Liham sa mga Taga-Colosas 1:1-29

1  Akong si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos, at si Timoteo+ na ating kapatid ay nagpapadala ng sulat na ito 2  sa mga banal at sa tapat na mga kapatid sa Colosas na kaisa ni Kristo: Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama. 3  Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos, na Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kapag ipinapanalangin namin kayo, 4  dahil nabalitaan namin ang pananampalataya ninyo kay Kristo Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng banal 5  dahil sa pag-asang nakalaan sa inyo sa langit.+ Narinig ninyo noon ang tungkol sa pag-asang ito nang ang mensahe ng katotohanan ng mabuting balita+ 6  ay makarating sa inyo. Kung paanong namumunga at lumalaganap sa buong sanlibutan ang mabuting balita,+ iyan din ang nangyayari sa gitna ninyo mula nang araw na marinig ninyo at maranasan kung ano talaga ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. 7  Natutuhan ninyo iyan kay Epafras+ na minamahal nating kapuwa alipin, isang tapat na lingkod ng Kristo na kahalili namin. 8  Siya rin ang nagsabi sa amin ng tungkol sa inyong makadiyos na pag-ibig. 9  Kaya mula nang araw na marinig namin iyon, lagi na namin kayong ipinapanalangin at hinihiling namin na mapuno kayo ng tumpak na kaalaman+ tungkol sa kaniyang kalooban, taglay ang lahat ng karunungan at ang kakayahang umunawa mula sa espiritu,+ 10  para makapamuhay kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova+ at sa gayon ay lubusan ninyo siyang mapalugdan habang namumunga kayo dahil sa inyong mabubuting gawa at lumalago ang inyong tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos;+ 11  at mapalakas sana kayo ng maluwalhating kapangyarihan ng Diyos+ para maging mapagpasensiya kayo at masaya habang tinitiis* ang lahat ng bagay,+ 12  habang pinasasalamatan ninyo ang Ama, na tumulong sa inyo na maging kuwalipikadong magkaroon ng bahagi sa mana ng mga banal+ na nasa liwanag. 13  Iniligtas niya tayo mula sa awtoridad ng kadiliman+ at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang mahal na Anak, 14  na nagsilbing pantubos para mapalaya tayo—para mapatawad ang mga kasalanan natin.+ 15  Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos,+ ang panganay sa lahat ng nilalang;+ 16  dahil sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at di-nakikita,+ mga trono man, pamamahala, gobyerno, o awtoridad. Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya+ at para sa kaniya. 17  Gayundin, siya ang nauna sa lahat ng iba pang bagay,+ at sa pamamagitan niya, ang lahat ng iba pang bagay ay nilikha, 18  at siya ang ulo ng katawan, ang kongregasyon.+ Siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay,+ nang sa gayon ay maging una siya sa lahat ng bagay; 19  dahil gusto ng Diyos na maging ganap* ang lahat ng bagay sa kaniya.+ 20  Sa pamamagitan din niya, ipinagkasundo ng Diyos sa Kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay,+ sa lupa man o sa langit; naging posible ito dahil sa dugo+ na ibinuhos niya sa pahirapang tulos. 21  Oo, kayo, na malayo noon sa Diyos at mga kaaway niya+ dahil nakatuon ang isip ninyo sa masasamang gawa, 22  ay ipinakipagkasundo niya sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng isang iyon+ na naghandog ng pisikal na katawan nito, para kayo ay maging banal, walang dungis, at malaya sa anumang akusasyon sa harap niya.+ 23  Pero siyempre, kailangan ninyong patuloy na mamuhay kaayon ng inyong pananampalataya,+ na nakatayong matatag+ sa pundasyon,+ hindi naililihis sa pag-asa na mula sa mabuting balitang iyon na narinig ninyo at ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa buong lupa.+ Akong si Pablo ay naging lingkod* ng mabuting balitang iyon.+ 24  Nagsasaya ako ngayon sa mga paghihirap ko para sa inyo,+ at nagdurusa akong gaya ni Kristo, pero kulang pa ang pagdurusa ko para sa kaniyang katawan,+ ang kongregasyon.+ 25  Ako ay naging lingkod ng kongregasyong ito dahil sa responsibilidad+ na ibinigay sa akin ng Diyos para sa inyong kapakanan, ang lubusang pangangaral ng salita ng Diyos, 26  ang sagradong lihim+ na hindi ipinaalám sa nakalipas na mga sistema+ at henerasyon. Pero isiniwalat ito ngayon sa mga banal;+ 27  gusto ng Diyos na ipaalám sa mga banal mula sa ibang mga bansa ang maluwalhating kayamanang ito, ang sagradong lihim+—na si Kristo ay kaisa ninyo, na nangangahulugang may pag-asa kayong makabahagi sa kaluwalhatian niya.+ 28  Siya ang inihahayag natin sa lahat ng tao, at pinaaalalahanan at tinuturuan natin sila taglay ang malawak na karunungan para maiharap natin ang bawat tao bilang maygulang na kaisa ni Kristo.+ 29  Dahil diyan, ibinibigay ko ang buo kong makakaya at nagsisikap ako nang husto, sa tulong ng lakas na ibinibigay niya sa akin.+

