Ikalawang Liham kay Timoteo 2:1-26

2  Kaya anak ko,+ patuloy mong palakasin ang sarili mo sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan na ipinapakita ni Kristo Jesus; 2  at kung tungkol sa mga bagay na narinig mo sa akin na sinusuportahan ng maraming saksi,+ ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat, na magiging lubusan ding kuwalipikado na magturo sa iba. 3  Bilang isang mahusay na sundalo+ ni Kristo Jesus, maging handa ka sa pagdurusa.+ 4  Hindi magnenegosyo ang sinumang sundalo kung gusto niyang makuha ang pabor ng nagpasok sa kaniya bilang sundalo. 5  At kahit sa mga palaro, hindi ginagantimpalaan* ang isang manlalaro kung hindi siya naglaro ayon sa mga alituntunin.+ 6  Ang masipag na magsasaka ang dapat na unang makinabang sa mga bunga. 7  Lagi mong pag-isipan ang sinasabi ko; ipauunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng bagay. 8  Alalahanin mong si Jesu-Kristo ay binuhay-muli+ at supling ni David+ ayon sa mabuting balita na ipinangangaral ko,+ 9  na dahilan kung bakit ako naghihirap at nakabilanggo bilang kriminal.+ Pero ang salita ng Diyos ay hindi nakagapos.+ 10  Kaya tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga pinili,+ para maligtas din sila sa pamamagitan ni Kristo Jesus at makatanggap ng walang-hanggang kaluwalhatian. 11  Mapananaligan ito: Kung mamatay tayong magkakasama, mabubuhay rin tayong magkakasama;+ 12  kung patuloy tayong magtitiis, maghahari din tayong magkakasama;+ kung ikakaila natin siya, ikakaila rin niya tayo;+ 13  kung tayo ay maging di-tapat, mananatili pa rin siyang tapat, dahil hindi niya kayang ikaila ang sarili niya. 14  Lagi mong ipaalaala sa kanila ang mga ito; sabihan mo sila sa harap ng Diyos na huwag pag-awayan ang mga salita, dahil wala itong pakinabang at nakasasama ito sa mga nakikinig. 15  Gawin mo ang iyong buong makakaya para maging kalugod-lugod ka sa harap ng Diyos, isang manggagawa na walang ikinahihiya at ginagamit nang tama ang salita ng katotohanan.+ 16  Pero iwasan mo ang walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal,+ dahil ang mga ito ay aakay sa mas marami at mas masamang di-makadiyos na paggawi 17  at kakalat na tulad ng ganggrena. Kasama sa mga nagpapakalat nito sina Himeneo at Fileto.+ 18  Lumihis sa katotohanan ang mga taong ito dahil sinasabi nilang nangyari na ang pagkabuhay-muli,+ at sinisira nila ang pananampalataya ng ilan. 19  Sa kabila nito, nananatiling matatag ang matibay na pundasyon ng Diyos, kung saan nakasulat, “Kilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya,”+ at, “Talikuran ng lahat ng tumatawag sa pangalan ni Jehova+ ang kasamaan.” 20  Ngayon, sa isang malaking bahay ay may mga kagamitang* ginto at pilak at mayroon ding gawa sa kahoy at luwad; ang ilan ay ginagamit sa marangal na paraan, pero ang iba ay sa di-marangal na paraan. 21  Kaya kung lalayuan ng isang tao ang mga huling nabanggit,+ magagamit siya sa marangal na paraan, at siya ay magiging banal, kapaki-pakinabang sa may-ari sa kaniya, at handa para sa bawat mabuting gawa. 22  Kaya tumakas ka mula sa mga pagnanasang karaniwan sa mga kabataan; itaguyod mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso.+ 23  Iwasan mo rin ang walang-patutunguhan at walang-kabuluhang mga debate,+ dahil alam mong nauuwi lang sa away ang mga ito. 24  Dahil ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging mabait sa lahat,+ kuwalipikadong magturo, nagpipigil kapag nagawan ng mali,+ 25  at mahinahong nagtuturo sa mga rebelyoso.+ Baka sakaling bigyan sila ng pagkakataon ng Diyos na magsisi at sa gayon ay makakuha sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan,+ 26  at matauhan sila at makatakas sa bitag ng Diyablo, dahil nahuli na niya silang buháy at puwede na niyang magamit para gawin ang kagustuhan niya.+

Talababa

O “kinokoronahan.”
O “sisidlang.”

