Unang Liham kay Timoteo 5:1-25
Talababa
Study Notes
Huwag kang maging mabagsik sa pagsaway sa nakatatandang lalaki: Ang pandiwang Griego na isinaling “maging mabagsik sa pagsaway” ay literal na nangangahulugang “suntukin.” Sa makasagisag na diwa, gaya ng pagkakagamit dito, nangangahulugan itong “bulyawan; sermunan.” Pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo na kahit may awtoridad siya, hindi niya ito dapat abusuhin at hindi siya dapat maging malupit sa iba. (1Ti 1:3) Dapat mahalin at irespeto ni Timoteo ang mga kapatid, lalo na ang nakatatandang mga lalaki.—Lev 19:32; tingnan ang study note sa makipag-usap sa talatang ito.
nakatatandang lalaki: Makikita sa konteksto na literal ang pagkakagamit dito ng salitang Griego na pre·sbyʹte·ros. Tumutukoy ito sa mga lalaking may-edad na, kabaligtaran ng “mga nakababatang lalaki” na binanggit sa talata ring ito. Pero sa ibang konteksto, ang terminong ito ay tumutukoy sa “matatandang lalaki,” o mga lalaking may awtoridad at pananagutan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (1Ti 5:17; Tit 1:5; tingnan ang study note sa Gaw 11:30.) Kaya kung may nakatatandang lalaki na kailangang ituwid ni Timoteo, kailangan niya itong ‘kausapin na gaya ng kaniyang ama,’ lalo na kung kapuwa niya ito tagapangasiwa.
makipag-usap: O “makiusap.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo (pa·ra·ka·leʹo) ay tumutukoy sa pagmamalasakit sa isa sa pamamagitan ng pagbibigay ng pampatibay at payo. (Tingnan ang study note sa Ro 12:8, kung saan ang pandiwang Griego na ito ay isinaling “magpatibay.”) Kaya pinayuhan ni Pablo si Timoteo na mahalin ang mga kapatid sa kongregasyon na gaya ng pamilya para maging halimbawa siya sa iba. (1Co 4:14; 1Te 2:7, 8) Kahit kailangan niyang magbigay ng payo, hindi pa rin dapat maging mabagsik si Timoteo.
may malinis na puso: O “may kadalisayan.” Ang salitang Griego na isinaling “may malinis na puso” ay puwedeng tumukoy sa pagiging malinis sa paggawi (kasama na ang seksuwal na paggawi), pag-iisip, at motibo. (1Ti 4:12; tingnan ang study note sa Fil 4:8.) Dapat pakitunguhan ni Timoteo ang mga nakababatang babaeng Kristiyano na parang mga kapatid niya talaga. Kailangan niyang makitungo nang may malinis na puso sa kanila, pati na sa lahat ng iba pang kapatid; ibig sabihin, pananatilihin niyang malinis ang kaniyang isip, pananalita, at paggawi.—Job 31:1.
Alagaan mo: Lit., “Parangalan mo.” Puwede rin itong isalin na “Patuloy mong parangalan.” Dito, sinasabihan ni Pablo si Timoteo na dapat igalang, mahalin, at alagaan ang mga biyuda, na kadalasan nang hiráp sa buhay at walang kalaban-laban. Sinasabi ng mga diksyunaryo na sa kontekstong ito, ang salitang ginamit ni Pablo para sa “alagaan” (o “parangalan”) ay puwede ring tumukoy sa pagbibigay ng materyal na tulong. (Ihambing ang Mat 15:5, 6; Gaw 28:10; tingnan ang study note sa 1Ti 5:17.) Maraming ulat sa Bibliya ang nagpapakita na mahal at pinaparangalan ng Diyos ang tapat na mga biyuda. Ilan sa mga ito sina Noemi, Ruth, ang biyuda ng Zarepat, at si Ana na propetisa.—Ru 1:1-5; 2:10-13, 19, 20; 4:14, 15; 1Ha 17:8-24; Luc 2:36-38.
mga biyuda na talagang nangangailangan ng tulong: O “talagang mga biyuda.” Ibig sabihin, mga biyuda na wala nang ibang maaasahan.
