Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 10:1-18

10  Ako mismo, si Pablo, ay nakikiusap sa inyo ngayon. Tinutularan ko ang kahinahunan at kabaitan ng Kristo+ sa pakikipag-usap sa inyo. Gayunman, sinasabi ng ilan na mukha akong mahina kapag nasa harap ninyo+ pero matapang kapag hindi ninyo kaharap.+ 2  Umaasa ako na kapag nariyan na ako, hindi ko na kakailanganing maging matapang at magbigay ng matitinding saway sa ilan na nag-iisip na lumalakad kami ayon sa makasanlibutang kaisipan.*+ 3  Dahil kahit namumuhay kami gaya ng ibang tao, hindi kami nakikipagdigma na gaya ng mga tao sa sanlibutang ito.* 4  Dahil ang mga sandata namin sa pakikipagdigma ay hindi mula sa mga tao;+ ang malalakas na sandatang ito ay mula sa Diyos+ at magagamit para pabagsakin ang mga bagay na matibay ang pagkakatatag. 5  Dahil ibinabagsak namin ang maling mga pangangatuwiran at bawat bagay na humahadlang sa mga tao na magkaroon ng kaalaman sa Diyos,+ at binibihag namin ang bawat kaisipan para maging masunurin ito sa Kristo; 6  at handa kaming maglapat ng parusa sa sinumang sumusuway,+ matapos ninyong patunayan na talagang masunurin na kayo.* 7  Hinahatulan ninyo ang mga bagay ayon sa panlabas na anyo. Kung lubusang naniniwala ang isa na siya ay kay Kristo, pag-isipan sana niyang muli ang katotohanang ito: Kung paanong siya ay kay Kristo, gayon din kami. 8  Dahil kahit pa ipagmalaki ko nang sobra-sobra ang awtoridad na ibinigay sa amin ng Panginoon para patibayin kayo at hindi pahinain,+ hindi ako mapapahiya. 9  Pero ayoko namang lumitaw na tinatakot ko kayo sa mga liham ko. 10  Dahil sinasabi nila: “Ang mga liham niya ay may awtoridad at mapuwersa, pero mahina naman siya kapag kaharap natin at walang kuwenta ang sinasabi niya.” 11  Pero ipinaaalam ko sa taong nag-iisip ng ganito na kung ano ang sinasabi namin sa mga liham, iyon ang gagawin namin pagdating diyan.+ 12  Hindi kami katulad ng mga taong ipinagmamalaki ang sarili nila, at ayaw naming ikumpara ang sarili namin sa kanila.+ Wala silang unawa, dahil hinahatulan nila ang isa’t isa at ang kanilang sarili ayon sa sarili nilang pamantayan.+ 13  Pero hindi namin ipagmamalaki ang lampas sa saklaw ng atas namin, kundi ang nasa loob lang ng teritoryo na iniatas sa amin ng Diyos,* at kasama kayo roon.+ 14  Kaya hindi kami lumampas sa saklaw ng atas namin nang pumunta kami sa inyo, dahil ang totoo, kami ang unang nagbahagi sa inyo ng mabuting balita tungkol sa Kristo.+ 15  Hindi namin ipinagmamalaki ang nagawa ng iba, na nasa labas ng teritoryong iniatas sa amin. Sa halip, umaasa kami na habang lumalakas ang inyong pananampalataya, susulong din ang nagawa namin, sa loob ng aming teritoryo, at mas lalawak pa ang saklaw ng gawain namin, 16  para maihayag din namin ang mabuting balita sa mga lupaing mas malayo sa inyo, nang sa gayon, hindi ang mga nagawa ng iba sa teritoryo nila ang ipagmalaki namin. 17  “Kundi siya na nagmamalaki, ipagmalaki niya si Jehova.”+ 18  Dahil hindi ang taong nagrerekomenda sa sarili niya ang may pagsang-ayon ng Diyos,+ kundi ang inirerekomenda ni Jehova.+

Talababa

Lit., “ayon sa laman.”
Lit., “nakikipagdigma ayon sa laman.”
O “na lubusan na kayong masunurin.”
O “na ibinahagi sa amin ng Diyos ayon sa panukat.”

