Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 4:1-18

4  Kaya naman, alang-alang sa ministeryong ito+ na tinanggap namin dahil kinaawaan kami, hindi kami sumusuko. 2  Tinalikuran namin ang kahiya-hiyang mga bagay na ginagawa nang pailalim at hindi kami nanlilinlang at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos,+ kundi ipinahahayag namin ang katotohanan; dahil dito, sa harap ng Diyos ay naging mabuting halimbawa kami sa lahat ng tao.*+ 3  Ang totoo, kung natatalukbungan ang mabuting balita na ipinahahayag namin, natatalukbungan ito para sa mga malilipol, 4  ang mga di-sumasampalataya, na ang isip ay binulag ng diyos ng sistemang ito+ para hindi makatagos ang liwanag ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo,+ na siyang larawan ng Diyos.+ 5  Dahil kapag nangangaral kami, hindi tungkol sa aming sarili ang sinasabi namin kundi tungkol sa pagiging Panginoon ni Jesu-Kristo, at ipinapakilala namin ang aming sarili bilang mga alipin ninyo alang-alang kay Jesus. 6  Dahil ang Diyos ang nagsabi: “Pasikatin ang liwanag mula sa kadiliman,”+ at sa pamamagitan ng mukha ni Kristo, pinasikat niya ang Kaniyang liwanag sa aming mga puso,+ ang liwanag na nagbibigay ng kamangha-manghang kaalaman tungkol sa Diyos.+ 7  Gayunman, ibinigay sa amin ang kayamanang ito+ kahit gaya lang kami ng mga sisidlang luwad,+ para maipakita na ang lakas na higit sa karaniwan ay mula sa Diyos at hindi sa aming sarili.+ 8  Kabi-kabila ang panggigipit sa amin,+ pero hindi kami nasusukol; hindi namin alam ang gagawin, pero may nalalabasan pa rin kami;*+ 9  inuusig kami, pero hindi kami pinababayaan;+ ibinabagsak kami, pero nakakabangon kami.*+ 10  Laging pinagtitiisan ng aming katawan ang napakasamang pagtrato na dinanas ni Jesus,+ nang sa gayon, ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan. 11  Dahil kami na nabubuhay ay laging nalalagay sa bingit ng kamatayan+ alang-alang kay Jesus, nang sa gayon, ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming mortal na katawan. 12  Kaya kamatayan ang para sa amin, at buhay naman ang para sa inyo. 13  Nasusulat: “Nanampalataya ako, kaya nagsalita ako.”+ Ganiyan din ang ipinapakita naming pananampalataya kaya naman nagsasalita kami, 14  dahil alam naming bubuhayin din kaming muli ng Isa na bumuhay-muli kay Jesus para makasama si Jesus at ihaharap Niya kaming kasama ninyo.+ 15  Lahat ng ito ay para sa inyo, para lalong mag-umapaw ang walang-kapantay na kabaitan dahil mas dumarami pa ang nagpapasalamat, at sa ganitong paraan ay maluluwalhati ang Diyos.+ 16  Kaya hindi tayo sumusuko; kahit ang katawan natin ay nanghihina, ang puso at isip natin+ ay nagkakaroon ng panibagong lakas araw-araw.+ 17  Dahil kahit panandalian at magaan ang kapighatian, nagdudulot ito sa atin ng kaluwalhatian na walang katulad* at walang hanggan;+ 18  habang pinananatili nating nakapokus ang ating mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita.+ Dahil ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, pero ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.

Talababa

O “ay inirerekomenda namin ang aming sarili sa konsensiya ng bawat tao.”
O posibleng “pero hindi kami nawawalan ng pag-asa.”
O “pero hindi kami namamatay.”
Lit., “na napakabigat.”

Study Notes

ministeryong ito: Tumutukoy sa ministeryong ginagawa ng “mga lingkod ng isang bagong tipan” na binanggit sa 2Co 3:6. (Tingnan ang study note.) Dahil sa ministeryong ito, na tinawag ni Pablo na ‘kayamanan,’ naipapahayag ang katotohanan.—2Co 4:2, 7.

hindi kami sumusuko: O “hindi kami pinanghihinaan ng loob.” Sa kontekstong ito, ipinapakita ng ekspresyong ito na hindi hinayaan ni Pablo at ng mga kasama niya na mapagod sila at mawalan ng gana sa kanilang ‘ministeryo.’

