Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 11:1-33

11  Pagtiisan sana ninyo ako kahit parang wala ako sa katuwiran. Pero sa totoo lang, pinagtitiisan na ninyo ako! 2  Dahil ang malasakit ko sa inyo ay gaya ng malasakit ng Diyos, dahil ako mismo ang nangako na ipakakasal ko kayo sa isang lalaki,* ang Kristo, at gusto kong iharap kayo sa kaniya bilang isang malinis na birhen.+ 3  Pero natatakot ako na sa paanuman, kung paanong nadaya ng ahas si Eva sa tusong paraan,+ ang mga pag-iisip ninyo ay malason din at maiwala ninyo ang inyong kataimtiman at kalinisan* na nararapat sa Kristo.+ 4  Dahil ang totoo, kapag may dumarating at nangangaral tungkol sa isang Jesus na iba sa ipinangangaral namin o kapag may nagbibigay sa inyo ng isang espiritu na iba sa taglay na ninyo* o kapag may nagdadala sa inyo ng mabuting balita na iba sa tinanggap na ninyo,+ tinatanggap ninyo siya. 5  Dahil wala akong makitang dahilan para masabing nakabababa ako sa ubod-galing na mga apostol ninyo.+ 6  Dahil kahit hindi ako mahusay sa pagsasalita,+ mayroon naman akong kaalaman;+ at malinaw namin itong ipinapakita sa inyo sa lahat ng bagay. 7  Nagkasala ba ako nang ibaba ko ang sarili ko para maitaas kayo at nang malugod kong ihayag sa inyo nang walang bayad ang mabuting balita ng Diyos?+ 8  Tinustusan ng ibang mga kongregasyon ang mga pangangailangan ko para makapaglingkod ako sa inyo, kaya parang napagnakawan ko sila.+ 9  Pero noong nariyan akong kasama ninyo at nangailangan ako, hindi ako naging pabigat sa sinuman, dahil saganang inilaan ng mga kapatid sa Macedonia ang mga pangangailangan ko.+ Oo, sa bawat paraan, sinikap kong hindi maging pabigat sa inyo at patuloy kong gagawin iyon.+ 10  Hangga’t ako ay isang tagasunod ni Kristo, patuloy ko itong ipagmamalaki+ sa buong Acaya. 11  Bakit? Dahil hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo.+ 12  May ilan na nagyayabang, at sinasabi nilang kapantay namin sila. Kaya ipagpapatuloy ko lang ang ginagawa ko+ para mawalan sila ng dahilang magyabang. 13  Dahil ang gayong mga tao ay huwad na mga apostol, mapanlinlang na mga manggagawa, na nagkukunwaring mga apostol ni Kristo.+ 14  At hindi naman iyon nakapagtataka, dahil si Satanas mismo ay laging nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.+ 15  Kaya hindi nakakagulat kung ang mga lingkod niya ay lagi ring nagkukunwari na mga lingkod ng katuwiran. Pero ang magiging wakas nila ay ayon sa mga ginagawa nila.+ 16  Sasabihin ko ulit: Huwag ninyong isipin na wala ako sa katuwiran. Pero kung maisip ninyo iyon, pagtiisan lang ninyo ako, para makapagmalaki rin ako nang kaunti.+ 17  Nagsasalita ako ngayon hindi kaayon ng halimbawa ng Panginoon kundi gaya ng taong wala sa katuwiran, na mayabang at sobra ang tiwala sa sarili. 18  Marami ang nagmamalaki dahil sa mga bagay sa sanlibutan, kaya magmamalaki rin ako. 19  Dahil “napakamakatuwiran” ninyo, malugod ninyong pinagtitiisan ang mga wala sa katuwiran. 20  Ang totoo, pinagtitiisan ninyo ang sinumang umaalipin sa inyo, nananamantala sa inyo, nang-aagaw sa taglay ninyo, nagmamataas sa inyo, at sumasampal sa inyo. 21  Nakakahiya na nasabi namin ito, dahil baka isipin ng ilan na mahina kami. Pero kung hindi nahihiya ang ibang tao na magmalaki, hindi rin ako mahihiya, kahit pa isipin ng ilan na wala ako sa katuwiran.+ 22  Hebreo ba sila? Ako rin.+ Israelita ba sila? Ako rin. Supling ba sila ni Abraham? Ako rin.+ 23  Lingkod ba sila ni Kristo? Sasagot akong gaya ng isang baliw, di-hamak na nakahihigit ako sa kanila: mas marami akong ginawa,+ mas madalas akong nabilanggo,+ napakaraming hampas ang tiniis ko, at maraming beses akong nalagay sa bingit ng kamatayan.+ 24  Limang beses akong tumanggap sa mga Judio ng 40 hampas na kulang ng isa,+ 25  tatlong beses akong pinaghahampas,+ minsan akong pinagbabato,+ tatlong beses na nawasak ang barkong sinasakyan ko,+ at isang gabi at isang araw akong nasa gitna ng dagat; 26  sa madalas kong paglalakbay, ilang beses akong nanganib sa mga ilog, sa mga magnanakaw, sa mga kalahi ko,+ sa ibang mga bansa,+ sa lunsod,+ sa ilang, sa dagat, at sa gitna ng nagkukunwaring mga kapatid; 27  nagtrabaho rin ako nang mabigat at nagpakahirap, maraming beses akong hindi makatulog sa gabi,+ nagutom ako at nauhaw,+ madalas akong walang pagkain,+ at gininaw ako at walang maisuot. 28  Bukod sa lahat ng paghihirap na iyon, araw-araw rin akong nag-aalala para sa lahat ng kongregasyon.+ 29  Kung may nanghihina, hindi ba nanghihina rin ako? Kung may natisod, hindi ba nagagalit ako? 30  Kung kailangan kong magmalaki, ipagmamalaki ko ang mga bagay na nagpapakita ng kahinaan ko. 31  Alam ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus, ang Isa na dapat purihin magpakailanman, na hindi ako nagsisinungaling. 32  Sa lunsod ng Damasco, nagbabantay ang gobernador na nasa ilalim ni Aretas na hari para mahuli ako, 33  pero sakay ng isang basket, ibinaba ako sa isang bintana na nasa pader ng lunsod,+ kaya nakatakas ako sa kaniya.