Talababa

O “binabata.”
O “kumpleto.”
O “ministro.”

Study Notes

Unang Liham sa mga Taga-Corinto: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga liham. Ipinapakita ng papirong codex na tinatawag na P46 na gumagamit noon ang mga eskriba ng pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya. Ang codex na ito ang pinakamatandang natagpuang koleksiyon ng mga liham ni Pablo, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Mababasa rito ang siyam sa mga liham niya. Sa simula ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, makikita sa codex na ito ang pamagat na Pros Ko·rinʹthi·ous A (“Para sa mga Taga-Corinto 1”). (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) May ganito ring pamagat ang iba pang sinaunang manuskrito, gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo C.E. Sa mga manuskritong ito, lumitaw ang pamagat sa simula at sa katapusan ng liham.

Liham sa mga Taga-Colosas: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat.—Tingnan ang study note sa 1Co Pamagat.

Akong si Pablo . . . at si Timoteo na ating kapatid: Si Pablo ang sumulat ng liham na ito sa mga taga-Colosas, pero isinama niya si Timoteo sa panimulang pagbati niya. Kasama ni Pablo si Timoteo sa Roma nang isulat niya ang liham na ito noong una siyang mabilanggo doon mga 59-61 C.E. Tinawag ni Pablo si Timoteo na “kapatid” para ipakitang magkapatid sila sa espirituwal. Lumilitaw na nabilanggo rin si Timoteo sa Roma nang mga panahong ito.—Fil 2:19; Heb 13:23.

isang apostol ni Kristo Jesus: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.

mga banal: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

Colosas: Lunsod na nasa timog-kanluran ng Asia Minor na bahagi ng Romanong lalawigan na Asia noong panahon ni Pablo. (Tingnan sa Glosari, “Asia”; Ap. B13.) Maganda ang lokasyon nito sa lambak ng Ilog Lycus dahil daanan ito ng mga mangangalakal sa mga lunsod sa Baybaying Aegean at mga lunsod sa silangan. Pagsapit ng unang siglo C.E., naging mayaman na rin ang katabi nitong lunsod na Laodicea at Hierapolis. Patuloy na naging kilalá ang Colosas dahil sa produkto nitong tela, partikular na ang magandang klase ng lana na tinina sa colossinus, ang tawag sa tinang kulay-ube na mamula-mula. Ang mga guho ng lunsod na ito, na mga 4 km (2.5 mi) ang layo sa bayan ng Turkey na Honaz, ay hindi pa nahuhukay ng mga arkeologo.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos . . . kapag ipinapanalangin namin kayo: O posibleng “Pinasasalamatan namin ang Diyos . . . at lagi namin kayong ipinapanalangin.” May mga Bibliya na idinugtong ang “lagi” sa “pinasasalamatan ang Diyos,” pero idinugtong naman ito ng ibang Bibliya sa “ipinapanalangin.” Parehong posible ang unawang ito batay sa tekstong Griego.

