Ikalawang Liham kay Timoteo 4:1-22
Study Notes
kaniyang pagkakahayag: Sa kontekstong ito, ang “pagkakahayag” ni Kristo ay tumutukoy sa isang pangyayari sa hinaharap kung kailan malinaw na makikita ang kaluwalhatian niya bilang hari sa langit. Sa panahong ito, ilalapat niya ang mga hatol ng Diyos sa mga tao.—Dan 2:44; 7:13, 14; tingnan din ang study note sa 1Ti 6:14.
Kristo Jesus, na hahatol sa mga buháy at mga patay: Sinasabi sa Hebreong Kasulatan na ang Diyos na Jehova ang “Hukom ng buong lupa.” (Gen 18:25) At sinasabi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na si Jehova ang “Hukom ng lahat.” (Heb 12:23) Pero inihula sa Hebreong Kasulatan na maglilingkod din bilang hukom ang Mesiyas. (Isa 11:3-5) Kaayon ng ganitong mga hula ang sinabi ni Jesus na “ipinagkatiwala [ng Ama] sa Anak ang lahat ng paghatol.” (Ju 5:22, 27) Sinasabi rin sa Bibliya na si Jesus ay “inatasan ng Diyos para maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.”—Gaw 10:42; 17:31; 1Pe 4:5; tingnan din ang study note sa 2Co 5:10.
inuutusan kita: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para idiin kay Timoteo kung gaano kaseryoso ang sasabihin niya. (Tingnan ang study note sa 1Ti 5:21, kung saan ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito.) Marami nang ginawa sina Pablo at Timoteo para patibayin ang mga kongregasyon at protektahan ang mga ito sa impluwensiya ng huwad na mga guro. At dahil alam ni Pablo na malapit na siyang mamatay (2Ti 4:6-8), gusto niyang seryosohin ni Timoteo ang mga tagubiling ibibigay niya (2Ti 4:2-5).
Ipangaral mo ang salita ng Diyos: Ipinapahiwatig ng konteksto na ang pangunahing tinutukoy dito ni Pablo ay ang pangangaral, o pagtuturo, sa loob ng kongregasyon. (2Ti 4:3, 4) Dahil isang tagapangasiwa si Timoteo, dapat niyang mahusay na ituro ang salita ng Diyos sa mga kapatid niya para tumibay ang pananampalataya nila at malabanan nila ang turo ng mga apostata. Nagpapasimula ng mga debate tungkol sa mga salita ang huwad na mga guro at nagtataguyod ng sarili nilang mga opinyon at mga kuwentong di-totoo. Ibang-iba sa kanila ang mga tagapangasiwa, na “salita ng Diyos” lang ang ipinangangaral. (Tingnan ang study note sa 2Ti 2:15; tingnan din ang 2Ti 3:6-9, 14, 16.) Puwede ring tumukoy ang ekspresyong ito sa pangangaral sa labas ng kongregasyon, kaya pinasigla ni Pablo si Timoteo na “gawin . . . ang gawain ng isang ebanghelisador.”—2Ti 4:5 at study note.
gawin mo ito nang apurahan: Gumamit dito si Pablo ng pandiwang Griego na literal na nangangahulugang “tumuntong,” pero malawak ang kahulugan ng pandiwang ito; karaniwan itong nangangahulugang “tumayo malapit sa, maging handa.” Ginagamit kung minsan ang terminong ito sa militar para tumukoy sa isang sundalo o bantay na nasa puwesto niya at laging handa. Pero puwede ring tumukoy ang salitang ito sa agarang pagkilos. Saklaw din ng salitang ito ang pagiging masigasig at pursigido. Gusto ni Pablo na laging maging handa si Timoteo na “ipangaral . . . ang salita ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa Ipangaral mo ang salita ng Diyos sa talatang ito.
maganda man o mahirap ang kalagayan: O “kapanahunan man nito o hindi.” Hinimok ni Pablo si Timoteo na patuloy na ipagtanggol ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos sa anumang sitwasyon. Kailangan niya itong gawin kapag maganda ang kalagayan, pero hindi pa rin siya titigil kahit na may humadlang sa kaniya, gaya ng huwad na mga guro na kumakalaban sa kaniya at nagsisikap na sirain ang pagkakaisa ng kongregasyon.