Study Notes

anak ko: Isa itong magiliw na tawag ni Pablo kay Timoteo.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:2.

patuloy mong palakasin ang sarili mo: Pinasigla ni Pablo si Timoteo na umasa sa Diyos na Jehova, na pinagmumulan ng di-nauubos na lakas. Dito, ginamit ng apostol ang pandiwang Griego na en·dy·na·moʹo; kaugnay ito ng pangngalang dyʹna·mis (kapangyarihan; lakas), na ginamit sa 2Ti 1:8 sa ekspresyong “kapangyarihan ng Diyos.” Ayon sa isang reperensiya, ang anyo ng pandiwang ginamit dito ni Pablo ay “nagpapahiwatig na kailangan ni Timoteo na patuloy na umasa sa Diyos para ‘laging maging malakas.’” Ito rin ang pandiwang ginamit ni Pablo sa Efe 6:10, kung saan pinasigla niya ang mga Kristiyano sa Efeso na“patuloy [na] kumuha ng lakas sa Panginoon [ang Diyos na Jehova] at sa kaniyang dakilang kapangyarihan.”

sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan na ipinapakita ni Kristo Jesus: Sa paggamit ng ekspresyong ito, ipinakita ni Pablo kay Timoteo na ‘mapalalakas niya lang ang sarili niya’ sa pamamagitan ng “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Sagana ang espesyal na pabor o kabaitan na ipinakita ni Jehova kay Jesus, kaya masasabing “nasa kaniya ang pabor ng Diyos.” (Ju 1:14 at mga study note) Dahil diyan, naipapakita rin ni Jesus ang ganitong kabaitan sa sinumang tao na nagpapahalaga rito. Kaya naman bukod sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, binabanggit din sa Bibliya ang “walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—1Te 5:28; 2Te 3:18.

ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat: Gusto ni Pablo na ipasa, o ipagkatiwala, ni Timoteo sa ibang may-pananagutang mga lalaki ang mahahalagang katotohanang natutuhan nito. Ipinapahiwatig ng salitang “ipagkatiwala” na dapat niya itong ipasa sa iba nang may katumpakan. (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:20.) Ang tagubiling ito ni Pablo ay kaayon ng utos ni Jesus na dapat magturo sa iba ang lahat ng alagad. (Mat 28:19, 20) Ipinakita ni Pablo kung paano naipasa ang katotohanan: Tinuruan ni Jesus si Pablo, na nagturo naman kay Timoteo. At itinuro ni Timoteo ang mahahalagang katotohanan sa tapat na mga lalaki, na nagturo din sa iba.

lubusan ding kuwalipikado na magturo: Ang salitang Griego na isinaling ‘lubusang kuwalipikado’ ay puwedeng mangahulugang “bagay” sa isang atas o “may kakayahang” gampanan ito. Ito rin ang salitang ginamit ni Pablo sa liham niya sa Corinto nang ipaliwanag niya na ginagawang kuwalipikado ng Diyos ang mga Kristiyano para sa atas na ibinigay niya sa kanila.—Tingnan ang study note sa 2Co 3:5.

mahusay na sundalo ni Kristo Jesus: Sa 2Ti 2:3-6, gumamit si Pablo ng tatlong ilustrasyon para ipakita kay Timoteo na kailangan niyang maging handa sa mga hamon at pagdurusa, gaya ng lahat ng iba pang Kristiyano. Sa talata 3, inihalintulad ni Pablo ang mga Kristiyano sa mga sundalo, gaya ng ginawa niya sa iba pa niyang mga liham. (1Co 9:7; 2Co 10:3-5; Efe 6:10-17; Fil 2:25; 1Te 5:8; 1Ti 1:18; Flm 2) Sinusunod ng isang sundalo ang mga utos ng nakatataas sa kaniya, at handa siya sa paparating na mga pagsubok. Sinusunod din ng mga Kristiyano ang mga utos ni Kristo Jesus, at handa silang dumanas ng pagdurusa. Kasama sa pagdurusang ito ang kapootan at pag-usigin pa nga ng iba. Kaya naman pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo na para maging “mahusay na sundalo ni Kristo Jesus,” kailangan niyang maging determinado at matiisin at magkaroon ng disiplina sa sarili.

magnenegosyo: O “magpapatali sa negosyo.” Walang matinong sundalo ang “magpapatali sa negosyo” o iba pang gawain habang naglilingkod sa militar. Puwedeng maubos ang lakas niya dahil sa ‘negosyo’ (o posibleng “pang-araw-araw na gawain”) at maalis ang pokus niya sa paglilingkod bilang sundalo. Dapat na lagi siyang alisto at handa kapag may utos ang nakatataas sa kaniya, dahil nakadepende dito ang buhay niya at ng iba. Sa katulad na paraan, dapat na manatiling nakapokus si Timoteo sa ministeryo niya at hindi magambala ng iba pang gawain.—Mat 6:24; 1Ju 2:15-17.

