Ikalawang Liham sa mga Taga-Tesalonica 1:1-12

1  Akong si Pablo, kasama sina Silvano at Timoteo,+ ay sumusulat sa kongregasyon ng mga taga-Tesalonica na kaisa ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Kristo: 2  Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo. 3  Lagi kaming nauudyukan na magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid. Tama lang ito, dahil patuloy na lumalakas ang inyong pananampalataya at lalo pa ninyong minamahal ang isa’t isa.+ 4  Kaya ipinagmamalaki namin kayo+ sa mga kongregasyon ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis* at pananampalataya sa kabila ng pag-uusig sa inyo at mga problema.+ 5  Patunay ito ng matuwid na paghatol ng Diyos. Dahil dito, itinuring kayong karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos, na dahilan ng pagdurusa ninyo.+ 6  Kaya naman matuwid para sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga pumipighati sa inyo.+ 7  Pero kayo na napipighati ngayon ay pagiginhawahin kasama namin sa panahong isisiwalat ang Panginoong Jesus+ mula sa langit kasama ang makapangyarihang mga anghel niya+ 8  sa isang nagliliyab na apoy. Sa panahong iyon, maghihiganti siya sa mga hindi nakakakilala sa Diyos+ at sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.+ 9  Ang mga ito ay hahatulan ng parusang walang-hanggang pagkapuksa,+ kaya aalisin sila sa harap ng Panginoon at hindi na nila makikita ang kaniyang maluwalhating kapangyarihan; 10  mangyayari iyan sa araw na dumating siya para maluwalhati siyang kasama ng kaniyang mga banal at para hangaan siya ng lahat ng nanampalataya sa kaniya, gaya ninyo na nanampalataya sa patotoong ibinigay namin sa inyo.+ 11  Kaya naman lagi kaming nananalangin para sa inyo, na ituring kayo ng Diyos na karapat-dapat sa kaniyang pagtawag+ at gamitin niya ang kaniyang kapangyarihan para isagawa ang lahat ng kabutihang gusto niyang gawin at para gawing matagumpay ang inyong mga gawa na udyok ng pananampalataya. 12  Sa gayon, ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay maluluwalhati sa pamamagitan ninyo at kayo naman ay maluluwalhati dahil sa pagiging kaisa niya, ayon sa walang-kapantay na kabaitan ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.

Talababa

O “pagbabata.”

Study Notes

Unang Liham sa mga Taga-Corinto: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga liham. Ipinapakita ng papirong codex na tinatawag na P46 na gumagamit noon ang mga eskriba ng pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya. Ang codex na ito ang pinakamatandang natagpuang koleksiyon ng mga liham ni Pablo, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Mababasa rito ang siyam sa mga liham niya. Sa simula ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, makikita sa codex na ito ang pamagat na Pros Ko·rinʹthi·ous A (“Para sa mga Taga-Corinto 1”). (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) May ganito ring pamagat ang iba pang sinaunang manuskrito, gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo C.E. Sa mga manuskritong ito, lumitaw ang pamagat sa simula at sa katapusan ng liham.

Ikalawang Liham sa mga Taga-Tesalonica: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat.—Tingnan ang study note sa 1Co Pamagat.

Silvano: Tingnan ang study note sa 2Co 1:19.

sa kongregasyon ng mga taga-Tesalonica: Gaya ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, ang liham na ito ay para sa buong “kongregasyon.” Hindi ito gaya ng mga liham niya kay Timoteo o Tito, na para sa indibidwal na mga tagapangasiwa, at ng liham niya sa mga taga-Filipos, kung saan espesipikong binanggit ang mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod sa kongregasyon.—Fil 1:1.

patuloy na lumalakas: Sa simula ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, binanggit niya ang kanilang pananampalataya at pag-ibig. (1Te 1:3) Dito, pinuri niya sila dahil patuloy pang sumusulong ang mga katangian nilang ito. Ang terminong ginamit niya (hy·pe·rau·xaʹno) ay kaugnay ng salita na madalas gamitin para sa paglago ng halaman. (Mat 6:28; Luc 13:19) Idinagdag ni Pablo ang unlaping Griego na hy·perʹ (nangangahulugang “sobra; lampas”) bilang pagdiriin. (Ihambing ang Efe 3:20, “di-hamak na nakahihigit.”) Kaya ang ekspresyong ito ay puwedeng literal na isaling “lumalago nang husto.”—Kingdom Interlinear.

problema: O “kapighatiang tinitiis ninyo.”—Tingnan ang study note sa 2Co 1:4.

