Ikalawang Cronica 7:1-22
7 Matapos manalangin si Solomon,+ may bumabang apoy mula sa langit+ at tinupok ang handog na sinusunog at ang mga hain, at ang bahay ay napuno ng kaluwalhatian ni Jehova.+
2 Hindi makapasok ang mga saserdote sa bahay ni Jehova dahil napuno ng kaluwalhatian ni Jehova ang bahay ni Jehova.+
3 Nakita ng buong Israel ang pagbaba ng apoy at ang kaluwalhatian ni Jehova na nasa bahay, at yumukod sila at sumubsob sa sahig at nagpasalamat kay Jehova, “dahil siya ay mabuti; ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
4 At ang hari at ang buong bayan ay nag-alay ng mga handog sa harap ni Jehova.+
5 Naghandog si Haring Solomon ng 22,000 baka at 120,000 tupa. Sa gayon, pinasinayaan* ng hari at ng buong bayan ang bahay ng tunay na Diyos.+
6 Nakatayo ang mga saserdote sa mga puwestong itinakda sa kanila, pati ang mga Levita na may mga panugtog para sa pag-awit kay Jehova.+ (Ginawa ni Haring David ang mga panugtog na ito para sa pagpapasalamat kay Jehova—“dahil ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan”—kapag si David ay pumupuri kasama sila.*) At ang mga trumpeta ay hinihipan nang malakas ng mga saserdote+ sa harap nila, habang nakatayo ang lahat ng Israelita.
7 Pagkatapos, pinabanal ni Solomon ang gitna ng loobang nasa harap ng bahay ni Jehova para doon ihandog ang mga handog na sinusunog+ at ang taba ng mga haing pansalo-salo, dahil hindi kasya sa tansong altar+ na ginawa ni Solomon ang mga haing sinusunog, handog na mga butil,+ at ang mga taba.+
8 Nang panahong iyon, ang kapistahan ay idinaos ni Solomon nang pitong araw+ kasama ang buong Israel, isang napakalaking kongregasyon mula sa Lebo-hamat* hanggang sa Wadi* ng Ehipto.+
9 Pero noong ikawalong araw,* nagdaos sila ng isang banal na pagtitipon,+ dahil idinaos nila ang pagpapasinaya ng altar sa loob ng pitong araw at ang kapistahan sa loob ng pitong araw.
10 At noong ika-23 araw ng ikapitong buwan, pinauwi na niya ang mga tao na nagsasaya+ at maligaya ang puso dahil sa kabutihang ipinakita ni Jehova kay David at kay Solomon at sa kaniyang bayang Israel.+
11 Natapos ni Solomon ang bahay ni Jehova at ang bahay* ng hari;+ at nagtagumpay si Solomon sa lahat ng gusto niyang gawin may kinalaman sa bahay ni Jehova at sa sarili niyang bahay.+
12 Pagkatapos, nagpakita si Jehova kay Solomon+ sa gabi at sinabi niya: “Narinig ko ang panalangin mo, at pinili ko ang bahay na ito para maging lugar na pag-aalayan ng mga handog sa akin.+
13 Kapag sinarhan ko ang langit at hindi umulan at kapag inutusan ko ang mga tipaklong na lamunin ang lupain at kung magpadala ako ng salot sa bayan ko,
14 at kung ang bayan ko na tinatawag sa pangalan ko+ ay magpakumbaba+ at manalangin at hanapin ako at tumigil sa masasama nilang ginagawa,+ makikinig ako mula sa langit at patatawarin ko ang kasalanan nila at pagagalingin ko ang lupain nila.+
15 Ngayon ay bibigyang-pansin ko at pakikinggan ang mga panalangin sa lugar na ito.+
16 At ngayon ay pinili ko at pinabanal ang bahay na ito para manatili rito magpakailanman ang pangalan ko,+ at ang mga mata at puso ko ay mananatili rito.+
17 “At ikaw, kung lalakad ka sa harap ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama sa pamamagitan ng paggawa sa lahat ng iniutos ko sa iyo, at susundin mo ang aking mga tuntunin at batas,*+
18 itatatag ko ang trono ng iyong paghahari,+ gaya ng ipinakipagtipan ko sa iyong amang si David+ nang sabihin ko, ‘Sa angkan mo manggagaling ang lahat ng mamamahala sa Israel.’+
19 Pero kung tatalikuran ninyo ako at susuwayin ninyo ang mga batas at utos na ibinigay ko sa inyo at maglilingkod kayo sa ibang mga diyos at yuyukod sa mga ito,+
20 bubunutin ko ang Israel mula sa lupain ko na ibinigay ko sa kanila,+ at aalisin ko sa paningin ko ang bahay na ito na pinabanal ko para sa aking pangalan, at gagawin ko itong isang bagay na pag-uusapan* at pagtatawanan ng lahat ng tao.+
21 At ang bahay na ito ay magiging mga bunton ng guho. Ang bawat dadaan dito ay mapapatitig dahil sa pagkagulat+ at magsasabi, ‘Bakit ito ginawa ni Jehova sa lupaing ito at sa bahay na ito?’+
22 At sasabihin nila, ‘Iniwan kasi nila si Jehova+ na Diyos ng mga ninuno nila, ang naglabas sa kanila mula sa lupain ng Ehipto,+ at yumakap sila sa ibang diyos at yumukod at naglingkod sa mga ito.+ Kaya pinasapit niya sa kanila ang lahat ng kapahamakang ito.’”+
Talababa
^ O “inialay.”
^ Posibleng tumutukoy sa mga Levita.
^ O “pasukan ng Hamat.”
^ Araw pagkatapos ng kapistahan, o ang ika-15 araw.
^ O “palasyo.”
^ O “hudisyal na pasiya.”
^ Lit., “isang kasabihan.”