mag-alaga sa kanilang kapamilya bilang pagpapakita ng makadiyos na debosyon: Maraming beses binanggit ni Pablo ang “makadiyos na debosyon” (sa Griego, eu·seʹbei·a) sa liham niyang ito kay Timoteo. Ang anyong pangngalan nito ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Dito, ginamit ni Pablo ang anyong pandiwa nito (eu·se·beʹo, isinaling “bilang pagpapakita ng makadiyos na debosyon”) para ipakita na ang matinding paggalang sa Diyos ang magpapakilos sa mga Kristiyano na alagaan ang magulang nila, lolo, o lola na wala nang asawa. Sa ilang salin ng Bibliya, ang ginamit ay “bilang paggalang” o “bilang pagtupad sa obligasyon nila.” Pero hindi makikita sa mga saling ito na ang kaugnayan sa Diyos ng isang Kristiyano ang dahilan kung kaya ginagawa niya ang atas na ito nang may pagtitiis, kagalakan, at pag-ibig, kahit na kadalasan nang nakakaubos ito ng lakas, pisikal man o emosyonal. (Ec 12:1-8) Ang pandiwang ginamit ni Pablo ay nagpapakitang ang pag-aalaga sa mga nabiyudo o nabiyudang kapamilya ay pangunahin nang ekspresyon ng matinding paggalang sa Diyos at pagsunod sa mga utos niya may kaugnayan sa buhay-pampamilya.—Exo 20:12; Mat 15:3-6; 1Ti 5:8; San 1:27.
bilang pagpapakita ng makadiyos na debosyon: Sa ilang saling Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salin sa pariralang ito ay “mag-alaga (manguna) sa kanilang pamilya nang may karunungan at takot kay Jehova.”—Ihambing ang study note sa 1Ti 2:2.
patuloy na nagsusumamo at nananalangin gabi’t araw: Kapansin-pansin na ang pagkakalarawan ni Pablo sa mga biyudang “nagtitiwala sa Diyos” ay katulad ng sinabi ni Lucas tungkol sa propetisang si Ana. ‘Laging nasa templo’ ang may-edad na biyudang iyon at “sumasamba araw at gabi na may pag-aayuno at mga pagsusumamo.” (Luc 2:36, 37) Pinuri naman ni Jesus ang isang “mahirap na biyuda” na mayroon lang “dalawang maliliit na barya na napakaliit ng halaga”; pero ganoon na lang kalaki ang tiwala niya kay Jehova kaya inihulog pa rin niya sa templo sa Jerusalem ang dalawang barya niya. (Luc 21:1-4; tingnan ang study note sa talata 4.) Ipinapakita ng mga sinabi ni Pablo sa talatang ito, pati na ng ulat ng Ebanghelyo tungkol sa mga babaeng binanggit, kung gaano kahalaga para kay Jehova ang mga biyudang Kristiyano na matibay ang pananampalataya.
ang biyuda na nagpapakasasa sa kaniyang pagnanasa: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay puwedeng tumukoy sa isang maluho at makasariling paraan ng pamumuhay. Puwede rin itong tumukoy sa pagiging imoral. Posibleng alam ni Pablo na may mga biyudang Kristiyano na sinamantala ang pagiging walang asawa nila at namuhay nang maluho. (Ihambing ang 1Ti 2:9.) Maliwanag na hindi dapat bigyan ng materyal na tulong ang mga biyudang namumuhay nang maluho o hindi sumusunod sa pamantayang moral ni Jehova, dahil aabusuhin lang nila ang pagkabukas-palad ng kongregasyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:3.
patay na, kahit buháy pa siya: Patay sa makasagisag na paraan.—Ihambing ang Apo 3:1; tingnan ang study note sa Efe 2:1.
mga tagubiling: O “mga utos na.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:5.
