Ikalawang Cronica 36:1-23
36 Pagkatapos, kinuha ng bayan ang anak ni Josias na si Jehoahaz+ at ginawa siyang hari sa Jerusalem kapalit ng ama niya.+
2 Si Jehoahaz ay 23 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya sa Jerusalem nang tatlong buwan.
3 Pero inalis siya ng hari ng Ehipto sa posisyon niya sa Jerusalem at pinagmulta ang lupain ng 100 talento* ng pilak at isang talento ng ginto.+
4 Bukod diyan, ang kapatid ni Jehoahaz na si Eliakim ay ginawang hari sa Juda at Jerusalem ng hari ng Ehipto at pinalitan ang pangalan nito ng Jehoiakim; pero kinuha ni Neco+ ang kapatid nitong si Jehoahaz at dinala sa Ehipto.+
5 Si Jehoiakim+ ay 25 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang 11 taon sa Jerusalem. Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova na kaniyang Diyos.+
6 Sinalakay siya ni Haring Nabucodonosor+ ng Babilonya para maigapos siya ng dalawang kadenang tanso at madala sa Babilonya.+
7 At dinala ni Nabucodonosor sa Babilonya ang ilan sa mga kagamitan ng bahay ni Jehova at inilagay ang mga iyon sa palasyo niya sa Babilonya.+
8 Ang iba pang nangyari kay Jehoiakim, ang kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa niya at ang iba pang masasamang bagay tungkol sa kaniya, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at ng Juda; at ang anak niyang si Jehoiakin ang naging hari kapalit niya.+
9 Si Jehoiakin+ ay 18 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya sa Jerusalem nang tatlong buwan at 10 araw; at patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova.+
10 Sa simula ng taon,* ipinakuha siya ni Haring Nabucodonosor para dalhin sa Babilonya,+ kasama ang mahahalagang kagamitan ng bahay ni Jehova.+ At si Zedekias na kapatid ng kaniyang ama ang ginawa nitong hari sa Juda at Jerusalem.+
11 Si Zedekias+ ay 21 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang 11 taon sa Jerusalem.+
12 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova na kaniyang Diyos. Hindi siya nagpakumbaba sa harap ng propetang si Jeremias,+ na nagsalita sa utos ni Jehova.
13 Nagrebelde rin siya kay Haring Nabucodonosor,+ na nagpasumpa sa kaniya sa harap ng Diyos, at nanatiling matigas ang kaniyang ulo* at puso, at ayaw niyang manumbalik kay Jehova na Diyos ng Israel.
14 Ang lahat ng pinuno ng mga saserdote at ang bayan ay labis na nagtaksil; ginawa nila ang lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa ng mga bansa at dinungisan ang bahay ni Jehova+ na pinabanal niya sa Jerusalem.
15 Patuloy silang binigyan ng babala ni Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng mga mensahero niya. Paulit-ulit niya silang binigyan ng babala, dahil naawa siya sa kaniyang bayan at sa kaniyang tahanan.
16 Pero palagi nilang iniinsulto ang mga mensahero ng tunay na Diyos,+ at hinamak nila ang mga salita niya+ at ang mga propeta niya,+ hanggang sa magliyab ang galit ni Jehova sa bayan niya,+ hanggang sa wala na silang pag-asang gumaling.
17 Kaya pinasalakay niya sa kanila ang hari ng mga Caldeo,+ na pumatay sa kanilang mga kalalakihan sa santuwaryo+ sa pamamagitan ng espada;+ hindi siya naawa sa binata o dalaga, sa matanda o may kapansanan.+ Ibinigay ng Diyos ang lahat sa kamay niya.+
18 Ang lahat ng kagamitan sa bahay ng tunay na Diyos, malaki man o maliit, pati ang mga kayamanan sa bahay ni Jehova at ang mga kayamanan ng hari at ng kaniyang matataas na opisyal, ay dinala niyang lahat sa Babilonya.+
19 Sinunog niya ang bahay ng tunay na Diyos,+ giniba ang pader ng Jerusalem,+ sinunog ang lahat ng matitibay na tore nito, at winasak ang lahat ng mahahalagang bagay.+
20 Ginawa niyang bihag sa Babilonya ang mga hindi namatay sa espada,+ at ang mga ito ay naging mga lingkod niya+ at ng mga anak niya hanggang sa magsimulang mamahala ang kaharian ng Persia,+
21 para matupad ang salita ni Jehova na binigkas ni Jeremias,+ hanggang sa makabawi ang lupain sa mga sabbath nito.+ Sa buong panahon na tiwangwang ang lupain, nagpahinga ito,* para matupad ang 70 taon.+
22 Nang unang taon ni Haring Ciro+ ng Persia, para matupad ang salita ni Jehova na inihayag ni Jeremias,+ inudyukan ni Jehova si Haring Ciro ng Persia na isulat at ipahayag sa buong kaharian niya ang proklamasyong ito:+
23 “Ito ang sinabi ni Haring Ciro ng Persia, ‘Ibinigay sa akin ni Jehova na Diyos ng langit ang lahat ng kaharian sa lupa,+ at inatasan niya akong ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda.+ Sinuman sa inyo na kabilang sa bayan niya, gabayan sana siya ni Jehova na kaniyang Diyos, at hayaan siyang pumunta roon.’”+
Talababa
^ Posibleng sa tagsibol.
^ Lit., “at pinatigas niya ang kaniyang leeg.”
^ O “nasunod nito ang batas sa sabbath.”