Ikalawang Cronica 16:1-14
16 Noong ika-36 na taon ng paghahari ni Asa, sinalakay ni Haring Baasa+ ng Israel ang Juda at pinatibay* ang Rama+ para walang makaalis o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda.+
2 Kaya naglabas si Asa ng pilak at ginto mula sa mga kabang-yaman ng bahay ni Jehova+ at ng bahay* ng hari at ipinadala ang mga ito kay Haring Ben-hadad ng Sirya,+ na nakatira sa Damasco. Sinabi niya:
3 “May kasunduan* tayo at ang mga ama natin. Pinadalhan kita ng pilak at ginto. Sirain mo ang kasunduan* ninyo ni Haring Baasa ng Israel, para lumayo na siya sa akin.”
4 Nakinig si Ben-hadad kay Haring Asa at isinugo ang mga pinuno ng kaniyang mga hukbo laban sa mga lunsod ng Israel, at pinabagsak nila ang Ijon,+ Dan,+ Abel-maim, at ang lahat ng imbakan ng mga lunsod ng Neptali.+
5 Nang mabalitaan ito ni Baasa, itinigil niya agad ang pagtatayo* ng Rama at iniwan ang gawain dito.
6 Pagkatapos, tinipon ni Haring Asa ang buong Juda, at kinuha nila ang mga bato at kahoy sa Rama+ na ginagamit ni Baasa sa pagtatayo,+ at ginamit niya ito para patibayin* ang Geba+ at ang Mizpa.+
7 Nang panahong iyon, pumunta ang tagakitang* si Hanani+ kay Haring Asa ng Juda at nagsabi: “Dahil umasa* ka sa hari ng Sirya at hindi ka umasa* sa Diyos mong si Jehova, nakatakas mula sa kamay mo ang hukbo ng hari ng Sirya.+
8 Hindi ba ang mga Etiope at ang mga taga-Libya ay isang napakalaking hukbo na maraming karwahe at mangangabayo? Pero dahil umasa ka kay Jehova, ibinigay niya sila sa kamay mo.+
9 Dahil ang mga mata ni Jehova ay nagmamasid nang mabuti sa buong lupa+ para ipakita niya ang kaniyang lakas* alang-alang sa nagbibigay ng buong puso nila sa kaniya.+ Kamangmangan ang ginawa mo; mula ngayon ay may mga makikipagdigma sa iyo.”+
10 Pero nagalit si Asa sa tagakita. Sa sobrang galit niya, ipinabilanggo niya ito.* At naging malupit si Asa sa iba pa sa bayan nang panahon ding iyon.
11 Ang kasaysayan ni Asa, mula sa umpisa hanggang sa katapusan, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at ng Israel.+
12 Noong ika-39 na taon ng paghahari ni Asa, nagkaroon siya ng sakit sa paa at lumubha ang kalagayan niya; pero kahit na nagkasakit siya, hindi siya humingi ng tulong kay Jehova kundi sa mga tagapagpagaling.
13 At si Asa ay namatay*+ noong ika-41 taon ng paghahari niya.
14 Kaya inilibing nila siya sa maringal na libingang ipinahukay niya para sa kaniyang sarili sa Lunsod ni David.+ Inilagay nila siya sa higaan na nilagyan ng pabangong gawa sa langis ng balsamo at iba’t ibang uri ng sangkap.+ Gumawa rin sila ng napakalaking apoy para sa kaniya.*
Talababa
^ O “muling itinayo.”
^ O “palasyo.”
^ O “tipan.”
^ O “tipan.”
^ O “pagpapatibay; pagtatayong muli.”
^ O “muling itayo.”
^ Lit., “sumandig.”
^ Lit., “sumandig.”
^ O “suporta.”
^ Lit., “inilagay niya ito sa bahay ng mga pangawan.”
^ Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
^ Lumilitaw na ang tinutukoy rito ay pagsunog sa mababangong sangkap at hindi sa bangkay ni Asa.