Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 12:1-21

12  Kailangan kong magmalaki. Wala akong pakinabang dito, pero sasabihin ko ang tungkol sa makahimalang mga pangitain+ at pagsisiwalat ng Panginoon.+ 2  May kilala akong tao na kaisa ni Kristo. Labing-apat na taon na ang nakararaan, inagaw siya papunta sa ikatlong langit—kung sa pisikal na katawan man ito o hindi, hindi ko alam; Diyos ang nakaaalam. 3  Oo, may kilala akong gayong tao. Kung sa pisikal na katawan man o hindi, hindi ko alam; Diyos ang nakaaalam 4  —ang taong ito ay inagaw papunta sa paraiso, at may narinig siyang mga salita na hindi dapat bigkasin at hindi puwedeng sabihin ng tao. 5  Ipagmamalaki ko ang gayong tao, pero hindi ko ipagmamalaki ang sarili ko, maliban kung tungkol sa mga kahinaan ko.+ 6  Dahil kung sakaling gusto kong magmalaki, nasa katuwiran pa rin ako, dahil katotohanan ang sasabihin ko. Pero nagpipigil ako para walang sinumang pumuri sa akin nang higit kaysa sa nakikita o naririnig niya sa akin, 7  dahil lang sa kamangha-manghang mga bagay na isiniwalat sa akin. Kaya para hindi ako magmataas, binigyan ako ng isang tinik sa laman,+ isang anghel ni Satanas, na laging sasampal sa akin para hindi ako magmataas. 8  Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito. 9  Pero sinabi niya: “Sapat na ang walang-kapantay* na kabaitan ko sa iyo, dahil lubusang makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.”+ Kaya natutuwa akong ipagmalaki ang mga kahinaan ko, para ang kapangyarihan ng Kristo ay manatili sa akin, na gaya ng isang tolda sa ibabaw ko. 10  Kaya nalulugod ako sa mga kahinaan, insulto, panahon ng pangangailangan, at pag-uusig at problema alang-alang kay Kristo. Dahil kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.+ 11  Hindi ako naging makatuwiran, pero kayo ang dahilan, dahil dapat sana ay inirekomenda ninyo ako.+ Dahil kahit wala akong kabuluhan sa tingin ninyo, sa anumang paraan ay hindi ako nakabababa sa inyong ubod-galing na mga apostol.*+ 12  Ang totoo, nakita ninyo sa akin ang mga palatandaan ng isang apostol: may matinding pagtitiis*+ at nagsasagawa ng mga tanda, kamangha-manghang mga bagay, at makapangyarihang mga gawa.*+ 13  Ang dahilan lang kung bakit kayo naging nakabababa sa lahat ng ibang kongregasyon ay dahil hindi ako naging pabigat sa inyo.+ Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito. 14  Ito ang ikatlong beses na naghanda akong pumunta sa inyo, at hindi ako magiging pabigat. Dahil ang hangad ko ay hindi ang mga ari-arian ninyo,+ kundi kayo; dahil hindi ang mga anak+ ang inaasahang mag-ipon para sa mga magulang nila, kundi ang mga magulang para sa mga anak nila.+ 15  Malulugod akong ibigay sa inyo ang lahat ng mayroon ako, pati na ang buhay ko.+ Kung mahal na mahal ko kayo, hindi ba ako karapat-dapat sa ganito ring pagmamahal?+ 16  Sa kabila nito, hindi ko kayo pinabigatan.+ Pero sinasabi ninyo na “tuso” ako at hinuli ko kayo “gamit ang panlilinlang.” 17  Sinamantala ko ba kayo sa pamamagitan ng sinumang isinugo ko sa inyo? 18  Hinimok ko si Tito na pumunta sa inyo at pinapunta ko rin ang kapatid na kasama niya. Sinamantala ba kayo ni Tito sa anumang paraan? Hindi!+ Hindi ba pareho kami ng kaisipan? Hindi ba lumakad kami sa iisang landas? 19  Iniisip ba ninyo na ipinagtatanggol namin ang sarili namin sa inyo? Sa harap ng Diyos kami nagsasalita bilang mga tagasunod ni Kristo. Ang totoo, ginagawa namin ang lahat ng ito para mapatibay kayo, mga minamahal. 20  Dahil natatakot ako na kapag dumating ako, madatnan ko kayo sa kalagayang hindi ko gusto at hindi rin ninyo magustuhan ang reaksiyon ko;+ baka ang maabutan ko ay mga away, inggitan, pagsiklab ng galit, pagtatalo, paninira nang talikuran, bulong-bulungan, pagmamalaki, at kaguluhan. 21  Baka pagbalik ko riyan, hayaan ng aking Diyos na makadama ako ng kahihiyan sa harap ninyo, at baka kailangan kong magdalamhati dahil sa marami na namuhay nang makasalanan pero hindi pinagsisihan ang kanilang karumihan at seksuwal na imoralidad at paggawi nang may kapangahasan.