Talababa

O “asawang lalaki.”
O “kadalisayan.”
O “kapag may nang-iimpluwensiya sa inyo na magkaroon ng ibang takbo ng pag-iisip.”

Study Notes

kahit parang wala ako sa katuwiran: Alam ni Pablo na puwede siyang magmukhang wala sa katuwiran dahil sa mga ipinagmamalaki niya. (2Co 11:16) Pero kinailangan niyang ipagtanggol ang pagiging apostol niya sa dulong bahagi ng 2 Corinto. (Sa katunayan, sa 2Co 11 at 12, walong beses na ginamit ni Pablo ang mga salitang Griego na aʹphron at a·phro·syʹne na isinaling “wala sa katuwiran” at “hindi makatuwiran”: 2Co 11:1, 16, 17, 19, 21; 12:6, 11.) Iniimpluwensiyahan ng “ubod-galing na mga apostol” ang kongregasyon na huwag igalang si Pablo at ang mga itinuturo niya. Dahil diyan, napilitan si Pablo na magmalaki para maipagtanggol ang kaniyang bigay-Diyos na awtoridad. (2Co 10:10; 11:5, 16; tingnan ang study note sa 2Co 11:5.) Kaya hindi masasabing wala sa katuwiran ang pagmamalaki ni Pablo.

