Liham sa mga Taga-Colosas 2:1-23

2  Dahil gusto kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang paghihirap ko alang-alang sa inyo, sa mga nasa Laodicea,+ at sa lahat ng iba pang hindi pa nakakakita sa akin nang personal, 2  para mapatibay+ ang lahat at mabuklod ng pag-ibig+ at mapasainyo ang lahat ng kayamanan na nagmumula sa lubos na pagkaunawa ninyo sa katotohanan, ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa sagradong lihim ng Diyos, tungkol kay Kristo.+ 3  Ang lahat ng karunungan at kaalaman* ay nakatago sa kaniya.+ 4  Sinasabi ko ito sa inyo para hindi kayo malinlang ng sinuman sa pamamagitan ng mapanghikayat na mga argumento. 5  Hindi man ninyo ako kasama, lagi kayong nasa isip ko, at masaya akong malaman na organisado kayo+ at may matibay na pananampalataya kay Kristo.+ 6  Kaya dahil tinanggap na ninyo ang Panginoong Kristo Jesus, patuloy kayong lumakad na kaisa niya.+ 7  Gaya ng itinuro sa inyo, dapat na malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya ninyo sa kaniya,+ dapat na magpalakas ito sa inyo at magpatatag,+ at dapat itong mag-umapaw kasama ng pasasalamat.+ 8  Maging mapagbantay kayo para walang bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya+ na ayon sa mga tradisyon ng tao at pananaw ng sanlibutan,+ at hindi ayon kay Kristo; 9  dahil nasa kaniya ang lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas.+ 10  Kaya naman hindi kayo nagkulang ng anuman dahil sa kaniya, na ulo ng lahat ng pamahalaan at awtoridad.+ 11  Dahil sa kaugnayan ninyo sa kaniya, tinuli rin kayo, hindi sa pamamagitan ng kamay, kundi sa pamamagitan ng pag-aalis ng makasalanang laman,+ dahil sa ganiyang paraan tinutuli ang mga lingkod ng Kristo.+ 12  Dahil inilibing kayong kasama niya sa kaniyang bautismo,+ at dahil sa kaugnayan ninyo sa kaniya, ibinangon din kayong+ kasama niya sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa makapangyarihang gawa ng Diyos, na bumuhay-muli sa kaniya.*+ 13  Isa pa, kahit patay kayo dahil sa inyong mga kasalanan at dahil hindi kayo tuli, binuhay kayo ng Diyos kasama ni Kristo.+ Buong puso niyang pinatawad ang lahat ng kasalanan natin+ 14  at binura ang sulat-kamay na dokumento+ na binubuo ng mga batas+ at isinulat laban sa atin.+ Inalis niya ito sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos.+ 15  Sa pamamagitan ng pahirapang tulos, hinubaran niya ang mga pamahalaan at mga awtoridad at isinama sa prusisyon ng tagumpay+ para makita ng publiko na natalo niya sila at nabihag. 16  Kaya huwag ninyong hayaan ang sinuman na hatulan kayo dahil sa pagkain at pag-inom+ o pagdiriwang ng mga kapistahan, bagong buwan,+ o sabbath.+ 17  Ang mga iyon ay anino lang ng mga bagay na darating,+ anino ng Kristo.+ 18  Huwag ninyong hayaan na hindi ninyo makuha ang gantimpala+ dahil sa sinuman na nagkukunwaring mapagpakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ang gayong tao ay “naninindigan sa” mga bagay na nakita niya. At dahil sa makalamang pag-iisip niya, nagmamataas siya nang walang basehan. 19  Hindi rin siya nanghahawakan sa ulo,+ na nagbibigay sa buong katawan ng kinakailangan nito at nagbubuklod sa mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at litid at nagpapalaki sa katawan sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos.+ 20  Kung itinakwil na ninyo ang mga bagay sa sanlibutan+ at namatay na kayong kasama ni Kristo, bakit namumuhay kayo na para bang bahagi pa rin ng sanlibutan? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga batas+ na ito: 21  “Huwag kang humawak o tumikim o humipo” 22  ng mga bagay na naglalaho rin at nauubos? Mga utos at turo lang ito ng tao.+ 23  Para bang batay sa karunungan ang mga utos na ito, pero ang mga sumusunod dito ay sumasamba ayon sa sarili nilang paraan. Pinahihirapan nila ang katawan nila+ para magmukha silang mapagpakumbaba. Pero hindi nakatutulong ang mga ito para mapaglabanan ang mga pagnanasa ng laman.