sa mga palaro: Ginamit dito ni Pablo ang mga palaro para ilarawan ang Kristiyanong paraan ng pamumuhay. Dapat sumunod sa mga alituntunin ang mga atleta. Nakapaskil noon sa mga lugar ng kompetisyon ang mga alituntunin ng mga palaro. Ipinagbabawal ang panunuhol, at mahigpit na ipinatutupad ng hurado ang mga alituntunin. Kapag may nilabag na alituntunin ang isang atleta habang nagsasanay o sa mismong kompetisyon, matatanggal siya. Dapat ding sundin ng isa ang mga pamantayan at kahilingan ng Diyos sa Kristiyanong pamumuhay para matanggap ang pagsang-ayon Niya. Dapat na “maging handa [si Timoteo] sa pagdurusa” at hindi matuksong lumabag sa anumang pamantayan ng Diyos para lang matakasan ang paghihirap.—2Ti 2:3; tingnan ang study note sa 1Co 9:24, 25; 1Ti 4:7, 8; tingnan din sa Media Gallery, “Isang Koronang Nasisira.”

masipag na magsasaka: Sa ilustrasyong ito, ang salitang Griego na isinaling “masipag” ay nangangahulugang “nagpapagal; puspusang nagtatrabaho” at puwedeng tumukoy sa pagtatrabaho hanggang sa maubos ang lakas. Kailangang magpakapagod sa pagtatrabaho ang isang magsasaka—sa ilalim ng mahihirap na kondisyon kung minsan—kung gusto niya ng magandang ani. Kailangan ding maging masipag at mapagsakripisyo ni Timoteo para makuha niya ang pagsang-ayon ng Diyos.—1Co 3:6, 7; Col 1:28, 29; ihambing ang study note sa 1Ti 4:10.

Lagi mong pag-isipan ang sinasabi ko: Ang salitang Griego para sa ‘laging pag-isipan’ ay puwede ring isaling “unawain.” (Mat 24:15; Mar 13:14) Katatapos lang gumamit ni Pablo ng tatlong ilustrasyon (2Ti 2:3-6); ngayon, pinapayuhan niya si Timoteo na pag-isipang mabuti ang mga ito para maisabuhay niya ang mga aral na natutuhan niya. (Ihambing ang study note sa 1Ti 4:15.) Tinitiyak ni Pablo kay Timoteo na ipauunawa sa kaniya ng Panginoong Jehova ang mga bagay na kailangan niyang maintindihan. Posibleng kinuha ni Pablo ang pampatibay na ito sa Kaw 2:6.

supling ni David: O “inapo ni David.” Lit., “binhi ni David.”—Tingnan ang Ap. A2.

ang salita ng Diyos ay hindi nakagapos: Kababanggit pa lang ni Pablo na itinuturing siyang “kriminal.” Ito rin ang salitang ginamit niya para sa mga lalaki—o kriminal—na pinatay kasama ni Jesus. (Luc 23:32, 33, 39) Ngayon, idiniriin niya ang isang mahalagang punto. Kahit nakagapos siya at nakabilanggo, hindi pa rin mapipigilan ang paglaganap ng salita ng Diyos. (2Ti 1:8, 16) Ayon sa isang reperensiya, para bang sinasabi ni Pablo sa mga humahadlang sa mabuting balita: “Mapipigilan nila ang mensahero, pero hindi ang mensahe.”

kung patuloy tayong magtitiis: Ipinapaalala ng ekspresyong ito ang pangako ni Jesus: “Ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.” (Tingnan ang study note sa Mat 24:13.) May napakagandang pag-asa si Pablo at ang mahal niyang kaibigang si Timoteo—ang mamahalang kasama ni Kristo. (Luc 22:28-30) Dito, idiniriin ni Pablo na kailangang magtiis para makuha ang gantimpalang iyan. Hindi niya inisip na sigurado na ang pag-akyat niya sa langit dahil lang sa pagiging pinahiran niya. (Tingnan ang study note sa Fil 3:14.) Alam niya kasi na may ilang pinahirang Kristiyano na tumalikod sa pananampalataya. (Fil 3:18) Pero tiwala si Pablo na kaya niyang manatiling tapat hanggang kamatayan.—2Ti 4:6-8.

hindi niya kayang ikaila ang sarili niya: Hindi kayang kumilos ni Jehova nang salungat sa kaniyang mga katangian at pamantayan. (Exo 34:6, 7; Mal 3:6; Tit 1:2; San 1:17) Hindi niya kayang baliin ang sarili niyang layunin. Kaya anuman ang gawin ng iba, laging tutuparin ni Jehova ang sinabi niya.—Ro 3:3, 4 at study note.

sabihan: Ang terminong Griego na ginamit dito ni Pablo ay puwedeng literal na isaling “lubusang magpatotoo.” (Gaw 20:24; 28:23) Sinabi ng isang reperensiya tungkol sa terminong ito: “Nangangahulugan itong ‘tumestigo, magbabala’ tungkol sa mahahalagang bagay at napakamapanganib na mga sitwasyon.”