ang malasakit ko sa inyo ay gaya ng malasakit ng Diyos: O “ang pagseselos ko para sa inyo ay gaya ng pagseselos ng Diyos.” Ang mga salitang Griego dito na puwedeng isaling “pagseselos” ay nagpapahiwatig ng matinding damdamin na puwedeng positibo o negatibo. Positibo ang kahulugan ng mga ito sa talatang ito. Puwede itong tumukoy sa pagpapakita ng personal na interes at matinding malasakit sa iba, na ekspresyon ng tunay na pagmamahal. Ganiyan ang naramdaman ni Pablo para sa mga kapananampalataya niyang pinahiran. Inihalintulad niya sila sa isang malinis na birhen na ipinangakong mapangasawa ng isang lalaki, si Jesu-Kristo. Dahil sa malasakit ni Pablo sa buong kongregasyon, gusto niya silang protektahan mula sa espirituwal na panganib at manatiling malinis para kay Kristo. Kaya ang “malasakit [lit., “sigasig”] ng Diyos” sa talatang ito ay hindi lang tumutukoy sa personal na interes ni Jehova sa mga mahal niya, kundi pati sa matinding kagustuhan niyang protektahan sila mula sa panganib.—Para sa negatibong kahulugan ng pandiwang Griego na ginamit dito, tingnan ang study note sa 1Co 13:4.

malinis: O “dalisay.” Ang nobya ni Kristo ay binubuo ng 144,000 pinahiran. Ang bawat isa sa kanila ay nakapanatiling birhen sa makasagisag na diwa dahil nanatili silang hiwalay sa sanlibutan at malinis sa moral at espirituwal.—Apo 14:1, 4; ihambing ang 1Co 5:9-13; 6:15-20; San 4:4; 2Ju 8-11; Apo 19:7, 8.

ubod-galing na mga apostol: Ang ekspresyong ginamit dito ni Pablo ay puwede ring isaling “napakagagaling na apostol.” Medyo sarkastiko ang pagkakalarawan niya sa mayayabang na lalaking ito na maliwanag na nag-iisip na nakatataas sila sa mga apostol na inatasan mismo ni Jesus. Tinawag sila ni Pablo na “huwad na mga apostol” dahil ang totoo, mga ministro sila ni Satanas. (2Co 11:13-15) Itinuturo nila ang sariling bersiyon nila ng mabuting balita tungkol kay Kristo. (2Co 11:3, 4) Minamaliit at sinisiraan din nila si Pablo; kinukuwestiyon nila ang bigay-Diyos na awtoridad niya bilang apostol.

Tinustusan . . . ang mga pangangailangan: Ang salitang Griego na o·psoʹni·on ay literal na nangangahulugang “bayad; suweldo.” Sa Luc 3:14 (tingnan ang study note), tumutukoy ito sa suweldo ng isang sundalo. Sa kontekstong ito, tumutukoy ang o·psoʹni·on sa maliit na materyal na suporta na natanggap ni Pablo mula sa ibang mga kongregasyon para matustusan ang mga pangangailangan niya habang nasa Corinto.—Para sa iba pang paglitaw ng salitang Griego na ito, tingnan ang study note sa Ro 6:23; 1Co 9:7.

napagnakawan: Ang pandiwang Griego na sy·laʹo ay kadalasan nang tumutukoy sa pagkuha ng mga samsam sa digmaan. Gumamit si Pablo dito ng eksaherasyon para idiin ang isang punto. Walang mali sa pagtanggap ni Pablo ng tulong mula sa iba. Sagot niya ito sa “ubod-galing na mga apostol,” na nagsasabing sinasamantala niya ang kongregasyon ng Corinto. (2Co 11:5) Nang ‘mangailangan’ siya habang nasa Corinto, makikita sa ulat na hindi siya tinulungan ng mga Kristiyano doon, kahit na lumilitaw na mayaman ang ilan sa kanila. Ang tumulong pa nga sa kaniya ay ang mahihirap na kapatid sa Macedonia. (2Co 11:9) Sinabi niyang hindi siya “nagkasala” nang ibaba niya ang sarili niya, na posibleng tumutukoy sa paggawa niya ng tolda para masuportahan ang ministeryo niya. (2Co 11:7) Kaya dahil sa mga taga-Corinto siya naglilingkod pero ibang kongregasyon ang nagbibigay sa kaniya ng pinansiyal na suporta, nasabi niyang parang “napagnakawan” niya ang mga ito.