sumaway: Tingnan ang study note sa 1Ti 5:20.
magbabala: Ang pandiwang Griego na isinaling “magbabala” ay nangangahulugang “sumaway, magbigay ng matinding babala, o mahigpit na magbilin.” Puwede itong tumukoy sa pagbababala sa isang tao para pigilan siyang gawin ang isang bagay o patigilin siya sa isang bagay na ginagawa na niya.—Mat 16:20; Mar 8:33; Luc 17:3.
magpayo: Tingnan ang study note sa Ro 12:8; 1Ti 4:13.
nang may pagtitiis: Maraming natutuhan si Timoteo kay Pablo tungkol sa pagtitiis. (2Ti 3:10) Bilang isang tagapangasiwa, kailangan ni Timoteo na maging matiisin dahil naimpluwensiyahan na ang ilan sa kongregasyon ng huwad na mga turo. Kapag sinasaway, binababalaan, at pinapayuhan niya ang mga kapuwa niya Kristiyano, tinatandaan niyang gusto ng mga ito na gawin ang tama, kaya kailangan niyang magpakita ng pagpipigil sa sarili at matiyaga silang tulungan. Kung magpapadala siya sa inis o pagkadismaya, baka layuan siya ng mga kapatid o matisod pa nga ang mga ito.—1Pe 5:2, 3; tingnan ang study note sa 1Te 5:14.
husay sa pagtuturo: O “sining sa pagtuturo.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “husay sa pagtuturo” ay puwedeng tumukoy sa paraan ng pagtuturo at sa mismong itinuturo. (Tingnan ang study note sa Mat 7:28, kung saan ang salitang ito ay isinaling “paraan . . . ng pagtuturo.”) Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa paraan ng pagtuturo, kaya isinalin itong “husay sa pagtuturo.” Sa orihinal na Griego, ginamit dito ni Pablo ang salita para sa “lahat,” kaya isinalin ito sa ilang Bibliya na “bawat uri ng pagtuturo,” “lahat ng kakayahan sa pagtuturo,” o “masinsinang pagtuturo.” Ayon sa isang iskolar, sinasabi sa talatang ito na “dapat na laging mapatunayan [ni Timoteo] na isa siyang mahusay at maaasahang tagapagturo ng Kristiyanong paniniwala.”—1Ti 4:15, 16; tingnan ang study note sa Mat 28:20; 1Ti 3:2.
kapaki-pakinabang: Lit., “nakapagpapalusog.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 6:3.
kikiliti sa mga tainga nila: O “magsasabi sa kanila ng gusto nilang marinig.” Sa idyomang ito, gumamit si Pablo ng pandiwang Griego na puwedeng mangahulugang “kilitiin; kamutin,” pero puwede rin itong mangahulugang “mangati.” Dito lang ito lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Maliwanag na tumutukoy ito sa mga taong gustong-gustong marinig ang mga bagay na kukunsinti sa kanilang makasariling pagnanasa sa halip na ang mga makakatulong sa kanila sa espirituwal, kaya naman sa ilang salin, inihalintulad ito sa pangangati na kailangang kamutin. Kaya mas gusto nila ang mga gurong kikiliti sa tainga nila, o magsasabi ng gusto nilang marinig. Dahil sa inihulang apostasya, dadami talaga ang ganitong makasariling alagad at huwad na mga guro; kaya kailangang kumilos agad ni Timoteo.—Tingnan ang study note sa 1Ti 4:1.
mga kuwentong di-totoo: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4.
gamitin mo ang iyong kakayahang mag-isip: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “hindi lasing.” (1Pe 1:13; 5:8; tingnan ang study note sa 1Te 5:6.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit ang pandiwang ito para tumukoy sa pagiging “matino at balanse, may pagpipigil sa sarili.” Malapit nang mamatay si Pablo. (2Ti 4:6-8) Kaya kailangan ni Timoteo bilang tagapangasiwa na patuloy na palakasin ang kongregasyon at patibayin ito para malabanan ang paparating na apostasya. (1Ti 3:15; 2Ti 4:3, 4) Kailangan niyang manatiling balanse, alisto, at mapagbantay sa lahat ng aspekto ng paglilingkod niya.
gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador: Binigyan ng atas ni Jesus ang lahat ng Kristiyano na maging ebanghelisador, o ipangaral ang mabuting balita ng kaligtasan mula sa Diyos. (Mat 24:14; 28:19, 20; Gaw 5:42; 8:4; Ro 10:9, 10) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga termino para sa pag-eebanghelyo ay madalas tumukoy sa pangangaral sa mga di-kapananampalataya. Dahil isang tagapangasiwang Kristiyano si Timoteo, marami siyang atas sa pagtuturo sa loob ng kongregasyon, gaya ng binanggit sa 2Ti 4:1, 2. Pero kailangan pa rin niya at ng lahat ng iba pang tagapangasiwa na ipangaral ang mabuting balita sa labas ng kongregasyon.
ebanghelisador: O “mángangarál ng mabuting balita.” (Tingnan ang study note sa Mat 4:23.) Maraming beses na lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang kaugnay na pandiwang Griego na isinasaling “ihayag ang mabuting balita.” Madalas na tumutukoy ito sa kung paano ipinangangaral ni Jesus at ng lahat ng tagasunod niya ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Luc 4:43 at study note; Gaw 5:42 at study note; 8:4; 15:35) Pero tatlong beses lang lumitaw ang espesipikong termino na ginamit dito ni Pablo; at sa lahat ng paglitaw nito, makikita sa konteksto na ang “ebanghelisador” ay puwede ring tumukoy sa “isang misyonero.” (Tingnan ang study note sa Gaw 21:8; Efe 4:11.) Naging misyonero si Timoteo at naglakbay kasama ni Pablo para mangaral sa mga lugar na hindi pa naaabot ng mabuting balita, at binigyan din siya ng apostol ng iba pang espesyal na atas. (Gaw 16:3, 4; 1Ti 1:3) Dito, pinapasigla siya ni Pablo na patuloy na gampanan ang ganitong mahahalagang atas.
isagawa mo nang lubusan ang iyong ministeryo: Para masunod ni Timoteo ang tagubiling ito, marami siyang matututuhan sa halimbawa ni Pablo. Napakalaki ng pagpapahalaga ni Pablo sa pribilehiyo niyang makatulong sa paglalaan ng espirituwal na pangangailangan ng iba, sa loob at labas ng kongregasyon. (Tingnan ang study note sa Ro 11:13; 2Co 4:1; 1Ti 1:12.) Lahat ng tunay na Kristiyano ay binigyan ng atas na maglingkod. (2Co 4:1) Posibleng isa ito sa mga huling bilin ni Pablo kay Timoteo, at dito, pinapasigla ng apostol si Timoteo na isagawa nang lubusan ang ministeryo niya at gampanan ang lahat ng aspekto nito.
ibinubuhos na handog na inumin: Sa Kautusang Mosaiko, inihahain ang handog na inumin kasama ng handog na sinusunog at handog na mga butil. (Lev 23:18, 37; Bil 15:2, 5, 10; 28:7) Ganito ang sinabi ng isang reperensiya tungkol sa mga handog na inumin: “Inihahain itong lahat, gaya ng handog na sinusunog, at walang itinitira sa mga saserdote; ibinubuhos ang lahat ng ito.” Ginamit ni Pablo ang paglalarawang ito nang sumulat siya sa mga taga-Filipos para ipakitang masaya siyang ibigay ang buong lakas at puso niya para sa mga kapananampalataya niya. (Fil 2:17 at study note) Pero nang gamitin niya dito ang ekspresyong ito, tinutukoy niya ang nalalapit na niyang kamatayan.
malapit na akong lumaya: Itinuturing ni Pablo na ‘paglaya’ ang kamatayan niya bilang tapat na pinahirang lingkod ng Diyos dahil magiging daan ito para buhayin siyang muli at makasama si Kristo sa Kaniyang “Kaharian sa langit.” (2Ti 4:18; tingnan din ang study note sa 2Ti 4:8.) Sinabi rin niya sa liham niya sa mga taga-Filipos: “Ang talagang gusto ko, ang mapalaya at makasama si Kristo.” (Fil 1:23 at study note) Malamang na natatandaan ni Timoteo ang ekspresyong ito dahil kasama niya si Pablo sa Roma nang isulat ito ng apostol.—Fil 1:1; 2:19.
