Ikalawang Liham sa mga Taga-Tesalonica 2:1-17
Talababa
Study Notes
presensiya ng ating Panginoong Jesu-Kristo: Ang salitang Griego na isinalin ditong “presensiya” ay pa·rou·siʹa, na literal na nangangahulugang “pagiging nasa tabi.” Hindi ito tumutukoy sa mismong pagdating, kundi sa isang yugto ng panahon, na makikilala dahil sa malilinaw na tanda. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa presensiya ni Jesu-Kristo bilang ang Mesiyanikong Hari mula nang iluklok siya sa langit sa pasimula ng mga huling araw ng sistemang ito.—Tingnan ang study note sa 1Co 15:23; Glosari, “Presensiya.”
araw ni Jehova: Tingnan ang study note sa 1Te 5:2 at introduksiyon sa Ap. C3; 2Te 2:2.
sa isang pagsisiwalat na parang mula sa Diyos: O “sa isang espiritu.” (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Ang salitang Griego na pneuʹma (madalas isaling “espiritu”) ay tumutukoy kung minsan sa isang paraan ng komunikasyon. Halimbawa, sa talatang ito, binanggit ito kasama ng “isang mensahe na narinig” at “isang liham.” Sa ibang mga talata, isinalin ang salitang Griego na ito bilang “pananalita na mula sa masasamang espiritu,” ‘mensaheng galing sa Diyos,’ at “mensaheng galing sa mga demonyo.”— 1Ti 4:1; 1Ju 4:1, 2, 6; Apo 16:14. Ihambing ang study note sa 1Co 12:10.
sa isang liham na parang galing sa amin: Ipinipilit ng ilan sa kongregasyon sa Tesalonica na halos nandiyan na ang panahon ng presensiya ni Jesu-Kristo. Posible pa nga na may isang liham na galing daw kay Pablo na nagpahiwatig na dumating na “ang araw ni Jehova.” Malamang na iyan ang dahilan kaya idiniin ni Pablo na siya talaga ang sumulat ng ikalawang liham niya. Sinabi niya: “Narito ang aking pagbati, at ako mismong si Pablo ang sumulat nito. Ganito lagi ang paraan ko ng pagsulat, para matiyak ninyo na ako ang sumulat nito.”—Tingnan ang study note sa 2Te 3:17.
magkakaroon muna ng apostasya: Nalinlang ang ilang Kristiyano sa Tesalonica may kinalaman sa “presensiya ng ating Panginoong Jesu-Kristo” at “araw ni Jehova.” Kaya ipinaalala sa kanila ni Pablo ang dalawang pangyayari na kailangan munang maganap: (1) Magkakaroon ng apostasya (tingnan ang study note sa apostasya sa talatang ito) at (2) masisiwalat ang “napakasamang tao.” (2Te 2:1-3) Ang inihula ni Pablo tungkol sa paglaganap ng apostasya sa kongregasyong Kristiyano ay kaayon ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa trigo at panirang-damo. (Mat 13:24-30, 36-43) Nagbabala si Pablo na makakapasok ang mga apostata sa kongregasyon; ganiyan din ang sinabi ni apostol Pedro nang maglaon.—Gaw 20:29, 30; 1Ti 4:1-3; 2Ti 4:3, 4; 2Pe 2:1-3.
apostasya: Ang pangngalang Griego na a·po·sta·siʹa na ginamit dito ay galing sa isang pandiwa na literal na nangangahulugang “lumayo.” Ang pangngalan ay puwedeng mangahulugan na “paghiwalay; pag-iwan; pagrerebelde.” Kaya hindi ito tumutukoy sa nangyayari sa isa na napalayo sa katotohanan dahil sa mahinang espirituwalidad o pagdududa. (Tingnan ang study note sa Gaw 21:21.) Sa klasikal na Griego, ginagamit ang pangngalang ito para tumukoy sa pagrerebelde sa gobyerno. Sa kontekstong ito, ginamit ni Pablo ang salitang “apostasya” para tumukoy sa pagrerebelde sa Diyos na magiging laganap bago dumating ang “araw ni Jehova.” (2Te 2:2) Ito ay sadyang pagtalikod sa tunay na pagsamba at paglilingkod sa Diyos.—Tingnan sa Glosari, “Apostasya.”