para mawalan sila ng dahilang magyabang: Ayaw tumanggap ni Pablo ng pinansiyal na tulong mula sa kongregasyon sa Corinto. (2Co 11:9) Pero lumilitaw na tumatanggap ng ganoong tulong ang “ubod-galing na mga apostol” sa Corinto, at sinasabi nila na si Pablo ay hindi isang apostol dahil mayroon siyang sekular na trabaho. (2Co 11:4, 5, 20) Naghahanap kasi sila ng dahilan para masabing “kapantay” sila ng mga apostol. Posibleng ang pagyayabang nila ay tumutukoy sa pag-aangkin nilang mga apostol sila. (2Co 11:7) Sa dulo ng kabanatang ito at sa kabanata 12, idiniin ni Pablo ang mga kuwalipikasyon niya bilang apostol para ipakita na walang basehan ang sinasabi nila. Tahasan din niyang sinabi na ang “ubod-galing na mga apostol” na ito ay “huwad na mga apostol, . . . na nagkukunwaring mga apostol ni Kristo.”—2Co 11:13.

dahil sa mga bagay sa sanlibutan: Tumutukoy sa pagyayabang ng isang tao dahil sa kalagayan niya sa buhay.

Hebreo . . . Israelita . . . Supling . . . ni Abraham: Ipinapaliwanag dito ni Pablo ang pinagmulan niyang lahi, posibleng dahil ipinagmamalaki ng ilan sa mga kritiko niya sa Corinto ang kanilang pagiging Judio. Una, binanggit niya na isa siyang Hebreo, posibleng para idiin na ninuno niya ang mga Judiong gaya nina Abraham at Moises. (Gen 14:13; Exo 2:11; Fil 3:4, 5) Posible ring sinabi niya na Hebreo siya dahil nakakapagsalita siya ng Hebreo. (Gaw 21:40–22:2; 26:14, 15) Ikalawa, binanggit ni Pablo na isa siyang Israelita, isang terminong tumutukoy minsan sa mga Judio. (Gaw 13:16; Ro 9:3, 4) Ikatlo, espesipikong binanggit ni Pablo na ninuno niya si Abraham. Idiniin niya na kasama siya sa mga tagapagmana ng mga pangako ng Diyos kay Abraham. (Gen 22:17, 18) Pero sinabi niya rin na hindi ito ang mga bagay na pinakamahalaga.—Fil 3:7, 8.

Supling: O “Inapo.” Lit., “Binhi.”—Tingnan ang Ap. A2.

tumanggap sa mga Judio ng 40 hampas na kulang ng isa: Isa sa mga disiplina sa Kautusang Mosaiko ang pamamalo sa nagkasala, pero espesipikong binanggit sa Kautusan na hindi ito dapat sumobra sa 40 hampas para hindi ‘mapahiya’ ang dinidisiplina. (Deu 25:1-3) Sa tradisyon ng mga Judio, nilimitahan sa 39 ang hampas para masigurado na hindi ito sosobra sa 40. Tinanggap ni Pablo ang pinakamaraming hampas na puwedeng tanggapin ng isa, na nagpapakitang mabigat na kasalanan ang nagawa niya sa paningin ng mga Judio. Malamang na pinaghahampas siya sa sinagoga o sa hukumang katabi nito. (Tingnan ang study note sa Mat 10:17.) Pero kapag di-Judio ang humahampas kay Pablo, hindi sila nalilimitahan ng Kautusang Mosaiko.—Tingnan ang study note sa 2Co 11:25.

