Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 1:1-24

1  Ako si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at kasama ko si Timoteo+ na ating kapatid; sumusulat ako sa kongregasyon ng Diyos sa Corinto at sa lahat ng banal sa buong Acaya:+ 2  Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo. 3  Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo,+ ang Ama na magiliw at maawain+ at ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon,+ 4  ang umaaliw sa atin sa harap ng lahat ng pagsubok,+ para maaliw rin natin ang iba+ na napapaharap sa anumang pagsubok sa pamamagitan ng kaaliwan na tinanggap natin mula sa Diyos.+ 5  Dahil kung paanong marami tayong pagdurusa para sa Kristo,+ marami rin tayong tinatanggap na kaaliwan sa pamamagitan ng Kristo. 6  Kaya kapag dumaranas kami ng pagsubok, para iyon sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kapag naaaliw kami, para iyon sa inyong kaaliwan, na tumutulong sa inyo na matiis ang mga pagdurusang napapaharap din sa amin.+ 7  At buo ang tiwala namin sa inyo, dahil pare-pareho nating alam na kung paanong nagdurusa kayo gaya namin, maaaliw rin kayo gaya namin.+ 8  Dahil gusto naming malaman ninyo, mga kapatid, ang kapighatiang naranasan namin sa lalawigan* ng Asia.+ Dumanas kami ng matinding hirap na higit sa makakaya namin, at inisip naming mamamatay na kami.+ 9  Ang totoo, pakiramdam namin ay nasentensiyahan kami ng kamatayan. Pero nangyari ito para huwag kaming magtiwala sa sarili namin, kundi sa Diyos+ na bumubuhay ng patay. 10  Iniligtas niya kami mula sa banta ng kamatayan at muli niya kaming ililigtas; nagtitiwala kami na patuloy pa rin niya kaming ililigtas.+ 11  Matutulungan din ninyo kami sa pamamagitan ng pagsusumamo para sa amin;+ sa gayon, marami ang magpapasalamat* para sa kabaitang ipinakita sa amin bilang sagot sa panalangin ng marami.+ 12  Ito ang ipinagmamalaki namin: Nagpapatotoo ang konsensiya* namin na nagpakita kami ng kabanalan at kataimtiman na mula sa Diyos sa gitna ng sanlibutan, at lalo na sa gitna ninyo. Hindi kami nagtiwala sa karunungan ng sanlibutan,+ kundi sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. 13  Dahil ang mga isinusulat lang namin sa inyo ay ang mga bagay na madali ninyong mabasa at maunawaan,* at umaasa akong patuloy ninyong uunawain nang lubos ang mga ito, 14  kung paanong naunawaan at tinanggap ng ilan sa inyo na maipagmamalaki ninyo kami, kung paanong maipagmamalaki rin namin kayo sa araw ng ating Panginoong Jesus.+ 15  Dahil nagtitiwala ako rito, gusto ko sana noon na pumunta sa inyo+ para magkaroon kayo ng ikalawang dahilan para magsaya; 16  dahil gusto ko sanang dalawin kayo noong papunta ako sa Macedonia at bumalik sa inyo pagkagaling sa Macedonia, at pagkatapos ay magpasama sa inyo sa simula ng paglalakbay ko sa Judea.+ 17  Noong pinlano kong gawin iyon, hindi ko iyon itinuring na maliit na bagay lang. At hindi ako nagplano ayon sa kaisipan ng tao, na kahit sinabi kong “Oo, oo” ay “Hindi, hindi” naman pala. 18  Kung paanong makapagtitiwala kayo sa Diyos, makapagtitiwala rin kayo na hindi namin sasabihing “oo” pero “hindi” pala. 19  Dahil ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na ipinangaral namin sa inyo nina Silvano at Timoteo,+ ay hindi nagsasabing “oo” pero “hindi” naman pala, kundi ang kaniyang “oo” ay laging “oo.” 20  Dahil gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging “oo” sa pamamagitan niya.+ Kaya naman sa pamamagitan din niya, sinasabi natin sa Diyos ang “Amen,”+ na nagbibigay sa Kaniya ng kaluwalhatian. 21  Ang Diyos ang gumagarantiya na kayo at kami ay kay Kristo, at Siya ang pumili* sa atin.+ 22  Inilagay rin niya sa atin ang kaniyang tatak;+ inilagay niya sa ating mga puso ang espiritu+ bilang garantiya ng darating. 23  Kinukuha ko ang Diyos bilang saksi ko: Hindi pa ako pumupunta sa Corinto dahil ayokong mas mapalungkot pa kayo. 24  Hindi sa kami ang mga panginoon ng inyong pananampalataya,+ kundi mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan, dahil nakatayo kayong matatag sa pamamagitan ng inyong pananampalataya.