Epafras: Isang tapat na lingkod sa Colosas na dumalaw kay apostol Pablo sa Roma noong una siyang mabilanggo doon. Lumilitaw na hindi pa nakarating si Pablo sa Colosas nang isulat niya ang liham na ito (Col 2:1) at na malaki ang papel ni Epafras para maitatag ang kongregasyon doon (Col 1:6-8; 4:12, 13). Ang pangalang Epafras ay pinaikling anyo ng Epafrodito. Pero hindi siya si Epafrodito na taga-Filipos. (Fil 2:25) Si Epafras na taga-Colosas ay binanggit din sa Flm 23.

lingkod: O “ministro.” Tingnan ang study note sa Mat 20:26; 1Co 3:5.

makadiyos na pag-ibig: Inilalarawan ng ekspresyong ito ang uri ng pag-ibig na ipinapakita ng mga Kristiyanong taga-Colosas. Ang pag-ibig na ito ay di-makasarili at ginagabayan ng mga pamantayan ng Diyos. Bunga rin ito ng espiritu na naipapakita ng mga taong nagpapagabay dito.—Gal 5:22.

tumpak na kaalaman: Sa kontekstong ito, dalawang beses na lumitaw ang “tumpak na kaalaman,” dito at sa sumunod na talata. Ipinanalangin ni Pablo na mapuno ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kaniyang kalooban ang mga Kristiyano sa Colosas.—Para sa paliwanag sa terminong Griego na isinaling “tumpak na kaalaman,” tingnan ang study note sa Efe 4:13.

kakayahang umunawa mula sa espiritu: Tumutukoy sa kakayahang umunawa ng espirituwal na mga bagay sa tulong ng espiritu ng Diyos. Kasama dito ang “tumpak na kaalaman tungkol sa . . . kalooban” ng Diyos. Kapag may ganitong kakayahan ang isang tao, nakikita niya ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova.

para makapamuhay kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova: Sa orihinal na teksto, ginamit ang ekspresyong “makalakad” para tumukoy sa pagkilos o paraan ng pamumuhay ng isang tao. Maraming beses na ginamit ni Pablo ang ekspresyong “lumakad” sa makasagisag na diwa. (Gal 5:16; Col 2:6; 4:5) Sinasabi ng isang reperensiya na sa ganitong konteksto, tumutukoy ang ekspresyong ito sa “paglakad sa isang landasin ng buhay.” Ginagamit din sa ganitong diwa ang ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan. Ang isang halimbawa ay makikita sa 2Ha 20:3, kung saan sinabi ni Haring Hezekias: “Nakikiusap ako sa iyo, O Jehova, alalahanin mong lumakad ako sa harap mo nang may katapatan.” Kaya ang pamumuhay nang karapat-dapat sa harap ni Jehova ay nangangahulugang pamumuhay sa paraang nagpaparangal sa pangalan niya at kaayon ng matuwid na mga pamantayan niya. Gumamit din ng ganiyang pananalita si Pablo sa 1Te 2:12.—Para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Col 1:10.

awtoridad ng kadiliman: O “kapangyarihan ng kadiliman.” Binanggit din ni Jesus ang tungkol sa ganitong “kadiliman” na umimpluwensiya sa mga kaaway niya noong gabing inaresto siya bago siya patayin. (Tingnan ang study note sa Luc 22:53.) Tinutukoy dito ni Pablo ang espirituwal na kadilimang bumabalot sa sistema na kontrolado ni Satanas.—Efe 4:18; 6:12; ihambing ang 2Co 4:4 at study note.

inilipat: Dito, sinabi ni Pablo na ang mga Kristiyano ay iniligtas mula sa espirituwal na kadiliman tungo sa mas mabuting kalagayan. Ito rin ang salitang Griego na ginamit niya sa ekspresyong “makapaglilipat . . . ng mga bundok.” (1Co 13:2 at study note.) Ginagamit din ng sekular na mga manunulat noon ang salitang Griegong ito para tukuyin ang paglilipat ng lahat ng mamamayan sa isang lugar papunta sa ibang lupain. Ipinaalala ni Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas na malaking pagpapala na mailigtas mula sa madilim na sanlibutang ito ni Satanas at mailipat sa isang di-hamak na mas mabuting kaharian.