tatlong beses akong pinaghahampas: O “tatlong beses akong pinaghahampas ng pamalo.” Isa itong paraan ng pagpaparusa na madalas ilapat ng mga Romanong awtoridad. Sa tatlong beses na pinaghahampas si Pablo, isa lang ang nakaulat sa Gawa. Nangyari ito sa Filipos bago niya isulat ang ikalawang liham niya sa mga taga-Corinto. (Gaw 16:22, 23) Pinaghahampas din siya ng mga Judio sa Jerusalem, pero hindi binanggit na may hawak silang pamalo. (Gaw 21:30-32) May pamalo man o wala, alam ng mga sinulatan ni Pablo sa Corinto kung gaano kabrutal ang ganoong parusa, dahil isa silang kolonya ng Roma. Kahiya-hiya ang parusang ito dahil hinuhubaran muna sa simula ang biktima. (Ihambing ang 1Te 2:2.) Ayon sa batas, hindi puwedeng paghahampasin ang isang mamamayang Romano, gaya ni Pablo. Kaya nang gawin ito sa kaniya, sinabi niya sa mga mahistrado sa Filipos na nilabag nila ang karapatan niya.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:35, 37.

pinagbabato: Malamang na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang nangyari sa kaniya sa Listra na nakaulat sa Gaw 14:19, 20. Sa Kautusang Mosaiko, puwedeng pagbabatuhin ang nagkasala na nahatulan ng kamatayan. (Lev 20:2) Malamang na inumog si Pablo at pinagbabato ng panatikong mga Judio at posibleng pati ng mga Gentil. Maliwanag na gusto nilang patayin si Pablo; sa katunayan, matapos nila siyang pagbabatuhin, inakala nilang patay na siya. Tiyak na nag-iwan kay Pablo ng malalalim na peklat ang ganoong brutal na mga pag-atake.

tatlong beses na nawasak ang barkong sinasakyan ko: Detalyadong inilalarawan sa Bibliya ang isa sa mga pagkakataong nawasak ang barkong sinasakyan ni Pablo, pero nangyari iyon pagkatapos niyang isulat ang liham na ito. (Gaw 27:27-44) Madalas maglayag si Pablo. (Gaw 13:4, 13; 14:25, 26; 16:11; 17:14, 15; 18:18-22, 27) Kaya posibleng maraming beses niyang naranasan ang ganitong aksidente. Malamang na nawasak ang barkong sinasakyan ni Pablo nang sabihin niyang isang gabi at isang araw siyang nasa gitna ng dagat (lit., “nasa kalaliman”). Posibleng nakakapit lang si Pablo sa isang piraso ng nawasak na barko nang buong gabi at araw habang tinatangay-tangay ng alon sa dagat hanggang sa mailigtas siya o mapadpad sa dalampasigan. Pero kahit naranasan niya ang mga ito, nagpatuloy pa rin siya sa kaniyang gawaing paglalakbay.

ilang beses akong nanganib sa mga ilog, sa mga magnanakaw: Ang salitang ginamit ni Pablo sa talatang ito para sa “ilog” ay ginamit din sa Mat 7:25, 27, kung saan isinalin itong “bumaha.” Sa mga lugar na gaya ng Pisidia—na dinaanan ni Pablo sa unang paglalakbay niya bilang misyonero—ang mga ilog ay kadalasan nang umaapaw pagkatapos ng ulan, kaya rumaragasa sa mga lambak ang nakamamatay na agos ng tubig. Ang mabundok na rehiyong ito ay kilalá rin na pugad ng mga magnanakaw. Handang suongin ni Pablo ang mga panganib na ito, hindi dahil sa hindi siya maingat, kundi dahil sumusunod siya sa pag-akay ng Diyos sa kaniyang ministeryo. (Gaw 13:2-4; 16:6-10; 21:19) Mas mahalaga sa kaniya ang pangangaral ng mabuting balita kaysa sa sarili niyang kaalwanan at kaligtasan.—Ihambing ang Ro 1:14-16; 1Te 2:8.

walang maisuot: Lit., “naging hubad.” Ang salitang Griego na gy·mnoʹtes ay puwedeng mangahulugang “hindi sapat ang kasuotan.” (Ihambing ang San 2:15; tlb.) Nang sabihin ni Pablo na “gininaw [siya] at walang maisuot,” inilalarawan niya ang mga paghihirap na malamang na naranasan niya noong naglalakbay siya sa napakalalamig na lugar, nakakulong sa malalamig na bilangguan, hinubaran ng mga magnanakaw, lumulusong sa mayelong mga ilog, nangangaral, o pinag-uusig.—Tingnan ang study note sa 1Co 4:11.