naglalaan: Tumutukoy sa materyal na paglalaan. Ipinakita dito ni Pablo na obligasyon ng mga ulo ng pamilya na maglaan sa kanilang asawa at anak hangga’t posible. Kung minsan, hindi na rin kayang suportahan ng magulang o lolo’t lola na wala nang asawa ang kanilang sarili. Sa ganitong kalagayan, sisikapin ng adultong mga anak na maglaan sa kanila. Baka may malalaking gastusin na kailangan nilang paghandaan o baka kailangan nilang gumawa ng mga kaayusan para may mag-alaga sa matatanda nilang kapamilya. (Ihambing ang Ju 19:26, 27.) Ipinakita ni Pablo na hindi lang obligasyon ang dapat magpakilos sa mga Kristiyano na sundin ang utos na ito, kundi ang kagustuhan nilang mapasaya ang Diyos at tanggapin ang pagsang-ayon niya.—Exo 20:12; Deu 5:16; Mat 15:4-6.
sa mga nasa pangangalaga niya, lalo na sa mga miyembro ng pamilya niya: Mas malawak ang kahulugan ng ekspresyong “mga nasa pangangalaga niya” at tumutukoy ito sa malalapít na kamag-anak. Ang ekspresyon namang “mga miyembro ng pamilya niya” sa kontekstong ito ay tumutukoy sa mismong pamilya niya na nakatira sa bahay niya.
itinakwil na niya ang pananampalataya: Ang Kristiyanong pananampalataya ay tumutukoy sa lahat ng itinuro ni Kristo at ng mga alagad niya sa patnubay ng espiritu. Kasama sa mga itinuro ni Jesus ang utos ng Diyos na ‘parangalan ang ama at ina,’ at hinatulan niya ang mga hindi sumusunod dito. (Exo 20:12; Deu 5:16; Mar 7:9-13) Kaya hindi masasabing may pananampalataya ang isang Kristiyano kung hindi niya aalagaan ang pamilya niya, pati na ang magulang niya, lolo, o lola na wala nang asawa. Kung sadya niyang binabale-wala ang obligasyong ito, para bang itinakwil niya ang pananampalataya niya. Magiging mas masahol pa sa walang pananampalataya ang taong ito, dahil may mga di-mánanampalatayá na nag-aalaga sa pamilya nila udyok ng pag-ibig.—Ro 2:14, 15.
walang pananampalataya: Sa ilang saling Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mababasa dito ay “isang taong nagtakwil kay Jehova.” Pero dahil walang patunay na ginamit sa orihinal na tekstong Griego ang pangalan ng Diyos, hindi ginamit ng New World Bible Translation Committee ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito.—Tingnan ang Ap. C.
Isama sa listahan ang isang biyuda: Ang pandiwang Griego na isinaling “isama sa listahan” ay kadalasan nang ginagamit noon para tumukoy sa isang opisyal na listahan. Lumilitaw na may kaayusan noon ang mga kongregasyon sa pagsuporta sa nangangailangang mga Kristiyano, kasama na ang mahihirap na biyuda. Nagmungkahi si Pablo ng ilang bagay na dapat tingnan para matiyak kung dapat tumanggap ng tulong mula sa kongregasyon ang isang biyuda o hindi.
60 taóng gulang pataas: Itinuturing nang matanda noong panahon ni Pablo ang mga tumuntong ng edad 60. Sa ganitong edad, malabo nang mag-asawang muli ang isang biyuda at malamang na mas mahihirapan na siyang suportahan sa pinansiyal ang sarili niya.
naghugas ng paa ng mga banal: Ang paghuhugas sa paa ng mga bisita ay isang paglilingkod at pagpapakita ng kabaitan, dahil ang mga tao noon ay nakasandalyas lang kaya siguradong marurumihan ang paa nila sa paglakad sa maalikabok na kalsada. Dahil hamak na trabaho ang paghuhugas sa paa ng iba, hindi ito kayang gawin ng mga mapagmataas. (Luc 7:44) Kaya kung ang isang biyuda ay kilala sa paggawa ng mabubuting bagay, kasama na ang paghuhugas sa paa ng iba, ipinapakita nitong mapagpakumbaba siya at handang maglingkod. Dahil diyan, magiging mas bukal sa puso ang pagtulong sa kaniya ng mga kapananampalataya niya sa panahon ng pangangailangan.—Luc 6:38.