Talababa

Lit., “ng kayamanan ng karunungan at kaalaman.”
Lit., “na nagbangon sa kaniya mula sa mga patay.”

Study Notes

Laodicea: Isang mayamang lunsod sa kanlurang bahagi ng Asia Minor (malapit sa Denizli, Turkey ngayon) na mga 18 km (11 mi) mula sa Colosas at mga 150 km (90 mi) mula sa Efeso. (Tingnan ang Ap. B13.) Ito ay nasa lambak ng Ilog Lycus, na isang matabang lupain at daanan ng mga mangangalakal. Ipinapakita ng talatang ito na hindi nakapangaral si Pablo sa Laodicea. Pero nakarating ang mensahe ng Kaharian sa lugar na iyon (Gaw 19:10), at isang kongregasyon ang nabuo sa Laodicea at sa kalapít nitong lunsod na Colosas at sa Hierapolis (Col 4:13, 15, 16). Sa Kasulatan, mababasa lang ang lunsod ng Laodicea sa mga aklat ng Colosas at Apocalipsis.—Apo 1:11; 3:14.

nakakakita sa akin nang personal: Lit., “nakakakita sa mukha ko sa laman.”—Tingnan ang study note sa Ro 3:20.

sagradong lihim ng Diyos, tungkol kay Kristo: Nakasentro ang sagradong lihim ng Diyos sa tinatawag ni Pablo na “sagradong lihim tungkol sa Kristo.” (Col 4:3) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim na ito.—Tingnan ang study note sa Mat 13:11; 1Co 2:7; Efe 1:9.

nakatago sa kaniya: Dahil sa mahalagang papel na ibinigay ng Diyos na Jehova sa Kaniyang Anak sa katuparan ng mga layunin Niya, masasabing ang lahat ng karunungan at kaalaman ay “nakatago” kay Jesus. Hindi naman ito nangangahulugang hindi kailanman maiintindihan ng mga tao ang ganitong karunungan at kaalaman. Puwedeng maintindihan ng isa ang Kasulatan kung mananampalataya siya kay Jesu-Kristo bilang Anak ng Diyos. (Mat 13:11) Dahil sa mga turo ni Jesus, nalaman ng mga tagasunod niya ang kamangha-manghang mga katotohanan na hindi nila naiintindihan dati, kasama na ang katuparan ng mga hula ng Bibliya sa buhay at ministeryo niya. (Luc 24:25-27, 32) Tinulungan din niya ang mga tao na mas makilala ang Diyos, na kaniyang Ama. (Luc 10:22) Si Jesus ang panganay na Anak ng Diyos, kaya siya ang pinakanakakakilala sa Ama at pinakanakakaunawa sa kaisipan Niya.—Col 1:15, 16, 18.

malalim ang pagkakaugat: Sa talatang ito, gumamit si Pablo ng tatlong paghahalintulad para ilarawan kung paano ‘patuloy na makakalakad na kaisa’ ni Kristo ang isang Kristiyano. (Col 2:6) Sa una, idiniin niya na ang mga Kristiyano ay dapat na maging kasintibay ng isang puno na malalim ang pagkakaugat.—Tingnan ang study note sa Efe 3:17.

magpalakas ito sa inyo: Tumutukoy sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Idiniriin ni Pablo sa paghahalintulad na ito na ang isang Kristiyano ay dapat na maging gaya ng isang gusali na matibay ang pundasyon.—Tingnan ang study note sa Efe 3:17.

magpatatag: Ito ang ikatlong paghahalintulad na ginamit ni Pablo para ilarawan kung paano ‘patuloy na makakalakad na kaisa’ ni Kristo ang isang Kristiyano. (Col 2:6) Matapos gumamit si Pablo ng termino sa agrikultura (“malalim ang pagkakaugat”) at arkitektura (“magpalakas”), gumamit naman siya ng termino sa negosyo at batas. Ang salitang Griego para sa “magpatatag” ay ginagamit sa legal na usapin at puwede ring isaling “tiyakin; pagtibayin; bigyan ng garantiya.” (Ro 15:8; 1Co 1:8; 2Co 1:21) Sa isang diksyunaryo, isinalin itong “magbigay ng katiyakan.” Gumamit si Pablo ng isang kaugnay na pangngalang Griego sa liham niya sa mga Kristiyano sa Filipos nang banggitin niya ang tungkol sa “legal na pagtatatag” ng mabuting balita. (Fil 1:7) Habang kumukuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos ang mga Kristiyano, lalo nilang napapatunayan na tama talagang manampalataya sila sa Diyos.

