Unang Liham kay Timoteo 6:1-21

6  Para sa mga alipin, dapat na patuloy nilang ituring ang may-ari sa kanila na karapat-dapat sa buong karangalan+ para hindi mapagsalitaan ng masama ang pangalan ng Diyos at ang mga turo niya.+ 2  Isa pa, hindi dapat mawala ang paggalang nila sa mga may-ari sa kanila kahit pa magkapatid sila sa pananampalataya. Sa halip, dapat na mas handa pa silang maglingkod, dahil ang tatanggap ng kanilang mahusay na serbisyo ay mga mananampalataya at minamahal. Patuloy mong ituro ang mga ito at ibigay ang mga payong ito. 3  Kung may sinumang nagtuturo ng ibang doktrina at sumasalungat sa kapaki-pakinabang na mga tagubilin+ mula sa ating Panginoong Jesu-Kristo o sa turo na kaayon ng makadiyos na debosyon,+ 4  mapagmalaki siya at hindi nakakaintindi.+ Gustong-gusto niyang makipagtalo at makipagdebate tungkol sa mga salita.+ Dahil sa mga ito, nagkakaroon ng inggitan, pag-aaway, paninirang-puri, masamang hinala, 5  walang-katapusang pagtatalo tungkol sa maliliit na bagay na pinasisimulan ng mga taong baluktot ang isip+ at hindi na nakauunawa sa katotohanan at nag-aakalang makakakuha sila ng pakinabang sa makadiyos na debosyon.+ 6  Totoo, may malaking pakinabang sa makadiyos na debosyon,+ pero dapat na may kasama itong pagkakontento. 7  Dahil wala tayong dinalang anuman sa mundo, at wala rin tayong anumang mailalabas.+ 8  Kaya maging kontento na tayo kung mayroon tayong pagkain at damit.+ 9  Pero ang mga determinadong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag+ at sa maraming walang-saysay at nakapipinsalang pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at kapahamakan.+ 10  Dahil ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay,+ at dahil sa pagpapadala sa pag-ibig na ito, ang ilan ay nailihis sa pananampalataya at dumanas ng maraming kirot.+ 11  Pero, ikaw, O lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga ito. Itaguyod mo ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan.+ 12  Ipagpatuloy mo ang marangal na pakikipaglaban para sa pananampalataya;+ manghawakan kang mahigpit sa buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Diyos para sa buhay na ito at nagbigay ka ng mahusay na patotoo tungkol dito sa harap ng maraming saksi. 13  Sa harap ng Diyos, na nagpapanatiling buháy* sa lahat ng bagay, at ni Kristo Jesus, na nagbigay ng mahusay na patotoo sa harap ni Poncio Pilato,+ inuutusan kita 14  na sundin ang mga utos sa malinis at di-mapipintasang paraan hanggang sa pagkakahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo,+ 15  na ipapakita sa takdang panahon ng maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala. Siya ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,+ 16  ang nag-iisang imortal,+ na naninirahan sa di-malapitang liwanag,+ na hindi pa nakita at hindi makikita ng sinumang tao.+ Sumakaniya nawa ang karangalan at kalakasan na walang hanggan. Amen. 17  Sabihan mo ang mayayaman sa sistemang ito na huwag maging mayabang at huwag umasa sa kayamanan na walang katiyakan+ kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng bagay na nagpapasaya sa atin.+ 18  Sabihan mo silang gumawa ng mabuti, oo, ng maraming mabubuting bagay, at maging mapagbigay at handang mamahagi.+ 19  Sa paggawa nito, makapag-iipon sila ng kayamanan na magsisilbing mahusay na pundasyon para sa hinaharap,+ nang sa gayon ay makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.+ 20  Timoteo, bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo,+ at iwasan mo ang walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang nagkakasalungatang mga ideya ng tinatawag na “kaalaman.”+ 21  Dahil sa pagyayabang sa kaalamang ito, ang ilan ay lumihis sa pananampalataya. Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan.

Talababa

O posibleng “na nagbibigay-buhay.”