Naipaglaban ko na . . . , natapos ko na . . . , nanatili akong matatag: Gumamit si Pablo ng tatlong ekspresyon para magdiin ng iisang ideya: Tapat niyang natapos ang Kristiyanong landasin at ministeryo niya at natupad ang lahat ng iniatas sa kaniya ng Panginoong Jesus. (Gaw 20:24) Kahit na mamamatay na si Pablo, patuloy na mamumunga ang mga pinaghirapan niya.
marangal na pakikipaglaban: Ikinumpara ni Pablo ang buhay at ministeryo niya bilang Kristiyano sa isang marangal na pakikipaglaban. (Tingnan ang study note sa 1Co 9:25; 1Ti 6:12.) Tapat niyang pinaglingkuran si Jehova sa kabila ng maraming pagsubok. Naglakbay siya nang malayo at naglayag sa dagat bilang misyonero. Tiniis niya ang iba’t ibang pag-uusig, gaya ng pang-uumog, panghahagupit, at pagkabilanggo. Kinalaban din siya ng “nagkukunwaring mga kapatid.” (2Co 11:23-28) Pero binigyan siya ni Jehova at ni Jesus ng lakas na kailangan niya para makapanatiling tapat at matapos ang ministeryo niya.—Fil 4:13; 2Ti 4:17.
natapos ko na ang takbuhan: Ikinumpara ni Pablo ang sarili niya sa isang mananakbo para ilarawan ang buhay niya bilang Kristiyano. Ngayong malapit na siyang mamatay, alam niyang naging matagumpay siya sa takbuhang ito. Maraming beses ginamit ni Pablo sa mga liham niya ang ilustrasyon tungkol sa mga atleta sa mga palarong Griego.—Heb 12:1; tingnan ang study note sa 1Co 9:24; Fil 3:13.
Mula ngayon, may nakalaan nang . . . para sa akin: Alam ni Pablo na may nakalaan nang gantimpala sa langit para sa kaniya; sigurado nang makukuha niya ito. May pauna nang tatak na tinanggap si Pablo bilang pinahirang anak ng Diyos. (Tingnan ang mga study note sa 2Co 1:22.) Pero tatanggapin lang ng pinahirang mga Kristiyano ang pangwakas na tatak kapag nanatili silang tapat “hanggang sa wakas.” (Mat 10:22; 2Ti 2:12; San 1:12; Apo 2:10; 7:1-4; 17:14) Ngayong malapit nang mamatay si Pablo, alam niyang napatunayan na niyang tapat siya. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, ipinaalam ni Jehova kay Pablo na tinanggap na nito ang pangwakas na tatak. Sa natitirang mga araw niya sa lupa, sigurado na ang gantimpala niya sa langit.
korona ng katuwiran: Ginamit din ni Pablo sa ibang liham niya ang salitang Griego na isinasaling “korona.” Halimbawa, sa 1Co 9:25, 26, ginamit niya ito para tumukoy sa korona, o putong, na ibinibigay sa mga nananalong atleta. Pero sa talata ring iyon, sinabi niyang umaasa siyang makatanggap ng gantimpalang di-hamak na mas maganda—“isang koronang . . . hindi nasisira.” Tinawag niya iyon dito na “korona ng katuwiran.” Kung susunod sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos hanggang kamatayan ang mga pinahirang Kristiyano, ipagkakaloob sa kanila ng Panginoong Jesu-Kristo, na tinukoy ditong “matuwid na hukom,” ang koronang ito—imortal na buhay sa langit.
sa araw na iyon: Hindi tinutukoy dito ni Pablo ang araw ng kamatayan niya na malapit nang mangyari, kundi ang panahon pa sa hinaharap kung kailan maghahari si Kristo sa Kaharian ng Diyos. Bubuhaying muli si Pablo at ang lahat ng iba pang pinahiran na namatay na, at bibigyan sila ng imortal na buhay sa langit.—1Te 4:14-16; 2Ti 1:12.