pinipilipit ang salita ng Diyos: Lit., “pinalalabnaw ang salita ng Diyos.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang pandiwang Griego na isinaling “pinipilipit.” Pero may kaugnay itong pangngalan na isinaling “mapanlinlang” sa Ro 1:29 at 1Te 2:3 at “panlilinlang” sa 2Co 12:16. Posibleng kasama sa pagpilipit sa salita ng Diyos ang paghahalo dito ng naiiba at nakakababang mga ideya, gaya ng pilosopiya ng tao o personal na opinyon. Hindi pipilipitin ni Pablo ang salita ng Diyos, o pagsasamahin ang dalisay na katotohanan at ang paniniwala ng mga Judio at Griego na tinuturuan niya, para lang tanggapin nila ang mensahe. Hindi niya pinalabnaw ang katotohanan para lang maging mas katanggap-tanggap ito sa mga taong ang karunungan ay kamangmangan sa Diyos.—1Co 1:21; tingnan ang study note sa 2Co 2:17.

isip: O “kakayahang mag-isip.” Ang salitang Griego na noʹe·ma ay isinaling “isip [o, “kakayahang mag-isip”]” sa 2Co 3:14; Fil 4:7; tlb., “kaisipan” sa 2Co 10:5, at “pag-iisip” sa 2Co 11:3.—Tingnan ang study note sa 2Co 2:11.

diyos ng sistemang ito: Si Satanas ang “diyos” na tinutukoy dito, dahil gaya ng makikita sa teksto, ‘binulag niya ang isip ng mga di-sumasampalataya.’ Tinawag ni Jesus si Satanas na “tagapamahala ng mundong ito” at sinabi na “palalayasin” siya. (Ju 12:31) Ang sinabi ni Jesus at ang tawag kay Satanas na “diyos ng sistemang ito [o, “ng panahong ito”]” ay nagpapakitang pansamantala lang ang posisyon niya.—Ihambing ang Apo 12:12.

sistemang ito: Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na ai·onʹ ay “panahon.” Puwede itong tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. (Tingnan sa Glosari, “Sistema.”) Dahil ang “sistemang ito” ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, siya ang humuhubog dito at galing sa kaniya ang mga katangiang nakikita dito.—Efe 2:1, 2.

maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo: Puwede talagang sabihin na ‘maluwalhati’ ang mabuting balita dahil sa nilalaman nito. Kasama sa mensaheng ito ang unti-unting pagsisiwalat sa sagradong lihim ng Diyos tungkol kay Kristo (Col 1:27), sa papel ng kasama niyang mga tagapamahala sa Kaharian (1Te 2:12; Apo 1:6), at sa napakagandang kinabukasang ipinangako ng Diyos sa lahat ng tao (Apo 21:3, 4). Puwede ring isalin ang pariralang Griegong ito na “mabuting balita tungkol sa kaluwalhatian ng Kristo.”

Pasikatin ang liwanag: O “Sisikat ang liwanag.” Ibinatay ito ni Pablo sa Gen 1:3. Ang Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng literal at espirituwal na liwanag.

sa pamamagitan ng mukha ni Kristo: Makikita sa pagkakagamit dito ni Pablo ng “mukha” ang ideya na binanggit sa 2Co 3:7, 12, 13 tungkol sa kaluwalhatiang nakita sa mukha ni Moises.

kamangha-manghang kaalaman tungkol sa Diyos: Sa Bibliya, kadalasan nang ang orihinal na mga pandiwa para sa “alamin” at ang mga pangngalan para sa “kaalaman” ay hindi lang tumutukoy sa basta pagkakaroon ng kaalaman o impormasyon. Puwede rin itong mangahulugan ng personal na pagkakilala sa isang indibidwal, pagkilala sa posisyon niya, at pagsunod sa kaniya. (Tingnan ang study note sa Ju 17:3.) Sa konteksto ng 2Co 4:6, ang “kaalaman tungkol sa Diyos” ay kaugnay ng espirituwal na liwanag na ibinibigay ng Diyos sa mga lingkod niya sa pamamagitan ni Kristo. Masasabing ‘kamangha-mangha’ ang kaalaman tungkol sa Diyos dahil kasama rito ang kahanga-hangang personalidad at mga katangian niya. Ang ekspresyong Griego na isinaling “kamangha-manghang kaalaman tungkol sa Diyos” ay puwede ring isaling “kaalaman tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos,” na nagdiriin na nakasentro sa kaluwalhatian ng Diyos ang kaalamang ito. Mababasa sa Hab 2:14 ang isang kahawig na ekspresyon: “Ang lupa ay mapupuno ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova.”