Study Notes

mga alipin: O “mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin.” Ang salitang “pamatok” ay kadalasan nang ginagamit noon sa makasagisag na paraan para tumukoy sa pagiging alipin o paglilingkod sa isang panginoon. (Tit 2:9, 10; 1Pe 2:18; tingnan sa Glosari, “Pamatok.”) Maraming alipin sa Imperyo ng Roma, kasama na ang ilang Kristiyano. Hindi itinaguyod at hindi rin binatikos ng mga tagasunod ni Jesus ang kaayusan ng gobyerno noon sa pagkakaroon ng alipin. (1Co 7:20, 21) Hindi nakialam si Jesus sa mga usaping panlipunan, at sinabi rin niya sa mga tagasunod niya na “hindi sila bahagi ng sanlibutan.” (Ju 17:14) Nagpokus si Jesus sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos, na tatapos sa lahat ng uri ng kalupitan at kawalang-katarungan.—Tingnan ang study note sa Ju 18:36; tingnan din sa Media Gallery, “Trabaho ng Isang Alipin.”

patuloy nilang ituring ang may-ari sa kanila na karapat-dapat sa buong karangalan: Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyanong alipin na igalang ang kanilang mga panginoon. Makikita ang saloobin ng isang alipin sa kaniyang mga ginagawa, kung responsable siya sa trabaho niya. Kapag hindi niya nirerespeto ang panginoon niya, ipinapakita nito na hindi niya isinasabuhay ang mga natututuhan niya bilang Kristiyano. Makakasira din siya sa pangalan ng Diyos.—Col 3:22, 23; tingnan ang study note sa Efe 6:5, 6.

mga may-ari sa kanila kahit pa magkapatid sila sa pananampalataya: Ipinapaliwanag dito ni Pablo ang dapat gawin kapag parehong Kristiyano ang alipin at ang panginoon nito. Bilang “mga kasamang tagapagmana ni Kristo,” kapantay lang ng mga alipin ang kanilang mga panginoon sa harap ng Diyos. (Ro 8:17) Kaya pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyanong alipin na huwag abusuhin ang kanilang panginoon—na kapatid din nila sa espirituwal—at ibigay pa rin ang buong makakaya nila sa pagtatrabaho. Dahil mahal ng alipin ang kapatid niya, mas lalo pa nga siyang dapat maging tapat at masipag sa paglilingkod. May pananagutan din ang mga Kristiyanong panginoon na pakitunguhan nang patas ang kanilang alipin.—Efe 6:9; Col 4:1.

kapaki-pakinabang na mga tagubilin: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga turo ng Panginoong Jesu-Kristo. Dahil kaayon ng buong Kasulatan ang lahat ng itinuro ni Jesus, puwede ring tumukoy ang ekspresyong “kapaki-pakinabang [lit., “nakapagpapalusog”] na mga tagubilin” sa lahat ng turo sa Bibliya.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:13.

makadiyos na debosyon: Para sa paliwanag sa ekspresyong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7; tingnan din ang study note sa 1Ti 2:2.

Gustong-gusto niyang makipagtalo: Ang pandiwang Griego para sa “gustong-gusto” ay literal na nangangahulugang “may sakit,” pero ginamit ito dito sa makasagisag na paraan. Puwede ring isalin ang pariralang ito na “Nahihibang siya sa pakikipagtalo.” Kabaligtaran ito ng “kapaki-pakinabang na mga tagubilin” mula kay Kristo na kababanggit lang ni Pablo.—Tingnan ang study note sa 1Ti 6:3.

makipagdebate tungkol sa mga salita: Lit., “makipaglaban tungkol sa mga salita.” Ang mga ‘gustong-gustong makipagtalo’ ay madalas makipagdebate sa maliliit na bagay para ituro ang sarili nilang paniniwala, hindi ang sa Diyos. Dahil sa mga iyon, ‘nagkakaroon ng inggitan at pag-aaway’ na puwede ring humantong sa paninirang-puri (sa Griego, bla·sphe·miʹa), o sa mapang-abusong pananalita na sumisira sa reputasyon ng iba.—Tingnan ang study note sa Col 3:8.

may malaking pakinabang sa makadiyos na debosyon: Dalawang beses na ginamit ni Pablo ang isang salitang Griego (isinaling “pakinabang” at “makakakuha . . . ng pakinabang”) sa dalawang magkasunod na pangungusap. Sa talata 5, tinukoy niya ang huwad na mga guro na nagkukunwaring may makadiyos na debosyon para ‘makakuha ng pakinabang’ sa kongregasyon. Posibleng nagpapabayad sila sa pagtuturo nila, o baka gumagawa pa sila ng ibang paraan para makakuha ng materyal na pakinabang sa mga kapatid. (2Ti 3:6; Tit 1:11; tingnan ang study note sa 2Co 2:17.) O puwedeng itinuturo nila na ang pagkakaroon ng makadiyos na debosyon ay paraan para yumaman. Ibang-iba ito sa sinabi ni Pablo na mas “malaking pakinabang,” na tumutukoy sa mga espirituwal na pagpapala ng isang Kristiyano sa pagkakaroon ng makadiyos na debosyon.