lahat ng nananabik sa kaniyang pagkakahayag: Sa panahon ng presensiya ni Kristo bilang Hari, aalalahanin niya ang mga namatay nang pinahirang Kristiyano. (1Te 4:15, 16) Bubuhayin niya silang muli at bibigyan ng imortal na buhay sa langit bilang pagtupad sa pangako niya na isasama niya sila sa kaniyang bahay. (Ju 14:3; Apo 14:13; tingnan ang study note sa korona ng katuwiran sa talatang ito.) Sa ganitong paraan mahahayag si Kristo sa kanila. ‘Pinananabikan’ ng mga pinahiran na makita ang kanilang minamahal na Panginoon sa langit bilang maluwalhating Hari. Ang tapat na mga Kristiyano na may pag-asang mabuhay sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa langit ay nananabik din sa pagkakahayag ni Kristo, kung kailan malinaw na makikita ng lahat ang kaluwalhatian at kapangyarihan niya bilang Hari sa langit.—Dan 2:44; tingnan din ang study note sa 1Ti 6:14.
pinabayaan ako ni Demas: Tumutukoy ang salitang Griego na isinaling “pinabayaan” sa pag-iwan sa kapuwa sa panahon ng panganib. Malapít na kaibigan ni Pablo si Demas. Sa mga liham na isinulat niya noong unang pagkabilanggo niya sa Roma, ipinahiwatig niyang kasama niya si Demas. (Flm 24; tingnan ang study note sa Col 4:14.) Pero ngayon, nasa mas mahirap na kalagayan si Pablo. Iniwan na siya ng marami sa mga kapananampalataya niya. (2Ti 1:15) Hindi ipinahiwatig ni Pablo na naging mang-uusig o apostata si Demas. Pero sinayang niya ang napakagandang pribilehiyo na mapatibay ang tapat na apostol na ito sa panahon ng pangangailangan.
inibig niya ang sistemang ito: O “inibig niya ang panahong ito.” (Tingnan sa Glosari, “Sistema.”) Posibleng nangibabaw kay Demas ang pag-ibig niya sa materyal na mga bagay at makasariling mga pagnanasa imbes na sa espirituwal na mga bagay. Puwede ring natakot siya sa pag-uusig at kamatayan kaya lumayo na lang siya. Ipinapahiwatig ng isang reperensiya na tumutukoy ang “sistemang ito” sa “buhay sa mundong ito na walang panganib at pagsasakripisyong kailangan para mapaglingkuran ang apostol.” Posibleng taga-Tesalonica si Demas kaya doon siya nagpunta. Puwedeng alinman sa mga ito ang dahilan kung bakit mas ‘inibig niya ang sistema’ nang panahong iyon kaysa sa espesyal na pribilehiyong makapaglingkod kasama ni Pablo.
Dalmacia: Lugar na nasa Peninsula ng Balkan, sa silangan ng Dagat Adriatico. Dati itong tumutukoy sa timugang bahagi ng lalawigan ng Roma na Ilirico. Pero nang isulat ni Pablo ang liham na ito, isa nang lalawigan ang Dalmacia. (Tingnan ang Ap. B13.) Posibleng dumaan sa Dalmacia si Pablo dahil nangaral siya “hanggang sa Ilirico.” (Ro 15:19 at study note) Noong nasa Creta si Tito, pinakisuyuan siya ni Pablo na magpunta sa Nicopolis, na malamang na ang Nicopolis sa hilagang-kanlurang baybayin ng Greece ngayon. (Tit 3:12) Kaya posibleng magkasama sina Pablo at Tito sa Nicopolis at pagkatapos ay lumipat si Tito sa bago nitong atas sa Dalmacia. Posibleng naglingkod doon si Tito bilang misyonero at inasikaso ang mga kailangang ayusin sa mga kongregasyon, gaya ng ginawa niya sa Creta.—Tit 1:5.
Si Lucas lang ang kasama ko: Lumilitaw na sa lahat ng nakasamang maglakbay ni Pablo, si Lucas na lang ang kasama niya sa panahon ng huling pagkabilanggo niya. (Col 4:14; tingnan ang “Introduksiyon sa Gawa.”) Pero maliwanag na may tumulong din sa kanila. Sa 2Ti 4:21, may binanggit ang apostol na di-bababa sa apat na kapatid na nagpadala ng pagbati kay Timoteo at sa mga taga-Efeso. Posibleng mga Kristiyano sila sa kongregasyon doon na nakadalaw kay Pablo.
