Ikalawang Liham kay Timoteo 3:1-17
Study Notes
sa mga huling araw: Nasa anyong panghinaharap ang pandiwang ginamit ni Pablo nang sabihin niyang “sa mga huling araw, magiging mapanganib . . . ang kalagayan.” (Tingnan din ang 2Ti 3:2, 13.) Kaya ang panahong tinutukoy niya noon ay paparating pa lang—ang “mga huling araw” ng sistemang umiiral sa panahon ng di-nakikitang presensiya ni Jesus. (Tingnan sa Glosari, “Huling araw, mga.”) Darating ang “mga huling araw” na ito kapag nangyari na ang inihulang apostasya at kapag naisiwalat na ang “napakasamang tao,” gaya ng binabanggit sa 2Te 2:3-12. (Tingnan ang study note sa 2Te 2:3; 1Ti 4:1.) Pagkatapos, binanggit ni Pablo ang masasamang katangian na mangingibabaw sa mga tao sa panahong iyon. (2Ti 3:1-5; tingnan ang study note sa 2Ti 3:5.) Ang isang dahilan ng pagsamâ ng ugali ng mga tao ay ang paglaganap ng apostasya.
mapanganib at mahirap ang kalagayan: Ang ekspresyong ito ay salin ng dalawang terminong Griego na ginamit ni Pablo para ilarawan ang napakahirap na panahong tinawag niyang “mga huling araw.” Ang salitang Griego na kai·rosʹ ay madalas tumukoy sa isang espesipikong yugto ng panahon at puwede ring isaling “takdang panahon.” (Tingnan ang study note sa Gaw 1:7.) Idinugtong dito ni Pablo ang salitang Griego na kha·le·posʹ, na isinalin ditong “mahirap.” Ayon sa ilang diksyunaryo, nangangahulugan itong “delikado” o “nakaka-stress.” Sa Mat 8:28, isinalin ang salitang ito na “napakabangis” para ilarawan ang dalawang lalaking sinasaniban ng demonyo. Nagbabala si Pablo na dahil sa masasamang ugali ng mga tao (2Ti 3:2-5, 13), ang kalagayan sa “mga huling araw” ay magiging “mapanganib at mahirap,” o “nakaka-stress,” gaya ng sinasabi ng ibang reperensiya.
Dahil ang mga tao ay magiging: Bumanggit si Pablo ng mga 20 masasamang ugali na makikita sa mga tao sa “mga huling araw.” Nang isulat ito ni Pablo, lilipas pa ang mahabang panahon bago ito dumating. (2Ti 3:1 at study note) Hindi naman sinasabi ni Pablo na walang ganitong masasamang ugali noong panahon niya. Ang totoo, pinayuhan niya pa nga si Timoteo na “layuan” ang mga taong may ganitong ugali, kaya maliwanag na problema na rin ito noon. (Tingnan ang study note sa 2Ti 3:5; ihambing ang Mar 7:21, 22.) Pero sinasabi niya na darating ang panahon na mangingibabaw ang mga ugaling ito sa mga tao.
maibigin sa pera: Tingnan ang study note sa 1Ti 6:10.
mayabang, mapagmataas: Gustong-gustong ipagsabi ng mayabang ang mga abilidad niya, katangian, at kayamanan, at kadalasan nang sobra ito sa kung ano lang ang totoo. Iniisip naman ng mapagmataas na nakahihigit siya sa iba. Halos magkasingkahulugan ang mga salitang ito, pero ang ‘pagyayabang’ ay mas nauugnay sa pagsasalita, at ang ‘pagmamataas’ naman ay mas nauugnay sa isip at damdamin.
mamumusong: O “nagsasalita ng mapang-abuso.” Gumamit dito si Pablo ng salitang Griego (blaʹsphe·mos) na tumutukoy sa mga taong nagsasalita ng “mapamusong, mapanira, at mapang-insulto.” Sa “mga huling araw,” maraming tao ang magsasalita ng mapang-abuso laban sa Diyos at sa kapuwa nila.—2Ti 3:1.