makadiyos na debosyon: Para sa paliwanag sa ekspresyong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7; tingnan din ang study note sa 1Ti 2:2.

pero dapat na may kasama itong pagkakontento: Dito, iniugnay ni Pablo sa makadiyos na debosyon ang pagkakontento, isang katangian na ibang-iba sa pagiging ambisyoso at materyalistiko ng huwad na mga guro. (1Ti 6:8) Kapag kontento ang isang lingkod ng Diyos, masaya siya at may kapayapaan ng isip.—Tingnan ang study note sa Fil 4:11.

wala rin tayong anumang mailalabas: May mga kahawig itong kasabihan ng mga Griego at Romano noon. Pero daan-daang taon pa bago nito, ginabayan ng espiritu si Haring Solomon na isulat: “Kung paanong hubad ang isang tao nang lumabas sa sinapupunan ng kaniyang ina, gayon din siya kapag namatay. Wala siyang madadalang anuman sa mga pinagpaguran niya.” (Ec 5:15; tingnan din ang Job 1:21; Aw 49:17.) Ito rin ang aral na itinuro ni Jesus sa ilustrasyon niya tungkol sa taong mayaman. (Luc 12:16-21) Kaya naman hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na iwasang maging sakim at materyalistiko, at sa halip, mamuhay nang may makadiyos na debosyon at maging kontento.—1Ti 6:6, 8-10.

damit: O posibleng “tirahan.” Ang terminong Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “panakip.” Sa talatang ito, lumilitaw na pangunahin na itong tumutukoy sa damit, pero puwede rin itong tumukoy sa tirahan.

ang mga determinadong yumaman: Hindi tinutukoy dito ni Pablo ang mga paminsan-minsang nag-iisip na gusto nilang magkapera; tinutukoy niya dito ang mga may tunguhin talagang yumaman. Mali ang pananaw nila sa pera dahil may halo na itong kasakiman. Puwedeng magkaroon ng ganitong kaisipan kahit sino, mayaman man o mahirap.

nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at kapahamakan: Ipinapahamak ng mga determinadong yumaman ang sarili nila sa pisikal, emosyonal, at espirituwal. Ang salitang Griego para sa “nagbubulusok” ay nangangahulugang “hatakin pababa,” o “palubugin.” Sa Luc 5:7, ginamit ang literal na kahulugan ng salitang ito, noong banggitin doon na lumubog ang dalawang bangka dahil sa sobrang dami ng nahuling isda. Ipinapahiwatig ng salitang ito na ang “determinadong yumaman” ay siguradong “[mahuhulog] sa tukso . . . at nakapipinsalang pagnanasa” na puputol sa kaugnayan niya kay Jehova at sisira sa buhay niya.

pag-ibig sa pera: Posibleng galing sa isang kilaláng kasabihan noong panahon ni Pablo ang sinabi niya na “ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay” ang pag-ibig sa pera. Hindi niya sinabing masama ang pera dahil may pakinabang din ito sa ngayon. (Ec 7:12; 10:19) Ang pag-ibig sa pera ang talagang masama. Sa talata 5, sinabi ni Pablo na may pag-ibig sa pera ang ilang huwad na mga guro, kaya naman nilinaw niya sa naunang bahagi ng liham niya na ang isang tagapangasiwa ay dapat na “hindi maibigin sa pera.” (1Ti 3:1, 3 at study note) Sinasabi sa Kasulatan ang iba pang panganib ng pag-ibig sa pera. Hindi kailanman makokontento ang may ganitong pag-ibig. (Ec 5:10) At ang mas masama pa, kaya nitong masapawan at maalis pa nga ang pag-ibig ng tao sa Diyos. (Mat 6:24; tingnan ang study note sa Luc 16:9.) Kaya naman ang pag-ibig sa pera ay talagang ugat, o dahilan, ng napakaraming “nakapipinsalang bagay”; nagdudulot ito ng mga “kirot” na binanggit ni Pablo sa sumunod na talata.