Talababa

O “di-sana-nararapat.”
O “sa mga apostol ninyo na parang napakagagaling.”
O “mga himala.”
O “pagbabata.”

Study Notes

tao: Hindi pinangalanan ni Pablo ang nakakita ng makahimalang pangitaing ito, pero maliwanag na ipinapahiwatig sa konteksto na siya ang taong ito. Bilang pagtatanggol ni Pablo sa pagiging apostol niya na kinukuwestiyon ng “ubod-galing na mga apostol” (2Co 11:5, 23), sinabi niya na nakatanggap siya ng “makahimalang mga pangitain at pagsisiwalat ng Panginoon” (2Co 12:1). Dahil walang binanggit ang Bibliya na iba pang tao na nakaranas ng ganito, lohikal na isiping si Pablo ang tinutukoy dito.

ikatlong langit: Sa Kasulatan, ang “langit” ay puwedeng tumukoy sa pisikal na langit o sa espirituwal na langit, kung saan nakatira si Jehova at ang mga anghel niya. (Gen 11:4; Isa 63:15) Pero puwede rin itong tumukoy sa isang gobyerno, pinamamahalaan man ito ng tao o ng Diyos. (Isa 14:12; Dan 4:25, 26) Dito, lumilitaw na inilalarawan ni Pablo ang isang pagsisiwalat tungkol sa hinaharap na nakita niya sa isang pangitain. (2Co 12:1) Sa Kasulatan kung minsan, inuulit nang tatlong beses ang isang bagay para idiin o pagtibayin ito. (Isa 6:3; Eze 21:27; Apo 4:8) Lumilitaw na ang “ikatlong langit” na nakita ni Pablo ay ang kataas-taasang gobyerno, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, ang gobyerno sa langit na binubuo ni Jesu-Kristo at ng 144,000 kasama niyang tagapamahala.—Isa 65:17; 66:22; 2Pe 3:13; Apo 14:1-5.

paraiso: Tatlong beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na pa·raʹdei·sos. (Luc 23:43, tingnan ang study note; 2Co 12:4; Apo 2:7) May kahawig itong mga salita sa wikang Hebreo (par·desʹ sa Ne 2:8; Ec 2:5; Sol 4:13) at Persiano (pairidaeza). Ang tatlong salitang ito ay pangunahin nang tumutukoy sa isang magandang parke o sa isang tulad-parkeng hardin. Ang salitang “paraiso” sa kontekstong ito ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang bagay. (Tingnan ang study note sa 2Co 12:2.) Posibleng ang tinutukoy ni Pablo ay (1) ang literal na paraisong lupa sa hinaharap, (2) ang magandang espirituwal na kalagayan ng bayan ng Diyos sa bagong sanlibutan, o (3) ang kalagayan sa langit. Hindi ito dapat bigkasin, o pag-usapan, noong panahon ni Pablo dahil hindi pa iyon ang oras na itinakda ng Diyos para isiwalat ang katuparan ng layunin niya.