bumihag sa inyo: O “mambiktima sa inyo.” Sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ito ay nangangahulugang “makontrol ang isa sa pamamagitan ng pagbihag sa kaniya.” Idinagdag pa nito: “Inilalarawan nito ang pag-agaw sa isa mula sa katotohanan tungo sa pagkaalipin sa kasalanan.”

pilosopiya: Ang salitang Griego na phi·lo·so·phiʹa, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay literal na nangangahulugang “pag-ibig sa karunungan.” Noong panahon ni Pablo, malawak ang kahulugan ng salitang ito. Karaniwan nang tumutukoy ito sa iba’t ibang turo, kasama na ang tungkol sa relihiyon. Sa nag-iisang ulat tungkol sa pag-uusap ni Pablo at ng mga pilosopong Griego, relihiyon ang paksa nila. (Gaw 17:18-31) May iba’t ibang pilosopiya na itinataguyod noon sa silangang bahagi ng Imperyo ng Roma, kung saan matatagpuan ang Colosas. Kung pagbabatayan ang konteksto at gramatika ng pananalita sa Col 2:8, lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga nagtataguyod ng Judaismo, na naggigiit sa pagsunod sa Kautusang Mosaiko, kasama na ang pagtutuli, pagdiriwang ng mga kapistahan, at pag-iwas sa ilang pagkain.—Col 2:11, 16, 17.

mapanlinlang . . . na mga ideya: O “mapang-akit . . . na mga ideya.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay isinalin ding “mapandayang kapangyarihan” (Mat 13:22; Heb 3:13) at “mga turong mapanlinlang” (2Pe 2:13).

pananaw ng sanlibutan: O “panimulang mga bagay ng sanlibutan.” Ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito sa liham niya sa mga taga-Galacia.—Tingnan ang study note sa Gal 4:3.

hindi ayon kay Kristo: Pilosopiya ng tao ang binabanggit dito ni Pablo. Hindi niya sinasabi na maling kumuha ng kaalaman, dahil ipinanalangin niya pa nga na “mapuno . . . ng tumpak na kaalaman” tungkol sa kalooban ng Diyos ang mga Kristiyano sa Colosas. Pero gaya ng ipinakita ni Pablo, kailangang maunawaan ng isa ang papel ni Jesu-Kristo sa katuparan ng layunin ng Diyos para magkaroon siya ng tunay na kaalaman at karunungan.—Col 1:9, 10; 2:2, 3.

nasa kaniya ang lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas: Ipinapakita ng konteksto na ang pagkakaroon ni Jesu-Kristo ng “lahat ng katangian ng Diyos” ay hindi nangangahulugang kapantay niya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, gaya ng sinasabi ng ilan. Sa naunang kabanata, sinabi ni Pablo: “Gusto ng Diyos na maging ganap ang lahat ng bagay sa kaniya,” o kay Kristo. (Col 1:19) Kaya nagkaroon si Kristo ng “lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas” dahil sa Ama. Sa Col 1:15, sinabi ni Pablo na si Jesus ang “larawan ng di-nakikitang Diyos,” hindi ang Diyos. Inilarawan sa Col 1:19-22 ang pakikipagkasundong isinaayos ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, at mababasa sa Col 2:12 na binuhay siyang muli ng Diyos. Sinabi rin ni Pablo na “nakaupo ang Kristo sa kanan ng Diyos.” (Col 3:1) Ipinapakita ng mga ito na ang pagkakaroon ni Jesu-Kristo ng “lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas” ay hindi nangangahulugang siya rin ang Diyos, ang Makapangyarihan-sa-Lahat.

lahat ng katangian ng Diyos: Makikita kay Kristo ang lahat ng kahanga-hangang katangian ng kaniyang Diyos at Ama sa langit. Ang salitang Griego na ito (the·oʹtes), na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay mula sa salitang Griego para sa “diyos,” the·osʹ, pero may iba itong kahulugan. Sa maraming diksyunaryo, nangangahulugan itong “maladiyos; may katangian ng diyos; may pagkadiyos.” Ginagamit ng mga Griegong manunulat noon ang terminong ito para tumukoy sa isang katangian o kalagayan na puwedeng makuha o maiwala ng isa depende sa pagkilos niya. Maliwanag, ginagamit din ang terminong ito para sa mga nilalang at hindi lang kay Jehova, ang Diyos na pinakamakapangyarihan at walang hanggan. Kaya may matibay na basehan sa paniniwala na ang the·oʹtes dito ay tumutukoy sa mga katangian ng Diyos, hindi sa Diyos mismo.

