Ikalawang Cronica 13:1-22
13 Noong ika-18 taon ni Haring Jeroboam, si Abias ay naging hari sa Juda.+
2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Micaias+ na anak ni Uriel ng Gibeah.+ At nagkaroon ng digmaan sa pagitan ni Abias at ni Jeroboam.+
3 Sumabak si Abias sa digmaan kasama ang hukbo ng 400,000 malalakas at sinanay na* mandirigma.+ At si Jeroboam ay humanay para makipagdigma laban sa kaniya kasama ang 800,000 sinanay* at malalakas na mandirigma.
4 Tumayo ngayon si Abias sa Bundok Zemaraim, na nasa mabundok na rehiyon ng Efraim, at nagsabi: “Makinig kayo, O Jeroboam at buong Israel.
5 Hindi ba ninyo alam na ang paghahari sa Israel ay ibinigay ni Jehova na Diyos ng Israel kay David at sa mga anak niya+ magpakailanman+ sa pamamagitan ng isang tipan ng asin?*+
6 Pero si Jeroboam+ na anak ni Nebat, na lingkod ng anak ni David na si Solomon, ay nagrebelde sa panginoon niya.+
7 Sumama sa kaniya ang mga batugan at walang-kuwentang mga lalaki. At naging mas malakas sila kay Rehoboam na anak ni Solomon nang si Rehoboam ay bata pa at mahina ang loob at hindi makalaban sa kanila.
8 “At ngayon ay iniisip ninyong kaya ninyong labanan ang kaharian ni Jehova na nasa kamay ng mga anak ni David dahil marami kayo at nasa inyo ang mga gintong guya* na ginawa ni Jeroboam para maging diyos ninyo.+
9 Hindi ba pinalayas ninyo ang mga saserdote ni Jehova,+ ang mga inapo ni Aaron, at ang mga Levita, at hindi ba nag-atas kayo ng sarili ninyong mga saserdote gaya ng ginagawa ng mga tao sa ibang lupain?+ Ang sinumang dumating na may dalang* batang toro at pitong lalaking tupa ay puwedeng maging saserdote ng mga hindi naman diyos.
10 Para sa amin, si Jehova ang Diyos namin,+ at hindi namin siya iniwan; ang mga saserdote namin, ang mga inapo ni Aaron, ay naglilingkod kay Jehova, at tumutulong ang mga Levita sa gawain.
11 Nagpapausok sila ng mga handog na sinusunog para kay Jehova tuwing umaga at gabi,+ pati na ng mabangong insenso,+ at ang magkakapatong na tinapay*+ ay nasa mesa na gawa sa purong ginto, at sinisindihan nila ang mga ilawan ng gintong kandelero+ gabi-gabi,+ dahil tinutupad namin ang pananagutan namin kay Jehova na Diyos namin; pero iniwan ninyo siya.
12 Makinig kayo! Sumasaamin ang tunay na Diyos, na nangunguna sa amin, kasama ang mga saserdote niya na hihihip sa mga trumpeta bilang hudyat ng pakikipagdigma laban sa inyo. Mga lalaki ng Israel, huwag kayong lumaban kay Jehova na Diyos ng mga ninuno ninyo, dahil hindi kayo magtatagumpay.”+
13 Pero nagpuwesto si Jeroboam ng mga sasalakay mula sa likuran ng Juda, kaya ang mga sundalo niya ay nasa harap ng mga lalaki ng Juda at may mga nakaabang pa sa likuran ng mga ito.
14 Paglingon ng mga lalaki ng Juda, nakita nilang kailangan nilang makipaglaban sa harap at likuran nila. Kaya humingi sila ng tulong kay Jehova,+ habang hinihipan ng mga saserdote ang mga trumpeta nang malakas.
15 Sumigaw ang mga lalaki ng Juda ng hiyaw para sa pakikipagdigma, at pagkasigaw ng mga lalaki ng Juda, tinalo ng tunay na Diyos si Jeroboam at ang buong Israel sa harap ni Abias at ng Juda.
16 Tumakas ang mga Israelita mula sa mga lalaki ng Juda, pero ibinigay sila ng Diyos sa kamay ng mga ito.
17 Napakaraming napatay ni Abias at ng bayan niya; umabot sa 500,000 sinanay na* lalaki ng Israel ang napatay nila.
18 Kaya natalo noon ang mga lalaki ng Israel, at nanaig ang mga lalaki ng Juda dahil nagtiwala* sila kay Jehova na Diyos ng mga ninuno nila.+
19 Patuloy na hinabol ni Abias si Jeroboam at nakasakop siya ng mga lunsod nito, ang Bethel+ at ang katabing mga nayon nito,* ang Jesana at ang katabing mga nayon nito, at ang Efrain+ at ang katabing mga nayon nito.
20 At hindi na nabawi ni Jeroboam ang kapangyarihan niya noong panahon ni Abias; pagkatapos, pinarusahan siya ni Jehova at namatay siya.+
21 Pero si Abias ay lalong lumakas. Nang maglaon, kumuha siya ng 14 na asawa,+ at nagkaroon siya ng 22 anak na lalaki at 16 na anak na babae.
22 Ang iba pang nangyari kay Abias, ang mga ginawa at sinabi niya, ay nakasulat sa mga akda* ng propetang si Ido.+
Talababa
^ Lit., “piling.”
^ Lit., “pili.”
^ Isang permanente at di-nagbabagong tipan.
^ O “batang baka.”
^ Lit., “dumating para punuin ang kamay niya ng.”
^ Tinapay na pantanghal.
^ Lit., “piling.”
^ Lit., “sumandig.”
^ O “ang mga nayong nakadepende rito.”
^ O “eksposisyon; komentaryo.”