kayamanang ito kahit gaya lang kami ng mga sisidlang luwad: Sa Kasulatan, madalas na ihalintulad ang mga tao sa mga sisidlang luwad. (Job 10:9; Aw 31:12) Noong panahon ni Pablo, may mga tambak ng sirang sisidlan malapit sa mga daungan o pamilihan. Ginagamit ang mga sisidlang ito para paglagyan ng pagkain o likido—alak, butil, langis—pati na ng mga baryang pilak at ginto. Kadalasan na, ang mga sisidlan ay nasisira o itinatapon kapag naihatid na ang mahahalagang laman ng mga ito. Mura lang ang mga sisidlang luwad, pero malaking tulong ang mga ito sa paghahatid ng mahahalagang produkto. Ginagamit din ang mga sisidlang ito para maingatan ang mahahalagang bagay. (Jer 32:13-15) Ang isang halimbawa ay ang mga Dead Sea Scroll, na naingatan sa mga sisidlan sa may Qumran. Ang “kayamanang” tinutukoy ni Pablo sa ilustrasyon niya ay ang bigay-Diyos na atas, o ministeryo, na ipangaral ang nagliligtas-buhay na mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mat 13:44; 2Co 4:1, 2, 5) Ang mga sisidlang luwad ay tumutukoy sa mga taong pinagkatiwalaan ni Jehova ng kayamanang ito. Kahit na ordinaryo lang sila, di-perpekto, at may mga limitasyon, ginagamit sila ng Diyos para maihatid ang “kayamanang” ito sa mga tao.

lakas na higit sa karaniwan: Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na hy·per·bo·leʹ para ilarawan ang lakas na “higit sa karaniwan,” na Diyos lang ang makakapagbigay.—Tingnan ang study note sa 2Co 12:7.

napakasamang pagtrato na dinanas ni Jesus: O “nakamamatay na pagtrato na dinanas ni Jesus.” Sinasabi dito ni Pablo na laging nanganganib ang buhay niya at ng mga kasama niya at na dumaranas sila ng pagdurusang gaya ng kay Jesus.

nalalagay sa bingit ng kamatayan: Sa konteksto, ang ekspresyong ito ay nangangahulugang “laging nanganganib ang buhay.” Ang pandiwang Griego na ginamit sa ekspresyong ito, na kadalasang isinasaling “ibigay,” ay maraming beses ding ginamit para ilarawan kung paano ‘ibinigay’ si Jesus sa mga Judio na nasa awtoridad.—Mat 20:18; 26:2; Mar 10:33; Luc 18:32.

Nanampalataya ako: Makikita sa Ap. A3 ang larawan ng isang pahina ng manuskrito na nagsisimula sa ekspresyong ito sa 2Co 4:13 at nagtatapos sa 2Co 5:1. (Mababasa sa buong pahina ng manuskrito ang 2Co 4:13–5:4.) Ang papirong manuskrito na ito ay tinatawag na P46 at pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Ito ang pinakalumang koleksiyon ng mga liham ni Pablo sa ngayon. Mababasa sa koleksiyong ito ang siyam sa mga liham niya, kasama na ang halos kabuoan ng 1 at 2 Corinto. Kung mula ito noong mga 200 C.E., ibig sabihin, isinulat ito mga 150 taon pa lang ang nakakalipas mula nang matapos ni Pablo ang mga liham niya.

Nanampalataya ako, kaya nagsalita ako: Ang sinisipi dito ni Pablo ay ang salin ng Septuagint sa Aw 116:10 (115:1, LXX).

ang katawan natin: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pisikal na katawan ng mga Kristiyano, na nanghihina posibleng dahil sa sakit, kapansanan, at pagtanda, pati na dahil sa pagmamaltrato o iba pang pagdurusa.

ang puso at isip natin ay nagkakaroon ng panibagong lakas: Idiniriin dito ni Pablo na kahit “nanghihina” ang katawan ng mga naglilingkod kay Jehova, binibigyan sila ng Diyos araw-araw ng panibagong lakas sa espirituwal. (Aw 92:12-14) “Ang puso at isip” ay tumutukoy sa ating espirituwalidad, pagkatao, at katatagan. Kaugnay ito ng “bagong personalidad” na isinusuot ng mga Kristiyano. (Col 3:9, 10) Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na magpokus sa “mga bagay na di-nakikita,” ang napakagandang gantimpala sa hinaharap na ipinangako ng Diyos.—Tingnan ang study note sa 2Co 4:18.

kapighatian: Ang salitang Griego na ginamit dito, thliʹpsis, ay puwede ring isaling “pagsubok; pagdurusa; problema; paghihirap.”—Tingnan ang study note sa 2Co 1:4.

pinananatili nating nakapokus ang ating mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita: Maraming problemang napaharap sa mga Kristiyano sa Corinto habang isinasagawa nila ang ministeryo nila. (2Co 4:8, 9, 16) Kaya pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Corinto na huwag magpokus sa mga problema at pag-uusig (mga bagay na nakikita), kundi sa kamangha-manghang gantimpala na naghihintay sa kanila (mga bagay na di-nakikita). Ang salitang Griego na sko·peʹo, na isinalin ditong “pinananatili nating nakapokus ang ating mga mata” ay nangangahulugang “bigyang-pansin; patuloy na pag-isipan; magpokus.” Kung tutularan nila si Jesus at mananatiling nakapokus sa gantimpala ng pagiging Kristiyano, magiging determinado sila araw-araw na manatiling tapat sa paglilingkod.—Heb 12:1-3.

Media