Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

Introduksiyon sa 2 Tesalonica

  • Manunulat: Pablo

  • Saan Isinulat: Corinto

  • Natapos Isulat: mga 51 C.E.

Mahahalagang Impormasyon:

  • Karapat-dapat sa komendasyon ang kongregasyon sa Tesalonica. Mabilis silang sumulong sa espirituwal. Lumalago ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Nananatili din silang tapat sa kabila ng mga pag-uusig at pagdurusa. Kaya gaya ng ginawa ni apostol Pablo sa unang liham niya, pinuri at pinatibay niya sila na manatiling matatag.—2Te 1:3-12; 2:13-17.

  • Posibleng isinulat ito ni Pablo hindi pa natatagalan matapos niyang isulat ang unang liham niya sa mga taga-Tesalonica. Ang isang dahilan kung bakit siya sumulat ay para itama ang maling pananaw tungkol sa presensiya ni Kristo. May ilan sa kongregasyon na nagsasabing napakalapit na ng panahon ng presensiya ni Jesu-Kristo. (2Te 2:1, 2) Ayaw ni Pablo na malinlang ang mga kapatid, kaya ipinakita niyang may mga magaganap muna bago dumating ang araw ni Jehova.—2Te 2:3-10.

  • Sa Bibliya, sa liham lang na ito lumitaw ang tungkol sa “napakasamang tao.”—2Te 2:3, 8, 9.

  • Mababasa sa liham na ito ang mahahalagang tagubilin kung paano pakikitunguhan ang mga wala sa ayos. Pinayuhan na ni Pablo ang mga taga-Tesalonica sa unang liham niya (1Te 4:10-12), pero may ilan pa ring nakikialam sa buhay ng iba at ayaw magtrabaho. Inutusan ni Pablo ang mga kapatid na ito na mamuhay nang tahimik at magtrabaho at kumain ng pagkaing pinagtrabahuhan nila. Kung ayaw nilang sumunod sa pagtutuwid na ito, dapat silang markahan ng kongregasyon at limitahan ang pakikisama sa kanila.—2Te 3:10-15.

  • Maraming beses na idiniin sa maikling liham na ito ang kahalagahan ng panalangin.—2Te 1:3, 11; 2:13; 3:1.

  • Gaya ng 1 Tesalonica, matibay ang basehan na bahagi ng Bibliya ang liham na ito. Sumipi mula sa liham na ito si Irenaeus (ikalawang siglo C.E.), si Justin Martyr (ikalawang siglo C.E.)—na malamang na ginawang reperensiya ang 2Te 2:3 nang isulat niya ang tungkol sa “napakasamang [napakamakasalanang] tao”—at sina Clemente ng Alejandria at Tertullian (ikalawa at ikatlong siglo C.E.). Parehong nasa sinaunang koleksiyon ng mga aklat sa Kasulatan ang 1 at 2 Tesalonica.