masuwayin sa magulang: Daan-daang taon bago ang panahon ng mga Kristiyano, iniutos sa Kautusang Mosaiko na parangalan ng mga anak ang mga magulang nila. (Exo 20:12; Mat 15:4) Sa kongregasyong Kristiyano, tinuturuan din ang mga anak na sundin at igalang ang kanilang mga magulang. (Efe 6:1, 2) Kahit sa mga Griego at Romano noon, na hindi sumasamba kay Jehova, maling-mali at hindi normal sa mga bata na magrebelde sa mga magulang nila. (Ro 2:14, 15) Halimbawa, sa Gresya, maiwawala ng isang tao ang karapatan niya bilang mamamayan kapag sinaktan niya ang magulang niya. Sa batas naman ng Roma, itinuturing na kasimbigat ng pagpatay ang pananakit sa ama. Pero inihula dito ni Pablo na darating ang panahon, magiging karaniwan na lang ang pagsuway sa magulang. Ayon sa isang reperensiya, “tanda ito ng nabubulok na lipunan.”
walang utang na loob: Baka isipin ng ilan na talagang karapat-dapat sila sa kung anuman ang natatanggap nila mula sa kanilang magulang, sa ibang tao, o maging sa Diyos. (Luc 6:35) Ang ganitong saloobin ay indikasyon ng pagiging makasarili.
di-tapat: O “walang tapat na pag-ibig.” (Tingnan din ang 1Ti 1:9, tlb.) Puwedeng mangahulugan ang salitang Griego na ginamit dito ng pagiging di-tapat sa tao at sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng terminong ito at puwede ring tumukoy sa pagiging “di-banal; walang galang.” Kaya puwedeng tumukoy ang salitang ito sa mga taong walang galang sa banal na mga bagay, o gaya ng sinabi ng isang diksyunaryo, “walang itinuturing na banal.” Binabale-wala ng isang di-tapat na tao ang kahalagahan ng pagiging tapat at ang pagganap ng kaniyang pananagutan sa kapuwa niya at kahit sa Diyos.
walang likas na pagmamahal: Tingnan ang study note sa Ro 1:31.
ayaw makipagkasundo: Inihula rito ni Pablo ang panahon kung kailan ang mga tao ay ayaw makipagtulungan para masolusyunan ang isang problema o maayos ang di-pagkakasundo. Ang salitang Griego na ito ay puwedeng literal na isaling “walang kasunduan.” Karaniwang ginagamit noon ang terminong ito para sa mga bansang hindi magkasundo. Puwede rin itong gamitin sa mga taong hindi magkaayos. Sa ibang salin, ginamit ang “ayaw makipag-ayos” o “ayaw makipagtulungan” para ipanumbas sa salitang ito. Ganito ang sinabi ng isang reperensiya: “Ipinapahiwatig ng salitang ito na malupit at sarado ang isip ng isang tao at hindi nawawala ang galit niya kaya nailalayo siya nito sa kaniyang kapuwa.”
maninirang-puri: Sa Bibliya, ang salitang Griego para sa “maninirang-puri” (di·aʹbo·los) ay pinakamadalas na isinasaling “Diyablo” bilang titulo ni Satanas, ang pinakamasamang maninirang-puri ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mat 4:1 at Glosari, “Diyablo.”) Pero sa ilang pagkakataon, ang terminong ito ay tumutukoy lang sa katangian at isinasaling “maninirang-puri” o “naninirang-puri.” (1Ti 3:11; Tit 2:3) Sa hula ni Pablo tungkol sa “mga huling araw” (2Ti 3:1), ginamit niya ang salitang ito para tumukoy sa mga taong gustong sirain ang reputasyon ng kapuwa niya o ng Diyos sa pamamagitan ng maling mga akusasyon o iba pang kasinungalingan.—Tingnan ang study note sa Ju 6:70, kung saan ginamit ang terminong ito para kay Hudas Iscariote.