Diyos: Ang mababasa sa ilang maaasahang manuskritong Griego ay “Diyos,” pero “Panginoon” naman sa iba. May ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos.—Tingnan ang Ap. C1.

huwag pag-awayan ang mga salita: Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na huwag mag-away tungkol sa mga salita, na isang kaugaliang lumilitaw na pinasimulan ng huwad na mga guro. Ang terminong Griego na isinaling “pag-awayan ang mga salita” ay kombinasyon ng pangngalan para sa “salita” at pandiwa para sa “pag-awayan.” Hindi makikita ang ekspresyong ito sa mga akdang isinulat bago ang mga liham ni Pablo. Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, ginamit niya ang isang kaugnay na pangngalang literal na nangangahulugang “pakikipaglaban tungkol sa mga salita.” (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:4.) Posibleng tungkol ito sa maliliit na kaibahan sa kahulugan ng mga salita, pero masama at kapaha-pahamak pa nga ang resulta ng ganitong pagtatalo.

nakasasama ito sa mga nakikinig: Sa Griego, ginamit sa ekspresyong ito ang salitang ka·ta·stro·pheʹ (nangangahulugang “pagkawasak” o “kapahamakan”), at puwede itong isaling “naipapahamak nito ang mga nakikinig.” Mapuwersa ang salitang ginamit dito ni Pablo para magbabala laban sa pag-aaway tungkol sa mga salita, at inutusan niya si Timoteo na paalalahanan ang mga Kristiyano sa Efeso sa “harap ng Diyos” na huwag makisali sa ganitong walang-katuturang pagtatalo.—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:21.

Gawin mo ang iyong buong makakaya: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para himukin si Timoteo na “maging masigasig, magpakahirap, gawin ang lahat, maging masipag,” na kahulugan ng salitang Griegong ito (spou·daʹzo) sa isang diksyunaryo. At kapag natanggap ni Timoteo ang pagsang-ayon ng Diyos, magiging mahusay siyang manggagawa. Kung gayon, wala siyang ikakahiya, kahit hindi mapahalagahan ng iba ang ginagawa niya o usigin pa nga siya.

ginagamit nang tama ang salita ng katotohanan: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo ay literal na nangangahulugang “pumutol nang tuwid.” May ilang posibleng pinagbatayan si Pablo ng ekspresyong ito. Halimbawa, dahil gumagawa siya ng tolda, posibleng nasa isip niya ang tuwid na pagputol sa tela. O posible ring ibinatay niya ito sa pagkakagamit dito ng Septuagint sa Kaw 3:6 at 11:5, kung saan ang pandiwa ay tumutukoy sa pagtutuwid ng isang tao sa landas niya. Puwede ring tumukoy ang pandiwang ito sa ibang bagay, gaya ng pag-aararo nang tuwid ng isang magsasaka. Alinman dito ang pinagbatayan ni Pablo, sinasabi lang niya kay Timoteo na kapag nagtuturo ito ng Salita ng Diyos, dapat niya itong gamitin nang tama at ipaliwanag nang may katumpakan at hindi siya dapat lumihis o mawala sa pokus dahil lang sa pakikipagdebate tungkol sa mga opinyon, salita, at iba pang walang-katuturang mga bagay.—2Ti 2:14, 16.

walang-saysay na mga usapan: Tingnan ang study note sa 1Ti 6:20.

di-makadiyos na paggawi: Tingnan ang study note sa Ro 1:18.

ganggrena: O “sugat na kumakain ng laman.” Ang terminong Griego na gagʹgrai·na ay tumutukoy sa isang sakit na kadalasan nang mabilis na kumalat at nakamamatay kung pababayaan. Ginamit ni Pablo ang terminong ito para tumukoy sa turo ng mga apostata at sa “walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal.” (2Ti 2:16-18) Madalas niyang pagkumparahin ang mga turong ito na nakasasama sa espirituwal at ang mga turong nakabatay sa Salita ng Diyos na inilalarawan niyang “kapaki-pakinabang [lit., “nakapagpapalusog”].” (1Ti 1:10; 6:3; 2Ti 1:13; Tit 1:9; 2:1; tingnan din ang study note sa 1Ti 6:4.) Nang gamitin ni Pablo ang ekspresyong “kakalat na tulad ng ganggrena,” idiniriin niya na ang walang-saysay na mga usapan at maling mga turo ay puwedeng mabilis na kumalat sa loob ng kongregasyon at makamatay sa espirituwal.—1Co 12:12-27.

