Ikalawang Samuel 16:1-23
16 Nang makalampas nang kaunti si David sa tuktok ng bundok,+ naroon si Ziba+ na tagapaglingkod ni Mepiboset+ para salubungin siya. Mayroon itong isang pares ng asnong may síya* na may pasang 200 tinapay, 100 kakaning pasas, 100 kakaning gawa sa prutas na pantag-araw,* at isang malaking banga ng alak.+
2 Sinabi ng hari kay Ziba: “Bakit dinala mo ang mga ito?” Sumagot si Ziba: “Ang mga asno ay para may masakyan ang sambahayan ng hari, ang tinapay at ang mga prutas na pantag-araw ay para may makain ang iyong mga tauhan, at ang alak ay para may mainom ang mga napagod sa ilang.”+
3 Sinabi ngayon ng hari: “Nasaan ang anak* ng iyong panginoon?”+ Sinabi ni Ziba sa hari: “Naroon siya sa Jerusalem, at ang sabi niya, ‘Ibabalik sa akin ngayon ng sambahayan ng Israel ang paghahari ng aking ama.’”+
4 At sinabi ng hari kay Ziba: “Sa iyo na ang lahat ng pag-aari ni Mepiboset.”+ Sinabi ni Ziba: “Yumuyukod ako sa iyo. Kalugdan mo nawa ako, panginoon kong hari.”+
5 Pagdating ni Haring David sa Bahurim, isang lalaki mula sa angkan ni Saul na nagngangalang Simei+ na anak ni Gera ang lumabas at nagsasalita ng masasama habang papalapit sa kaniya.+
6 Binabato nito si David at ang lahat ng lingkod ni Haring David, pati ang lahat ng iba pang taong kasama niya at ang mga mandirigmang nasa magkabilang panig niya.
7 Ganito ang masasamang sinabi ni Simei: “Lumayas ka, lumayas ka! Mamamatay-tao ka! Wala kang kuwentang tao!
8 Pinagbayad ka ni Jehova dahil sa lahat ng pinatay mo sa sambahayan ni Saul. Pinalitan mo siya bilang hari, pero ibinigay ni Jehova ang pamamahala sa kamay ng anak mong si Absalom. Ngayon ay napahamak ka dahil mamamatay-tao ka!”+
9 Pagkatapos, ang anak ni Zeruias na si Abisai+ ay nagsabi sa hari: “Bakit isinusumpa ng patay na asong ito+ ang panginoon kong hari?+ Pakisuyo, payagan mo akong pumunta roon at tagpasin ang ulo niya.”+
10 Pero sinabi ng hari: “Bakit kayo nakikialam, mga anak ni Zeruias?+ Hayaan ninyo siyang sumpain ako,+ dahil sinabi sa kaniya ni Jehova,+ ‘Sumpain mo si David!’ Kaya sino ang makapagsasabi, ‘Bakit mo ginagawa iyan?’”
11 Sinabi pa ni David kay Abisai at sa lahat ng lingkod niya: “Kung ang sarili ko ngang anak na nanggaling mismo sa akin, gusto akong patayin,+ ano pa ang aasahan ninyo sa isang Benjaminita?+ Hayaan ninyo siyang sumpain ako, dahil iniutos iyon sa kaniya ni Jehova!
12 Baka sakaling makita ni Jehova ang paghihirap ko,+ at bigyan ako ni Jehova ng mga pagpapala sa halip na mga sumpa gaya ng isinisigaw sa akin ngayon.”+
13 Kaya si David at ang mga tauhan niya ay patuloy na naglakad pababa sa lansangan, samantalang si Simei ay nasa gilid ng bundok at naglalakad kasabay niya; nagsisisigaw ito ng masasamang bagay,+ nambabato, at nagsasaboy ng maraming alabok.
14 Pagdating ng hari at ng lahat ng kasama niya sa destinasyon nila, pagod na pagod sila, kaya nagpahinga sila.
15 Samantala, si Absalom at ang lahat ng tagasunod niya sa Israel ay dumating sa Jerusalem, at kasama niya si Ahitopel.+
16 Nang si Husai+ na Arkita,+ na kaibigan* ni David, ay lumapit kay Absalom, sinabi ni Husai kay Absalom: “Mabuhay ang hari!+ Mabuhay ang hari!”
17 Sinabi naman ni Absalom kay Husai: “Ganiyan ka ba magpakita ng tapat na pag-ibig sa kaibigan mo? Bakit hindi ka sumama sa kaibigan mo?”
18 Sinabi ni Husai kay Absalom: “Hindi ko magagawa iyon, dahil nasa panig ako ng pinili ni Jehova, ng mga taong ito, at ng lahat ng iba pang Israelita. Magiging tapat ako sa taong iyon.
19 Inuulit ko, Kanino ba ako dapat maglingkod? Hindi ba sa anak niya? Kung paanong naglingkod ako sa iyong ama, maglilingkod ako sa iyo.”+
20 Pagkatapos, sinabi ni Absalom kay Ahitopel: “Payuhan mo ako.+ Ano ang gagawin natin?”
21 Sinabi ni Ahitopel kay Absalom: “Sipingan mo ang mga pangalawahing asawa ng iyong ama,+ ang mga iniwan niya para mag-asikaso sa bahay.*+ At malalaman ng buong Israel na ginawa mong kasuklam-suklam ang sarili mo sa iyong ama, at lalakas ang loob ng mga sumusuporta sa iyo.”
22 Kaya ipinagtayo nila si Absalom ng isang tolda sa bubong,+ at sinipingan ni Absalom ang mga pangalawahing asawa ng kaniyang ama+ sa paningin ng buong Israel.+
23 Nang mga panahong iyon, ang payo ni Ahitopel+ ay itinuturing na* salita ng tunay na Diyos. Ganoon ang tingin ni David at ni Absalom sa lahat ng payo ni Ahitopel.
Talababa
^ Kadalasan nang igos at posible ring datiles.
^ Upuan na ipinapatong sa likod ng hayop para sa sakay nito.
^ O “apo.”
^ O “napagsasabihan ng niloloob.”
^ O “palasyo.”
^ O “ay gaya ng pagsangguni sa.”