walang pagpipigil sa sarili: Madaling magalit o mahulog sa imoralidad at iba pang makasariling pagnanasa ang isang tao na walang pagpipigil sa sarili. Ang mga tao sa mga huling araw ay “makasarili” at “maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos,” at isang dahilan ito kung bakit wala silang pagpipigil sa sarili. (2Ti 3:2, 4) Pag-ibig sa Diyos ang pangunahing nag-uudyok sa mga tao na huwag magpadala sa tukso, pero wala nito ang karamihan. Wala rin sa kanila ang espiritu ng Diyos, na tumutulong sa kanilang makapagpakita ng pagpipigil sa sarili. Sa Mat 23:25, ang pangngalang Griego na kaugnay ng ekspresyon para sa “walang pagpipigil sa sarili” ay isinaling “pagpapakasasa.”—Para sa paliwanag sa ekspresyong “pagpipigil sa sarili,” tingnan ang study note sa Gal 5:23.
mabangis: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay literal na nangangahulugang “hindi mapaamo.” Puwede rin itong isaling “brutal; malupit; mabagsik,” at nagpapahiwatig ito ng “pagiging walang puso.” (Ihambing ang Mat 24:12.) Noong panahon ni Pablo, madalas gamitin ang terminong ito para sa mababangis na hayop at tao.
napopoot sa kabutihan: Ang ekspresyong ito ay salin ng salitang Griego na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Malawak ang kahulugan nito at puwede ring tumukoy sa mga napopoot sa mabubuting tao. Puwede rin itong tumukoy sa mga walang interes na gumawa ng mabubuting bagay para sa iba. Imposibleng mahalin ng ganitong mga tao si Jehova, dahil ang Diyos ang mabuti sa sukdulang diwa.—Tingnan ang study note sa Mar 10:18.
taksil: Ang pangngalang Griego para dito ay ginamit din para kay Hudas Iscariote sa Luc 6:16, kung saan isinalin itong “traidor.”—Tingnan din ang Gaw 7:52.
matigas ang ulo: Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na literal na nangangahulugang “nasusubsob.” Inilalarawan nito ang mga taong itinutuloy pa rin ang gusto nilang gawin kahit na binabalaan na sila at alam nilang masama ang puwedeng maging resulta ng gagawin nila. Puwede ring isalin ang salitang Griegong ito na “padalos-dalos.” Ayon sa isang reperensiya, ang matitigas ang ulo o mga padalos-dalos kumilos ay “walang pakialam sa anumang puwedeng mangyari kahit pa mapinsala o masaktan ang kapuwa nila.” Ganito naman ang sinabi ng isa pang reperensiya: “Walang makakapigil sa matigas ang ulo na makuha ang gusto niya.” Dalawang beses lang lumitaw ang salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa Gaw 19:36, kung saan binabalaan ng tagapagtala ng lunsod ang galít na mga tao sa Efeso na “huwag . . . magpadalos-dalos.”
mapagmalaki: Ang pandiwang Griego na ginamit dito (ty·phoʹo·mai) ay kaugnay ng salita para sa “usok.” Puwede itong tumukoy sa isang tao na napapalibutan ng makapal na usok at hindi na makakita dahil dito. Tatlong beses na lumitaw ang terminong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at lumilitaw na lagi itong tumutukoy sa isang tao na nabubulagan, o hindi na nakakaintindi, dahil sa pagiging mapagmalaki. (1Ti 3:6; 6:4; 2Ti 3:4) Sa ibang Bibliya, isinalin itong “hangang-hanga sa sarili” o “malaki ang ulo.” Ayon sa isang reperensiya, tinutukoy ng salitang ito ang “mga taong nag-iisip na sila lang ang laging magaling.” Ito rin ang salitang ginamit ng Judiong manunulat na si Josephus nang ilarawan niya ang ilang awtor na Griego na mababa ang tingin sa mga Judio at naninira sa mga ito.
maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos: Hindi sinasabi dito ni Pablo na mas iibigin ng mga tao ang kaluguran kaysa sa Diyos, kundi iibigin nila ang kaluguran imbes na ang Diyos. Hindi sinasabi ng Bibliya na maling maging masaya ang mga tao, pero nagbababala ito laban sa pagpopokus sa kaluguran imbes na sa pagpapatibay sa kaugnayan sa Diyos.—Ihambing ang Luc 12:19-21; 1Ju 2:15.
mukhang makadiyos: Sinabi ni Pablo na sa “mga huling araw,” marami ang ‘magmumukhang’ makadiyos; ibig sabihin, pakitang-tao lang ang pagsamba nila. (2Ti 3:1) Ganito ang pinalitaw na ideya sa ilang salin ng Bibliya: “Gusto nilang relihiyoso ang tingin sa kanila ng iba” o “Magmumukha silang relihiyoso.” Kahit na sinasabi ng mga tao na sinasamba nila ang Diyos, kitang-kita naman sa masama nilang ginagawa o sa sobrang pagmamahal nila sa sarili, pera, o sa kaluguran na hindi totoo ang sinasabi nila.—2Ti 3:2-4.
iba naman ang paraan ng pamumuhay: Kayang magbago ng isang tao kung totoo siyang makadiyos. (Efe 4:22-24; Col 3:10) Pero kung nagkukunwari lang ang isa na naglilingkod sa Diyos, tinatanggihan niya, o binabale-wala pa nga, ang tulong ng Diyos. Hindi niya hinahayaang baguhin siya ng makadiyos na debosyon. (Ihambing ang Jud 4.) At dahil hindi totoo ang pananampalataya niya, hindi ito nakikita sa kaniyang ginagawa.—San 2:18-26.
Layuan mo sila: Kababanggit lang ni Pablo sa hula niya kung gaano kasama ang magiging ugali ng mga tao “sa mga huling araw”; pero alam niyang kahit sa panahon niya, may mga taong ganiyan na rin ang ugali. (Tingnan ang study note sa 2Ti 3:1, 2.) Sa pandiwang ginamit dito ni Pablo, parang sinasabi niya na lumayo sa mga taong binanggit niya dahil napakamapanganib nila. Maliwanag na idiniriin niya na kailangan ng mga Kristiyano na iwasan hangga’t posible ang mga taong may mga ganitong katangian. Siyempre magiging mabait pa rin ang mga Kristiyano sa pakikitungo sa mga taong iyon, pero hindi sila makikipagkaibigan sa mga iyon.—Tingnan ang study note sa 2Ti 2:24.
pumapasok sa mga sambahayan sa tusong paraan: Kasama ang masasamang taong ito sa mga “mukhang makadiyos pero iba naman ang paraan ng pamumuhay.” (2Ti 3:5) Ipinapahiwatig ng pandiwang Griego na isinaling “pumapasok . . . sa tusong paraan” na mapagpanggap at manloloko ang mga taong ito. Puwede rin itong isaling “nakakalusot.” Posibleng tinutukso ng mga lalaking ito ang ‘mahihinang babae’ na gumawa ng imoralidad.
mahina at makasalanang mga babae: Tinutukoy dito ni Pablo ang ilang babae sa kongregasyon na mahina ang espirituwalidad; hindi sila napopoot sa masama. Kaya nagpapadala sila sa iba’t ibang pagnanasa, o posibleng matindi ang kanilang makasalanang pagnanasa. Madaling mamanipula o maimpluwensiyahan ng masasamang lalaki ang ganitong mga babae. Posibleng nililinlang sila ng mga lalaking ito para isiping mapapatawad sila ng maawaing Diyos kahit na magkasala sila.—Jud 4.