Kasama sa mga nagpapakalat nito sina Himeneo at Fileto: Kasama sina Himeneo at Fileto sa mga apostata, at dapat iwasan ni Timoteo ang mga turo nila. Iniwan nila ang katotohanan at nasisira nila ang pananampalataya ng iba dahil sa maling mga turo nila, gaya ng pagsasabing nangyari na ang pagkabuhay-muli. (Tingnan ang study note sa 2Ti 2:18.) Nang isulat ni Pablo ang unang liham niya kay Timoteo, tinalikuran na ni Himeneo ang pananampalataya. Lumilitaw na itiniwalag na siya “bilang disiplina para matuto [siyang] huwag mamusong.” (Tingnan ang mga study note sa 1Ti 1:20.) Pero isang taon na ang nakakalipas o posibleng higit pa, hindi pa rin siya nagbabago.

sinasabi nilang nangyari na ang pagkabuhay-muli: Lumilitaw na may ilang huwad na mga guro sa Efeso, gaya nina Himeneo at Fileto, na nagtuturong binuhay nang muli sa makasagisag na paraan ang mga nakaalay na Kristiyano. Posible pa ngang pinipilipit ng ilan sa kanila ang sinabi ni Pablo para masuportahan ang maling paniniwala nila. Totoo, itinuro ni Pablo na kapag nabautismuhan ang isang makasalanan, namatay na siya sa dating paraan ng pamumuhay niya at para bang binuhay na siyang muli. Pero kahit totoo ang makasagisag na pagkabuhay-muli, may itinuturo pa rin ang Bibliya na literal na pagkabuhay-muli. Ang mga nagtuturo na “nangyari na” ang pagkabuhay-muli at walang literal na pagkabuhay-muli ay mga apostata.—Ro 6:2-4, 11; Efe 5:14; tingnan ang study note sa Efe 2:1.

sinisira nila ang pananampalataya: Mga 10 taon nang nilalabanan ni Pablo ang maling mga turo na kumokontra sa pag-asang pagkabuhay-muli. (1Co 15:2 at study note, 12; ihambing ang Gaw 17:32.) Ang mga nagsasabing hindi totoo ang pagkabuhay-muli at pagiging perpekto sa hinaharap, sa langit man o sa lupa, ay tuwirang sumasalungat sa Kasulatan. (Dan 12:13; Luc 23:43; 1Co 15:16-20, 42-44) Kung hahayaan ng mga Kristiyano na masira ng maling turo tungkol sa pagkabuhay-muli ang pananampalataya nila, mawawala ang pag-asa nilang mabuhay muli sa hinaharap.—Ju 5:28, 29.

matibay na pundasyon ng Diyos: Hindi sinabi ni Pablo kung ano ang tinutukoy niya ditong “matibay na pundasyon,” pero sa ibang mga liham niya, ginamit niya ang terminong “pundasyon” para tumukoy sa katatagan at pagkamaaasahan. Halimbawa, ikinumpara niya sa pundasyon ang papel ni Jesus sa layunin ni Jehova. (1Co 3:11) Sa Efe 2:20, may binanggit si Pablo na “pundasyon ng mga apostol at mga propeta.” At ganiyan din ang pagkakalarawan niya sa kongregasyong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Ti 3:15; tingnan din ang Heb 6:1.) Sa dalawang naunang talata (2Ti 2:17, 18), hinimok ni Pablo si Timoteo na labanan ang apostatang mga turo. Para patibayin si Timoteo na laging maaasahan at hindi nagbabago ang mga pamantayan, gawain, at katangian ni Jehova, ginamit ng apostol ang ekspresyong “nananatiling matatag ang matibay na pundasyon ng Diyos.”—Aw 33:11; Mal 3:6; San 1:17.

kung saan nakasulat: O “na may ganitong tatak.” Puwede itong tumukoy sa marka ng isang pantatak o sa isang inskripsiyon na indikasyon ng pagmamay-ari o pagiging tunay ng isang bagay. (Tingnan sa Glosari, “Pantatak; Tatak.”) Karaniwan lang noon na makakita ng inskripsiyon sa isang pundasyon o iba pang bahagi ng gusali na nagpapakilala sa nagtayo o sa may-ari nito o nagsasabi kung para saan ang gusaling ito. (Ihambing ang study note sa 2Co 1:22; Efe 1:13.) May binabanggit sa Apocalipsis na mga batong pundasyon kung saan nakasulat ang pangalan ng mga apostol. (Apo 21:14) May dalawang mahalagang ekspresyon sa “tatak” na binabanggit dito ni Pablo, gaya ng ipapaliwanag sa susunod na mga study note.

“Kilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya”: Nang sumipi si Pablo sa Bil 16:5, lumilitaw na ginamit niya ang ulat tungkol sa rebelyon nina Kora, Datan, at Abiram para tiyakin kay Timoteo na kilala ni Jehova kung sino ang mga nagrerebelde sa Kaniya. Kayang pigilan ni Jehova ang kasamaan nila, at siguradong gagawin niya iyon. Kung paanong pinigilan ni Jehova si Kora at ang mga tagasuporta niya daan-daang taon na ang nakalilipas, hindi rin niya hahayaan ang mga apostata noong unang siglo na hadlangan ang layunin niya. Pero gaya ng sabi ni Moises, alam din ni Jehova kung sino ang mga tapat sa Kaniya. Kilalang-kilala niya sila, at ipinapadama niya na sinasang-ayunan niya sila.—Tingnan ang mga study note sa Gal 4:9.