Isama mo rito si Marcos: Tinutukoy dito ni Pablo si Juan Marcos, ang sumulat ng Ebanghelyo ni Marcos at isa sa mga alagad ni Jesus. (Tingnan ang mga study note sa Gaw 12:12.) Sumama si Marcos kina Pablo at Bernabe sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, pero iniwan niya sila at bumalik sa Jerusalem. (Gaw 12:25; 13:5, 13) Dahil diyan, hindi pumayag si Pablo na isama siya sa sumunod na paglalakbay nila. (Gaw 15:36-41) Pero makalipas ang mga 10 taon, nagkasama sina Pablo at Marcos sa Roma. Noong mga panahong iyon, maganda na ang mga sinabi ni Pablo tungkol kay Marcos, na nagpapakitang nagkaayos na sila at na itinuturing na siya ni Pablo na isang maaasahang kapatid. (Flm 23, 24; tingnan ang study note sa Col 4:10.) Dahil pinagkakatiwalaan na ni Pablo ang tapat na ministrong Kristiyanong ito, sinabi niya kay Timoteo: “Isama mo rito si Marcos dahil malaking tulong siya sa akin sa ministeryo.”
Pinapunta ko na si Tiquico sa Efeso: Pinapunta ni Pablo sa kongregasyon sa Efeso ang tapat at minamahal na kamanggagawa niyang si Tiquico, malamang na para palitan doon si Timoteo. (Tingnan ang study note sa Col 4:7.) Posibleng dahil alam ni Timoteo na paparating na si Tiquico at may mag-aalaga na sa kongregasyon, madali na sa kaniyang umalis para puntahan si Pablo sa Roma at makita ito sa huling pagkakataon. (2Ti 4:9) Sa talatang ito huling binanggit ni Pablo ang kongregasyon sa Efeso. Pero pagkalipas ng mga 30 taon, kasama ang kongregasyong ito sa mga binanggit ni Jesus sa pagsisiwalat niya kay apostol Juan.—Apo 2:1.
mga balumbon: Lumilitaw na ang mga balumbong hinihingi ni Pablo ay mga bahagi ng Hebreong Kasulatan. Ang terminong Griego na ginamit dito (bi·bliʹon) ay kaugnay ng isang salita (biʹblos) na orihinal na tumutukoy sa malambot na ubod ng halamang papiro. (Tingnan sa Glosari, “Balumbon”; “Papiro.”) Ginagawa ito noon na sulatan na kagaya ng papel, kaya ang dalawang terminong Griego na ito ay ginamit na rin para tumukoy sa isang balumbon o aklat. (Mar 12:26; Luc 3:4; Gaw 1:20; Apo 1:11) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ginamit dito ni Pablo ay puwedeng tumukoy sa isang maiksing dokumento (Mat 19:7; Mar 10:4); pero mas madalas itong tumukoy sa Hebreong Kasulatan (Luc 4:17, 20; Gal 3:10; Heb 9:19; 10:7). Sa salitang Griegong ito galing ang terminong “Bibliya.”
lalo na ang mga pergamino: Tumutukoy ang pergamino sa balat ng tupa, kambing, o baka na pinoproseso para gawing sulatan. (Tingnan sa Glosari, “Pergamino.”) Hindi espesipikong binanggit ni Pablo kung anong pergamino ang tinutukoy niya. Posibleng tinutukoy niya ang mga balumbon ng Hebreong Kasulatan na gawa sa balat ng hayop. O posibleng personal na mga nota niya ang laman ng mga pergamino. Ayon sa ilang iskolar, ang salitang Griego para sa “pergamino” ay puwede ring tumukoy sa pergaminong mga kuwaderno. Nang isulat ni Pablo ang liham na ito, tiwala siyang matagumpay na niyang naipaglaban ang marangal na pakikipaglaban. (2Ti 4:6-8) Pero pinakisuyuan pa rin niya si Timoteo na “dalhin [sa kaniya] ang mga balumbon, lalo na ang mga pergamino.” Maliwanag na gusto pa rin niyang patibayin ang sarili niya at ang iba sa pamamagitan ng Salita ng Diyos.