hindi kayo nagkulang ng anuman dahil sa kaniya: Ang kahulugan ng pananalitang ito ay makikita sa konteksto, na nagsasabing “ang lahat ng karunungan at kaalaman ay nakatago” kay Kristo. Inilaan ni Jesu-Kristo ang lahat ng kailangan ng mga tagasunod niya para ‘mapalakas’ sila at ‘mapatatag.’ (Col 2:3, 6, 7) Ipinaliwanag din sa Col 2:13-15 na pinalaya ni Kristo ang mga Kristiyano mula sa tipang Kautusan. Hindi kailangan ng mga Kristiyano ang Kautusan, pati na ang pilosopiya at tradisyon ng tao. (Col 2:8) ‘Hindi sila nagkulang ng anuman’ dahil inilaan ni Kristo ang lahat ng kailangan nila.—Col 2:10-12.

tinuli rin kayo, hindi sa pamamagitan ng kamay: Tingnan ang study note sa Ro 2:29.

patay kayo dahil sa inyong mga kasalanan: Sa Bibliya, ginagamit din ang kamatayan at buhay sa makasagisag, o espirituwal, na diwa. (Tingnan ang study note sa Efe 2:1.) Sinasabi ni Pablo na ang mga Kristiyano sa Colosas ay ‘patay noon dahil sa kanilang mga kasalanan.’ Pero ipinapakita niya dito na ang pinahirang mga Kristiyano na iyon ay binuhay . . . ng Diyos kasama ni Jesu-Kristo. Dahil pinagsisihan na nila ang makasalanan nilang pamumuhay, pinatawad na sila ni Jehova sa bisa ng haing pantubos ni Jesus.—Efe 2:5; ihambing ang study note sa Luc 9:60; Ju 5:24, 25.

binura: Tingnan ang study note sa Gaw 3:19.

sulat-kamay na dokumento: Tumutukoy sa Kautusang Mosaiko. Nang tanggapin ng Diyos ang dugong inihain ni Jesus, “binura [Niya] ang sulat-kamay na dokumento,” o pinawalang-bisa ang tipang Kautusan, kasama na ang mga kahilingan nito pagdating sa paghahandog. Para bang ipinako ng Diyos ang dokumentong ito, o kontrata, sa tulos, kung saan namatay si Jesus. Sa Col 2:16, binanggit ni Pablo ang ilan sa mga batas na binura. Sinabi niya: “Kaya huwag ninyong hayaan ang sinuman na hatulan kayo dahil sa pagkain at pag-inom o pagdiriwang ng mga kapistahan, bagong buwan, o sabbath.” Sa Efe 2:15, gumamit si Pablo ng kahawig na pananalita nang sabihin niyang “sa pamamagitan ng . . . laman, inalis [ni Jesus] ang alitan, ibig sabihin, pinawalang-bisa niya ang Kautusan, na binubuo ng mga tuntunin at batas.”

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”—Tingnan sa Glosari.

Sa pamamagitan ng pahirapang tulos: Dahil sa kamatayan ni Kristo sa pahirapang tulos, hindi lang nabura ang “sulat-kamay na dokumento,” o ang tipang Kautusan, kundi naging posible rin para sa mga Kristiyano na lumaya mula sa kadiliman, o sa masamang pamamahala ni Satanas. (Col 2:14) Puwede rin itong isalin na “sa pamamagitan niya,” o ni Jesu-Kristo.

hinubaran niya ang mga pamahalaan at mga awtoridad: Dito, ang mga gobyerno at awtoridad sa ilalim ni Satanas ay inihalintulad ni Pablo sa papataying mga bihag na ipinaparada sa prusisyon ng tagumpay ng mga Romano. (Ihambing ang Efe 6:12.) Ang mga bilanggo ay hinuhubaran ng baluti, tinatanggalan ng mga sandata, at nilalait ng mga taong sumusunod sa prusisyon. Sinasabi ng sinaunang mga reperensiya na may mga bilanggo, kasama na ang mga hari, na mas gusto pang magpakamatay kaysa iparada sila sa ganoong prusisyon dahil sa matinding kahihiyan. Sa metaporang ginamit ni Pablo, inihalintulad niya si Jehova sa isang manlulupig na hinuhubaran at ipinaparada sa publiko ang natalo niyang mga kaaway. Iba ang pagkakagamit dito ni Pablo sa “prusisyon ng tagumpay” kumpara sa pagkakagamit niya nito sa 2Co 2:14-16.—Tingnan ang study note sa 2Co 2:14.

