Apocalipsis kay Juan 14:1-20

14  At nakita ko ang Kordero+ na nakatayo sa Bundok Sion,+ at may kasama siyang 144,000+ na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama+ na nakasulat sa noo nila. 2  Narinig ko ang isang tinig mula sa langit na gaya ng lagaslas ng maraming tubig at gaya ng malakas na kulog; at ang tinig na narinig ko ay gaya ng tinig ng mga mang-aawit habang tumutugtog ng alpa. 3  At umaawit sila ng parang isang bagong awit+ sa harap ng trono at sa harap ng apat na buháy na nilalang+ at ng matatanda,+ at hindi matutuhan ng sinuman ang awit na iyon maliban sa 144,000,+ na binili mula sa lupa. 4  Ito ang mga hindi nagparungis ng sarili nila sa mga babae; sa katunayan, mga birhen sila.+ Ito ang mga patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumunta.+ Ang mga ito ay binili+ mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga+ sa Diyos at sa Kordero, 5  at walang nakitang panlilinlang sa bibig nila; sila ay walang dungis.+ 6  At nakakita ako ng isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid,* at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita para sa mga nakatira sa lupa, sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.+ 7  Sinasabi niya sa malakas na tinig: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, dahil dumating na ang oras ng paghatol niya,+ kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at lupa at dagat+ at mga bukal ng tubig.” 8  Sumunod ang ikalawang anghel, na nagsasabi: “Bumagsak na siya! Bumagsak na ang Babilonyang Dakila,+ ang nagpainom sa lahat ng bansa ng kaniyang alak ng matinding pagnanasa sa seksuwal na imoralidad!”*+ 9  Sumunod sa kanila ang ikatlong anghel, na nagsasabi sa malakas na tinig: “Kung ang sinuman ay sasamba sa mabangis na hayop+ at sa estatuwa nito at tatanggap ng marka sa noo niya o sa kamay niya,+ 10  iinom din siya ng alak ng galit ng Diyos na ibinubuhos nang walang halo sa kopa ng poot Niya,+ at pahihirapan siya sa apoy at asupre+ sa paningin ng mga banal na anghel at sa paningin ng Kordero. 11  At ang usok ng paghihirap nila ay papailanlang magpakailanman,+ at hindi sila makapagpapahinga araw at gabi, ang mga sumasamba sa mabangis na hayop at sa estatuwa nito at ang sinumang tumatanggap ng marka ng pangalan nito.+ 12  Dito kailangan ng pagtitiis* ng mga banal,+ ang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at nanghahawakan sa pananampalataya+ kay Jesus.” 13  At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsabi, “Isulat mo: Maligaya ang mga mamamatay na kaisa ng Panginoon+ mula sa panahong ito. Oo, ang sabi ng espiritu, pagpahingahin sila mula sa mga pagpapagal nila, dahil ang mga bagay na ginawa nila ay sasama sa kanila.” 14  Pagkatapos, nakita ko ang isang puting ulap, at nakaupo sa ulap ang isang gaya ng anak ng tao,+ na may gintong korona sa ulo niya at isang matalas na karit sa kamay niya. 15  Isa pang anghel ang lumabas mula sa santuwaryo ng templo, at sinasabi niya sa malakas na tinig sa isa na nakaupo sa ulap: “Gamitin mo ang iyong karit at gumapas ka, dahil dumating na ang oras para gumapas, dahil ang aanihin sa lupa ay hinog na hinog na.”+ 16  At iniunat ng isa na nakaupo sa ulap ang karit niya sa lupa, at ang lupa ay nagapasan. 17  At isa pang anghel ang lumabas mula sa santuwaryo ng templo na nasa langit, at mayroon din siyang matalas na karit. 18  At isa pang anghel ang lumabas mula sa altar, at may awtoridad siya sa apoy. At sinabi niya sa malakas na tinig sa isa na may matalas na karit: “Gamitin mo ang iyong matalas na karit at tipunin mo ang mga kumpol ng ubas ng lupa, dahil hinog na ang mga bunga nito.”+ 19  Iniunat ng anghel ang karit niya sa lupa at tinipon ang mga ubas ng lupa, at inihagis niya ang mga iyon sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.+ 20  Ang mga ubas ay tinapakan sa labas ng lunsod, at lumabas ang dugo mula sa pisaan ng ubas at umabot hanggang sa mga renda ng mga kabayo, hanggang sa layo na 1,600 estadyo.*

Talababa

O “kalagitnaan ng langit.”
Sa Griego, por·neiʹa. Tingnan sa Glosari.
O “pagbabata.”
Mga 296 km (184 mi). Ang isang estadyo ay 185 m (606.95 ft). Tingnan ang Ap. B14.

Study Notes

Media