Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 7:1-16

7  Kaya nga, dahil sa mga pangakong ito sa atin,+ mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu+ para maabot natin ang lubos na kabanalan nang may takot sa Diyos.+ 2  Bigyan ninyo kami ng puwang sa puso ninyo.+ Wala kaming ginawan ng mali, pinasamâ, o dinaya.+ 3  Hindi ko ito sinasabi para hatulan kayo. Dahil sinabi ko na sa inyo na mamatay man tayo o mabuhay, mananatili kayo sa puso namin. 4  Nakakausap ko kayo nang tapatan. Talagang ipinagmamalaki ko kayo. Panatag ang loob ko; nag-uumapaw ako sa saya sa kabila ng lahat ng paghihirap namin.+ 5  Ang totoo, nang dumating kami sa Macedonia,+ hindi kami naginhawahan kundi patuloy kaming nahirapan sa bawat paraan—may mga pagsalakay ng mga kaaway mula sa labas at may takot sa puso namin. 6  Pero nang dumalaw si Tito, inaliw kami ng Diyos, na umaaliw sa mga nalulungkot.+ 7  Hindi lang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Naaliw rin kami dahil masaya siyang bumalik dahil sa inyo. Ibinalita niya ang kagustuhan ninyong makita ako, ang matinding kalungkutan ninyo, at ang tunay na pagmamalasakit ninyo sa akin; kaya lalo pa akong nagsaya. 8  Kahit napalungkot ko kayo dahil sa liham ko,+ hindi ko iyon pinagsisisihan. Kung pinagsisihan ko man iyon noong una, (dahil nakita kong napalungkot kayo ng liham na iyon, pero sandali* lang naman), 9  natutuwa ako ngayon, hindi dahil nalungkot kayo kundi dahil inakay kayo ng inyong kalungkutan sa pagsisisi. Ang kalungkutan ninyo ay ayon sa kalooban ng Diyos, kaya hindi kayo napinsala dahil sa amin. 10  Dahil ang kalungkutan na ayon sa kalooban ng Diyos ay umaakay sa pagsisisi at kaligtasan, kaya hindi ito panghihinayangan;+ pero ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan. 11  Tingnan ninyo kung ano ang naging epekto sa inyo ng inyong kalungkutan na ayon sa kalooban ng Diyos! Nilinis ninyo ang inyong pangalan, nagalit kayo, natakot, nanabik, at talagang nagsikap na itama ang mali!+ Ginawa ninyo nang tama ang lahat ng bagay para malutas ang problemang ito. 12  Sumulat ako sa inyo, hindi para sa nagkasala o para sa nagawan ng kasalanan,+ kundi para maipakita ninyo sa Diyos ang matinding kagustuhan ninyo na makinig sa amin. 13  Iyan ang dahilan kaya kami naaliw. Pero bukod sa kaaliwang nadama namin, mas natuwa kami dahil masayang-masaya si Tito, dahil napatibay siya sa inyong lahat. 14  Ipinagmalaki ko kayo sa kaniya, at hindi ako napahiya. Kung paanong totoo ang lahat ng sinabi namin sa inyo, napatunayan ding totoo ang lahat ng ipinagmalaki namin kay Tito. 15  At lalo pa kayong napapamahal sa kaniya kapag naaalaala niya ang pagkamasunurin ninyong lahat,+ kung paanong tinanggap ninyo siya nang may matinding paggalang. 16  Masaya ako dahil tiwala akong gagawin ninyo ang tama sa lahat ng bagay.

Talababa

O “isang oras.”

Study Notes

linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan: Malawak ang kahulugan ng pandiwang Griego na isinasaling “linisin” at ng kaugnay nitong mga termino (isinasaling “pagdadalisay; paglilinis”; “malinis”; “dalisay”). Ang mga terminong ito ay puwedeng tumukoy sa pagiging malinis sa pisikal (Mat 23:25), malinis sa seremonyal na paraan (Luc 2:22; 5:14; Ju 11:55), malinis mula sa kasalanan (2Pe 1:9), at pagkakaroon ng malinis na isip, puso, at konsensiya (1Ti 1:5; Tit 1:15; Heb 9:14). Ang pandiwa nito ay puwede ring tumukoy sa pagpapagaling ng sakit. (Mat 8:2; 11:5; Mar 1:40-42; Luc 17:14; tingnan ang study note sa Luc 4:27.) Ginamit ito dito ni Pablo para saklawin ang pagiging malinis sa pisikal, moral, at espirituwal.

laman at espiritu: Ang mga gawain na nagpaparumi o sumisira sa katawan ay puwedeng magparumi sa laman. Ang hindi pagsunod sa mga pamantayang moral at iba pang turo sa Kasulatan ay nagpaparumi naman sa espiritu, o sa isip. Kaya kapag pinagsama ang mga terminong “laman” at “espiritu,” tumutukoy ito sa lahat ng nakakaapekto sa buhay ng isang Kristiyano, sa pisikal man o sa moral.

