Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 9:1-15
Study Notes
papupuntahin ko riyan ang mga kapatid: Tingnan ang study note sa 1Co 16:3.
hindi sapilitan: Ang salitang Griego na isinalin ditong “sapilitan” ay kadalasan nang isinasaling “kasakiman.” (Luc 12:15; Ro 1:29; Efe 4:19; 5:3; Col 3:5) Kaya ipinapakita ng ekspresyong Griego na ito na hindi kasakiman ang motibo ni Pablo at ng mga kamanggagawa niya sa paglikom ng kontribusyon. Hindi pinilit ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na magbigay ng tulong. Wala siyang ginawa para maramdaman nila na sinasamantala sila o kinikikilan. Dapat na masaya at bukal sa puso ang pagbibigay.—2Co 9:7.
ang naghahasik ng marami ay mag-aani rin ng marami: Ang ekspresyong “marami” ay tumutukoy sa paghahasik ng maraming materyal na pagpapala o tulong. Pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na maghasik ng marami, ibig sabihin, maging bukas-palad sa pagtulong sa mga kapatid sa Jerusalem. (Ro 15:26; 2Co 8:4; 9:1, 7) Lumilitaw na maraming pinagdaanan ang mga kapatid na iyon, at posibleng nawalan sila ng maraming ari-arian dahil sa pag-uusig sa mga Judio. (1Te 2:14) Sinabi ni Pablo na “mag-aani rin ng marami” ang mga Kristiyano sa Corinto—tatanggap sila ng mga pagpapala, gaya ng walang-kapantay na kabaitan at pabor ng Diyos, at makakaasa silang paglalaanan din sila sa materyal. (2Co 9:8, 10) Papupurihan at pasasalamatan ng lahat ng kapatid ang Diyos, dahil man iyon sa pribilehiyong makapagbigay o sa tulong na tinanggap nila.—2Co 9:11-14.
Magbigay ang bawat isa nang mula sa puso: O “Ibigay ng bawat isa kung ano ang ipinasiya niya sa kaniyang puso.” Nang banggitin ni Pablo ang tungkol sa pagtulong sa mga nangangailangang Kristiyano sa Judea, naniniwala siya na gusto talagang tumulong ng mga Kristiyano sa Corinto. (2Co 8:4, 6, 10; 9:1, 2) Ngayon, kailangan na nilang ipakita sa gawa ang kagustuhan nilang tumulong. (2Co 9:3-5) Ayaw silang pilitin ni Pablo dahil hindi ‘masayang magbigay’ kapag pinilit lang. Nagtitiwala si Pablo na ipinasiya na nilang magbigay. Ang salitang Griego dito na puwedeng isaling “ipinasiya” ay nangangahulugang “magdesisyon nang patiuna.” Kaya idiniriin dito ni Pablo na nagbibigay ang isang tunay na Kristiyano pagkatapos niyang mapag-isipan nang patiuna kung ano ang pangangailangan ng mga kapananampalataya niya at kung paano siya makakatulong.
mabigat sa loob: O “nag-aalangan.” Ang ekspresyong Griego na isinaling “mabigat sa loob” ay literal na nangangahulugang “malungkot (nagdadalamhati).”
napipilitan: Ang ekspresyong Griego para sa “napipilitan” ay nangangahulugang “dahil sa pangangailangan” o “dahil pinuwersa.” Hindi magiging masaya ang nagbigay kung pinilit lang siya o pinuwersa. Kaya ipinakita ni Pablo na sa kongregasyong Kristiyano noon, boluntaryo ang pagbibigay.—Ihambing ang Deu 15:10.
mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay: Talagang natutuwa ang Diyos sa isang Kristiyanong nagbibigay nang may tamang motibo para suportahan ang tunay na pagsamba o tulungan ang kapananampalataya niya. Nagiging tunay na masaya ang isang tao dahil nakakapagbigay siya. Makikita sa buong kasaysayan na naging masaya ang bayan ng Diyos dahil sa pagbibigay ng kanilang sarili at anumang mayroon sila para suportahan ang pagsamba kay Jehova. Halimbawa, masayang sumuporta sa pagtatayo ng tabernakulo ang mga Israelita noong panahon ni Moises. “Bukal sa puso” silang nagbigay ng ginto, pilak, kahoy, lino, at iba pa bilang “abuloy para kay Jehova.” (Exo 35:4-35; 36:4-7) Pagkalipas ng daan-daang taon, nagbigay ng napakalaking kontribusyon si Haring David, pati na ang matataas na opisyal, mga pinuno, at iba pa para sa templo ni Jehova na itatayo ng anak ni David na si Solomon.—1Cr 29:3-9.
Namahagi . . . sa marami: Nang banggitin ni Pablo ang tungkol sa pagtulong sa mga nangangailangang Kristiyano, sinipi niya ang salin ng Griegong Septuagint sa Aw 112:9 (111:9, LXX), kung saan ang terminong Griego na isinaling “namahagi sa marami” ang ipinanumbas sa terminong Hebreo. Ang terminong Griego at Hebreo ay parehong literal na nangangahulugang “ikalat.” Sa konteksto, ang ekspresyong ito ay nagpapahiwatig ng pagiging bukas-palad o pagbibigay nang sagana. Kaya puwede rin itong isaling “namahagi . . . nang sagana.” Hindi natatakot ang isang tunay na bukas-palad na baka maghirap siya dahil sa pagbibigay niya, kahit na lumalampas siya kung minsan sa kaya niyang ibigay.—2Co 9:8, 10.
katuwiran niya: Sumipi ulit si Pablo sa Hebreong Kasulatan. (Tingnan ang study note sa Namahagi . . . sa marami sa talatang ito.) Ang taong mabait at gumagawa ng kabutihan sa iba, gaya ng pagbibigay nang sagana sa mahihirap, ay nagpapatunay na ‘matuwid’ siya. Ang isang taong namumuhay ayon sa kalooban at matuwid na pamantayan ng Diyos sa halip na ayon sa sarili niyang pamantayan ay may pag-asang magawa ito magpakailanman.—Ihambing ang Mat 6:1, 2, 33.
pangmadlang paglilingkod: Tinawag ni Pablo na “pangmadlang paglilingkod” ang pagbibigay ng tulong na “pupuno sa pangangailangan” ng mga Judiong Kristiyano sa Jerusalem at Judea. Talagang napakalaking tulong ng paglilingkod na ito sa mga kapuwa mananamba nila. Ang salitang Griego dito na lei·tour·giʹa at ang kaugnay na mga pananalitang lei·tour·geʹo (maglingkod sa publiko) at lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) ay ginagamit noon ng mga Griego at Romano para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno at ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga terminong ito ay karaniwan nang ginagamit para tumukoy sa paglilingkod sa templo at sa ministeryong Kristiyano. Para sa ganitong pagkakagamit, tingnan ang study note sa Luc 1:23; Gaw 13:2; Ro 13:6; 15:16.
pagbibigay . . . ng tulong: O “pagbibigay . . . ng tulong bilang paglilingkod.” Ang terminong Griego na ginamit dito ay karaniwan nang isinasaling “ministeryo.” Ipinapakita nito na ang pagtulong sa nangangailangang kapananampalataya ay isang mahalagang aspekto ng ministeryong Kristiyano. Bahagi ito ng kanilang ‘paglilingkod sa Diyos.’—Ro 12:1, 7; tingnan ang study note sa Gaw 11:29; Ro 15:31; 2Co 8:4.
nagbigay: Ang salitang Griego na koi·no·niʹa ay pangunahin nang tumutukoy sa pagbabahagi, at iba-iba ang kahulugan nito depende sa konteksto. (Tingnan ang study note sa Gaw 2:42; 1Co 1:9.) Dito, tumutukoy ito sa pagbibigay na udyok ng pakikipagkapuwa-tao. Ito rin ang salitang ginamit sa Heb 13:16: “Huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo, dahil nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog.”