ang gayong tao: O posibleng “ang gayong bagay,” na tumutukoy sa nabanggit niyang karanasan.—Tingnan ang study note sa 2Co 12:2.

kamangha-manghang: Ginamit ni Pablo ang salitang Griego na hy·per·bo·leʹ para ilarawan ang pagiging ‘kamangha-mangha,’ o espesyal, ng mga pagsisiwalat na natanggap niya. (Tingnan ang study note sa 2Co 12:2.) Walong beses na lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griegong ito, at ang lahat ay makikita sa mga isinulat ni Pablo. Iba-iba ang pagkakasalin dito, depende sa konteksto. Halimbawa, sa 2Co 4:7, isinalin itong “lakas na higit sa karaniwan,” at sa 2Co 1:8 naman, tumutukoy ito sa“matinding hirap” na naranasan ni Pablo at ng mga kasama niya.—Tingnan sa Glosari, “Eksaherasyon.”

isang tinik sa laman: Dito, gumamit si Pablo ng isang metapora para tumukoy sa isang paghihirap na patuloy niyang nararanasan. Kapag natinik ang isang tao, hindi nawawala ang kirot nito. (Ang salitang Griego na “tinik” ay puwedeng tumukoy sa anumang bagay na matulis, gaya ng tulos, salubsob, o tinik.) Hindi sinabi ni Pablo kung pisikal o emosyonal ang tinutukoy niyang kirot na dulot ng tinik na ito. May mga isinulat si Pablo na nagpapahiwatig na may problema siya sa paningin, na posibleng nagpapahirap sa kaniya sa paglalakbay, pagsusulat ng liham, at pagmiministeryo. (Gal 4:15; 6:11; tingnan din ang Gaw 23:1-5.) Sa konteksto namang ito, binanggit ni Pablo ang tuloy-tuloy na pagpuntirya sa kaniya ng mayayabang niyang kaaway, ang huwad na mga guro, kaya posible ring ang tinutukoy niyang tinik ay ang paghihirap ng kalooban niya dahil sa kanila. (Tingnan ang study note sa 2Co 11:5.) Anuman ang nagpapahirap kay Pablo, tinawag niya itong isang anghel ni Satanas, na nagpapakitang gustong gamitin ni Satanas ang anumang paghihirap, pisikal man o emosyonal, para pahinain ang isang lingkod ng Diyos. Pero nanatiling positibo si Pablo sa harap ng pagsubok na ito. Inisip niya na ang “tinik” na ito ay makakatulong sa kaniya na “hindi . . . magmataas” at patuloy na mapasaya ang Diyos.—Mat 23:12.

sasampal: O “hahampas.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo ay puwedeng tumukoy sa literal na pagsampal, paghampas, o pagsuntok. Kaya sa Mat 26:67, binanggit na “sinuntok” si Jesus ng mga sundalong Romano. Sa 1Co 4:11 naman, mas malawak ang kahulugan ng salitang ito at tumutukoy sa pagmamaltrato sa isang tao.

Panginoon: Dito, ginamit ni Pablo ang ekspresyong Griego na ton Kyʹri·on (Panginoon), na kung minsan ay tumutukoy kay Jehova at minsan ay kay Jesus. Sa kasong ito, makatuwirang isipin na sa Panginoong Jehova nagsumamo nang tatlong beses si Pablo, dahil Siya ang “Dumirinig ng panalangin.” (Aw 65:2) Siya lang ang dapat kausapin sa panalangin. (Aw 145:18; Fil 4:6) Bilang sagot kay Pablo, ipinaalala ni Jehova ang kaniyang “walang-kapantay na kabaitan” at ang “kapangyarihan” na sagana niyang ibinibigay sa mga lingkod niya. (2Co 12:9; Isa 40:26; Luc 24:49) Ikinakatuwiran ng ilan na kay Jesus nanalangin si Pablo dahil sa talata 9, binanggit niya ang tungkol sa “kapangyarihan ng Kristo.” Pero ang paggamit ni Pablo ng pariralang ito ay hindi nangangahulugan na kay Kristo siya nagsumamo nang tatlong beses. May kapangyarihan si Jesus, pero galing iyon sa Diyos na Jehova.—Luc 5:17.