laging nag-aaral: Kahit na nag-aaral ang mga babaeng tinutukoy dito ni Pablo, hindi sila nagsisikap na lubusang makuha ang “tumpak na kaalaman sa katotohanan.” Hindi lang basta impormasyon ang taglay ng mga Kristiyanong may “tumpak na kaalaman.” (Tingnan ang study note sa Efe 4:13.) Sumusulong sila at nagkakaroon ng kaisipang gaya ng kay Jehova at lubusang sumusunod sa matuwid na mga pamantayan niya.—Efe 3:17-19; Col 1:9, 10; 2:6, 7.
Janes at Jambres: Hindi makikita sa Hebreong Kasulatan ang pangalan ng dalawang lalaking ito na nabuhay noong panahon ni Moises, pero sa patnubay ng banal na espiritu, binanggit ni Pablo ang pangalan nila. (2Ti 3:16) Malamang na mataas ang katungkulan ng mga lalaking ito sa palasyo ng Paraon sa Ehipto, at posibleng pinuno ang mga ito ng mga mahikong saserdote na kumalaban kay Moises. (Exo 7:11, 22; 8:7, 18, 19; 9:11) Makikita din ang pangalan nila sa mga sinaunang akdang Judio, na ang ilan ay lumilitaw na mula pa noong unang siglo B.C.E. May ilang di-Judiong manunulat noong una at ikalawang siglo C.E. na bumanggit din sa mga lalaking ito. Binanggit ni Pablo ang mga lalaking ito para patibayin si Timoteo na hindi magtatagumpay ang huwad na mga guro sa Efeso.
wala na silang ibang magagawa: Binabalaan ni Pablo ang mga tagapangasiwa sa Efeso na magkakaroon ng huwad na mga guro. (Gaw 20:29, 30) Sa unang tingin, para bang nagtatagumpay ang masasamang lalaking ito sa pag-impluwensiya at pagsira sa pagkakaisa ng kongregasyon. At siguradong nabahala ang tapat na mga Kristiyano dahil doon. Pero tiniyak ni Pablo kay Timoteo na “wala na silang ibang magagawa.” Ikinumpara niya ang huwad na mga gurong iyon kina Janes at Jambres, na kumalaban kay Moises at posibleng pinuno ng mga mahikong saserdote sa Ehipto. (Tingnan ang study note sa 2Ti 3:8.) Makikita sa ulat nito sa Exodo na kahit nagaya ng mga mahikong saserdote ang unang dalawang himala ni Moises, hindi nila iyon naipagpatuloy. Mula sa ikatlong salot, wala na silang kakayahang gayahin ang mga himala ni Jehova o protektahan man lang ang sarili nila.—Exo 8:16-19; 9:10, 11.
malinaw na makikita ng lahat ang kamangmangan nila: Pinatibay ni Pablo si Timoteo na malalaman ng buong kongregasyon na mangmang ang huwad na mga guro. Magiging kagaya sila nina Janes at Jambres, ang dalawang lalaking kababanggit lang ni Pablo. Nakita ng lahat noon na mangmang ang mga lalaking ito dahil kinalaban nila si Jehova.
Pero ikaw, talagang binigyang-pansin mo: Idiniriin dito ni Pablo ang kaibahan ni Timoteo sa huwad na mga guro. Sa loob ng 14 na taon o higit pa, natuto si Timoteo kay Pablo at natularan niya ito sa maraming bagay—sa pagtuturo, paraan ng pamumuhay (o paggawi), pagiging pokus sa atas, pagkakaroon ng matibay at di-natitinag na pananampalataya, at sa pagiging mapagpasensiya, mapagmahal, at matiisin. Hindi nagyayabang si Pablo nang sabihin niyang dapat tularan ang halimbawa niya. Sinasabi lang niya ang totoo, at ginabayan siya ng espiritu para isulat ito. Tinularan niya si Kristo, kaya karapat-dapat lang siyang tularan.—Ihambing ang 1Co 11:1; Fil 3:17; Heb 13:7.