pagdiriwang ng mga kapistahan, bagong buwan, o sabbath: Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kailangan ng bayan ng Diyos na ipagdiwang ang mga okasyong ito. (Tingnan ang study note sa Gal 4:10 at Glosari, “Kapistahan ng mga Kubol,” “Kapistahan ng Pag-aalay,” “Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa,” “Bagong buwan,” “Pentecostes,” at “Sabbath.”) Iginigiit ng ilan na kailangan pa ring ipagdiwang ng lahat ng Kristiyano ang mga okasyong ito, pero pinayuhan sila ni Pablo na huwag makinig sa mga ito. Hindi nila dapat hayaan ang sinuman na hatulan sila dahil lang sa hindi nila ipinagdiriwang ang mga kapistahan sa Kautusang Mosaiko, na wala nang bisa nang panahong iyon.

anino lang ng mga bagay na darating: Makikita sa anino ng isang bagay ang hugis nito. Pero di-gaya ng mismong bagay, nawawala ang anino. May kaugnayan dito, ipinaliwanag ni Pablo na ang Kautusan, kasama na ang mga kapistahan, tabernakulo, at mga handog, ay anino lang ng mas mabubuting bagay na darating.—Heb 8:5; 9:23-28; 10:1.

sinuman na nagkukunwaring mapagpakumbaba: Dito, nagbababala si Pablo laban sa huwad na mga guro na gustong-gustong magmukhang mapagpakumbaba. Lumilitaw na iginigiit ng ilan sa kanila na makukuha lang ng isa ang pabor ng Diyos kung susunod siya sa Kautusan at pagkakaitan ang sarili. Kasama sa mga ito ang pagkakait sa sarili ng materyal na mga bagay, pag-iwas sa ilang pagkain, o pagdiriwang ng ilang relihiyosong kapistahan; pero ang lahat ng ito ay hindi naman iniuutos sa mga Kristiyano. Puwede silang magmukhang mapagpakumbaba dahil sa mga ito, pero ang totoo, “nagmamataas” sila at may “makalamang pag-iisip,” at ginagawa lang nila ang mga ito para pahangain ang iba.—Mat 6:1.

nagkukunwaring mapagpakumbaba: Ang salitang Griego na ginamit sa ekspresyong ito ay literal na nangangahulugang “mapagpakumbaba,” o “may kababaan ng isip.” Pero sinabi rin ni Pablo sa talatang ito na ang huwad na mga guro ay “nagmamataas,” kaya maliwanag na ang kapakumbabaan na tinutukoy niya dito ay hindi totoo.—Para sa paliwanag kung ano ang tunay na kapakumbabaan, tingnan ang study note sa Gaw 20:19.

sumasamba: Ang salitang Griego na ginamit dito (thre·skeiʹa) ay tumutukoy sa “pagsamba,” tunay man ito o huwad. (Gaw 26:5) Lumitaw rin ang salitang ito sa San 1:27, kung saan isinalin itong “uri ng pagsamba” sa mismong teksto at “relihiyon” sa talababa. Sa San 1:26, isinalin itong “pagsamba.”

sumasamba sa mga anghel: Walang binanggit na detalye si Pablo tungkol sa ganitong uri ng pagsamba. Maraming puwedeng maging kahulugan ang pariralang Griego na ito. Posibleng ginagaya ng ilan sa Colosas ang pagsamba ng mga anghel; akala nila, natutularan nila ang kabanalan ng mga anghel sa pagsamba. Posible ring ang mga anghel mismo ang sinasamba nila at sa mga ito sila humihingi ng tulong at proteksiyon. May mga ebidensiya na sumasamba sa anghel ang mga pagano sa Colosas, pati na ang mga nag-aangking Kristiyano. Noong ikaapat na siglo, kinondena ng mga lider ng simbahan sa Laodicea ang ganiyang pagsamba; pero nagpatuloy pa rin ito sa loob ng isang siglo o higit pa. Pero maliwanag na ayaw ng tapat na mga anghel ni Jehova na sambahin sila. (Apo 19:10; 22:8, 9) Sinabi dito ni Pablo na ang mga gumagawa ng ganiyang pagsamba ay kadalasan nang “nagkukunwaring mapagpakumbaba.” (Tingnan ang study note sa nagkukunwaring mapagpakumbaba sa talatang ito.) Kung sasamba ang mga Kristiyano sa mga nilalang, ‘hindi nila makukuha ang gantimpala’ nilang buhay na walang hanggan.—Ihambing ang Mat 4:10; Ro 1:25.