Jehova: Dito, sumipi si Pablo sa Bil 16:5 (salin ng Septuagint), kung saan sinabi ni Moises kay Kora at sa mga tagasuporta nito na “kilala [ni Jehova] kung sino ang sa kaniya.” Ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Kaya tama lang na gamitin sa mismong teksto ng saling ito ang pangalang Jehova.—Tingnan ang Ap. C1 at C2.

“Talikuran ng lahat ng tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kasamaan”: Makikita sa pagkakasulat ni Pablo na sinipi niya ang bahaging ito. Pero hindi makikita ang eksaktong pananalitang ito sa Hebreong Kasulatan. Kakasipi lang ni Pablo mula sa Bilang kabanata 16, kung saan mababasa ang ulat ng pagrerebelde ni Kora. Kaya posibleng ang sinipi niya ay ang sinabi ni Moises sa Bil 16:26. Kailangang magdesisyon agad ang mga tapat kay Jehova noong panahon ni Moises at humiwalay sa masasama. Kaya pinapatibay din ni Pablo si Timoteo at ang iba pang tapat na mga Kristiyano na layuan, o tanggihan, ang lahat ng uri ng kasamaan, kasama na ang mga binanggit ni Pablo sa konteksto—pag-aaway tungkol sa mga salita, “walang-saysay na mga usapan,” apostatang mga turo, at “walang-patutunguhan at walang-kabuluhang mga debate.”—2Ti 2:14, 16, 18, 23.

tumatawag sa pangalan ni Jehova: Ang bahaging ito ng sinabi ni Pablo ay posibleng galing sa salin ng Septuagint sa Isa 26:13. Ipinapakita sa orihinal na tekstong Hebreo na ang ‘pangalang’ ito ay tumutukoy sa pangalan ng Diyos.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Ti 2:19b.

sa isang malaking bahay ay may mga kagamitang: Inihalintulad ni Pablo sa “isang malaking bahay” ang kongregasyong Kristiyano at sa ‘kagamitan,’ o sisidlan, ang bawat miyembro ng kongregasyon. Ang salitang Griego para sa ‘kagamitan,’ o “sisidlan,” ay kadalasan nang ginagamit sa Kasulatan para tumukoy sa tao. (Gaw 9:15, tlb.; Ro 9:22 at study note; 1Te 4:4 at study note; 1Pe 3:7) Sa sumunod na mga talata (2Ti 2:21-26), ginamit ni Pablo ang ilustrasyong ito para himukin si Timoteo na iwasang maging malapít sa sinuman sa kongregasyon na masuwayin sa mga pamantayan ni Jehova.

magagamit siya: Tingnan ang study note sa 2Ti 2:20.

tumakas . . . itaguyod: Tingnan ang study note sa 1Ti 6:11.

pagnanasang karaniwan sa mga kabataan: Nang tanggapin ni Timoteo ang liham na ito, posibleng mahigit 30 anyos na siya. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:12.) Pero hinimok pa rin siya ni Pablo na “tumakas . . . mula sa mga pagnanasang karaniwan sa mga kabataan,” o magkaroon ng disiplina sa sarili para malabanan ang mga pagnanasang ito. (Ec 11:9, 10) Kasama dito ang imoral na seksuwal na pagnanasa. (Kaw 7:7-23; tingnan ang study note sa 1Co 6:18.) Puwede rin itong tumukoy sa pagiging sakim sa materyal na mga bagay at kapangyarihan, sa hilig na makipagkompetensiya, at sa sobra-sobrang pagpapalugod sa sarili.—Kaw 21:17; Luc 12:15; Gal 5:26; 1Ti 6:10; 2Ti 3:4; Heb 13:5.

itaguyod mo ang katuwiran: Tingnan ang study note sa 1Ti 6:11.

mga tumatawag sa Panginoon: Pinasigla ni Pablo si Timoteo na makipagsamahan sa mga kapananampalataya niyang sinasabi dito ni Pablo na “mga tumatawag sa Panginoon.” (Tingnan ang study note sa Ro 10:13.) Mabubuting kasama ang mga Kristiyanong ito dahil may malinis na puso sila. Malinis sila sa moral at espirituwal, dahil wala silang masamang motibo at buong puso silang naglilingkod kay Jehova. (Tingnan ang study note sa 1Ti 1:5.) Matutulungan nila si Timoteo na tumakas mula sa mga pagnanasang karaniwan sa mga kabataan at magkaroon ng mabubuting katangian.