Study Notes

kabaitan ng Kristo: Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto tungkol sa ilan sa mga pagkukulang nila, hindi siya masakit magsalita. Sa halip, tinularan niya ang kahinahunan at kabaitan ng Kristo. Ang salitang Griego na isinalin ditong “kabaitan” ay literal na nangangahulugang “pagiging mapagparaya” at puwede ring isaling “pagkamakatuwiran.” Kitang-kita kay Kristo Jesus ang katangiang ito. Noong nandito si Jesus sa lupa, lubusan niyang naipakita ang perpektong halimbawa ng pagkamakatuwiran ng Ama niya. (Ju 14:9) Sa katulad na paraan, kahit kailangan ng mga taga-Corinto ng matinding payo, mabait na nakiusap si Pablo sa kanila sa halip na basta mag-utos.

ilan na nag-iisip na lumalakad kami ayon sa makasanlibutang kaisipan: Lumilitaw na humina sa espirituwal ang ilang miyembro ng kongregasyon sa Corinto at naging mapamuna sila kay Pablo at sa mga kasamahan niya. Posibleng ang tinitingnan nila ay ang hitsura, kakayahan, personalidad, at iba pa, sa halip na ang espirituwalidad ng mga lalaking ito. Hindi nila kinikilala na kumikilos ang espiritu ng Diyos sa kongregasyon at na ang mga nagagawa ng mga lalaking gaya nina Pablo at Apolos ay dahil sa tulong ng espiritu ng Diyos at para sa kaluwalhatian Niya.

kahit namumuhay kami gaya ng ibang tao: Masasabing namuhay na gaya ng ibang tao si Pablo at ang mga kamanggagawa niya, gaya nina Apolos at Cefas (Pedro) dahil may mga limitasyon din sila at di-perpekto. (1Co 1:11, 12; 3:4, 5) Pero sa espirituwal na pakikipagdigma, hindi sila naging gaya ng mga tao sa sanlibutang ito, ibig sabihin, hindi sila nagpagabay sa makalamang pagnanasa at motibo at pilipit na pangangatuwiran ng mga tao.

hindi kami nakikipagdigma: Lit., “hindi kami sumasali sa hukbo.” Gaya ng mababasa sa 2Co 10:3-6, madalas na gumagamit si Pablo ng mga terminong ginagamit sa digmaan kapag inilalarawan niya ang espirituwal na pakikipagdigma nila ng mga kapananampalataya niya para protektahan ang kongregasyon mula sa mapaminsala at maling mga pangangatuwiran at turo.—1Co 9:7; Efe 6:11-18; 2Ti 2:4; tingnan ang study note sa 2Co 10:4, 5.

pabagsakin ang mga bagay na matibay ang pagkakatatag: Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “pabagsakin” ay isinaling “pahinain; magpahina” sa 2Co 10:8; 13:10. Sa Septuagint, ginamit ang pandiwang Griego na ito bilang panumbas sa salitang Hebreo para sa “wasakin.” (Exo 23:24) Sa ekspresyong “mga bagay na matibay ang pagkakatatag,” ginamit ni Pablo ang isang salitang Griego (o·khyʹro·ma) na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Makasagisag ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito, pero karaniwan nang tumutukoy ito sa isang tanggulan o napapaderang lunsod. Ginamit ito ng Septuagint sa Kaw 21:22, at sinasabi ng ilang iskolar na ang talatang ito ang inspirasyon ni Pablo sa sinabi niya dito sa 2Co 10:4. Ginamit din ng Septuagint ang terminong ito para tumukoy sa kilaláng napapaderang lunsod ng Tiro at sa iba pang tanggulan. (Jos 19:29; Pan 2:5; Mik 5:11; Zac 9:3) Kaya posibleng maisip dito ng mga mambabasa ang ‘pagpapabagsak’ o ‘pagtitiwarik’ sa isang napakalaking tanggulan, gaya ng ginagawa kapag sinasakop ang isang napapaderang lunsod.

ibinabagsak namin ang maling mga pangangatuwiran at bawat bagay na humahadlang sa mga tao: Sa espirituwal na pakikipagdigma sa loob ng kongregasyon, kailangang ibagsak, o itiwarik, ng mga Kristiyano ang anumang maling pangangatuwiran o turo. Ang mga ito at ang iba pang mga hadlang ay gaya ng matataas na pader na humaharang sa mga tao na gustong magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos. Kahit sa loob ng kongregasyong Kristiyano, may “nakapipinsalang mga kaisipan” na puwedeng makahadlang sa isang tao na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. (Mar 7:21) Walang magagawa ang literal na mga espada at sibat laban sa ganitong mga pangangatuwiran, kaya ang kasama sa “mga sandata [natin] sa pakikipagdigma” ay “ang espada ng espiritu, ang salita ng Diyos.” (2Co 10:4; Efe 6:17) Sa paggamit ng espadang ito, nailalantad ng mga Kristiyano ang mga maling doktrina, nakapipinsalang kaugalian, at pilosopiya ng tao.—1Co 2:6-8; Efe 6:11-13.