napakasamang tao: Ang salitang Griego na isinalin ditong ‘napakasama’ ay tumutukoy sa sadyang paglabag sa mga batas. Sa Bibliya, nagpapahiwatig ito ng pagsuway sa mga batas ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mat 24:12.) Sa talatang ito, ipinakita ni Pablo na ang “napakasamang tao” ay apostata. Problema noon ang apostasya sa maraming kongregasyon, kaya lumilitaw na ang “napakasamang tao” dito ay hindi lang tumutukoy sa isang indibidwal, kundi sa isang mapanganib na grupo ng huwad na mga Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 2Te 2:8.) Inihula din ni Pablo na masisiwalat kung sino ang ‘taong’ ito—ilalantad ng grupong ito kung sino sila. (Tingnan ang study note sa 2Te 2:7.) Sa ilang salin ng Bibliya, “makasalanang tao” ang ginamit, gaya ng mababasa sa ilang manuskrito. Pero ang saling “napakasamang tao” ay batay sa mas lumang mga manuskrito. Kaayon din ng konteksto ang saling ito; sa sumunod lang na mga talata, binanggit ni Pablo na nagsisimula na nang palihim ang “kasamaan” ng taong ito at tinukoy niya ito na “napakasamang tao.”—2Te 2:7, 8.
anak ng pagkapuksa: Ang ekspresyong ito, na puwede ring isaling “anak ng pagkalipol,” ay ginamit para tumukoy sa nagtraidor kay Jesus, si Hudas Iscariote. (Tingnan ang study note sa Ju 17:12.) Kaya ipinapakita dito ni Pablo na ang “napakasamang tao” na binanggit niya ay tatanggap ng walang-hanggang pagkapuksa, gaya ng nangyari sa traidor na si Hudas.
itinuturing niya ang sarili niya na mas mataas kaysa sa bawat isa na tinatawag na diyos o anumang bagay na sinasamba: Ang pariralang “anumang bagay na sinasamba” ay ipinanumbas sa salitang Griego na puwede ring isaling “anumang bagay na lubhang iginagalang.” Ipinapahiwatig dito ni Pablo na itataas ng “napakasamang tao” ang sarili niya sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na salungat sa mga turo ng Diyos. (2Te 2:3) Posibleng kasama sa “bawat isa na tinatawag na diyos” ang makapangyarihang mga tao, gaya ng mga opisyal ng gobyerno. (Ihambing ang Ju 10:34-36.) Kaya ipinapahiwatig dito ni Pablo na ang mayabang na ‘taong’ ito ay aasta na parang walang puwedeng kumuwestiyon sa mga turo niya.
umuupo siya sa templo ng Diyos: Lumilitaw na idiniriin dito ni Pablo ang pagiging mapagkunwari ng “napakasamang tao.” (2Te 2:3) Ang totoo, hindi siya puwedeng umupo sa templo ng Diyos (o “tirahan ng Diyos”), pero nagkukunwari siyang nagagawa niya ito. Ang pagkakagamit dito ni Pablo ng tiyak na Griegong pantukoy bago ang salitang “Diyos” ay nagpapakitang inaangkin ng ‘taong’ ito na kinatawan siya ng tunay na Diyos.
Hindi ba ninyo naaalaala . . . ?: Dumalaw si Pablo sa kongregasyon ng Tesalonica noong mga 50 C.E., at di-nagtagal, isinulat niya ang liham na ito habang nasa Corinto siya, posibleng noong mga 51 C.E. (Gaw 18:11) Dito, ipinapaalala ni Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica na nagbigay na rin siya ng ganitong mga babala noong kasama nila siya.