huwag mong isama sa listahan ang mga nakababatang biyuda: Sinabihan ni Pablo ang kongregasyon na dapat silang magpokus sa pagtulong sa may-edad na mga biyuda na may magandang reputasyon at talagang nangangailangan. Sa talata 11-15, binanggit niya ang ilang dahilan kung bakit dapat munang pag-isipang mabuti ang pagtulong sa nakababatang mga biyuda.—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:12.
hindi sila tumupad sa nauna nilang pangako: O “tinalikuran nila ang kanilang unang kapahayagan ng pananampalataya.” Posibleng ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na may nakababatang mga biyuda sa Efeso na nagsabi o nangako pa nga na mananatili silang walang asawa para makapaglingkod sila kay Jehova nang walang abala. (Ihambing ang 1Co 7:34.) Kaya naman, binigyan sila ng kongregasyon ng materyal na suporta. Pero lumilitaw na may mga biyudang nagbago ng desisyon. Gaya ng sinabi ni Pablo, hinayaan nila ang kanilang seksuwal na pagnanasa na maging “hadlang sa paglilingkod nila sa Kristo.” (1Ti 5:11) Isa pa, sinabi ni Pablo na “hindi lang [sila] basta walang ginagawa, kundi nagiging mga tsismosa sila at mapanghimasok sa buhay ng iba.” (1Ti 5:13) Kaya sa talata 14, nagpayo si Pablo sa nakababatang mga biyuda kung paano nila mapoprotektahan ang sarili sa espirituwal.—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:14.
tsismosa: Ang salitang Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa isa na nagsasalita ng walang saysay. Galing ito sa pandiwa na nangangahulugang “biglang sumusulpot.” Ayon sa isang reperensiya, “basta sinasabi [ng mga tsismosa] anuman ang sumulpot sa isip nila.” Hindi naman masama ang magkuwentuhan. Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pagtsitsismisan. May nakababatang mga biyuda noon na “nagsasalita . . . ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin.”
gusto ko sana na ang mga nakababatang biyuda ay mag-asawa: Inirerekomenda ni Pablo na mag-asawa ang nakababatang mga biyuda para magkapamilya sila, dahil magiging proteksiyon iyon sa kanila. Kung magiging abala sila sa pag-aasikaso sa pamilya nila, maiiwasan nila ang di-katanggap-tanggap na mga paggawi, gaya ng pagtsitsismisan o pakikialam sa buhay ng iba. (1Ti 5:13; tingnan ang study note sa 1Ti 2:15.) Maiiwasan din nila ang sinabi ni Pablo sa talata 12, tungkol sa di-pagtupad sa “nauna nilang pangako.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:12.
mga kamag-anak na biyuda: Pananagutan noon ng isang babaeng Kristiyano na alagaan ang mga biyuda sa pamilya niya, gaya ng nanay at lola niya. Kasama rin dito ang mga biyuda na malapit niyang kamag-anak at wala nang ibang mag-aalaga.
para hindi mapabigatan ang kongregasyon: Mahal na mahal ng kongregasyon ang mga biyudang lingkod ng Diyos na kuwalipikadong tumanggap ng tulong. (1Ti 5:5, 9, 10) Pero sinabi ni Pablo na hindi kailangang magbigay ng materyal na suporta ang kongregasyon kung may mga kapamilya ang isang biyuda na kayang mag-alaga sa kaniya; hindi rin dapat suportahan ang mga di-maganda ang katayuan sa kongregasyon. (1Ti 5:4, 6, 7, 11-15) Kung susuportahan ng kongregasyon kahit ang mga biyudang hindi naman kuwalipikado, mababawasan nito ang pondo at lakas ng mga kapatid na dapat sanang ilaan sa pangangaral at pagtulong sa talagang nangangailangan.—Tingnan ang study note sa 2Co 8:4.
mga biyuda na talagang nangangailangan: O “talagang mga biyuda.” Ibig sabihin, mga biyuda na wala nang ibang maaasahan.