kaharian ng kaniyang mahal na Anak: Ang kahariang tinutukoy dito ni Pablo ay nakatatag na noong panahong iyon, dahil sinasabi ng talata na nailipat na dito ang mga Kristiyano. Kaya iba ang kahariang ito sa Mesiyanikong Kaharian sa langit, na sinasabi ng Bibliya na hindi pa itatatag sa panahon ni Pablo kundi pagkalipas pa ng mahabang panahon. (1Co 6:9, 10; Efe 5:5 at study note; 2Pe 1:10, 11; Apo 11:15; 12:10; ihambing ang Luc 19:11, 12, 15.) Kaya ang tinutukoy dito ni Pablo ay isang “kaharian” na binubuo ng pinahirang mga Kristiyano na may pag-asang maghari sa Kaharian sa langit. (San 2:5) Naging Hari, o Tagapamahala, sa kahariang iyon si Kristo noong Pentecostes 33 C.E. Mananatili ang kahariang iyon sa lupa hanggang sa umakyat na sa langit ang kahuli-hulihang pinahiran. Kapag tinanggap na ng mga Kristiyanong ipinanganak sa pamamagitan ng espiritu ang gantimpala nila sa langit, hindi na sila sakop ng espirituwal na kahariang ito ni Kristo, kundi maghahari na sila kasama niya sa langit.—Apo 5:9, 10.

ang panganay sa lahat ng nilalang: Ibig sabihin, ang unang nilalang ng Diyos na Jehova. Ang pito sa walong beses na paglitaw ng terminong Griego para sa “panganay” (pro·toʹto·kos) sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tumutukoy kay Jesus. Sa Kasulatan, ang terminong “panganay” ay kadalasan nang tumutukoy sa pinakaunang anak. Dahil si Jesus ang “panganay” na anak ni Maria, dinala siya sa templo bilang pagsunod sa Kautusan ni Jehova. (Luc 2:7, 22, 23; Mat 1:25) Sa Col 1:18 (tingnan ang study note), ito rin ang salitang Griego na ginamit para kay Jesus, “ang panganay mula sa mga patay,” ibig sabihin, ang unang binuhay-muli. (Ihambing ang Ro 8:29.) Sa Hebreong Kasulatan, ang ekspresyong “panganay” ay kadalasan nang nangangahulugan ding “pinakamatandang anak na lalaki ng isang ama.” Sa Septuagint, lumitaw din ang salitang Griego na ito sa Gen 49:3, kung saan sinabi ni Jacob: “Ruben, ikaw ang panganay ko.” (Tingnan sa Glosari, “Panganay.”) Sinasabi ng mga naniniwalang hindi nilalang si Jesus na ang “panganay” dito ay tumutukoy sa ranggo at hindi sa pagiging nilalang, kaya isinalin nila ang pariralang ito na “ang panganay na namamahala sa lahat ng nilalang.” Kahit totoo namang nakahihigit si Jesus sa lahat ng nilalang, walang basehan ang paniniwala na ang “panganay” dito ay may ibang kahulugan. Sa Apo 3:14, tinawag si Jesus na “pasimula ng paglalang ng Diyos,” na nagpapakitang “ang panganay sa lahat ng nilalang” sa talatang ito ay tumutukoy sa pagiging pinakaunang nilalang ng Diyos.

sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay: Ginamit ng Diyos ang “kaniyang mahal na Anak” (Col 1:13) sa paglalang ng mga bagay “sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at di-nakikita.” Kasama dito ang milyon-milyong iba pang espiritung anak ng Diyos na Jehova sa langit, pati na ang uniberso. (Gen 1:1; Dan 7:9, 10; Ju 1:3; Apo 5:11) Si Jesus ang panganay na Anak ni Jehova, at siya lang ang nilalang ng Diyos nang walang katulong. (Heb 1:6; tingnan ang study note sa Ju 1:14 at Col 1:15.) Kaya makatuwirang isipin na ang panganay na Anak na ito ang kausap ni Jehova nang sabihin niya: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.”—Gen 1:26.