“naninindigan sa” mga bagay na nakita niya: Lumilitaw na inilalarawan dito ni Pablo ang paninindigan ng huwad na mga guro. Ang ekspresyong “naninindigan sa [lit., “tumatapak sa,” Kingdom Interlinear]” ay posibleng nangangahulugan na detalyado nilang ipinapaliwanag ang mga bagay na sinasabi nilang nakita nila. Posibleng ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga ritwal ng mga pagano o ang mga pangitain na inaangkin ng huwad na mga guro na tinanggap nila. Alinman diyan ang totoo, iniisip ng huwad na mga gurong ito na nakahihigit ang karunungan nila kumpara sa mga kapuwa nila Kristiyano. Kaya pakiramdam nila, mas mataas sila sa iba. Iginigiit ng gayong mga tao na may ibang mapagkukunan ng kaalaman at karunungan ang kongregasyon bilang gabay bukod sa Anak ng Diyos. Kaya pinayuhan sila ni Pablo.—Tingnan ang study note sa Col 2:3.

buong katawan: Tumutukoy sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano. Inilalaan ni Jesu-Kristo ang kailangan ng katawan sa pamamagitan ng “mga kasukasuan at litid” nito—mga kaayusan sa pagpapakain sa espirituwal, pagbibigay ng mga tagubilin, at pag-aatas ng mga gawain sa kongregasyon. Dahil dito, napapakaing mabuti sa espirituwal ang “katawan,” at nalalaman ng bawat bahagi kung paano niya dapat gampanan ang atas niya.—Efe 4:7-16; tingnan ang study note sa Efe 4:16.

nagbubuklod: Tingnan ang study note sa Efe 4:16.

sa pamamagitan ng mga kasukasuan at litid: Ang mga bahagi ng katawan ng tao ay pinagdurugtong-dugtong ng mga kasukasuan. Mayroon din itong mga “litid,” o matitibay na tissue na nagdurugtong sa mga buto o sumusuporta sa mga panloob na bahagi ng katawan. Sinasabi ng ilang komentarista na posibleng nakaimpluwensiya si Lucas, “ang minamahal na doktor,” sa paggamit ni Pablo ng mga terminong pangmedisina dahil magkasama sila noong isinusulat ni Pablo ang liham na ito. (Col 4:14) Ang terminong Griego na synʹde·smos, na isinalin ditong “litid,” ay may mas malawak na kahulugan at puwede ring tumukoy sa pagbubuklod, gaya sa Efe 4:3 (“mapanatili ang kapayapaan”) at Col 3:14 (“pinagkakaisa ang mga tao”).

sumasamba ayon sa sarili nilang paraan: Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “relihiyong sariling imbento” o “relihiyon na ikaw ang bahala sa gusto mong gawin.”

mga pagnanasa ng laman: Ipinapakita dito ni Pablo na hindi nakakatulong sa mga Kristiyano ang pag-aayuno o ang pagsunod sa iba pang di-kinakailangang utos (Col 2:16, 20, 21) para mapaglabanan ang maling mga pagnanasa ng laman; hindi rin susulong sa espirituwal ang isang tao sa pamamagitan ng labis na pagkakait sa sarili. Totoo, piniling magdusa ng mga lingkod noon ng Diyos sa halip na makipagkompromiso. (Heb 11:35-38) Pero hindi ipinapayo ng Kasulatan na sadyang pahirapan ng isang Kristiyano ang sarili niya nang walang makatuwirang dahilan o dahil sa kagustuhan niyang mapalapít sa Diyos. Susulong sa espirituwal ang isa kung pag-aaralan niya at susundin ang Salita ng Diyos at kung mananampalataya siya sa pantubos ni Kristo.—Ro 3:23, 24; 2Ti 3:16, 17.

Media