sa Antioquia, Iconio, at Listra: Noong unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, naranasan nila ni Bernabe na itapon sa labas ng Antioquia sa Pisidia. Pinagbantaan din sila sa Iconio na pagbababatuhin. Sa Listra, talagang pinagbabato si Pablo at halos mamatay siya. (Gaw 13:14, 50; 14:1-5, 8, 19) Tinulungan siya ng isang grupo ng mga alagad, at posibleng kasama dito si Timoteo, na lumilitaw na taga-Listra. (Gaw 14:20; 16:1) “Talagang binigyang-pansin” ni Timoteo ang katapatan at pagtitiis ni Pablo, kaya siguradong alam niya ang “pag-uusig at paghihirap na dinanas” ni Pablo sa tatlong lunsod na nabanggit. (2Ti 3:10) Binanggit ni Pablo kay Timoteo ang mga karanasang iyon para patibayin siya na makakayanan niya rin ang mga pag-uusig na mapapaharap sa kaniya.—2Ti 3:12.
iniligtas ako ng Panginoon mula sa lahat ng iyon: Madalas banggitin ni Pablo na kailangan siyang iligtas, at sinasabi niyang ang Diyos na Jehova (2Co 1:8-10) at si Jesu-Kristo (1Te 1:10) ang nagliligtas sa kaniya. Kaya sa kontekstong ito, ang “Panginoon” ay puwedeng tumukoy kay Jehova o kay Jesus. Sinasabi ng ilan na kinuha ni Pablo ang pananalitang ito sa Aw 34:19.
lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon: Posibleng ang salitang Griego na isinalin ditong ‘gusto’ ay hindi lang basta tumutukoy sa kagustuhan; ang anyo ng pandiwang ginamit dito ay nagpapahiwatig ng di-nagbabagong determinasyon. Ganito ang sinabi ng isang reperensiya tungkol sa epekto ng pagiging determinado na mamuhay nang may “makadiyos na debosyon”: “Kapag naiiba ka sa mga tao at iba ang mga pamantayan mo at tunguhin, lagi kang manganganib.” (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Ipinapakita dito ni Pablo na ang mga may makadiyos na debosyon ay siguradong pag-uusigin. (Gen 3:15; Apo 12:9, 17) Napaharap si Kristo sa mga panganib at pag-uusig. Naranasan din iyan nina Pablo at Timoteo, kaya mararanasan din ito ng lahat ng tunay na Kristiyano.—Ju 15:20; Gaw 17:3; Fil 3:10; 2Ti 2:3.
masasamang tao at mga impostor: Dito, posibleng kasama sa “masasamang tao” ang mga nagpapakita ng masasamang ugali na binanggit sa 2Ti 3:2-5. Pero malamang na itinatago ng mga “impostor” ang kasamaan nila at nagpapanggap silang matuwid. Isang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na isinaling “impostor.” Karaniwang tumutukoy noon ang terminong ito sa mga mangkukulam at salamangkero. Dahil alam ng mga tao na nagpapanggap lang ang mga ito, ginamit na rin ang salitang ito para tumukoy sa mga manggagantso o impostor, gaya sa talatang ito. May mga impostor na “maililigaw,” posibleng dahil pinaniniwalaan na rin nila ang sarili nilang mga kasinungalingan.