matatandang lalaki: Napakalapít ni Pablo sa mga kapatid sa kongregasyon sa Efeso. (Gaw 19:1, 8-10; 20:17, 31, 37, 38) Huli niyang nakausap ang matatandang lalaki doon mga ilang taon bago niya isulat ang liham na ito (mga 56 C.E.) noong papatapos na ang ikatlong paglalakbay niya bilang misyonero. (Tingnan ang study note sa Gaw 20:17.) Noong magkita sila, idiniin ni Pablo kung gaano kahalaga para sa mga tagapangasiwa na pastulan ang kawan ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Gaw 20:28.) Dito naman, tinutulungan ni Pablo ang mga kapatid na pahalagahan ang ginagawa ng masisipag na matatandang lalaki sa kanilang kongregasyon.
nangangasiwa sa mahusay na paraan: Ang terminong Griego na isinaling “nangangasiwa” ay literal na nangangahulugang “tumayo sa harap.” (Tingnan ang study note sa Ro 12:8.) Sa makasagisag na diwa, tumatayo sa harap ng kongregasyon ang matatandang lalaki kapag nangunguna sila sa pagtuturo, iniingatan nila ang kawan mula sa espirituwal na kapahamakan, at tinutulungan nila ang bawat indibidwal na manatiling malapít kay Jehova. Sinasabi rin sa Bibliya na ang mga ama ay “nangangasiwa” sa pamilya nila. (1Ti 3:4, tlb.) Kung minsan, kailangan nilang gumawa ng mga desisyon at patakaran pa nga para sa kanilang pamilya. Pero walang ganiyang awtoridad sa kongregasyon ang mga tagapangasiwa. (2Co 1:24; Gal 6:5) Mapagpakumbaba nilang kinikilala na si Kristo ang ulo nila, kaya tinutularan nila ang mga katangian niya, lalo na ang kaniyang kapakumbabaan, sa pakikitungo sa kawan.—Mat 20:24-28; Ju 13:13-16; Col 1:18.
karapat-dapat sa dobleng karangalan: Dapat igalang at parangalan ng lahat ng Kristiyano ang isa’t isa. (Ro 12:10; Fil 2:3) Pero idiniin dito ni Pablo na doble, o higit, na karangalan ang dapat ipakita ng kongregasyon sa masisipag na matatandang lalaki. Magagawa nila ito kung susunod sila sa tagubilin at tutularan ang magandang halimbawa ng mga ito. (Heb 13:7, 17) Makikita sa sumunod na talata sa 1Ti 5:18 na puwede ring tumukoy sa materyal na tulong ang pagbibigay ng “dobleng karangalan.” Pero hindi ito nangangahulugan na dapat suwelduhan ang matatandang lalaki, dahil mismong si Pablo ay nagtrabaho para suportahan ang sarili niya, gaya ng sinabi niya sa matatandang lalaki sa kongregasyon sa Efeso.—Gaw 18:3; 20:17, 34; 1Co 4:16; 11:1; 1Te 2:6 at study note, 9.
Dahil sinasabi ng kasulatan: Gumamit si Pablo ng dalawang pagsipi para suportahan ang naunang sinabi niya. (Ihambing ang Ro 9:17 at study note; 10:11.) Ang una ay galing sa Deu 25:4. (Tingnan din ang study note sa 1Co 9:9.) Ang ikalawa ay posibleng batay sa Lev 19:13. Pero posible ring kinuha ito ni Pablo sa isang Ebanghelyo. Katulad na katulad ito ng sinabi ni Jesus sa Luc 10:7. Isinulat ni Lucas ang Ebanghelyo niya noong mga 56-58 C.E., at lumilitaw na isinulat naman ni Pablo ang liham niyang ito kay Timoteo sa pagitan ng 61 at 64 C.E. (Ang sinipi ni Pablo ay kahawig din ng nasa Mat 10:10, na isinulat noong mga 41 C.E.) Kung gayon, isa ito sa mga pinakaunang halimbawa ng isang manunulat ng Bibliya na sumipi sa Ebanghelyo. Pinapatunayan nito na talagang galing sa Diyos ang Ebanghelyo.—Ihambing ang 1Co 9:14, kung saan binanggit ni Pablo ang isang utos ng Panginoong Jesus; tingnan din ang study note sa 1Co 12:10.