lahat ng iba pang bagay: Ang literal na salin ng tekstong Griego ay “lahat ng bagay.” (Ihambing ang Kingdom Interlinear.) Pero sa ganitong salin, para bang hindi kasama si Jesus sa mga nilalang, kundi siya mismo ang Maylalang. At hindi iyan kaayon ng iba pang bahagi ng Bibliya, kasama na ang naunang talata, kung saan tinawag si Jesus na “panganay sa lahat ng nilalang.” (Col 1:15; ihambing ang Apo 3:14, kung saan tinawag si Jesus na “pasimula ng paglalang ng Diyos.”) Isa pa, ang salitang Griego para sa “lahat” ay puwede ring isalin sa ilang konteksto na “lahat ng iba pa.” Ang ilang halimbawa ay nasa Luc 13:2; 21:29; Fil 2:21. Kaayon ito ng makakasulatang turo ni Pablo sa 1Co 15:27: “‘Inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa [ni Kristo].’ Pero nang sabihing ‘ang lahat ng bagay ay napasailalim,’ malinaw na hindi kasama rito ang Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay.” Kaya batay sa turo ng Bibliya at sa malinaw na kahulugan ng salitang Griegong ginamit, masasabing tama ang salin na “lahat ng iba pang bagay.”—Ihambing ang study note sa Fil 2:9.

mga trono man, pamamahala, gobyerno, o awtoridad: Dito, ipinapakita ni Pablo na may administrasyon si Jehova sa langit at may mga gumaganap sa mga posisyon doon. May mga posisyon ang mga taong lingkod ng Diyos, at gaya ng ipinapakita sa talatang ito, may mga posisyon din ang perpektong mga espiritung nilalang. (Ezr 10:15-17; Isa 6:2; 1Co 6:3; Efe 3:10; Heb 13:17; Jud 8, 9) Hindi lang basta hinayaan ni Jehova na magkaroon ng ganitong mga posisyon; nilalang, o nilikha, niya ang mga ito. Siya ang gumawa ng mga kaayusang ito, at katulong niya ang kaniyang Anak. Ang mga posisyong binanggit sa talatang ito ay “nilalang sa pamamagitan [ni Jesus] at para sa kaniya,” kaya hindi ito puwedeng tumukoy sa mga gobyerno ng tao.

nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya: Binanggit sa talatang ito na kasama ang panganay na Anak ng Diyos na si Jesus sa paglalang ng lahat ng bagay, pero hindi siya tinawag sa Bibliya na Maylalang. Sinabi sa naunang talata na siya “ang panganay sa lahat ng nilalang,” at sa Apo 3:14, tinawag siyang “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” Matapos lalangin si Jesus, naging “dalubhasang manggagawa” siya ni Jehova ayon sa Kawikaan kabanata 8, kung saan tinawag din siyang “karunungan.” (Kaw 8:1, 22, 30) Mababasa sa Kaw 8:22-31 kung paano tumulong si Jesus sa paglalang, at binanggit doon na ang dalubhasang manggagawa ni Jehova ay ‘masayang-masaya nang makita niya ang lupang titirhan ng tao, at espesyal para sa kaniya ang mga anak ng tao [o “ang sangkatauhan”].’ Ito ang kahulugan ng Col 1:16, na nagsasabi: “Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya.”

ang ulo ng katawan, ang kongregasyon: Sa liham ni Pablo sa mga taga-Colosas at sa mga taga-Efeso, inihalintulad niya ang kongregasyong Kristiyano sa isang “katawan,” kung saan si Kristo ang ulo. (Efe 1:22, 23) Ayon sa isang reperensiya, ang metaporang ito ay “hindi lang nagpapahiwatig na kailangan ng katawan ang Ulo, kundi tinutupad din ng mga bahagi ng katawan ang kalooban ng Ulo. Sila ang mga instrumento Niya.” Si Jesus din ang ulo, o tagapamahala, ng kahariang tinawag ni Pablo na “kaharian ng . . . mahal na Anak” ng Diyos.—Col 1:13 at study note.

