Ikalawang Liham ni Pedro 1:1-21

1  Mula kay Simon Pedro, isang alipin at apostol ni Jesu-Kristo, para sa mga nagkaroon ng pananampalataya na kasinghalaga* ng sa amin sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at ng Tagapagligtas na si Jesu-Kristo: 2  Tumanggap nawa kayo ng higit pang kapayapaan at walang-kapantay na kabaitan sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman+ sa Diyos at kay Jesus na ating Panginoon, 3  dahil ipinagkaloob sa atin* ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng kailangan natin para mabuhay at magkaroon ng makadiyos na debosyon sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa tumawag sa atin+ sa pamamagitan ng kaniyang kaluwalhatian at kabutihan. 4  Sa pamamagitan ng mga bagay na ito ay binigyan niya tayo* ng mahalaga at napakadakilang mga pangako,+ para sa pamamagitan ng mga ito ay magkaroon din* kayo ng mga katangiang gaya ng sa Diyos,+ dahil nakatakas na kayo sa kasiraan ng sanlibutan na dulot ng maling* pagnanasa. 5  Dahil dito, magsikap kayong mabuti+ na idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan,+ sa inyong kabutihan ang kaalaman,+ 6  sa inyong kaalaman ang pagpipigil sa sarili, sa inyong pagpipigil sa sarili+ ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis ang makadiyos na debosyon,+ 7  sa inyong makadiyos na debosyon ang pagmamahal sa kapatid, sa inyong pagmamahal sa kapatid ang pag-ibig.+ 8  Dahil kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at nag-uumapaw, maiiwasan ninyong maging di-aktibo o di-mabunga+ may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo. 9  Pero ang sinumang walang ganitong mga katangian ay bulag dahil ipinipikit niya ang mga mata niya sa liwanag,*+ at nakalimutan din niyang nilinis na siya mula sa mga kasalanan niya+ noon. 10  Kaya mga kapatid, lalo pa ninyong gawin ang inyong buong makakaya para matiyak na mananatili kayong kasama sa mga tinawag+ at pinili, dahil kung patuloy ninyong ginagawa ang mga bagay na ito, hinding-hindi kayo mabibigo.+ 11  Sa katunayan, kung gagawin ninyo ito, ipagkakaloob sa inyo ang napakalaking pagpapala na makapasok sa walang-hanggang Kaharian+ ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.+ 12  Dahil dito ay gusto kong laging ipaalaala sa inyo ang mga bagay na ito, kahit na alam na ninyo ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang nasa inyo. 13  Itinuturing kong matuwid, hangga’t ako ay nasa tabernakulong ito,*+ na muli kayong paalalahanan,+ 14  dahil alam kong malapit nang alisin ang aking tabernakulo, gaya ng nilinaw sa akin ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 15  Lagi kong gagawin ang buo kong makakaya para kapag nakaalis na ako, maalaala* ninyo ang mga bagay na ito. 16  Ang sinabi namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at presensiya* ng ating Panginoong Jesu-Kristo ay hindi batay sa mga kuwentong di-totoo at inimbento nang may katusuhan, kundi batay sa nakita naming kaluwalhatian niya.+ 17  Dahil tumanggap siya ng karangalan at kaluwalhatian mula sa Diyos na Ama nang sabihin sa kaniya ang ganitong mga salita* mula sa maringal na kaluwalhatian: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.”+ 18  Oo, ang mga salitang ito ay narinig namin mula sa langit habang kasama niya kami sa banal na bundok. 19  Kaya lalong naging totoo sa amin ang binanggit na hula, at mabuti ang ginagawa ninyong pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang+ lumiliwanag sa isang madilim na lugar (hanggang sa magbukang-liwayway at sumikat ang bituing pang-araw)+ sa puso ninyo. 20  Dahil una sa lahat ay alam ninyo na walang hula sa Kasulatan ang galing sa personal na interpretasyon. 21  Dahil ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao,+ kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan* sila ng banal na espiritu.+

Talababa

O “na tinataglay bilang pribilehiyong kapantay.”
O “ibinigay sa atin nang walang bayad.”
O “binigyan niya tayo nang walang bayad.”
Lit., “maging kabahagi rin.”
O “mahalay na.”
O posibleng “hindi nakikita ang nasa malayo.”
O “toldang ito,” na tumutukoy sa katawan niya bilang tao.
O “banggitin.”
O “pagkanaririto.”
Lit., “nang marinig niya ang tinig na ito.”
Lit., “dinadala.”

Study Notes

Media