Amos 7:1-17
7 Ito ang ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: Nagpadala siya ng napakaraming balang nang tumutubo na ang huling mga tanim.* Iyon ang tanim pagkatapos tabasin ang damo para sa hari.
2 Matapos ubusin ng mga balang ang pananim sa lupain, sinabi ko: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova, pakisuyo, magpatawad ka!+ Paano makaliligtas* ang Jacob? Mahina siya!”+
3 Kaya hindi iyon itinuloy* ni Jehova.+ “Hindi iyon mangyayari,” ang sabi ni Jehova.
4 Ito ang ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: Ang Kataas-taasang Panginoong Jehova ay nag-utos ng pagpaparusa sa pamamagitan ng apoy. Nilamon nito ang malawak at malalim na karagatan at nilamon ang isang bahagi ng lupain.
5 At sinabi ko: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova, pakisuyo, huwag mo itong ituloy.+ Paano makaliligtas* ang Jacob? Mahina siya!”+
6 Kaya hindi iyon itinuloy* ni Jehova.+ “Hindi rin iyon mangyayari,” ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
7 Ito ang ipinakita niya sa akin: Si Jehova ay nakatayo sa isang pader na ginamitan ng hulog,* at may hulog sa kamay niya.
8 Pagkatapos, sinabi ni Jehova: “Ano ang nakikita mo, Amos?” Kaya sinabi ko: “Isang hulog.” At sinabi ni Jehova: “Maglalagay ako ng isang hulog sa gitna ng bayan kong Israel. Hindi ko na sila pagpapaumanhinan.+
9 Ang matataas na lugar ni Isaac+ ay magiging tiwangwang, at ang mga santuwaryo ng Israel ay mawawasak;+ at sasalakayin ko ang sambahayan ni Jeroboam sa pamamagitan ng espada.”+
10 Ipinadala ni Amazias na saserdote ng Bethel+ ang mensaheng ito kay Haring Jeroboam+ ng Israel: “Si Amos ay nakikipagsabuwatan laban sa iyo sa loob mismo ng sambahayan ng Israel.+ Hindi na matagalan ng bayan ang lahat ng sinasabi niya.+
11 Dahil ito ang sinasabi ni Amos, ‘Mamamatay si Jeroboam sa pamamagitan ng espada, at tiyak na palalayasin ang Israel sa sarili nitong lupain at ipatatapon.’”+
12 At sinabi ni Amazias kay Amos: “Ikaw na nakakakita ng pangitain, umalis ka na, tumakbo ka papunta sa lupain ng Juda, magtrabaho ka roon para makabili ng tinapay,* at doon ka manghula.+
13 Pero huwag ka nang manghuhula sa Bethel,+ dahil iyon ang santuwaryo ng isang hari+ at iyon ang bahay ng isang kaharian.”
14 Sumagot si Amos kay Amazias: “Hindi ako propeta dati, at hindi rin ako anak ng propeta, kundi isang pastol+ at tagapag-alaga ng mga puno ng igos na sikomoro.*
15 Pero kinuha ako ni Jehova mula sa pag-aalaga ng kawan, at sinabi ni Jehova sa akin, ‘Manghula ka sa bayan kong Israel.’+
16 Kaya makinig ka ngayon sa sinabi ni Jehova, ‘Sinasabi mo, “Huwag kang manghula laban sa Israel,+ at huwag kang mangaral+ laban sa sambahayan ni Isaac.”
17 Kaya ito ang sinabi ni Jehova: “Ang asawa mo ay magiging babaeng bayaran sa lunsod, at ang mga anak mo ay mamamatay sa espada. Ang lupa mo ay paghahati-hatian gamit ang lubid na panukat, at ikaw mismo ay mamamatay sa isang maruming lupain; at ang Israel ay palalayasin sa sarili nitong lupain at ipatatapon.”’”+
Talababa
^ Sa buwan ng Enero at ng Pebrero.
^ Lit., “makababangon.”
^ O “Kaya ikinalungkot iyon.”
^ Lit., “makababangon.”
^ O “Kaya ikinalungkot iyon.”
^ Instrumentong ibinibitin para matiyak na tuwid ang pagkakatayo ng isang istraktura.
^ Lit., “kumain ng tinapay.”
^ O “tagatusok ng igos na sikomoro.”