Mga Bilang 9:1-23

9  Nakipag-usap si Jehova kay Moises sa ilang ng Sinai noong unang buwan+ ng ikalawang taon mula nang lumabas sila sa Ehipto. Sinabi niya: 2  “Dapat ihanda ng mga Israelita ang hain para sa Paskuwa+ sa panahong itinakda para dito.+ 3  Dapat ninyo itong ihanda sa ika-14 na araw ng buwang ito sa takipsilim,* sa panahong itinakda para dito. Dapat ninyo itong ihanda ayon sa lahat ng batas at itinakdang paraan para dito.”+ 4  Kaya sinabi ni Moises sa mga Israelita na ihanda ang hain para sa Paskuwa. 5  At inihanda nila ang hain para sa Paskuwa noong ika-14 na araw ng unang buwan, sa takipsilim,* sa ilang ng Sinai. Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises. 6  At may mga lalaking hindi nakapaghanda ng hain para sa Paskuwa nang araw na iyon dahil nakahipo sila ng isang bangkay at naging marumi sila.+ Kaya humarap sila kina Moises at Aaron nang araw na iyon,+ 7  at sinabi nila kay Moises: “Marumi kami dahil nakahipo kami ng bangkay. Hindi ba talaga kami puwedeng maghandog kay Jehova kasabay ng mga Israelita sa panahong itinakda para dito?”+ 8  Kaya sinabi ni Moises: “Maghintay kayo, at aalamin ko kay Jehova kung ano ang iuutos niya may kinalaman sa inyo.”+ 9  Sinabi ni Jehova kay Moises: 10  “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kung ang sinuman sa inyo o sa susunod na henerasyon ninyo ay maging marumi dahil sa paghipo sa isang bangkay+ o kaya ay naglalakbay siya sa malayo, dapat pa rin siyang maghanda ng haing pampaskuwa para kay Jehova. 11  Dapat nilang ihanda iyon sa ika-14 na araw ng ikalawang buwan,+ sa takipsilim.* Kakainin nila iyon kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay.+ 12  Hindi sila puwedeng magtira nito hanggang sa umaga,+ at huwag nilang babaliin ang kahit isang buto nito.+ Dapat nila itong ihanda ayon sa bawat batas na may kaugnayan sa Paskuwa. 13  Gayunman, kung malinis ang isang tao at hindi rin siya naglalakbay pero hindi niya inihanda ang hain para sa Paskuwa, ang taong iyon ay papatayin,+ dahil hindi niya inialay ang handog kay Jehova sa panahong itinakda para dito. Mananagot ang taong iyon sa kasalanan niya. 14  “‘Kung may dayuhang naninirahang kasama ninyo, dapat din siyang maghanda ng haing pampaskuwa para kay Jehova.+ Dapat niya itong gawin ayon sa batas ng Paskuwa at sa itinakdang paraan para dito.+ Iisang batas ang susundin ng katutubo at ng dayuhang naninirahang kasama ninyo.’”+ 15  At nang araw na itayo ang tabernakulo,+ tinakpan ng ulap ang ibabaw ng tabernakulo, ang tolda ng Patotoo; pero nang kinagabihan, apoy naman ang nanatili sa ibabaw ng tabernakulo hanggang kinaumagahan.+ 16  Ganiyan ang palaging nangyayari: Tinatakpan iyon ng ulap kung araw, at apoy naman kung gabi.+ 17  Kapag pumapaitaas ang ulap mula sa tolda, agad na umaalis ang mga Israelita,+ at kung saan tumitigil ang ulap, doon nagkakampo ang mga Israelita.+ 18  Sa utos ni Jehova ay umaalis ang mga Israelita, at sa utos ni Jehova ay nagkakampo sila.+ Hangga’t hindi umaalis ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo, nananatili silang nagkakampo. 19  Kapag nananatili ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo nang maraming araw, sinusunod ng mga Israelita si Jehova at hindi sila umaalis.+ 20  Kung minsan, ang ulap ay nananatili nang ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo. Sa utos ni Jehova ay nananatili silang nagkakampo, at sa utos ni Jehova ay umaalis sila. 21  Kung minsan, ang ulap ay nananatili lang nang magdamag, at kapag pumaitaas ang ulap kinaumagahan, umaalis sila. Araw man o gabi pumaitaas ang ulap, umaalis sila.+ 22  Dalawang araw man, isang buwan, o mas matagal pa, hangga’t hindi umaalis ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo, ang mga Israelita ay nananatiling nagkakampo at hindi umaalis. Pero kapag pumaitaas ito, umaalis sila. 23  Sa utos ni Jehova ay nagkakampo sila, at sa utos ni Jehova ay umaalis sila. Tinutupad nila ang obligasyon nila kay Jehova—sinusunod nila ang utos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.

Talababa

Lit., “sa pagitan ng dalawang gabi.”
Lit., “sa pagitan ng dalawang gabi.”
Lit., “sa pagitan ng dalawang gabi.”

Study Notes

Media