patuloy mong sundin ang mga bagay na natutuhan mo: Kailangang manindigan ni Timoteo sa katotohanan, di-gaya ng “masasamang tao” na kababanggit lang ni Pablo. (2Ti 3:13) Nahikayat si Timoteo na paniwalaan ang mga katotohanang itinuro sa kaniya. Ang pananalitang ito ay salin ng salitang Griego na nangangahulugang lubusang kumbinsido. Pinag-isipang mabuti ni Timoteo ang itinuro sa kaniya ng nanay niya, lola niya, ni Pablo, at ng iba pa. Kaya kumbinsido siya na ang mga natutuhan niya ay makakasulatan, tumpak, at mapananaligan. Wala siyang dahilan para iwan ang mga turong napatunayan niyang totoo.—Ro 12:1, 2.
alam mo kung kanino mo natutuhan ang mga ito: Natutuhan ni Timoteo ang Hebreong Kasulatan mula sa nanay niyang si Eunice at lolang si Loida. (Tingnan ang mga study note sa 2Ti 1:5.) Pero noong Kristiyano na siya, marami siyang natutuhan mula kay Pablo at sa iba pang kapananampalataya niya.—Gaw 16:1, 2; 1Co 4:17; 2Ti 2:2; tingnan ang study note sa 2Ti 1:13.
mula pa noong sanggol ka ay alam mo na ang banal na mga kasulatan: Batang-bata pa si Timoteo nang ituro sa kaniya ng nanay niyang si Eunice—at posibleng pati ng lola niyang si Loida—ang “banal na mga kasulatan” ng mga Judio, o ang Hebreong Kasulatan. (2Ti 1:5; 3:14; tingnan ang study note sa Ro 1:2.) Ang salitang Griego na breʹphos, na isinalin ditong “sanggol,” ay puwedeng tumukoy sa napakaliit na mga bata, bagong-silang na sanggol, o kahit nga sa mga nasa sinapupunan pa. (Luc 1:41; 2:12; Gaw 7:19; 1Pe 2:2; tingnan ang study note sa Luc 18:15.) Dahil bata pa si Timoteo nang matutuhan niya ang Hebreong Kasulatan, nagkaroon siya ng matibay na pundasyon sa kaniyang lumalagong pananampalataya. Noong malaki-laki na siya, natutuhan nila ng nanay at lola niya na puwede silang “maligtas . . . sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus,” at naging Kristiyano sila. Sa paglipas ng panahon, patuloy pa siyang sumulong.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:1; tingnan din ang Fil 2:19-22.
Ang buong Kasulatan: Malawak ang kahulugan ng ekspresyong ito at siguradong kasama dito ang buong Hebreong Kasulatan. (Luc 24:44 at study note) Alam na alam ni Timoteo ang “banal na mga kasulatan” na iyon. (2Ti 3:15 at study note) Lumilitaw na itinuturing din ng unang-siglong mga Kristiyano na kasama sa Kasulatan ang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na naisulat na nang panahong iyon. Halimbawa, nang isulat ni Pedro ang ikalawang liham niya noong mga 64 C.E. (posibleng ilang panahon lang bago isulat ni Pablo ang liham niyang ito kay Timoteo), ipinahiwatig niya na bahagi ng “Kasulatan” ang ilan sa mga isinulat ni Pablo. (2Pe 3:16; tingnan din ang study note sa 1Co 12:10; 1Ti 5:18.) Nang sabihin ni Pablo na “ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos,” ipinapaalala niya kay Timoteo at sa lahat ng Kristiyano na magtiwala sa karunungan na nasa Salita ng Diyos at umasa dito sa lahat ng gagawin nila.
