Ikalawang Samuel 10:1-19
10 Nang maglaon, namatay ang hari ng mga Ammonita,+ at ang anak niyang si Hanun ang pumalit sa kaniya bilang hari.+
2 Kaya sinabi ni David: “Magpapakita ako ng tapat na pag-ibig kay Hanun na anak ni Nahas, gaya ng tapat na pag-ibig na ipinakita sa akin ng kaniyang ama.” Kaya isinugo ni David ang mga lingkod niya para makiramay kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito. Pero pagdating ng mga lingkod ni David sa lupain ng mga Ammonita,
3 sinabi ng matataas na opisyal ng mga Ammonita sa panginoon nilang si Hanun: “Sa tingin mo ba, pinararangalan ni David ang iyong ama sa pagsusugo niya ng mga makikiramay sa iyo? Hindi kaya pinapunta sa iyo ni David ang mga lingkod niya para mag-espiya sa buong lunsod at ibagsak ito?”
4 Kaya kinuha ni Hanun ang mga lingkod ni David at inahit ang kalahati ng balbas nila+ at pinutol hanggang sa pigi ang mga damit nila at pinaalis sila.
5 Nang sabihin kay David ang tungkol dito, nagsugo siya agad ng mga tauhan para salubungin sila, dahil ang mga lalaki ay napahiya nang husto; at sinabi sa kanila ng hari: “Doon muna kayo sa Jerico+ hanggang sa tumubo ulit ang balbas ninyo, saka kayo bumalik.”
6 Nang malaman ng mga Ammonita na galit na galit sa kanila si David, nagsugo ang mga Ammonita ng mga mensahero at inupahan ang mga Siryano ng Bet-rehob+ at ang mga Siryano ng Zoba,+ 20,000 sundalo; at ang hari ng Maaca,+ kasama ang 1,000 sundalo. Umupa rin sila ng 12,000 sundalo mula sa Istob.*+
7 Nang mabalitaan ito ni David, isinugo niya si Joab at ang buong hukbo, kasama ang pinakamalalakas niyang mandirigma.+
8 At ang mga Ammonita ay lumabas at humanay sa pasukan ng pintuang-daan para makipagdigma, samantalang ang mga Siryano ng Zoba at ng Rehob, kasama ang Istob* at ang Maaca, ay magkakasama sa parang.
9 Nang makita ni Joab na sumasalakay ang mga kalaban sa harapan at likuran niya, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo sa Israel, at ang mga ito ang iniharap niya para makipaglaban sa mga Siryano.+
10 Ang iba pang sundalo ay inilagay niya sa pangunguna* ng kapatid niyang si Abisai,+ at humanay sila para makipagdigma sa mga Ammonita.+
11 Pagkatapos, sinabi niya: “Kapag natatalo ako ng mga Siryano, tulungan mo ako; pero kapag natatalo ka ng mga Ammonita, tutulungan kita.
12 Magpakatatag tayo at lakasan natin ang ating loob+ para sa ating bayan at para sa mga lunsod ng ating Diyos, at gagawin ni Jehova ang mabuti sa paningin niya.”+
13 Pagkatapos, umabante si Joab at ang mga tauhan niya para makipagdigma sa mga Siryano, at tumakas ang mga ito mula sa harap niya.+
14 Nang makita ng mga Ammonita na tumakas ang mga Siryano, tumakas sila mula kay Abisai at pumunta sa lunsod. Matapos makipaglaban sa mga Ammonita, bumalik si Joab sa Jerusalem.
15 Nang makita ng mga Siryano na natalo sila ng Israel, muli nilang tinipon ang kanilang hukbo.+
16 Kaya ipinatawag ni Hadadezer+ ang mga Siryano na nasa rehiyon ng Ilog;*+ pagkatapos, pumunta sila sa Helam, at si Sobac na pinuno ng hukbo ni Hadadezer ang nanguna sa kanila.
17 Nang ibalita ito kay David, agad niyang tinipon ang buong Israel at tumawid sila ng Jordan at nakarating sa Helam. Humanay ang hukbo ng mga Siryano at nakipaglaban kay David.+
18 Pero tumakas ang mga Siryano mula sa Israel; at 700 tagapagpatakbo ng karwahe at 40,000 mangangabayo ng mga Siryano ang napatay ni David, at pinabagsak niya si Sobac, ang pinuno ng kanilang hukbo, at namatay ito roon.+
19 Nang makita ng lahat ng hari, na mga lingkod ni Hadadezer, na natalo sila ng Israel, agad silang nakipagpayapaan sa Israel at naging mga sakop nito;+ at takot na ang mga Siryano na tulungan pa ang mga Ammonita.