nito, at gusto niyang maging mapagbantay si Timoteo laban sa anumang bagay na puwedeng maging dahilan para maiwala nito ang pag-asa niyang mabuhay nang walang hanggan. Nang makipagkita si Pablo sa matatandang lalaki mula sa Efeso mga ilang taon bago nito, pinayuhan niya rin sila: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili.” Kaya idiniriin ni Pablo na kailangan ng mga tagapangasiwa na manatiling matibay sa espirituwal at iwasang magtiwala sa sarili.—Gaw 20:17, 28 at study note.
Ibigay mo ang buong makakaya mo sa pagtupad sa mga bagay na ito: Sa mapuwersang paraan, tinapos ni Pablo ang mga bilin niya kay Timoteo kung paano “magiging mahusay [na] lingkod ni Kristo Jesus.” (1Ti 4:6-16) Sa talata 15 at 16, espesipikong binanggit ni Pablo ang mga gusto niyang patuloy na gawin ni Timoteo: ‘Mag-isip nang mabuti, magbuhos ng pansin, laging magbigay-pansin sa sarili, at ibigay ang buong makakaya.’ Sinabi ng isang reperensiya tungkol sa payo ni Pablo sa itinuturing niyang anak na si Timoteo: “Posibleng ang nilalaman ng dalawang talatang ito ang pinakamadamdaming payo na mababasa sa liham na ito.”