Talababa

O “probinsiya.”
Lit., “magpapasalamat alang-alang sa amin.”
O “budhi.”
O posibleng “na alam na alam na ninyo at nauunawaan.”
Lit., “nagpahid.”

Study Notes

Unang Liham sa mga Taga-Corinto: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga liham. Ipinapakita ng papirong codex na tinatawag na P46 na gumagamit noon ang mga eskriba ng pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya. Ang codex na ito ang pinakamatandang natagpuang koleksiyon ng mga liham ni Pablo, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Mababasa rito ang siyam sa mga liham niya. Sa simula ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, makikita sa codex na ito ang pamagat na Pros Ko·rinʹthi·ous A (“Para sa mga Taga-Corinto 1”). (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) May ganito ring pamagat ang iba pang sinaunang manuskrito, gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo C.E. Sa mga manuskritong ito, lumitaw ang pamagat sa simula at sa katapusan ng liham.

Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga liham.—Tingnan ang study note sa 1Co, Pamagat.

Ako si Pablo . . . at kasama ko si Timoteo na ating kapatid: O “Mula kay Pablo . . . at kay Timoteo na ating kapatid.” Si Pablo ang sumulat ng liham na ito sa mga taga-Corinto, pero isinama niya si Timoteo sa panimulang pagbati niya. Lumilitaw na kasama ni Pablo si Timoteo sa Macedonia nang isulat niya ang liham na ito noong mga 55 C.E. (Gaw 19:22) Tinawag ni Pablo si Timoteo na “kapatid” para ipakitang magkapatid sila sa espirituwal.

isang apostol: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.

banal: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

Acaya: Tingnan ang study note sa Gaw 18:12.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Ginamit ni Pablo ang pagbating ito sa 11 liham niya. (Ro 1:7; 1Co 1:3; Gal 1:3; Efe 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 1Te 1:1; 2Te 1:2; Tit 1:4; Flm 3) Halos ganito rin ang pagbati niya sa mga liham niya kay Timoteo, pero idinagdag niya ang katangiang “awa.” (1Ti 1:2; 2Ti 1:2) Napansin ng mga iskolar na sa halip na gamitin ni Pablo ang karaniwang salita para sa pagbati (khaiʹrein), madalas niyang gamitin ang katunog na terminong Griego (khaʹris) para ipakita ang kagustuhan niyang lubos na makatanggap ang mga kongregasyon ng “walang-kapantay na kabaitan,” o “pabor.” (Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.) Ang pagbanggit niya ng “kapayapaan” ay kahawig ng isang karaniwang Hebreong pagbati, sha·lohmʹ. (Tingnan ang study note sa Mar 5:34.) Sa paggamit ng ekspresyong “walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan,” maliwanag na idiniriin ni Pablo ang naibalik na kaugnayan ng mga Kristiyano sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Nang sabihin ni Pablo kung kanino galing ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan, binanggit niya nang magkahiwalay ang Diyos na ating Ama at ang Panginoong Jesu-Kristo.

ang Ama na magiliw at maawain: Ang pangngalang Griego na isinaling “magiliw at maawain” (oi·ktir·mosʹ) ay tumutukoy sa pagkadama ng malasakit, o awa, sa iba. Ang Diyos ang Ama na magiliw at maawain dahil siya ang pinagmulan ng mga katangiang ito at bahagi ito ng personalidad niya. Dahil diyan, kumikilos siya para tulungan ang tapat na mga lingkod niya na nahihirapan.

ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon: Ang pangngalang Griego na pa·raʹkle·sis, na isinalin ditong “kaaliwan,” ay literal na nangangahulugang “pagtawag sa isa para tabihan ka.” Maiisip dito ang isang tao na nakatayo sa tabi ng kapuwa niya para tulungan o patibayin ito kapag nalulungkot o may problema. (Tingnan ang study note sa Ro 12:8.) Sinasabi ng ilan na noong idiin ni Pablo ang kaaliwan mula sa Diyos, nasa isip niya ang Isa 40:1, kung saan isinulat ng propeta: “‘Aliwin ninyo, aliwin ninyo ang bayan ko,’ ang sabi ng inyong Diyos.” (Tingnan din ang Isa 51:12.) Isa pa, ang kaugnay na terminong Griego na isinaling “katulong” (pa·raʹkle·tos) sa Ju 14:26 ay tumutukoy sa banal na espiritu ni Jehova. Ginagamit ng Diyos ang aktibong puwersa niya para aliwin at tulungan ang mga tao na para bang wala nang pag-asang makaalis sa mahirap na sitwasyon nila.—Gaw 9:31; Efe 3:16.

umaaliw: O “nagpapatibay.”—Tingnan ang study note sa 2Co 1:3.

pagsubok: O “kapighatian; problema.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay pangunahin nang tumutukoy sa mga kapighatian, pag-aalala, at pagdurusa dahil sa isang mahirap na sitwasyon. Kadalasan nang ginagamit ito para tumukoy sa paghihirap na resulta ng pag-uusig. (Mat 24:9; Gaw 11:19; 20:23; 2Co 1:8; Heb 10:33; Apo 1:9) Posibleng kasama rito ang pagkabilanggo at kamatayan dahil sa pananatiling tapat. (Apo 2:10) Pero puwede rin tayong dumanas ng pagsubok dahil sa taggutom (Gaw 7:11), kahirapan, pagiging ulila at biyuda (San 1:27), at dahil pa nga sa pamilya at pag-aasawa.—1Co 7:28.

pagsubok: O “kapighatian.”—Tingnan ang study note sa 2Co 1:4.

ang kapighatiang naranasan namin sa lalawigan ng Asia: Hindi espesipikong binanggit sa Bibliya kung ano ang tinutukoy dito ni Pablo. Posibleng ito ang kaguluhan sa Efeso, na nakaulat sa Gaw 19:23-41, o ang pakikipaglaban niya sa “mababangis na hayop sa Efeso,” na binanggit sa 1Co 15:32. (Tingnan ang study note.) Parehong nanganib ang buhay ni Pablo sa mga karanasan niyang ito.—2Co 1:9.

sa pamamagitan ng pagsusumamo para sa amin: O “sa pamamagitan ng marubdob na pananalangin ninyo para sa amin.” Ang pangngalang Griego na deʹe·sis, na isinasaling “pagsusumamo,” ay nangangahulugang “mapagpakumbaba at marubdob na pakiusap.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangngalang ito ay ginagamit lang sa pakikipag-usap sa Diyos. Laging idiniriin sa Bibliya kung paano nakikinabang ang mga kapananampalataya natin kapag ipinapanalangin natin sila—nag-iisa man tayo o bilang isang grupo. (San 5:14-20; ihambing ang Gen 20:7, 17; 2Te 3:1, 2; Heb 13:18, 19) Pinapakinggan at sinasagot ni Jehova ang mga taimtim at taos-pusong panalangin na kaayon ng kalooban niya. (Aw 10:17; Isa 30:19; Ju 9:31; 1Ju 5:14, 15) Ang pagsusumamo ay puwedeng makaapekto sa kung ano ang gagawin ng Diyos at kung kailan niya ito gagawin.—Tingnan ang study note sa Gaw 4:31.

bilang sagot sa panalangin ng marami: O “dahil sa maraming mapanalangining mukha.” Ang literal na salin ng ekspresyong Griego na ito ay “dahil sa maraming mukha,” at sa konteksto, nagpapahiwatig ito ng mga mukha na nakatingala habang nananalangin sa Diyos. Sinabi rin ni Pablo na kapag sinagot ng Diyos ang mga panalangin para sa kaniya, maraming Kristiyano ang magpapasalamat sa Diyos. Mas mahalaga kay Pablo ang kaluwalhatian ni Jehova kaysa sa makukuha niyang pakinabang.

karunungan ng sanlibutan: Lit. “makalamang karunungan.” Tumutukoy sa karunungan ng mga tao.—Ihambing ang 1Co 3:19.

madali ninyong mabasa: Ang salitang Griego na a·na·gi·noʹsko ay puwedeng unawain sa mas literal na kahulugan nito, “alam na alam.” Pero kapag tumutukoy sa mga bagay na nakasulat, nangangahulugan itong “makilala” at kadalasan nang isinasaling “mabasa” o “mabasa nang malakas.” Ginagamit ito para sa pribado at pampublikong pagbabasa ng Kasulatan.—Mat 12:3; Luc 4:16; Gaw 8:28; 13:27.