panahong isisiwalat ang: O “paglalantad ng.” Sa orihinal na Griego, ginamit ang terminong a·po·kaʹly·psis sa ekspresyong “panahong isisiwalat ang Panginoong Jesus.” Isisiwalat siya bilang Hari at Hukom, na tumanggap ng awtoridad na magparusa at magbigay ng gantimpala. Sa “panahong isisiwalat” si Jesus, gagantimpalaan niya ang tapat na mga tagasunod niya, na nagtiis sa harap ng mga problema, at paparusahan ang mga di-makadiyos.

sa isang nagliliyab na apoy: Sa Kasulatan, madalas gamitin ang “apoy” sa makasagisag na diwa, gaya sa talatang ito. Noong panahon ng Bibliya, ang paggamit ng apoy ang pinakaepektibong paraan ng pagwasak at paglipol. (Deu 13:16; Jos 6:24) May pagkakataong ginamit ni Jesus ang terminong “apoy” para ilarawan ang lubusang pagpuksa sa masasama.—Mat 13:40-42, 49, 50; ihambing ang Isa 66:15, 24; Mat 25:41.

maghihiganti: Tumutukoy sa paghihiganti at paghatol ng Diyos. Sinabi ni Pablo na “matuwid para sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga pumipighati” sa mga Kristiyano. (2Te 1:6) Ang salitang Griego na isinalin ditong “maghihiganti” (ek·diʹke·sis) ay literal na nangangahulugang “mula sa katarungan”; ipinapahiwatig nito na makakamit ang katarungan kapag nakapaghiganti na ang Diyos. Isinasalin din itong “katarungan” o “paglalapat ng katarungan.” (Luc 18:7, 8; 21:22 at study note) Ipinapakita sa Bibliya na ang “paghihiganti” lang ng Diyos ang makakapagbigay ng tunay na katarungan. (Deu 32:35, 43; Aw 94:1; Ro 12:19; Heb 10:30) Ang Panginoong Jesu-Kristo ang pangunahing inatasan ng Diyos para isagawa ang paghihiganting tinutukoy dito ni Pablo.

mga hindi nakakakilala sa Diyos: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga talagang ayaw makipagkaibigan kay Jehova. Pero ang mga “nakakakilala sa Diyos” ay hindi lang basta naniniwalang umiiral siya; malalim ang pagkakakilala nila sa kaniya. Sinisikap nilang maging malapít na kaibigan niya; alam nila ang mga gusto at ayaw niya. Mahal nila siya at namumuhay sila ayon sa mga pamantayan niya. (1Ju 2:3, 4; 4:8) Isang napakalaking karangalan sa kanila na ‘makilala’ din ng Diyos (1Co 8:3), o tumanggap ng pagsang-ayon niya.—Tingnan ang study note sa Ju 17:3; Gal 4:9.

mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus: Kasama dito ang lahat ng itinuro ni Jesus na makikita sa Salita ng Diyos. Magiging basehan sa paghatol sa lahat ng tao ang mabuting balitang ito. Maliligtas ang mga tumatanggap at sumusunod sa mabuting balita; mapupuksa naman ang mga “hindi sumusunod” dito.

walang-hanggang pagkapuksa: Ipinapakita ng Bibliya na may mga hahatulan ng walang-hanggang pagkapuksa. Halimbawa, sinabi ni Jesus na ang mga namumusong laban sa banal na espiritu ay “nagkasala . . . ng walang-hanggang kasalanan” at hindi kailanman mapapatawad, “hindi, hindi sa sistemang ito o sa darating na sistema.” (Mar 3:28, 29; Mat 12:32) Lumilitaw na kasama dito si Hudas, na tinawag ni Jesus na “anak ng pagkapuksa.” (Ju 17:12 at study note) Pinili ni Hudas na traidurin ang Anak ng Diyos, kaya karapat-dapat siya sa walang-hanggang pagkapuksa. Sinasabi dito ni Pablo na ang mga ayaw ‘kumilala sa Diyos’ at ang “mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus” ay tatanggap ng “walang-hanggang pagkapuksa.”—2Te 1:8.

sa harap ng Panginoon: Lit., “sa mukha ng Panginoon.” Kahit na ang pananalita sa 2Te 1:9 ay kahawig ng nasa Isa 2:10, 19, 21, hindi ito tuwirang pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan. Ang “Panginoon” dito ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesus. Kaya pinanatili dito ng New World Bible Translation Committee ang saling “Panginoon” para hindi sila lumampas sa papel nila bilang tagapagsalin.—Tingnan ang Ap. C1; ihambing ang study note sa Ro 10:12.

Media