Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

Introduksiyon sa Colosas

  • Manunulat: Pablo

  • Saan Isinulat: Roma

  • Natapos Isulat: mga 60-61 C.E.

Mahahalagang Impormasyon:

  • Lumilitaw na hindi pa nakarating si Pablo sa Colosas nang isulat niya ang liham na ito. Posibleng si Epafras ang nagtatag ng kongregasyon doon. (Col 1:7, 8; 2:1; 4:12) Pero maraming kilalang Kristiyano si Pablo sa Colosas. Binanggit niya ang mga pangalan nina Arquipo, Filemon, at Apia. Binanggit din niya ang bagong kumberteng si Onesimo, na mula sa Colosas.—Col 4:9, 17; Flm 1, 2, 10.

  • Lumilitaw na isinulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas noong patapos na ang unang pagkabilanggo niya sa Roma, o noong mga 60-61 C.E. Ipinadala niya ang liham na ito kasabay ng liham niya kay Filemon. (Col 4:7-9; Flm 10-12) Nagbilin si Pablo na ang liham niya sa mga taga-Colosas ay ipabasa rin sa kalapít na kongregasyon ng Laodicea at na basahin din ng mga taga-Colosas ang liham na ipinadala niya sa mga taga-Laodicea.—Col 4:16.

  • Idiniin ni Pablo ang napakahalagang papel ni Kristo sa kaayusan ng Diyos. Si Kristo “ang panganay sa lahat ng nilalang” at “ang ulo ng katawan, ang kongregasyon.” “Sa pamamagitan din niya,” naipagkasundo sa Diyos “ang lahat ng iba pang bagay”; at dahil sa haing pantubos ni Kristo, ‘ang sagradong lihim ay naisiwalat.’ (Col 1:13-22, 26-28; 2:2, 3) Kung palalaguin ng mga Kristiyano sa Colosas ang kaalaman nila tungkol sa papel ni Kristo, titibay ang determinasyon nilang tanggihan ang maling mga turo, mapandayang pilosopiya, Judiong tradisyon, at pagsamba sa mga anghel.—Col 2:8, 13-23.

  • Malaki ang pagkakatulad ng liham ni Pablo sa mga taga-Colosas sa liham niya sa mga taga-Efeso. Halos sabay isinulat ang dalawang liham na ito, at posibleng pareho ang kalagayan sa dalawang lunsod na ito. Ihambing ang sumusunod na mga teksto:

  • Ang liham sa mga taga-Colosas ay kasama ng iba pang liham ni Pablo na nasa papirong codex na tinatawag na P46, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Ipinapakita nito na para sa sinaunang mga Kristiyano, ang liham ni Pablo sa mga taga-Colosas ay isinulat sa patnubay ng banal na espiritu. Pinatunayan din ng sinaunang mga manunulat na si Pablo ang sumulat ng liham na ito. Ang ilan sa kanila ay sina Clemente ng Alejandria, Irenaeus, Origen, at Tertullian.