nang lubos: Lit., “hanggang sa wakas.” Sa kontekstong ito, lumilitaw na ang idyomang Griego ay nangangahulugang “lubos; kumpleto.” Pero para sa ilan, ang literal na pananalita dito ay tumutukoy sa panahon, ibig sabihin, umaasa si Pablo na mauunawaan nila ang mga sinabi niya “hanggang sa wakas.”

para magkaroon kayo ng ikalawang dahilan para magsaya: Nagpunta si Pablo sa Corinto sa unang pagkakataon noong 50 C.E., sa ikalawang paglalakbay niya bilang misyonero. Nagtatag siya ng kongregasyon doon at nanatili nang isa at kalahating taon. (Gaw 18:9-11) Gusto niya sanang bumisita ulit sa Corinto noong nasa Efeso siya sa ikatlong paglalakbay niya bilang misyonero. Pero hindi iyon natuloy. (1Co 16:5; 2Co 1:16, 23) Posibleng ang naudlot na ikalawang pagdalaw na iyon ang tinutukoy niyang “ikalawang dahilan para magsaya.” O posibleng ang tinutukoy ni Pablo ay ang plano niyang bumisita nang dalawang beses doon, gaya ng sinabi niya sa sumunod na talata.—Tingnan ang study note sa 2Co 1:16.

magsaya: Maraming manuskritong Griego ang gumamit dito ng salitang khaʹris, na nangangahulugang “walang-kapantay na kabaitan; pabor; pakinabang,” sa halip na kha·raʹ, ang salitang Griego para sa “saya.” Kaya ang dulong bahagi ng teksto ay posible ring nangangahulugang “para dalawang beses kayong makinabang.” At ganiyan ang mababasa sa maraming salin ng Bibliya sa Ingles.

gusto ko sanang dalawin kayo noong papunta ako sa Macedonia: Noong 55 C.E., habang nasa Efeso si Pablo sa ikatlong paglalakbay niya bilang misyonero, binalak niyang tumawid sa Dagat Aegeano papuntang Corinto at mula doon ay magpunta sa Macedonia. Pagkatapos, nang pabalik na siya sa Jerusalem, inisip niyang dumaan ulit sa kongregasyon sa Corinto, lumilitaw na para kunin ang abuloy para sa mga kapatid sa Jerusalem, na nabanggit niya sa una niyang liham. (1Co 16:3) Pero kahit iyan ang gustong gawin ni Pablo, may makatuwiran siyang mga dahilan para baguhin ang plano niya.—Tingnan ang study note sa 2Co 1:17.

hindi ko iyon itinuring na maliit na bagay lang: Lumilitaw na sa liham na isinulat ni Pablo bago ang 1 Corinto (tingnan ang study note sa 1Co 5:9), sinabi niya sa mga Kristiyano sa Corinto ang plano niya na dumaan doon bago siya pumunta sa Macedonia. Pero sa sumunod na liham niya, ang 1 Corinto, sinabi niya na nagbago ang plano niya at dadalawin na lang niya sila pagkagaling niya sa Macedonia. (1Co 16:5, 6) Lumilitaw na may ilan sa kongregasyong iyon, posibleng ang “ubod-galing na mga apostol” (2Co 11:5), na nagsasabing hindi siya tumutupad sa pangako. Kaya ipinagtanggol ni Pablo ang sarili niya at sinabing “hindi [niya] iyon itinuring na maliit na bagay lang.” Ang ekspresyong Griego na isinaling “maliit na bagay lang” ay puwedeng tumukoy sa pagpapabago-bago ng isip. Tumutukoy ito sa isang tao na hindi maaasahan at basta na lang nagbabago ng isip. Hindi ganiyan si Pablo at hindi siya nagplano ayon sa kaisipan ng tao, ibig sabihin, hindi makasarili ang motibo niya at hindi siya dumepende sa di-perpektong pangangatuwiran ng tao. May makatuwirang dahilan kaya ipinagpaliban niya ang pagdalaw niya. Sa 2Co 1:23, sinabi niyang hindi muna siya pumunta dahil ayaw niyang “mas mapalungkot” pa sila. Gusto niya silang bigyan ng sapat na panahong sundin ang mga isinulat niyang payo para maging mas nakakapagpatibay ang susunod niyang pagdalaw.