para maabot natin ang lubos na kabanalan nang may takot sa Diyos: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga salitang isinaling “banal” at “kabanalan” ay nagpapahiwatig ng pagiging nakabukod para sa paglilingkod kay Jehova. Dito at sa iba pang teksto sa Bibliya, puwede rin itong tumukoy sa malinis na paggawi. (Mar 6:20; 1Pe 1:15, 16) Ang anyo ng salitang Griego na isinalin ditong “lubos” ay puwedeng magpahiwatig ng unti-unting pagkumpleto sa isang bagay. Ipinapakita nito na hindi agad nagiging banal ang isang tao. Sa halip, patuloy na nadadalisay ang mga Kristiyano habang pinagsisikapan nilang makaabot sa perpektong mga pamantayan ng Diyos. Ang nag-uudyok sa kanila na gawin ito ay ang ‘pagkatakot sa Diyos’ na nagmumula sa malalim na pag-ibig at matinding paggalang sa kaniya.—Aw 89:7.

Bigyan ninyo kami ng puwang sa puso ninyo: O “Buksan ninyo sa amin ang puso ninyo; Tanggapin ninyo kami.” Ang salitang Griego na kho·reʹo, na ginamit ni Pablo sa makasagisag na paraan, ay literal na nangangahulugang “bigyan ng puwesto.”

Nakakausap ko kayo nang tapatan: O “Nakakausap ko kayo nang malaya (walang takot).” Ang salitang Griego na par·re·siʹa ay pangunahin nang nangangahulugang “katapangan sa pagsasalita.” Puwede rin itong isaling “May kalayaan ako sa pagsasalita sa inyo.”—Tingnan ang study note sa Gaw 28:31.

hindi kami naginhawahan: Lit., “hindi naginhawahan ang laman namin.” Ang salitang Griego na sarx ay tumutukoy dito sa pisikal na katawan.

patuloy kaming nahirapan: Habang nasa Efeso si Pablo, isinulat niya ang una niyang liham sa mga taga-Corinto at isinugo si Tito para tumulong sa kongregasyon. Pagkatapos, naghintay si Pablo kay Tito para malaman ang naging reaksiyon ng mga taga-Corinto sa payo niya, pero hindi sila agad nagkita. Sa 2Co 2:12, 13, sinabi ni Pablo na ‘hindi siya napanatag dahil hindi niya nakita ang kapatid niyang si Tito.’ (Tingnan ang study note sa 2Co 2:13.) Dito sa 2Co 7:5, sinabi niya na pagkarating niya sa Macedonia, lalo pa siyang nahirapan dahil sa matinding pag-uusig sa kaniya sa ministeryo. May mga pagsalakay ng mga kaaway mula sa labas, ang matinding pag-uusig na nagsapanganib sa buhay niya. (2Co 1:8) Mayroon ding takot sa puso niya dahil nag-aalala siya sa mga kongregasyon gaya ng Corinto. Nang dumating na si Tito dala ang magandang ulat tungkol sa reaksiyon ng mga taga-Corinto sa liham ni Pablo, napanatag si Pablo at ang mga kasama niya.—2Co 7:6.

nang dumalaw si: O “sa pamamagitan ng presensiya ni.” Dito, ginamit ni Pablo ang salitang Griego na pa·rou·siʹa para kay Tito, isa sa mga kamanggagawa niya. Kahit marami ang nagsalin dito na “pagdating ni,” ang saling “presensiya ni” ay sinusuportahan ng pagkakagamit ni Pablo sa terminong pa·rou·siʹa sa Fil 2:12, kung saan tumutukoy ito sa panahong “kasama” siya ng mga kapuwa niya Kristiyano, kabaligtaran ng panahong “wala” siya.—Tingnan ang study note sa 1Co 15:23.

tunay na pagmamalasakit ninyo: Lit., “sigasig ninyo.” Sinasabi ng mga iskolar na ang paulit-ulit na paggamit ni Pablo ng panghalip na “ninyo” ay nagpapakitang naniniwala siya na gusto talaga siyang makita ng mga taga-Corinto at na nagmamalasakit sila sa kaniya kung paanong nagmamalasakit si Pablo sa kanila. Ikinalungkot din ng mga taga-Corinto na napalungkot nila si Pablo. Dahil dito, natuwa at napanatag siya.