nag-aalala: Ang salitang Griego na meʹri·mna, na isinalin ditong “nag-aalala,” ay puwede ring isaling “nagmamalasakit; nababahala.” Binanggit ni Pablo ang tungkol sa pag-aalala niya sa mga kapatid pagkatapos niyang ilahad ang lahat ng panganib at paghihirap na naranasan niya. Ipinapakita lang nito kung gaano katindi ang pagmamalasakit niya sa mga kapuwa niya Kristiyano. (2Co 11:23-27) Patuloy siyang nakipag-ugnayan sa mga kapatid sa iba’t ibang kongregasyon, kaya nalalaman niya ang espirituwal na kalagayan ng mga Kristiyano doon. (2Co 7:6, 7; Col 4:7, 8; 2Ti 4:9-13) Gustong-gusto niya na lahat sila ay manatiling tapat sa Diyos hanggang wakas.—Tingnan ang study note sa 1Co 12:25, kung saan ginamit ang kaugnay nitong pandiwa na me·ri·mnaʹo sa katulad na diwa.

ang Isa na dapat purihin magpakailanman: Batay sa Griegong gramatika, ang “Isa” sa pariralang ito ay tumutukoy kay Jehova, ang “Diyos at Ama,” hindi sa “Panginoong Jesus.” May mga ganito ring ekspresyon ng pagpuri sa Diyos sa Luc 1:68 (tingnan ang study note); Ro 1:25; 9:5; 2Co 1:3; Efe 1:3; at 1Pe 1:3.

gobernador: O “etnarka”; lit., “tagapamahala ng bansa.” Isang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na e·thnarʹkhes, na isinalin ditong “gobernador.” Isa itong posisyon na mas mababa sa hari pero mas mataas sa tetrarka (tagapamahala ng distrito). (Tingnan ang study note sa Mat 14:1.) Pero sa paglipas ng daan-daang taon, nagkaroon ito ng iba’t ibang kahulugan. Ang gobernador na binabanggit dito ay kinatawan ni Haring Aretas sa Damasco, pero hindi tiyak kung ano ang lahi niya at eksaktong mga pananagutan.

Aretas na hari: Si Aretas IV ay isang Arabeng hari na namahala noong 9 B.C.E. hanggang 40 C.E. Ang kabisera niya ay ang Nabateanong lunsod ng Petra, na nasa timog ng Dagat na Patay, pero sakop din niya ang Damasco. Inilahad dito ni Pablo ang mga nangyari di-nagtagal matapos siyang makumberte sa Kristiyanismo. Sinasabi sa Gawa na “nagplano ang mga Judio na patayin” si Pablo. (Gaw 9:17-25) Sinabi naman ni Pablo na ang nagplano nito ay ang gobernador, o etnarka, ng Damasco, na nasa ilalim ng tagapamahalang si Aretas. Hindi nagkakasalungatan ang ulat ni Lucas at ni Pablo. Sinasabi ng isang reperensiya tungkol sa kasaysayan: “Ang mga Judio ang nagsulsol, ang Etnarka ang bumuo ng hukbo.”

basket: Nang sabihin ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto ang tungkol sa pagtakas niya, ginamit niya ang salitang Griego na sar·gaʹne, na tumutukoy sa isang basket na gawa sa hinabing lubid o tangkay. Posibleng ganitong uri ng basket ang ginagamit kapag maraming dayami o balahibo ng tupa ang kailangang bitbitin.—Tingnan ang study note sa Gaw 9:25.

bintana: Sa paglalarawan sa pangyayaring ito, ang literal na mababasa sa tekstong Griego ng Gaw 9:25 ay “idinaan sa pader.” Pero dahil espesipikong binanggit ang “isang bintana” dito sa 2Co 11:33, may matibay na basehan ang saling ”idinaan sa isang butas sa pader” sa Gaw 9:25. Ipinapalagay ng ilan na idinaan si Pablo sa isang bintana sa bahay ng isang alagad na nasa pader ng lunsod.

Media