Panginoon: Batay sa konteksto, lumilitaw na ang “Panginoon” dito ay tumutukoy sa Diyos na Jehova. (2Ti 2:19) Sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7, 8, 17, 22 sa Ap. C4), ginamit dito ang pangalan ng Diyos.

Iwasan mo rin ang walang-patutunguhan at walang-kabuluhang mga debate: Sa ikatlong pagkakataon, sinabihan ni Pablo si Timoteo sa liham na ito na paalalahanan ang mga Kristiyano sa Efeso na tigilan na ang pagtatalo tungkol sa mga haka-haka at kontrobersiyal na mga bagay. (2Ti 2:14 at study note, 16) May ganito ring isyu na binanggit si Pablo sa una niyang liham kay Timoteo.—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4; 6:20.

walang-kabuluhang: Inilarawan ni Pablo ang pagdedebate ng mga taga-Efeso na ‘walang kabuluhan,’ o sa mas literal na salin, “debate ng mga walang pinag-aralan.” Posibleng ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipahiwatig na kapag sumasali sa ganitong mga debate ang isang Kristiyano, para bang wala siyang alam sa pangunahing turo ng mga Kristiyano at daig pa siya ng bata. Maliwanag, hindi naipapakita ng ganitong mga Kristiyano ang pangunahing turo ni Kristo—ang pag-ibig.—Ju 13:34, 35.

alipin: Karaniwan na, ang terminong Griego na isinasaling “alipin” ay tumutukoy sa isang tao na pag-aari ng kapuwa niya. (Tit 1:1; San 1:1; tingnan ang study note sa Ro 1:1.) Ganito ang sabi ng isang reperensiya tungkol sa 2Ti 2:24: “Itinuturing na hamak ang isang alipin na pag-aari ng kapuwa niya, pero isang malaking karangalan na maging alipin ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa 1Te 1:9.

alipin ng Panginoon: Batay sa konteksto, lumilitaw na ang “Panginoon” dito ay tumutukoy sa Diyos na Jehova. (2Ti 2:19) Sa Hebreong Kasulatan, tinatawag ding lingkod, o alipin, ang mga mananamba ni Jehova. (Jos 1:1; 24:29; Huk 2:8; 2Ha 10:10; 18:12) Nagbigay si Pablo ng tagubilin kay Timoteo at sa iba pang tagapangasiwa kung paano aasikasuhin ang mga seryosong problema sa kongregasyon. Sa paggamit ni Pablo ng ekspresyong ito, ipinapaalala niya sa kanila na dapat silang sumunod sa mga tagubilin ng Diyos at na mananagot sila sa Kaniya sa paraan ng pakikitungo nila sa mga kapananampalataya nila. Ang mga katangiang binanggit dito ni Pablo ay kaugnay ng mga katangiang hinihiling sa mga tagapangasiwa na mababasa sa 1Ti 3:1-7 at Tit 1:5-9. Pero ang lahat ng Kristiyano ay “alipin ng Panginoon” at kailangan ding magpakita ng ganitong mga katangian.

makipag-away: Ang salitang Griego para sa “makipag-away” ay karaniwan nang tumutukoy sa pakikipagbugbugan (Gaw 7:26), pero sa ilang konteksto, puwede rin itong tumukoy sa pakikipagsagutan (Ju 6:52; San 4:1, 2). Dito, ipinapakita ni Pablo na hindi dapat sumali sa mga away o walang-patutunguhang mga debate ang isang “alipin ng Panginoon.” (2Ti 2:14, 16, 23) Sa halip, mas makakabuti kung tutularan niya ang pagiging mahinahon at mabait ng Panginoong Jesus.—Mat 11:29; 12:19.

mabait sa lahat: Pinasigla ni Pablo si Timoteo na maging mabait sa lahat, di-gaya ng palaaway na mga huwad na guro sa Efeso na nakakasira ng pagkakaisa. (2Ti 2:23) Ang ekspresyong Griegong ito ay puwede ring isaling “maingat sa pakikitungo sa lahat.” Natutong maging mabait si Pablo. Bago siya maging Kristiyano, hindi siya mabait o maingat sa pakikitungo, dahil napakasigasig niya sa pagtataguyod ng tradisyon ng Judaismo. Nilalait at pinagmamalupitan niya ang mga tagasunod ni Kristo. Pero naging mabait pa rin si Jesus sa kaniya. (Gaw 8:3; 9:1-6; Gal 1:13, 14; 1Ti 1:13) Natutuhan din ni Pablo na hindi isang kahinaan ang pagiging mabait. Kahit mabait siya, kaya niya pa ring magsalita nang deretsahan para ituwid ang mali. (1Co 15:34) Pero hindi siya masakit magsalita. Maingat siya sa pakikitungo sa mga kapananampalataya niya at mahal niya sila. (1Te 2:8) Sinikap niyang maging mapagmahal at mabait “gaya ng isang ina.” (Tingnan ang study note sa 1Te 2:7.) Gusto niyang tularan siya ni Timoteo na mabait “sa lahat,” pati na sa magugulo at masuwaying mga Kristiyano at sa mga mang-uusig sa labas ng kongregasyon. Dapat itaguyod ni Timoteo ang pagkakaisa at pag-ibig, hindi ang pag-aaway at pagkakabaha-bahagi.—2Ti 2:23, 25.

