Introduksiyon sa 2 Corinto
Manunulat: Pablo
Saan Isinulat: Macedonia
Natapos Isulat: mga 55 C.E.
Mahahalagang Impormasyon:
Isinulat ni Pablo ang unang liham niya sa mga taga-Corinto noong mga 55 C.E. Pagkatapos, ipinadala niya si Tito sa Corinto para tumulong sa paglikom ng donasyon para sa mga banal sa Judea. Posibleng hindi mapanatag si Pablo habang hinihintay niya si Tito dahil gusto niyang malaman ang naging reaksiyon ng mga taga-Corinto sa liham niya. (2Co 2:13; 8:1-6; 12:17, 18) Kaya nang bumalik si Tito sa Macedonia dala ang mabuting balita, lalong minahal ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya niya. Dahil dito, isinulat agad ni Pablo ang ikalawang liham niya sa mga taga-Corinto kahit ilang buwan pa lang ang nakakaraan mula nang isulat niya ang unang liham. (2Co 6:11; 7:5-7) Kinomendahan niya sila sa pagsunod nila sa payo niya sa nauna niyang liham.—2Co 7:8-12.
Ito ang ilan sa maraming bagay na tinalakay ni Pablo sa ikalawang liham niya: inaaliw ng Diyos ang bayan niya (2Co 1:3, 4), ginagawang kuwalipikado bilang mga ministro ng bagong tipan (2Co 2:16, 17; 3:5, 6), at binibigyan ng lakas para magampanan ang kanilang ministeryo (2Co 4:1, 7-18). Idiniin din ni Pablo na ang tunay na mga Kristiyano ay dapat na manatiling malinis sa espirituwal, moral, at pisikal (2Co 7:1) at na makikinabang ang mga lingkod ng Diyos sa pagiging bukas-palad.—2Co 9:6, 7.
Kinailangan ding sumulat ni Pablo sa mga taga-Corinto dahil masama ang epekto sa kongregasyon ng mga tinatawag ni Pablo na “ubod-galing na mga apostol.” Tinukoy niya rin sila bilang “huwad na mga apostol, mapanlinlang na mga manggagawa.” (2Co 11:5, 13, 14) Nanganganib sa espirituwal ang bagong-tatag na kongregasyon, at may mga kumukuwestiyon sa awtoridad ni Pablo bilang apostol. (2Co 12:11, 12) Kaya kailangang-kailangan talaga ng mga taga-Corinto ang ikalawang liham niya.
Gaya ng ginawa ni Pablo sa maraming liham niya, sinuportahan niya ang mga argumento niya gamit ang Hebreong Kasulatan. Halimbawa, ipinakita niya na hindi nagbabago ang tingin ng Diyos sa espirituwal na kalinisan sa pamamagitan ng pagsipi sa mga tekstong gaya ng Lev 26:11, 12; 2Sa 7:14; Isa 43:6; 52:11; at Os 1:10 o pagbanggit ng mga puntong mababasa sa mga ito. (2Co 6:14-18) Ipinakita niya na mahalaga sa mga lingkod ng Diyos noon ang pagbibigay at na natutuwa si Jehova sa mga lingkod niyang bukas-palad. (Aw 112:9; 2Co 9:9) Tinukoy rin ni Pablo ang prinsipyo sa Kautusan na kailangan ng dalawa o tatlong saksi para mapatunayang totoo ang isang bagay, at sinabi niyang dapat sundin ng kongregasyong Kristiyano ang prinsipyong ito. (Deu 19:15; 2Co 13:1) Dahil dito at sa iba pang mga pagkakataon na ginawang batayan ni Pablo ang Hebreong Kasulatan, mas mauunawaan natin ang mga tekstong iyon at mas makikita natin kung paano maisasabuhay ang mga prinsipyong matututuhan sa mga iyon.
Walang duda na ang 2 Corinto, pati na ang 1 Corinto at iba pang liham ni Pablo, ay talagang bahagi ng kanon ng Bibliya.—Tingnan ang “Introduksiyon sa 1 Corinto.”