kung ano ang nagsisilbing pamigil: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Pablo na pamigil ay ang tapat na mga apostol bilang isang grupo. Ang mga sinabi ni Pablo, gaya ng mababasa rito at sa iba pang isinulat niya, ay nagpapakita ng sigasig niya sa pagpigil sa paglaganap ng apostasya. (Tingnan din ang Gaw 20:29, 30; 1Ti 4:1-3; 2Ti 2:16, 17; 4:2, 4.) Sinikap ding labanan ni apostol Pedro ang nakalalasong impluwensiyang ito. (2Pe 2:1-3) Pagkalipas ng maraming taon, kahit matanda na si apostol Juan, nilalabanan pa rin niya ang apostasya, pero nagbabala siya na laganap na ito sa mga kongregasyon. (1Ju 2:18; 2Ju 7) Ipinapahiwatig dito ni Pablo na masisiwalat ang “napakasamang tao” kapag ‘wala’ na ang pamigil.—2Te 2:3; tingnan ang study note sa 2Te 2:7.
palihim ang kasamaan ng taong ito: Ginamit ni Pablo para sa salitang “palihim” ang salitang Griego na my·steʹri·on, na tumutukoy sa isang bagay na lihim at hindi basta-basta mauunawaan. Ganiyan din ang pagkakagamit sa salitang ito sa Apo 17:5, 7. (Para sa impormasyon tungkol sa iba pang paglitaw ng salitang Griegong ito, tingnan ang study note sa Mat 13:11.) Palihim pa noon ang kasamaan ng “napakasamang tao” dahil hindi pa naoorganisa bilang isang grupo ang mga apostata. Pero nagsisimula na nang panahong iyon ang kasamaan ng mga apostata dahil nakapasok na sila sa kongregasyon at naiimpluwensiyahan na nila ang mga kapatid.—Gaw 15:24; tingnan ang study note sa 2Te 2:3.
ang nagsisilbing pamigil: O “ang nagsisilbing pamigil sa ngayon.” Inulit dito ni Pablo ang salitang Griego para sa “nagsisilbing pamigil” sa naunang talata, pero idinagdag niya ang ekspresyong “sa ngayon.” Malamang na ang tinutukoy niyang pamigil ay ang mga apostol. (Tingnan ang study note sa 2Te 2:6.) Pagkalipas ng maraming taon, noong mga 98 C.E., ipinahiwatig ni apostol Juan na iyon na ang “huling oras” ng mga apostol at na laganap na ang apostasya. (1Ju 2:18) ‘Nawala’ na ang huling pamigil sa apostasya nang mamatay si Juan noong mga 100 C.E.
napakasamang tao: Ito rin ang “napakasamang tao” na binanggit ni Pablo sa 2Te 2:3.—Tingnan ang study note.
sa pamamagitan ng kapangyarihang lumalabas sa kaniyang bibig: Bilang “Salita ng Diyos,” si Jesus ang pangunahing tagapagsalita ni Jehova. (Apo 19:13; tingnan ang study note sa Ju 1:1.) Dahil sa awtoridad na ibinigay ni Jehova kay Jesus bilang Mesiyanikong Hari, siya ang maghahayag ng hatol ng Diyos laban sa lahat ng kaaway ni Jehova, kasama na ang “napakasamang tao.”—Ihambing ang Isa 11:3, 4; Apo 19:14-16, 21.
kapag nahayag na ang kaniyang presensiya: Tumutukoy ito, hindi sa buong panahon ng di-nakikitang presensiya ni Kristo, kundi sa isang pangyayari na magaganap sa dulo ng yugtong iyon. Kapag nangyari iyon, mahahayag na sa lahat ang presensiya ni Kristo. (Luc 21:25-28; tingnan sa Glosari, “Presensiya.”) Makikita sa sinabi ni Pablo na ang “napakasamang tao,” na umiiral na noong unang siglo C.E., ay patuloy na iiral hanggang sa panahon ng presensiya ni Kristo. Kaya lumilitaw na hindi lang sa isang indibidwal tumutukoy ang ‘taong’ iyon, kundi sa isang grupo. (Tingnan ang study note sa 2Te 2:3.) Kapag nailapat na ang hatol ng Diyos sa “napakasamang tao,” hindi lang presensiya ng haring si Kristo ang mahahayag; magiging malinaw rin na paparating na ang “malaking kapighatian” na inihula ni Kristo.—Mat 24:21; tingnan sa Glosari, “Malaking kapighatian.”