dumanas: O “napagsasaksak.” Ang pandiwang Griego na ginamit ni Pablo dito ay nagpapahiwatig ng paulit-ulit at malalim na saksak gamit ang isang matalim na sandata. Ipinapakita lang dito ni Pablo kung gaano kalaki ang pinsalang idudulot ng isang Kristiyano sa sarili niya kung magpapakontrol siya sa pag-ibig sa pera. Magdudulot ito ng “maraming kirot.”

maraming kirot: Ang salitang Griego para sa “kirot” ay puwedeng tumukoy sa sobrang paghihirap ng damdamin, stress, at panghihina sa espirituwal at pagkadama ng lungkot, posibleng dahil sa pagkabagabag ng konsensiya. Dahil sa pag-ibig sa pera, dumanas ng “maraming kirot” si Hudas Iscariote. Nagpakontrol siya sa pag-ibig na iyon, at umabot pa sa puntong nagnakaw siya at nagtraidor kay Jesu-Kristo. (Mat 26:14-16; Ju 12:6) Mula sa pagiging tapat na apostol, nasadlak si Hudas at naging “anak ng pagkapuksa.”—Tingnan ang study note sa Ju 17:12.

O lingkod ng Diyos: Tinawag dito ni Pablo si Timoteo na “lingkod ng Diyos.” Dalawang beses lang ginamit ang ekspresyong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa tekstong ito at sa 2Ti 3:17. Pero sa Hebreong Kasulatan, lumitaw nang mga 70 beses ang ekspresyong “lingkod ng Diyos” (o “lingkod ng tunay na Diyos”). Ginamit ito para tumukoy sa mga propeta o iba pang espesyal na kinatawan ng Diyos, halimbawa, sina Moises (Deu 33:1), Samuel (1Sa 9:6, 10), David (Ne 12:24), Elias (1Ha 17:18, 24), at Eliseo (2Ha 4:7, 9). Posibleng ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para ipakitang galing sa Diyos ang atas ni Timoteo na labanan ang huwad na mga guro sa kongregasyon sa Efeso. (1Ti 1:3, 4; 6:2b-10) O posibleng ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para tukuyin ang sinumang lalaki o babaeng nakaalay kay Jehova at nagpapagabay sa Salita ng Diyos sa lahat ng aspekto ng buhay niya.—Tingnan ang study note sa 2Ti 3:17.

Itaguyod: Ang salitang Griego na isinaling “itaguyod” ay nangangahulugang “habulin.” Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa matinding pagsisikap na abutin ang isang bagay. Na kay Timoteo na ang magagandang katangiang binanggit ni Pablo, pero kailangan pa rin niyang patuloy na pasulungin ang mga iyon sa buong buhay niya. Hinimok din ni Pablo si Timoteo na layuan, o takasan, ang masama, gaya ng materyalismo. (1Ti 6:9, 10) Para kay Pablo, talagang masama ang materyalismo pero nakakabuti ang paglinang ng mga katangian ng Diyos. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na tumakas sa materyalismo at habulin, o linangin, ang mga katangian ng Diyos.—Mat 6:24; 1Co 6:18 at study note; 10:14; 2Ti 2:22.

Itaguyod mo ang katuwiran: Sa mga katangiang sinabi ni Pablo na dapat linangin ni Timoteo, una niyang binanggit ang “katuwiran.” (Tingnan din ang 2Ti 2:22.) Noong panahong iyon, isa nang nakaalay at pinahirang Kristiyano si Timoteo kaya “ipinahayag na [siyang] matuwid.” (Ro 5:1) Pero kailangan niyang patuloy na ibigay ang buong makakaya niya sa pagsunod sa pamantayan ng Diyos ng tama at mali para maitaguyod niya ang katuwiran.—Tingnan sa Glosari, “Katuwiran”; tingnan din ang study note sa Efe 6:14.

makadiyos na debosyon: Para sa paliwanag sa ekspresyong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7; tingnan din ang study note sa 1Ti 2:2.