panday-tanso na si Alejandro: Pinag-ingat ni Pablo si Timoteo sa isang Alejandro na “inatake . . . nang husto” ang mensaheng ipinapangaral ni Pablo at ng mga kasamahan niya. (2Ti 4:15) Nang tawagin ni Pablo ang taong ito na “panday-tanso,” gumamit siya ng isang terminong Griego na noong unang siglo C.E. ay tumutukoy sa kahit anong uri ng panday. Posibleng siya rin ang Alejandro na binanggit sa 1Ti 1:20, na lumilitaw na itiniwalag sa kongregasyon. (Tingnan ang mga study note.) Hindi sinabi ni Pablo kung ano ang napakasamang ginawa sa kaniya ng taong ito. Sinasabi ng ilan na posibleng isa si Alejandro sa mga nagpaaresto kay Pablo, at baka nagbigay pa nga siya ng di-totoong testimonya laban sa kaniya.
Gagantihan siya ni Jehova: Makikita dito na nagtitiwala si Pablo na gagantihan ni Jehova ang panday-tansong si Alejandro ayon sa mga ginawa niya. Kaayon ito ng maraming talata sa Hebreong Kasulatan na nagpapakitang ang Diyos na Jehova ang gumaganti sa mga tao, mabuti man o masama ang ginawa nila. Ang isang halimbawa ay ang Aw 62:12, kung saan sinabi ng salmista: “O Jehova, . . . ginagantihan mo ang bawat isa ayon sa mga ginagawa niya.” (Tingnan din ang Aw 28:1, 4; Kaw 24:12; Pan 3:64.) Ganito rin ang punto ni Pablo sa Ro 2:6, kung saan sinabi niya tungkol sa Diyos: “Ibibigay niya sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa.” Sinipi din niya ang sinabi ni Jehova sa Deu 32:35 nang sabihin niya sa Ro 12:19: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.”—Para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Ti 4:14.
Sa una kong pagtatanggol: Sa batas ng Roma, posibleng mabigyan ng maraming pagkakataon sa isang paglilitis ang akusado na ipagtanggol ang sarili niya. Malamang na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang una sa mga pagtatanggol na ginawa niya sa ikalawang pagkabilanggo niya sa Roma noong mga 65 C.E, noong panahong isinusulat niya rin ang liham na ito. Sinasabi ng ilan na ang unang pagtatanggol na tinutukoy dito ni Pablo ay ang ginawa niya noong una siyang mabilanggo noong mga 61 C.E. (Gaw 28:16, 30) Pero hindi makatuwirang isipin na kailangan pang ipaalam ni Pablo kay Timoteo ang mga pangyayaring alam na nito.—Col 1:1, 2; 4:3.
huwag nawa itong singilin sa kanila ng Diyos: Lumilitaw na tinutukoy dito ni Pablo ang mga kapananampalataya niyang hindi sumuporta sa kaniya sa “una [niyang] pagtatanggol,” na inilarawan niyang isang napakasamang karanasan. (2Ti 4:17) Pero natuto si Pablo kay Kristo na magpatawad. Iniwan si Jesus ng pinakamatatalik niyang kaibigan noong arestuhin siya. (Mar 14:50) Gaya ni Jesus, ayaw ni Pablo na magtanim ng sama ng loob sa kaniyang mga kapatid.—Tingnan ang study note sa 1Co 13:5.
ang Panginoon ay tumayong malapit sa akin: Lumilitaw na si Jesu-Kristo ang tinutukoy dito ni Pablo na “Panginoon” na ‘nagpalakas’ sa kaniya. (Tingnan din ang 1Ti 1:12.) Pero siyempre, ang Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan; pinalalakas niya ang mga lingkod niya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Isa 40:26, 29; Fil 4:13; 2Ti 1:7, 8; tingnan din ang study note sa 2Ti 2:1.
iniligtas niya ako sa bibig ng leon: Hindi tiyak kung literal o makasagisag ang ekspresyong ito. (Ihambing ang study note sa 1Co 15:32.) Kung totoong mga leon ang tinutukoy ni Pablo, pareho sila ng naranasan ni Daniel nang iligtas ito ni Jehova. (Dan 6:16, 20-22) Pero maraming iskolar ang naniniwalang dahil mamamayan ng Roma si Pablo, hindi siya maipapapatay sa mga leon. Kaya ang ekspresyong “bibig ng leon” ay puwedeng tumukoy sa isang mapanganib na sitwasyon. (Ihambing ang Aw 7:2; 35:17.) Posibleng kinuha ito ni Pablo sa sinabi ni David sa Aw 22:21.