Ang kalungkutan ninyo ay ayon sa kalooban ng Diyos: O “Nalungkot kayo sa makadiyos na paraan.” Ibig sabihin, hindi lang nalungkot ang mga Kristiyano sa Corinto, kundi inakay sila ng kanilang kalungkutan sa pagsisisi. Sa naunang liham ni Pablo, sinaway niya ang kongregasyon sa pangungunsinti sa isang lalaking namimihasa sa seksuwal na imoralidad. (1Co 5:1, 2, 13) Dahil isinapuso ng kongregasyon ang pagtutuwid, nagkaroon sila ng tamang pananaw at itinigil ang pangungunsinti sa nagkasala. Isa pa, taimtim na nagsisi ang imoral na lalaki. (2Co 2:6-8; 7:11) Makadiyos ang kalungkutang naramdaman ng mga Kristiyanong ito dahil napakilos sila nitong humingi ng kapatawaran sa Diyos at ituwid ang ginagawa nila para maging kaayon ito ng kalooban niya.—Tingnan ang study note sa 2Co 7:10.

ang kalungkutan na ayon sa kalooban ng Diyos . . . ang makasanlibutang kalungkutan: Ipinapakita dito ni Pablo ang dalawang uri ng kalungkutan. Ang “kalungkutan na ayon sa kalooban ng Diyos” ay umaakay sa pagsisisi. Nakakadama ng ganitong kalungkutan ang isang tao dahil kinikilala niyang nagkasala siya sa Diyos. Mapapakilos siya nito na hingin ang kapatawaran ng Diyos at ituwid ang pagkakamali niya. Ganiyang kalungkutan ang nadama ng mga Kristiyano sa Corinto, kaya patuloy silang nakalakad sa daan ng buhay. (2Co 7:8, 9, 11; tingnan ang study note sa 2Co 7:9.) Sa kabaligtaran, kapag “makasanlibutang kalungkutan” ang nararamdaman ng isang tao, puwede siyang magsisi dahil nalantad ang kasalanan niya at pagdurusahan niya ang masasamang resulta nito. Pero hindi siya nalulungkot dahil nagkasala siya o dahil nasira ang kaugnayan niya sa Diyos. Ang ganitong kalungkutan ay hindi nag-uudyok sa isang tao na hingin ang kapatawaran ng Diyos, at “nagbubunga [ito] ng kamatayan.”

pagsisisi: Ang salitang Griego na me·taʹnoi·a ay nangangahulugang pagbabago ng kaisipan, saloobin, o layunin. Sa kontekstong ito, kasama sa pagsisisi ang kagustuhan ng isang tao na maibalik o maayos ang kaugnayan niya sa Diyos. Kapag tunay ang pagsisisi ng isang makasalanan, talagang ikinalulungkot niya ang nagawa niya at determinado siyang hindi na ito maulit. Tinatalikuran niya ang kaniyang maling landasin. Sinasabi dito ni Pablo na ang ganitong pagsisisi ay umaakay sa kaligtasan.—Tingnan sa Glosari.

tama: O “malinis.” Sinunod ng mga taga-Corinto ang payo ni Pablo sa nauna niyang liham at inalis sa kongregasyon ang imoral na lalaki. (1Co 5:1-5, 13; tingnan ang study note sa 2Co 7:9.) Dahil dito, naging malinis na ulit ang kongregasyon at wala na silang anumang pananagutan sa kasalanan ng lalaki. Pero alam ni Pablo na para manatili silang malinis, kailangan nilang patuloy na magbantay laban sa seksuwal na imoralidad. Kaya sa bandang dulo ng liham niya, pinatibay sila ni Pablo na gawin ito.—2Co 12:20, 21.

pagkamasunurin: Ang salitang Griego para sa “pagkamasunurin” ay kaugnay ng pandiwang hy·pa·kouʹo, na literal na nangangahulugang “makinig mula sa ilalim,” ibig sabihin, makinig at magpasakop. Nagpakita si Jesus ng perpektong halimbawa ng pagkamasunurin sa kaniyang Ama, at “dahil sa pagkamasunurin” niya, marami ang pinagpala. (Ro 5:19) Sa konteksto, tumutukoy ang salitang Griego na ito sa pagkamasunurin sa mga pinili ng Diyos na manguna. Dito, kinomendahan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto dahil iginalang at sinunod nila ang tagubiling ibinigay ng matandang lalaki na dumalaw sa kanila, si Tito.—2Co 7:13-16.

tiwala akong gagawin ninyo ang tama sa lahat ng bagay: O posibleng “lumalakas ang loob ko dahil sa lahat ng ginagawa ninyo.” Kinomendahan ni Pablo ang mga kapatid sa Corinto dahil iginalang at sinunod nila ang tagubiling ibinigay ng matandang lalaki na dumalaw sa kanila, si Tito. (2Co 7:13-15) May magandang epekto rin kay Pablo ang pagsunod nila; masaya siya dahil ‘makakapagtiwala’ siya sa kanila.

Media