Ipagpatuloy mo ang marangal na pakikipaglaban para sa pananampalataya: Ang pandiwa at pangngalang Griego sa ekspresyong ‘ipagpatuloy ang pakikipaglaban’ ay tumutukoy noon sa pakikipaglaban ng mga atleta sa mga paligsahan para manalo. (Tingnan ang study note sa Luc 13:24; 1Co 9:25.) Kaya idinidiin dito ni Pablo na kailangang makipaglaban ang mga Kristiyano para sa pananampalataya nila sa Diyos na Jehova at kailangan nilang ipagtanggol ang mga katotohanan sa Bibliya na pinaniniwalaan nila. Talagang “marangal” ang pakikipaglaban na ito.—Tingnan ang mga study note sa 2Ti 4:7.

buhay na walang hanggan: Tingnan ang study note sa 1Ti 6:19.

patotoo sa harap ni Poncio Pilato: Makikita sa mga ulat ng Ebanghelyo na nagpatotoo si Kristo Jesus kay Pilato. (Mat 27:11; Ju 18:33-38) Pero ang mahusay na patotoo na binanggit sa tekstong ito ay hindi lang tumutukoy sa mga sinabi ni Jesus kay Pilato sa maikling pag-uusap nila. (Tingnan ang study note sa Ro 10:9.) Posibleng ang “patotoo” na tinutukoy dito ni Pablo ay ang pagtitiis at katapatan ni Jesus noong nililitis siya hanggang sa kamatayan niya. Siguradong naging inspirasyon ni Timoteo ang magandang halimbawa ni Jesus sa pagbibigay ng “patotoo” para lubos niyang maisakatuparan ang atas niya sa Efeso.

pagkakahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo: Sa Bibliya, ang terminong Griego na isinaling “pagkakahayag” (e·pi·phaʹnei·a) ay tumutukoy sa nakikitang ebidensiya ng isang bagay o pagpapakita ng awtoridad o kapangyarihan. Ginamit ito para tukuyin ang panahong nandito sa lupa si Jesus. (2Ti 1:10 at study note) Ginamit din ito para tumukoy sa iba’t ibang pangyayari sa panahon ng presensiya ni Jesus bilang Hari. (Halimbawa, tingnan ang study note sa 2Te 2:8.) Sa kontekstong ito, ang “pagkakahayag” ni Jesus ay tumutukoy sa isang pangyayari sa hinaharap kung saan malinaw na makikita ang kaluwalhatian at kapangyarihan niya bilang Mesiyanikong Hari.—Dan 2:44; 7:13, 14; 1Ti 6:15; 2Ti 4:1.

maligaya: Sukdulan ang pagiging “maligaya,” o pinagpala, ni Jesus bilang Makapangyarihang Tagapamahala, dahil pinagpapala siya at kinalulugdan ng Diyos na Jehova. (Fil 2:9-11) Siya rin ang “larawan ng di-nakikitang Diyos,” kaya maligaya siya gaya ng kaniyang Ama, ang “maligayang Diyos.”—Col 1:15; 1Ti 1:11 at study note; ihambing ang Kaw 8:30, 31.

maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala: Malinaw na si Jesu-Kristo ang tinutukoy dito ni Pablo batay sa konteksto at pagkakasulat niya. Kababanggit pa lang ni Pablo ng tungkol sa “pagkakahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (1Ti 6:14) Dito, ikinumpara niya ang Panginoong Jesu-Kristo sa mga di-perpektong tagapamahalang tao. Ang salitang Griego na isinaling “Makapangyarihang Tagapamahala” (dy·naʹstes) ay puwedeng tumukoy sa isang hari, pero puwede rin itong tumukoy sa isang tagapamahala na nasa ilalim ng isang hari, gaya ng isang prinsipe. Angkop kay Jesus ang terminong ito, dahil isa siyang Hari na nasa ilalim ng kaniyang Ama, si Jehova. Si Jesus ang nag-iisang Tagapamahala na direktang binigyan ng Diyos ng “awtoridad na mamahala, ng karangalan, at ng isang kaharian,” bilang katuparan ng hula sa Dan 7:14. Dahil natatangi ang pagiging hari ni Jesus, tama lang na tawagin siyang “tanging Makapangyarihang Tagapamahala.” Wala siyang kapantay na hari o panginoon sa lupa, kahit pa ang mga haring kumatawan kay Jehova sa Jerusalem noon. Kaya si Jesus ang Hari at Panginoon na nakatataas sa kanilang lahat.—Ihambing ang Apo 17:14; 19:16.