Ililigtas ako . . . sa lahat ng kasamaan: Dahil sa pananampalataya ni Pablo, napaharap siya sa maraming napakahirap at mapanganib na sitwasyon, kasama na ang matinding pag-uusig at pag-atake ng mga apostata. Pero laging nakatayo malapit kay Pablo ang Panginoong Jesus; pinalakas niya si Pablo at iniligtas. (2Ti 3:11; 4:14-17) Hindi iniisip ni Pablo na makakaligtas siya ngayon sa kamatayan. (2Ti 4:6-8) Pero nagtitiwala siya na gaya ng mga naranasan niya noon, patuloy siyang ililigtas ni Jesus mula sa anumang puwedeng sumira sa pananampalataya niya o anumang puwedeng makahadlang sa pagpasok niya sa “Kaharian [ni Kristo] sa langit.”
Panginoon: Lumilitaw na ang Panginoong Jesu-Kristo ang tinutukoy dito ni Pablo gaya ng ipinapakita sa naunang talata.—Tingnan din ang 2Ti 4:8 at study note.
Ikumusta mo ako kina Prisca at Aquila: Mga 15 taon nang kaibigan ni Pablo ang mapagpatuloy na mag-asawang ito. Naging masigasig sina Prisca at Aquila sa pagpapatibay sa mga kongregasyon sa maraming lugar. Nakilala nila si Pablo sa Corinto noong palayasin sila sa Roma. (Gaw 18:1-3; 1Co 16:19) Pagkatapos, lumipat sila sa Efeso (Gaw 18:18, 19, 24-26); bumalik saglit sa Roma (Ro 16:3, 4); at pumunta ulit sa Efeso, kung saan naglilingkod ngayon si Timoteo.—Tingnan ang study note sa Gaw 18:2; Ro 16:3.
sambahayan ni Onesiforo: Tingnan ang study note sa 2Ti 1:16.
Sikapin mong makarating bago magtaglamig: Gusto ni Pablo na maglakbay si Timoteo sa Roma bago magtaglamig, malamang na dahil mapanganib nang magbiyahe sa mga buwang ito. Sa Mediteraneo noon, walang gaanong naglalayag sa pagtatapos ng taglagas, sa panahon ng taglamig, at sa pagsisimula ng tagsibol dahil panahon ito ng malalakas na bagyo. (Gaw 27:9-44; tingnan din sa Media Gallery, “Mga Gawa ng mga Apostol—Paglalakbay ni Pablo sa Roma at Unang Pagkabilanggo Niya Doon.”) Mas mahirap din ang paglalayag dahil sa makapal na ulap na may kasamang ulan, niyebe, at hamog. Walang kompas ang mga marinero kaya umaasa lang sila sa posisyon ng mga isla o bundok, pati na ng araw, buwan, at mga bituin. Isa pa, kung makakarating si Timoteo bago magtaglamig at madala na niya kay Pablo ang balabal nito na naiwan sa Troas, makakatulong iyon sa apostol na hindi masyadong ginawin sa taglamig habang nakabilanggo.—2Ti 4:13; tingnan din sa Media Gallery, ‘Dalhin Mo ang Balabal.’
Panginoon: Lumilitaw na tumutukoy sa Panginoong Jesu-Kristo.—Ihambing ang Gal 6:18; Fil 4:23; 1Te 5:28; Flm 25.
habang nagpapakita ka ng magagandang katangian: Lit., “sa iyong espiritu.” (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Tinapos ni Pablo ang liham na ito sa pagsasabing umaasa siyang pagpapalain si Timoteo dahil sa positibong saloobin nito.—Tingnan ang study note sa Gal 6:18; Flm 25.
Sumainyo: Noong si Timoteo lang ang kausap ni Pablo, ginamit niya ang Griegong panghalip na pang-isahan na isinalin ditong “ka.” Pero sa sumunod na bahagi, ginamit niya ang panghalip na pangmaramihan na isinaling “sumainyo.” Kaya malamang na gusto ni Pablo na mabasa rin ang liham na ito sa iba, kasama na ang kongregasyon sa Efeso, kung saan lumilitaw na naglilingkod si Timoteo noon.