“oo” pero “hindi” pala: O “oo at hindi sa isang hingahan.” Lit., “oo at hindi.”—Tingnan ang study note sa 2Co 1:17.

Silvano: Ang kamanggagawang ito ay binanggit din ni Pablo sa 1Te 1:1 at 2Te 1:1 at ni Pedro sa 1Pe 5:12. Sa aklat ng Gawa, tinawag siyang Silas. Makikita sa ulat ni Lucas na isa siya sa mga nangunguna sa kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem noong unang siglo, isa siyang propeta, at kasama siya ni Pablo sa ikalawang paglalakbay nito bilang misyonero. Lumilitaw na isang mamamayang Romano si Silvano, na posibleng dahilan kung bakit ginamit ang Romanong pangalan niya dito.—Gaw 15:22, 27, 40; 16:19, 37; 17:14; 18:5.

ang mga iyon ay naging “oo” sa pamamagitan niya: Ibig sabihin, ang mga pangako ng Diyos ay napagtibay at natupad sa pamamagitan ni Jesus. Sa pamamagitan ng lahat ng itinuro at ginawa niya, natupad ang lahat ng pangako sa Hebreong Kasulatan. Dahil sa walang-batik na katapatan ni Jesus noong nandito siya sa lupa, naalis ang anumang pagdududa sa mga pangako ni Jehova.

sa pamamagitan din niya, sinasabi natin sa Diyos ang “Amen”: Ang salitang isinalin na “Amen” ay transliterasyon ng Hebreong salita na nangangahulugang “mangyari nawa,” o “tiyak nga.” Sa Apo 3:14, tinukoy ni Jesus ang sarili niya bilang “Amen,” dahil noong nasa lupa siya, tinupad niya ang lahat ng hula tungkol sa kaniya. Isa pa, dahil sa katapatan at kamatayan niya, siya ang naging garantiya, o “Amen,” na ang lahat ng sinabi ng Diyos ay magkakatotoo. Dahil dito, mas nagiging makahulugan ang pagsasabi ng “Amen” sa pagtatapos ng mga panalangin sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo.—Tingnan ang study note sa 1Co 14:16.

ang kaniyang tatak: Noong panahon ng Bibliya, ginagamit ang pantatak bilang indikasyon ng pagmamay-ari, kasunduan, o pagiging tunay ng isang bagay. Sa kaso ng mga pinahirang Kristiyano, makasagisag silang tinatakan ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu para ipakita na pagmamay-ari niya sila at may pag-asa silang mabuhay sa langit.—Efe 1:13, 14.

garantiya ng darating: O “paunang bayad.” Ang tatlong paglitaw ng salitang Griego na ar·ra·bonʹ sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tumutukoy sa pagpili ng Diyos sa mga pinahirang Kristiyano sa pamamagitan ng espiritu, ang banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. (2Co 5:5; Efe 1:13, 14) Ang pagkilos na ito ng banal na espiritu ay gaya ng paunang bayad. Kumbinsido ang mga pinahirang Kristiyano sa kanilang pag-asa dahil sa garantiyang tinanggap nila. At kapag natanggap na nila ang kabuoang bayad, o gantimpala, magkakaroon din sila ng katawang di-nasisira at imortalidad.—1Co 15:48-54; 2Co 5:1-5.

ko: Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Hindi sa kami ang mga panginoon ng inyong pananampalataya: Nagtitiwala si Pablo na dahil tapat na mga Kristiyano ang mga kapatid niya, gusto nilang gawin ang tama. Matatag sila dahil sa pananampalataya nila, hindi dahil kay Pablo o sa sinumang tao. Ang pandiwang Griego na isinaling “kami ang mga panginoon” (ky·ri·euʹo) ay puwedeng magpahiwatig ng pagkontrol sa iba o pagiging dominante. Sa katunayan, gumamit si Pedro ng kaugnay na termino nang payuhan niya ang matatandang lalaki na huwag ‘mag-astang panginoon sa mga mana ng Diyos.’ (1Pe 5:2, 3) Naunawaan ni Pablo na kahit may awtoridad siya bilang apostol, wala siyang karapatan na kontrolin ang iba. Isa pa, nang sabihin ni Pablo na mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan, ipinakita niya na hindi sila nakakataas ng mga kasama niya, kundi mga lingkod din sila na ginagawa ang lahat para tulungan ang mga taga-Corinto na maging masaya sa pagsamba kay Jehova.

Media