ang nag-iisang imortal: Dito, sinabi ni Pablo ang iba pang dahilan kung bakit natatangi si Jesus sa lahat ng iba pang tagapamahala, hari, o panginoon. (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:15.) Binuhay-muli ni Jehova ang Anak niya bilang espiritu at binigyan ng imortalidad. (Ro 6:9; 1Pe 3:18) Walang hari o panginoong nauna sa kaniya ang tumanggap ng ganitong kaloob, kaya talagang nakahihigit si Jesus sa lahat ng di-perpektong tagapamahalang tao.—Tingnan ang study note sa 1Co 15:53.

naninirahan sa di-malapitang liwanag: Pagkaakyat ni Jesus sa langit, “umupo siya sa kanan ng Diyos.” (Heb 10:12) Kasama niya roon ang Pinagmumulan ng lahat ng liwanag at buhay. (Aw 36:9) Ganoon na lang kaluwalhati si Jesus kaya hindi siya makikita o malalapitan ng isang taong may laman at dugo. Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na makikita nila siyang muli, pero mangyayari lang iyon kapag binuhay na silang muli sa langit bilang espiritu. Sa pagkakataong iyon, makikita nila ang kaluwalhatiang ibinigay ng Diyos kay Jesus.—Ju 13:36; 14:19; 17:24.

Amen: Tingnan ang study note sa Ro 1:25.

Sabihan: O “Utusan.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:5.

mayayaman sa sistemang ito: Dahil si Satanas ang kumokontrol ng masamang sistemang ito, madalas na naiimpluwensiyahan ang mga tao na maging materyalistiko. Kaya sinabihan ni Pablo ang mayayamang Kristiyano na maging mapagbantay. (Ro 12:2; 2Co 4:4) Itinuro ni Jesus na papalitan ang sistemang ito ng isang bagong sanlibutan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. (Mar 10:30 at study note; Luc 18:29, 30) Itinuro din ni Pablo na may isang sistema na “darating.” (Efe 1:21; 2:7) Kaya pinasigla niya ang mga Kristiyano na magpokus sa sistemang iyon at ‘mag-ipon ng kayamanan na magsisilbing mahusay na pundasyon para sa hinaharap.’1Ti 6:19.

sistemang ito: O “panahong ito.” Tinutukoy dito ni Pablo ang masamang sistema na nasa ilalim ng pamamahala ni Satanas.—Tingnan ang study note sa Mat 13:22; 2Co 4:4; Gal 1:4.

huwag maging mayabang: Ang salitang Griego para sa “mayabang” ay puwede ring isaling “mapagmataas.” Pinayuhan ni Pablo ang mayayamang Kristiyano na magkaroon ng balanseng pananaw sa kayamanan nila. Puwedeng maisip ng isang mayaman na nakakataas siya dahil sa mga tinataglay niya. Pero para kay Jehova, hindi nagiging mas mahalaga kaysa sa iba ang isang tao dahil sa kayamanan niya.—Kaw 22:2; Mat 8:20; San 2:5.

huwag umasa sa kayamanan na walang katiyakan: Posibleng maisip ng isang mayamang tao na kayamanan niya ang nagbibigay ng proteksiyon sa kaniya. Pero idiniin ni Pablo na hindi maaasahan ang kayamanan. Puwede pa nga itong maging tukso at bitag (1Ti 6:9), at puwede rin itong mawala nang biglaan (Kaw 18:11; 23:4, 5).

saganang naglalaan sa atin ng lahat ng bagay na nagpapasaya sa atin: Dito, gumamit si Pablo ng magkakaugnay na salita tungkol sa kayamanan para magdiin ng punto. Una, sinabi niya na “ang mayayaman” ay hindi dapat umasa sa “kayamanan na walang katiyakan,” kundi sa Diyos. Pagkatapos, ipinaalala niya sa mga Kristiyano na ang Diyos ang Pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay at na ‘sagana’ niyang inilalaan ang mga ito para masiyahan sila. Siyempre, ang pinakanakapagpapasaya sa kanila at nakakapagbigay ng kapanatagan ay ang espirituwal na paglalaan ni Jehova. (Mat 6:19-21, 33) Pagkatapos, pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano na “gumawa ng . . . maraming mabubuting bagay” para “makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.”—1Ti 6:18, 19.