mula sa Diyos: Ang ekspresyong ito ay salin ng tambalang salitang Griego na the·oʹpneu·stos. Kombinasyon ito ng mga salitang the·osʹ (diyos) at pneʹo (hingahan; hipan), kaya literal itong nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” Ang pandiwang Griego na pneʹo ay kaugnay ng pneuʹma, na kadalasan nang isinasaling “espiritu.” (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Ginamit ng Diyos ang kaniyang espiritu, o aktibong puwersa, para gabayan ang ilang tapat na lalaki sa pagsulat ng Salita niya. Pinatunayan ito ni Jesus nang sumipi siya sa Awit at sabihing isinulat ito ni David “udyok ng banal na espiritu.” (Mat 22:43, 44; Aw 110:1) “Sa pamamagitan ng banal na espiritu” naman ang mababasa sa katulad na ulat sa Mar 12:36. Sinabi rin ni Pedro na may mga taong “nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2Pe 1:21) Sa Hebreong Kasulatan, ito rin ang punto ni Haring David nang sabihin niya: “Ang espiritu ni Jehova ay nagsalita sa pamamagitan ko.” (2Sa 23:2) Kapansin-pansin na ganito ang pagkakasalin sa Hebreo ng isang Bibliya mula noong ika-19 na siglo (may code na J17 sa Ap. C4) sa unang bahagi ng 2Ti 3:16: “Ang buong Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos.”—Tingnan sa Glosari, “Kanon (kanon ng Bibliya).”
kapaki-pakinabang: Ipinaliwanag ni Pablo na ang Salita ng Diyos ay kapaki-pakinabang (o “nakakatulong”) sa maraming bagay. Dahil tagapangasiwa si Timoteo, responsibilidad niya na gamitin nang mahusay ang Salita ng Diyos para tulungan ang mga tao, sa loob man o labas ng kongregasyon. (2Ti 2:15) Gayundin, kailangan ng lahat ng Kristiyano na gamitin ang Salita ng Diyos para ituwid ang kanilang kaisipan at paggawi at maiayon ito sa kalooban ng Diyos.
pagtuturo: Tumutukoy sa pagtuturo ng katotohanan at tamang paggawi.—Tit 1:9.
pagsaway: Responsibilidad ng mga tagapangasiwang Kristiyano na sawayin ang “mga namimihasa sa kasalanan.” (1Ti 5:20 at study note; Tit 1:13) Gamit ang Kasulatan, matiyagang ipapaunawa sa kanila ng mga tagapangasiwa na lumilihis na sila sa mga prinsipyo sa Bibliya at tutulungan silang magbago. (Gal 6:1; 2Ti 4:2) Magagamit din ng mga Kristiyano ang Kasulatan para ituwid ang kanilang sarili.
pagtutuwid: Ang salitang Griego na ginamit dito ay nangangahulugan ng pagbabalik ng kung ano ang tama o pag-aayos ng may diperensiya.
pagdidisiplina ayon sa katuwiran: Magagamit ang Salita ng Diyos sa pagdidisiplina, o pagsasanay, na ayon sa pamantayan ng Diyos ng tama at mali.—Heb 12:11; tingnan sa Glosari, “Katuwiran.”
lingkod ng Diyos: Ang salitang Griego na isinalin ditong “lingkod” (anʹthro·pos) ay tumutukoy sa mga lalaki at babae. Kaya kahit na ang tagapangasiwang si Timoteo ang kausap dito ni Pablo, posibleng nasa isip niya rin ang lahat ng Kristiyanong lalaki o babae na lubusang nakaalay sa Diyos na Jehova. Kaya sa ilang salin, ang mababasa ay “taong pag-aari ng Diyos” o “taong nakaalay sa Diyos.” Gaya ng sinabi sa naunang talata, kailangan na laging pag-aralan ng “lingkod ng Diyos” ang Kasulatan at mamuhay ayon dito.—Tingnan ang study note sa 1Ti 6:11.
handang-handa: Ang salitang Griego na isinaling “handang-handa” ay literal na nangangahulugang “kumpleto sa mga bagay na kailangan.” Halimbawa, ginagamit noon ang salitang ito para tumukoy sa isang bangka na kumpleto sa mga bagay na kailangan para sa paglalayag. Sa katulad na paraan, inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita ang kaalaman at karunungan na kailangan ng mga Kristiyano para magawa ang tama; handang-handa sila para gawin ang iniatas ng Diyos.