Siya . . . ang panganay mula sa mga patay: May mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga taong binuhay-muli bago si Jesus, pero siya ang unang binuhay-muli na hindi na kailanman mamamatay. Binuhay siyang muli “bilang espiritu” (1Pe 3:18), at binigyan siya ng posisyon na mas mataas sa posisyon niya dati bago siya bumaba sa lupa. Ginawa siyang imortal at binigyan ng katawang hindi masisira, na ibang-iba sa katawan ng tao na may laman at dugo. “Itinaas [si Jesus] nang higit pa sa langit,” at sa buong uniberso, pumapangalawa siya sa Diyos na Jehova. (Heb 7:26; 1Co 15:27; Fil 2:9-11) Ang Diyos na Jehova mismo ang bumuhay muli sa kaniya!—Gaw 3:15; 5:30; Ro 4:24; 10:9.

na maging ganap ang lahat ng bagay sa kaniya: Si Jesu-Kristo ang may pinakamahalagang papel sa katuparan ng layunin ng Diyos, at siya rin ang may pinakamahalagang posisyon sa kongregasyon. Bukod “sa dugo na ibinuhos niya sa pahirapang tulos” para maipagkasundo ang mga tao sa Diyos (Col 1:20), inilaan din ni Jesus ang lahat ng tagubilin at patnubay na kailangan ng mga Kristiyano. Nasa kaniya ang lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas, kasama na ang karunungan. Dahil perpekto ang halimbawa at mga turo niya, hindi na ito kailangang dagdagan ng mga pilosopiya at tradisyon ng tao. (Col 2:8-10) Kaya siya ang Huwaran ng mga Kristiyano, at sa kaniya lang sila nakikinig.

ipinagkasundo ng Diyos sa Kaniyang sarili: Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “ipinagkasundo” ay pangunahin nang nangangahulugang “magbago; makipagpalitan.” Nang maglaon, nangangahulugan na itong “maging magkaibigan mula sa pagiging magkaaway.” Ipinaliwanag dito ni Pablo na naipagkasundo ang mga tao sa Diyos “dahil sa dugo na ibinuhos [ni Jesus] sa pahirapang tulos.” Kaya posible na ulit na magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos ang mga tao.—Tingnan ang study note sa Ro 5:10; 2Co 5:18, 19.

sa lupa man o sa langit: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga naipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng dugo na ibinuhos ni Kristo sa pahirapang tulos. Ang mga bagay “sa langit” ay ang pinahirang mga Kristiyano na pinili para mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Sila ay “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag” (Heb 3:1), at “pamamahalaan nila ang lupa bilang mga hari” at kasamang tagapagmana ni Kristo sa Kaharian ng Diyos (Apo 5:9, 10). Ang mga bagay “sa lupa” ay tumutukoy sa mga tao na naipagkasundo sa Diyos at maninirahan sa lupa bilang sakop ng Kahariang ito sa langit.—Aw 37:29; tingnan ang study note sa Efe 1:10.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”—Tingnan sa Glosari.

ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa buong lupa: Lit., “ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.” Hindi naman sinasabi dito ni Pablo na literal na nakarating ang mabuting balita sa lahat ng lupain sa buong mundo. Ipinapakita lang niya na napakalawak ng naabot ng mabuting balita. (Ro 1:8; Col 1:6) Noong isinulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas, lumaganap na ang mensahe ng Kaharian sa Imperyo ng Roma at sa iba pang lupain. Sa katunayan, halos 30 taon bago nito, dinala ng mga Judio at proselita na yumakap sa Kristiyanismo noong Pentecostes 33 C.E. ang mensahe sa Parthia, Elam, Media, Mesopotamia, Arabia, Asia Minor, mga lugar sa Libya malapit sa Cirene, Roma, at posibleng sa iba pang lupain—ang saklaw ng “mundo” na alam ng mga mambabasa ni Pablo noon. (Gaw 2:1, 8-11, 41, 42) Makikita din sa sinabi ni Pablo sa Roma kabanata 15 na ang sinabi niya dito ay hindi dapat unawain nang literal. Doon, binanggit niyang kailangan pang makaabot ang mabuting balita sa Espanya.—Ro 15:20, 23, 24.

kaniyang katawan, ang kongregasyon: Tingnan ang study note sa Col 1:18.

sagradong lihim: Maraming beses na binanggit sa liham ni Pablo sa mga taga-Colosas ang terminong “sagradong lihim.”—Col 1:27; 2:2; 4:3; tingnan ang study note sa Mat 13:11; 1Co 2:7; Efe 1:9.

nakalipas na mga sistema: O “nakalipas na mga panahon.”—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”

bilang maygulang: O “na may matibay na pananampalataya.” Lit., “na perpekto.”—Ihambing ang 1Co 2:6 at tlb.

Media