tunay na buhay: Katulad ito ng sinabi ni Pablo kay Timoteo na mababasa sa 1Ti 6:12: “Manghawakan kang mahigpit sa buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Diyos para sa buhay na ito.” Kaya lumilitaw na ang “tunay na buhay” na binanggit ni Pablo dito ay ang “buhay na walang hanggan.” (Tingnan ang study note sa Ju 14:6.) Alam nina Pablo at Timoteo na ang orihinal na layunin ni Jehova, na Bukal ng buhay, ay ang mabuhay ang tao sa lupa nang payapa, masaya, at walang hanggan. (Gen 1:28; 2:15-17) Ibang-iba ito sa buhay ngayon na malungkot at walang kabuluhan dahil maikli ito, punô ng problema, sakit, at hinagpis na dulot ng pagkawala ng mahal sa buhay. (Job 14:1, 2; Aw 103:15, 16; Ec 1:2) Dahil sa mga ito, walang kasiguruhan ang buhay sa ngayon, at hindi rin maaasahan ang materyal na kayamanan. Gusto ni Pablo na pahalagahan ng mga kapuwa niya Kristiyano na nabubuhay sa “sistemang ito” ang pag-asa nilang makamit ang “tunay na buhay,” ang buhay na walang hanggan na mapayapa at masaya.—1Ti 6:17.

bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo: Kasama sa tinutukoy dito ni Pablo na ipinagkatiwala kay Timoteo ang mga katotohanan sa Kasulatan. (1Te 2:4; 2Ti 1:14; ihambing ang Ro 3:2 at study note.) Ang terminong isinaling “ipinagkatiwala” ay tumutukoy kung minsan sa mahahalagang bagay na itinago sa bangko. Puwede rin itong tumukoy sa isang bagay na ipinatago sa isang tao para ingatan, gaya ng pagkakagamit dito ng Griegong Septuagint. (Lev 6:2, 4 [5:21, 23, LXX]) Dapat ingatan ni Timoteo ang sagradong mensahe; pero hindi ibig sabihin nito na itatago niya ito, kundi ituturo niya ito sa iba nang may katumpakan. (2Ti 2:2) Sa paggawa nito, mababantayan, o mapoprotektahan, niya ang mahahalagang katotohanan mula sa mga taong gustong pumilipit dito sa pamamagitan ng “walang-saysay na mga usapan” at pagtataguyod ng di-totoong “kaalaman.”

walang-saysay na mga usapan: Lit., “walang-saysay na mga tunog.” Gumamit dito si Pablo ng ekspresyong Griego na nangangahulugang “usapan na walang katuturan,” kaya sa ibang salin ng Bibliya, ginamit ang ekspresyong “usapang hindi kapupulutan ng aral” at “usapang walang kapupuntahan.” Ang ganitong usapan ay batay lang sa mga haka-haka, hindi sa mapananaligang katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Wala itong saysay dahil hindi ito nakakapagpatibay ng pananampalataya. (1Ti 1:6; 2Ti 4:4; Tit 3:9) At mas masama pa, puwede itong lumapastangan sa kung ano ang banal, dahil kadalasan nang hinahamak nito ang mga bagay na may kaugnayan sa Diyos. Ang mga taong sumasali sa ganitong usapan ay nagtataguyod ng mga kaisipan ng tao sa halip na mga katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Binabalaan ni Pablo si Timoteo na huwag makisali dito.—1Ti 4:7 at study note; 2Ti 2:16.

tinatawag na “kaalaman”: Hindi tunay na kaalaman ang tinutukoy dito ni Pablo; sigurado siyang wala itong saysay. Hindi ito makakasulatan. Sa katunayan, nagkakasalungatan pa nga ang mga ideyang itinataguyod dito, at mas masama pa, sinasalungat nito ang Kasulatan. Sa liham na ito, paulit-ulit na binabalaan ni Pablo si Timoteo laban sa turo ng huwad na mga guro na walang saysay at nakakasira sa pagkakaisa dahil gusto lang ng mga ito na ipagyabang ang alam nila at impluwensiyahan ang kongregasyon. (1Ti 1:4, 7; 4:1-3, 7; 6:3-6) Patuloy na kumalat ang ‘kaalamang’ (sa Griego, gnoʹsis) ito. Noong ikalawang siglo C.E., lumitaw ang ilang grupo ng apostatang Kristiyano na nagpakilala bilang mga Gnostiko, na ang ibig sabihin ay “mga nagtataglay ng kaalaman.”—Tingnan ang study note sa Ju 1:14.

Media