akusasyon: Posibleng maakusahan ng seryosong paglabag sa Kasulatan ang isang matandang lalaki; kung mapatunayan ito, hindi na masasabing siya ay “di-mapupulaan.” (1Ti 3:2; Tit 1:5) Kaya hindi na siya kuwalipikadong maglingkod bilang isang matandang lalaki. Kung mabigat ang kasalanang inaakusa sa kaniya, puwede pa nga siyang matiwalag sa kongregasyon.—1Co 5:13; 6:9, 10.
matandang lalaki: Ang salitang Griego na ginamit dito, pre·sbyʹte·ros, ay puwedeng tumukoy sa isang lalaking may-edad na o sa isang lalaking may awtoridad at pananagutan sa loob ng kongregasyong Kristiyano.—Tingnan ang study note sa Gaw 20:17; 1Ti 5:1.
kung may dalawa o tatlong testigo: Sa patnubay ng espiritu, kinuha ni Pablo ang pamantayang ito mula sa Kautusang Mosaiko para gamitin sa isang espesipikong sitwasyon—kapag may nag-akusa sa isang matandang lalaki ng seryosong paglabag sa kautusan ng Diyos. (Deu 17:6; 19:15) Mapoprotektahan nito ang tapat na tagapangasiwa mula sa akusasyon ng isang tao na gusto lang siyang siraan. Dahil kasi sa maling akusasyong iyon, puwedeng masira ang reputasyon ng inosenteng tagapangasiwa at mawala ang pribilehiyo niyang alagaan ang kongregasyon. Pero kung may “dalawa o tatlong testigo” na nagpapatunay sa akusasyong iyon, kailangang kumilos ang lupon ng matatanda para disiplinahin ang akusado.
Sawayin: Sa Bibliya, ang terminong Griego na isinasaling “sawayin” ay kadalasan nang tumutukoy sa pagtulong sa isa na makitang nagkasala siya. Layunin ng nagbibigay ng saway na mapakilos ang isang tao na aminin ang kasalanan niya at ituwid ito. Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ito ay puwede ring mangahulugang “‘ituwid,’ ibig sabihin, ‘ituro ang daan mula sa kasalanan tungo sa pagsisisi.’” Nakapagtuturo ang disiplinang ito. Sa Ju 16:8, ang salitang Griego para sa “sawayin” ay isinaling “magbibigay . . . ng nakakukumbinsing katibayan.”
sa harap ng lahat: Lit., “sa paningin ng lahat.” Lumilitaw na tinutukoy dito ni Pablo ang lahat ng nakakaalam sa nagawang kasalanan. Sa ilang pagkakataon, tumutukoy ito sa buong kongregasyon. Sa ibang kaso naman, tumutukoy ito sa isang maliit na grupo na naapektuhan ng pagkakasala o nakaalam nito. Posibleng nakita mismo ng ilan sa kanila ang nangyari. Halimbawa, sinasabi sa Luc 8:47 na noong pagalingin ni Jesus ang isang babae, sinabi nito “sa harap ng lahat ng tao [lit., “sa paningin ng lahat”] kung bakit [nito] hinipo si Jesus.” Makikita sa ulat at sa konteksto na nagsalita siya sa harap ng mga nakarinig sa tanong ni Jesus na “Sino ang humipo sa akin?” Hindi sinasabi sa ulat na nagpaliwanag ang babae sa harap ng isang malaking grupo o sa lahat ng nasa lunsod.—Luc 8:43-47.
namimihasa sa kasalanan: Ang anyo ng pandiwang Griego para sa “magkasala” na ginamit dito ay nagpapahiwatig ng patuluyang pagkilos. Kaya hindi ito tumutukoy sa minsang pagkakasala, kundi sa patuloy na paggawa ng kasalanan. Sa ibang salin, ang ginamit dito ay “nagkakasala” o “patuloy na gumagawa ng kasalanan.”
para magsilbing babala sa iba: Lit., “para matakot ang iba.” Ipinapakita dito kung bakit sinasaway “sa harap ng lahat” ang isang nagkasala. Ang tinutukoy dito ni Pablo na “iba” ay ang mga nakaalam sa pagkakasala at natulungang magkaroon ng tamang pagkatakot na magkasala. Dahil kasi sa nakita nilang pagsaway, makikita nilang mahalaga na iwasan ang pagkakasala, pati na ang mga gawaing umaakay dito.