Hindi ako naging makatuwiran: Tingnan ang study note sa 2Co 11:1.

kamangha-manghang mga bagay: Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.

ikatlong beses: Hindi ito nangangahulugang tatlong beses na aktuwal na dumalaw si Pablo sa Corinto. Tumutukoy ito sa tatlong pagkakataong handa siyang pumunta doon, pero may isang pagkakataon na hindi iyon naging posible. Una siyang dumalaw sa Corinto noong itinatag niya ang kongregasyon doon, at nanatili siya roon nang isa’t kalahating taon. (Gaw 18:9-11) Sa ikalawang pagkakataon, nagplano si Pablo na dumalaw sa kanila pero hindi iyon natuloy. (2Co 1:15, 16, 23) May mga patunay na napakaikli ng pagitan ng pagsulat ni Pablo sa 1 at 2 Corinto, kaya hindi posibleng makadalaw siya sa maikling panahong iyon. Isa pa, isang pagdalaw lang ang nakaulat sa aklat ng Gawa. (Gaw 18:1) Pero natuloy ang ikatlong beses na naghandang dumalaw si Pablo sa Corinto, na binanggit niya sa tekstong ito at sa 2Co 13:1, 2. Nakabalik siya sa Corinto noong mga 56 C.E., at doon niya isinulat ang aklat ng Roma.—Gaw 20:2, 3; Ro 16:1, 23; 1Co 1:14.

ibigay sa inyo: Ang terminong Griego na psy·kheʹ na nasa anyong pangmaramihan ay isinaling “inyo,” dahil sa kontekstong ito, tumutukoy ang psy·kheʹ sa mga tao.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

bulong-bulungan: O “tsismisan.” Ang salitang Griego dito ay tumutukoy sa pagtsitsismisan at pagkakalat ng negatibong impormasyon nang palihim. Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griegong ito, pero ang kaugnay nitong salita, na isinasaling “mapagbulong,” ay ginamit sa Ro 1:29, kung saan mababasa ang iba’t ibang masasamang ugali (tingnan ang study note). Ang katumbas din nitong pandiwang Griego para sa “bumulong” ay may negatibong kahulugan sa salin ng Septuagint sa 2Sa 12:19 at Aw 41:7 (40:8, LXX).

karumihan: Sa tatlong terminong nakalista sa talatang ito (“karumihan,” “seksuwal na imoralidad,” at “paggawi nang may kapangahasan”), ang “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa) ang may pinakamalawak na kahulugan. Sa literal, ang salitang ito ay tumutukoy sa anumang marumi. (Mat 23:27) Sa makasagisag na diwa nito, puwede itong tumukoy sa iba’t ibang karumihan—halimbawa, sa seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba. (Ihambing ang 1Co 7:14; 2Co 6:17; 1Te 2:3.) Ang “karumihan” ay may iba’t ibang antas at puwedeng tumukoy sa iba’t ibang uri ng kasalanan. (Efe 4:19) Idiniriin nito ang pagiging kasuklam-suklam ng isang kalagayan o maling gawain.—Tingnan sa Glosari, “Marumi,” at study note sa Gal 5:19.

seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng pagtatalik na labag sa sinasabi ng Bibliya, gaya ng pangangalunya, seksuwal na mga gawain sa pagitan ng mga hindi mag-asawa o ng mga magkasekso, at iba pang kasalanang may kaugnayan sa pagtatalik.—Tingnan sa Glosari at study note sa Gal 5:19.

paggawi nang may kapangahasan: O “paggawi nang walang kahihiyan.” Ang salitang Griego na a·selʹgei·a ay tumutukoy sa mabigat na paglabag sa mga batas ng Diyos at sa pagiging pangahas at lapastangan.—Tingnan sa Glosari at study note sa Gal 5:19.

Media