kuwalipikadong magturo: Ginamit ni Pablo ang salitang Griego para sa “kuwalipikadong magturo” nang banggitin niya ang mga kahilingan para sa mga tagapangasiwang Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.) Kailangan ni Timoteo na maging kuwalipikado, o mahusay, hindi lang kapag nagtuturo, kundi kapag nag-aasikaso din ng seryosong mga problema sa kongregasyon. Pero ang ekspresyong “alipin ng Panginoon” na ginamit ni Pablo ay hindi lang para sa matatandang lalaki; kailangang maging mahusay na guro ng lahat ng tunay na Kristiyano.—Ihambing ang Heb 5:12.

nagpipigil kapag nagawan ng mali: Salin ito ng salitang tambalan sa Griego na nangangahulugang “pagtitiis sa kasamaan” nang walang hinanakit. Dapat na tiisin ng isang “alipin ng Panginoon” ang masamang pagtrato sa kaniya at pigilan ang sarili na gumanti. (Ro 12:17) Kinailangan ni Timoteo ang katangiang ito nang pakitunguhan siya nang masama ng mga kapananampalataya niya. Nang maglaon, sinabi ni Pablo na dapat asahan ng lahat ng Kristiyano na pag-uusigin sila. (2Ti 3:12) Kaya naman, kakailanganin ng lahat na matutuhang ‘magpigil kapag nagawan ng mali.’—Tingnan ang study note sa Mat 5:39.

mahinahong nagtuturo: Sa kontekstong ito, ang salita na isinaling “nagtuturo” ay puwedeng mangahulugang “nagtutuwid; pumapatnubay.” Ayon sa isang reperensiya, nangangahulugan itong pagtulong sa kapuwa na matutong gumawa ng tamang mga desisyon. Dapat itong gawin ng isang “alipin ng Panginoon” nang may ‘kahinahunan,’ o kapakumbabaan at kaamuan. Sa gayon, maipapakita niyang “mabait [siya] sa lahat.”—2Ti 2:24 at study note; tingnan din ang study note sa Gal 5:23.

mga rebelyoso: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na ginamit ni Pablo ay tumutukoy sa mga taong ayaw sumunod sa turo ng mga Kristiyano o kumokontra pa nga dito. Posibleng nasa isip din dito ni Pablo ang ilan sa kongregasyon sa Efeso na ayaw sumunod sa makakasulatang mga payo o sa tagubilin ng mga lalaking nangunguna sa kongregasyon.

Baka sakaling bigyan sila ng pagkakataon ng Diyos na magsisi: Kapag mahinahong itinutuwid o tinuturuan ng isang tagapangasiwa ang “mga rebelyoso,” puwede silang maakay sa pagsisisi, o “pagbabago ng isip.” (Tingnan sa Glosari, “Pagsisisi.”) Pero kung magsisi man ang isang Kristiyano, hindi ito dahil sa sinumang tao, kundi dahil kay Jehova, na tumulong sa kaniya na magbago. Binanggit din ni Pablo ang ilan sa magagandang resulta ng pagsisisi ng isang makasalanan—mas lumalalim ang pagkaunawa niya sa katotohanan, bumabalik ang katinuan ng kaniyang isip, at makakatakas siya sa bitag ni Satanas.—2Ti 2:26.

makatakas sa bitag ng Diyablo: Ipinahiwatig ni Pablo na may ilan sa kongregasyon na nahulog sa “bitag ng Diyablo.” Lumilitaw na nabiktima sila ng Diyablo at napalayo sa katotohanan dahil nakinig sila sa mga panlilinlang nito. (2Ti 2:18, 23, 25) Ipinapahiwatig ng ekspresyong “nahuli na niya silang buháy at puwede na niyang magamit para gawin ang kagustuhan niya” na gumamit ang Diyablo ng mga kasinungalingan para mabitag sila nang hindi nila namamalayan. Hindi sila pinatay ni Satanas, kundi ginamit sila para gawin ang kagustuhan niya. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na “mahinahong” turuan ang mga kapananampalataya niyang nabitag para “matauhan sila” (lit., “mahimasmasan”; tingnan ang study note sa 1Co 15:34). Kapag nagsisi sila, makakalaya sila sa bitag ng Diyablo.

Media