si Satanas ang nasa likod: Ang salitang Griego na isinalin ditong “nasa likod” ay puwede ring isaling “may kagagawan.” Sinasabi ng isang reperensiya na sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong ito ay “tumutukoy lang sa kapangyarihang nakahihigit sa taglay ng tao, mula man ito sa Diyos o sa diyablo.” Kaya ipinapakita dito ni Pablo na ang kapangyarihan ni Satanas ang nagpapakilos sa “napakasamang tao.” (2Te 2:3) Isa pa, ang “Satanas” ay salitang Hebreo na nangangahulugang “kalaban,” at nilalabanan ng “napakasamang tao” ang mga turo ni Jehova at ang bayan Niya.—Tingnan ang study note sa Mat 4:10.
pag-iral ng napakasamang taong ito: Ang tekstong Griego na ginamit dito ay puwedeng literal na isaling “pag-iral niya.” Maliwanag sa konteksto na ang salitang Griego na ginamit dito, pa·rou·siʹa, ay hindi tumutukoy sa presensiya ni Kristo, kundi sa pag-iral ng “napakasamang tao,” na binanggit sa naunang talata.
himala: Nakagawa ng mga himala, tanda, at kamangha-manghang bagay ang tunay na mga apostol ni Kristo dahil sa banal na espiritu ng Diyos. (Gaw 2:43; 5:12; 15:12; 2Co 12:12) Pero ang mga tanda at himalang nagagawa ng “napakasamang tao” ay patunay naman ng kapangyarihan ni Satanas. (2Te 2:3) Mapanlinlang ang ginagawa nilang mga “himala” dahil posibleng hindi naman talaga totoo ang mga ito o pinagmumukha nila itong galing sa Diyos. (2Te 2:10, 11) Inilalayo nila ang mga tao mula kay Jehova, ang pinagmumulan ng buhay, at sa daan tungo sa buhay na walang hanggan.—Ihambing ang Mat 7:22, 23; 2Co 11:3, 12-15; tingnan ang study note sa Gaw 2:19.
mapandayang: O “makalamang; mapang-akit na.” Ang terminong Griego na isinalin ditong ‘mapandaya’ ay ginagamit kung minsan para tumukoy sa makalamang mga pagnanasa. Kaya sa ganitong pandaraya, sinasamantala ng isa ang makasalanan at materyalistikong mga pagnanasa ng iba.—Tingnan ang study note sa Col 2:8.
minamahal ni Jehova: Sinasabi dito ni Pablo sa mga kapananampalataya niya sa Tesalonica na ipinagpapasalamat niya sila sa Diyos at na mahal sila ng Diyos na Jehova. Gumamit din si Pablo ng isang kahawig na ekspresyon sa 1Te 1:4, kung saan tinawag niya ang mga kapatid niya na mga “minamahal ng Diyos.” Posibleng galing ang mga ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, kung saan binanggit din ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos na Jehova para sa bayan niya.—Deu 7:7, 8; 33:12; para sa paliwanag kung bakit ginamit dito ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Te 2:13.
mga bagay na itinuro sa inyo: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga tradisyong katanggap-tanggap sa tunay na pagsamba.—Tingnan ang study note sa 1Co 11:2.
walang-hanggang kaaliwan: Ang salitang Griego na isinalin ditong “kaaliwan” (pa·raʹkle·sis) ay literal na nangangahulugang “pagtawag sa isa para tabihan ka.” (Tingnan ang study note sa 2Co 1:3.) Nagbibigay si Jehova ng kaaliwang ‘walang hanggan,’ o permanente.—Tingnan ang study note sa 2Te 2:17.
umaliw nawa . . . sa inyo: Sa kahilingang ito ni Pablo, ginamit niya ang pandiwang Griego na pa·ra·ka·leʹo, na isinalin ditong “umaliw” at literal na nangangahulugang “tawagin ang isa para tabihan ka.” (Tingnan ang study note sa Ro 12:8.) Matapos sabihin ni Pablo sa talata 16 ang tungkol sa “Diyos . . . na nagmamahal sa atin,” iniugnay niya ang pagkakaroon ng kaaliwan sa katotohanang mahal ni Jehova ang mga lingkod niya. (Ro 8:32, 38, 39; Efe 1:7; 2:4, 5) Siguradong napatibay ng paalalang ito ang mga Kristiyano sa Tesalonica na pinag-uusig noon.—2Te 1:4.