Dahil sinasabi nila: Lumilitaw na ang pananalitang kasunod nito ay galing sa mga kritiko ni Pablo sa Corinto, posibleng sa “ubod-galing na mga apostol” o sa mga naimpluwensiyahan nila. (Tingnan ang study note sa 2Co 11:5.) Sinasabi nila na “mahina . . . siya kapag kaharap [nila] at walang kuwenta ang sinasabi niya.” Pero sa Listra, napagkamalan ng mga taga-Licaonia si Pablo na si Hermes, isang diyos sa Griegong mitolohiya na magaling magsalita. (Tingnan ang study note sa Gaw 14:12.) Makikita rin sa mga pahayag ni Pablo na nakaulat sa aklat ng Gawa kung gaano siya kahusay magsalita. (Gaw 13:15-43; 17:22-34; 26:1-29) Kaya lumilitaw na ang sinasabi ng mga kalaban ni Pablo sa Corinto ay hindi lang masakit at walang galang, wala pa itong basehan.

kapag kaharap natin: Ginamit dito ni Pablo ang terminong Griego na pa·rou·siʹa para tumukoy sa panahong kasama niya ang mga kapatid, hindi sa pagdating niya. Limang beses pa itong ginamit sa ganito ring diwa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (1Co 16:17; 2Co 7:6, 7; Fil 1:26; 2:12) Ito rin ang salitang Griego na ginamit para tumukoy sa di-nakikitang presensiya ni Jesu-Kristo. (Mat 24:3; 1Co 15:23) Kahit na ang presensiya ni Jesus ay tinumbasan ng “pagparito” sa maraming salin, ang saling “presensiya” ay sinusuportahan ng pagkakagamit ni Pablo sa salitang Griegong ito.—Tingnan ang study note sa 1Co 15:23; 16:17.

teritoryo: Ang salitang “teritoryo” dito ay salin para sa salitang Griego na ka·nonʹ. Ang salitang ito ay mula sa salitang Hebreo na qa·nehʹ (tambo). Ginagamit noon ang tambo bilang batayan o panukat. (Eze 40:3-8; 41:8; 42:16-19; tingnan sa Glosari, “Kanon [kanon ng Bibliya].”) Sa 2Co 10:13, 15, 16, ginamit ni Pablo ang salitang ito para tumukoy sa atas na ibinigay ng Diyos. Ang ipagmamalaki lang ni Pablo ay ang nagawa niya sa loob ng teritoryo niya, o kung ano lang ang saklaw ng atas na ibinigay sa kaniya ng Diyos.

ipagmalaki niya si Jehova: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang Griego na isinasaling “magmalaki” (kau·khaʹo·mai) ay puwede ring isaling “magsaya; magbunyi.” Puwedeng maging positibo o negatibo ang kahulugan nito. Halimbawa, sinabi ni Pablo na puwede tayong “magsaya [o, “magmalaki”] . . . dahil sa pag-asang tumanggap ng kaluwalhatian mula sa Diyos.” (Ro 5:2) Kapag ‘ipinagmamalaki natin si Jehova,’ ipinagmamalaki nating siya ang Diyos natin at nagsasaya tayo dahil sa kaniyang mabuting pangalan at reputasyon.—Jer 9:23, 24.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Jer 9:24, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Ito rin ang tekstong sinipi ni Pablo sa 1Co 1:31.—Tingnan ang Ap. C1 at C2.

ang inirerekomenda ni Jehova: Ang sinabi dito ni Pablo ay kaugnay ng naunang talata, kung saan sinipi niya ang Jer 9:23, 24. Sinabi doon ni Jeremias na hindi dapat ipagyabang ng isang tao ang sarili niyang karunungan, lakas, o kayamanan. Ang dapat lang niyang ipagyabang ay ang pagkakaroon niya ng “kaunawaan at kaalaman tungkol sa [Diyos], . . . ang sabi ni Jehova.” Idinagdag pa dito ni Pablo na ang sinasang-ayunan, o kinikilala, ni Jehova ay hindi ang mayayabang at nagrerekomenda sa sarili nila (Kaw 27:2), kundi ang mga “inirerekomenda” Niya. Dahil lumitaw ang pangalan ng Diyos sa orihinal na tekstong Hebreo ng Jer 9:24, ginamit ito dito at sa naunang talata (2Co 10:17).—Para sa pagkakagamit ng pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 10:18.

Media