piniling mga anghel: Pinili ng Diyos ang tapat na mga anghel para maging lingkod niya, di-gaya ng masamang mga anghel na itinakwil niya. (Jud 6) May tapat na mga anghel ding pinili para protektahan ang mga lingkod ng Diyos sa lupa, pangasiwaan ang gawaing pangangaral, at mag-ulat kay Jehova at kay Jesus ng mga naoobserbahan nila.—Heb 1:14; Apo 14:6; tingnan ang study note sa Mat 18:10.
inuutusan kita: Iisang salita lang sa Griego ang katumbas ng mapuwersang pariralang ito. Ayon sa isang diksyunaryo, ang pandiwang ito ay nangangahulugang “mag-utos nang may awtoridad para gawin ng isa ang mga bagay na napakahalaga.” (Lumitaw rin ang pandiwang ito sa Septuagint, halimbawa, sa 1Sa 8:9 at 2Cr 24:19.) Sa naunang mga talata, sinabi ni Pablo kung ano ang dapat gawin kapag may nag-akusa sa matatandang lalaki ng paglabag sa kautusan. Idiniin niya rin kung bakit dapat sawayin ang mga namimihasa sa kasalanan. Dahil napakabigat ng pananagutang ito, inutusan niya si Timoteo sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus para ipaalala na kapag pinag-uusapan ng matatandang lalaki ang kompidensiyal na mga bagay, hayag ang lahat ng ito sa pinakamatataas na awtoridad.—Ro 2:16; Heb 4:13.
patas at suriin . . . munang mabuti ang lahat ng bagay bago magdesisyon: Idiniin ni Pablo kung paano maiiwasang makagawa ng maling hatol. Dapat iwasan ng matatandang lalaki na magbigay ng sobra-sobrang pabor sa isang tao dahil lang sa pagkakaibigan o iba pang personal na dahilan. Iiwasan din nilang magkaroon agad ng negatibong pananaw sa isang tao bago pa man nila maisaalang-alang ang lahat ng bagay.
Huwag kang magmadali sa pagpapatong ng mga kamay mo sa sinuman: Lumilitaw na binigyan ng awtoridad si Timoteo na humirang ng mga tagapangasiwa sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay niya sa kanila. (Tingnan sa Glosari, “Pagpapatong ng kamay,” at study note sa Gaw 6:6.) Hindi dapat “magmadali,” o magpadalos-dalos, si Timoteo sa paghirang; gagawin niya lang ito kapag natiyak na niyang kuwalipikado talaga ang isang lalaki. (1Ti 3:1-7) Malaki ang impluwensiya sa kongregasyon ng inatasang mga lalaki, kaya mahalagang sundin ni Timoteo ang payo ni Pablo. Kung hindi, puwede siyang magkaroon ng bahagi sa kasalanan ng iba, ibig sabihin, magiging responsable din siya sa pagkakamali na puwedeng magawa ng isang lalaking inatasan kahit hindi naman ito kuwalipikado.
uminom ka ng kaunting alak: Noong panahon ni Pablo, karaniwan nang ginagamit ang alak bilang panggamot. Halimbawa, ipinanggagamot ito sa sakit ng tiyan o sa sugat. (Tingnan ang study note sa Luc 10:34.) Ipinapakita ng payong ito na gaya ng isang ama, nagmamalasakit si Pablo kay Timoteo, na masigasig na naglilingkod sa Diyos kahit na ‘madalas siyang magkasakit.’ Mula noon hanggang ngayon, may mga patunay na puwedeng ipanggamot ang alak. Inirerekomenda noon ng Griegong manggagamot na si Hippocrates ng Kos (mga 460-370 B.C.E.) na bigyan ng “kaunting alak” ang “isang lalaking mahina ang pangangatawan kung ikukumpara sa karamihan,” dahil ang alak ay “isa sa pinakaepektibong gamot.” Sinabi rin ni Aulus Cornelius Celsus, isang Romanong manunulat tungkol sa medisina noong unang siglo C.E.: “Kung sumasakit ang tiyan ng isa, . . . uminom siya ng mainit na alak habang walang laman ang tiyan niya at hindi tubig.”