Liham sa mga Taga-Colosas 4:1-18

4  Kayong mga panginoon, maging matuwid kayo at patas sa pagtrato sa inyong mga alipin, dahil alam ninyong may Panginoon din kayo sa langit.+ 2  Magmatiyaga kayo sa pananalangin+ para manatili kayong gisíng, at maging mapagpasalamat kayo.+ 3  At manalangin din kayo para sa amin,+ na magbukas sana ng daan ang Diyos para maihayag namin ang kaniyang salita, ang sagradong lihim tungkol sa Kristo, na dahilan kung bakit ako nasa bilangguan,+ 4  at para maihayag ko ito nang malinaw gaya ng nararapat. 5  Patuloy na lumakad nang may karunungan kapag kasama ninyo ang mga di-kapananampalataya, at gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.+ 6  Laging maging mabait sa inyong pananalita, na tinitimplahan ito ng asin,+ para malaman ninyo kung paano kayo dapat sumagot sa bawat isa.+ 7  Si Tiquico,+ isang minamahal na kapatid at kapuwa alipin at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magdadala sa inyo ng balita tungkol sa akin. 8  Isinusugo ko siya sa inyo para malaman ninyo ang kalagayan namin at para maaliw niya kayo. 9  Kasama niya si Onesimo,+ ang tapat at minamahal kong kapatid na galing sa inyo. Sasabihin nila sa inyo ang lahat ng nangyayari dito. 10  Binabati kayo ni Aristarco+ na kapuwa ko bihag, pati ng pinsan ni Bernabe+ na si Marcos+ (ang tinutukoy namin na malugod ninyong tanggapin+ kung sakaling pumunta siya sa inyo), 11  at ni Jesus na tinatawag na Justo, na mga kabilang sa mga tuli. Sila lang ang mga kamanggagawa ko para sa Kaharian ng Diyos, at talagang napalalakas nila ako. 12  Binabati kayo ni Epafras,+ isang alipin ni Kristo Jesus na galing sa inyo. Lagi siyang nananalangin nang marubdob para sa inyo, para manatili kayong may-gulang at nanghahawakan sa lahat ng kalooban ng Diyos hanggang sa wakas. 13  Sinasabi ko sa inyo na talagang nagpagal siya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14  Binabati kayo ni Lucas,+ ang minamahal na doktor, at ni Demas.+ 15  Iparating ninyo ang pagbati ko sa mga kapatid sa Laodicea at kay Nimfa at sa kongregasyon na nagtitipon sa bahay niya.+ 16  Kapag nabasa na ninyo ang liham na ito, isaayos ninyo na mabasa+ rin ito ng kongregasyon sa Laodicea at basahin din ninyo ang liham na ipinadala ko sa Laodicea. 17  Sabihin din ninyo kay Arquipo:+ “Magpokus ka* sa ministeryong tinanggap mo mula sa Panginoon para maisagawa mo ito.” 18  Ako, si Pablo, ay bumabati rin sa inyo.+ Patuloy ninyong isaisip ang mga gapos ko sa bilangguan.+ Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan.

Talababa

O “Magsikap ka nang husto.”

Study Notes

mga di-kapananampalataya: O “mga nasa labas.” Tumutukoy ito sa mga nasa labas ng organisasyong nagbubuklod sa lahat ng tunay na tagasunod ni Kristo. (Mat 23:8; ihambing ang 1Co 5:12.) Hinihimok ni Pablo ang mga Kristiyano na kumilos nang may karunungan dahil inoobserbahan sila ng mga di-kapananampalataya para malaman kung namumuhay talaga sila kaayon ng mga pamantayang itinuturo nila.

gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo: O “bilhin ninyo ang naaangkop na panahon.” Ito rin ang ekspresyong ginamit ni Pablo sa Efe 5:16 (tingnan ang study note). Lumilitaw na iisa ang punto ni Pablo sa dalawang sulat na ito, dahil halos sabay niyang isinulat ang liham na ito at ang liham niya sa mga taga-Efeso.—Efe 6:21, 22; Col 4:7-9.

mabait: Malawak ang kahulugan ng salitang Griego na khaʹris, at kadalasan nang ginagamit ito sa Kasulatan para tumukoy sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. Dito, ginamit ito ni Pablo para tumukoy sa pananalita na kapaki-pakinabang, masarap pakinggan, at kahali-halina pa nga. (Ihambing ang Efe 4:29, kung saan isinalin ang khaʹris na “makinabang.”) Isinalin ang salitang ito na ‘nakagiginhawa’ sa Luc 4:22 nang tukuyin ang pananalita ni Jesus noong nasa Nazaret siya, na sarili niyang bayan. (Ihambing ang Aw 45:2 [44:3, LXX], kung saan ginamit ng Septuagint ang khaʹris para ilarawan ang kahali-halinang pananalita ng Mesiyanikong Hari.) Dapat na laging kapaki-pakinabang, mabait, masarap pakinggan, at kahali-halina pa nga ang pananalita ng isang Kristiyano. Kaya ipinapahiwatig ni Pablo na hindi lang magsasalita nang mabait ang isang Kristiyano sa pilíng mga tao o okasyon; dapat na maging natural ito sa kaniya.

tinitimplahan ito ng asin: Ilang beses na binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang asin, at ginagamit ito sa literal at makasagisag na diwa. Makakatulong ang pagkakagamit sa ekspresyong ito sa ibang mga teksto para maunawaan ang ibig sabihin ni Pablo. (Tingnan ang study note sa Mat 5:13; Mar 9:50.) Lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang kakayahan ng asin na pasarapin ang pagkain, magdagdag ng lasa, at magsilbing preserbatibo. Kaya hinihimok niya ang mga Kristiyano na ‘timplahan’ ang pananalita nila para masarap itong pakinggan at mailigtas ang mga taong makikinig sa mensahe nila.

Tiquico: Isang ministrong Kristiyano mula sa lalawigan ng Asia na naging malaking tulong kay Pablo. (Gaw 20:2-4) Ipinagkatiwala ni Pablo kay Tiquico ang pagdadala ng liham sa mga taga-Colosas, kay Filemon na miyembro ng kongregasyon sa Colosas, at sa mga taga-Efeso. Pero hindi lang iyan ang atas ni Tiquico. Siya rin ang ‘nagdala ng balita’ tungkol kay Pablo. Malamang na kasama dito ang mga detalye tungkol sa pagkakabilanggo ni Pablo, sa kalagayan niya, at sa mga pangangailangan niya. Sigurado si Pablo na kapag ang “minamahal na kapatid . . . at tapat na lingkod” na ito ang nagdala ng balita tungkol sa kaniya, maaaliw ang mga kapatid at lalo nilang mapapahalagahan ang mahahalagang aral mula sa Diyos na itinuro niya. (Col 4:8, 9; tingnan din ang Efe 6:21, 22.) Pagkalaya ni Pablo sa pagkakabilanggo, inisip niyang isugo si Tiquico sa Creta. (Tit 3:12) At nang mabilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon, ipinadala niya si Tiquico sa Efeso.—2Ti 4:12.

Onesimo: Siya rin ang Onesimo na tinukoy ni Pablo sa liham nito kay Filemon. Tumakas ang aliping si Onesimo sa amo niyang si Filemon, isang Kristiyano sa Colosas. Posibleng ninakawan din niya si Filemon bago tumakas papuntang Roma. (Flm 18) Naging Kristiyano siya sa Roma at itinuring ni apostol Pablo na parang anak. (Flm 10) Hinimok siya ni Pablo na bumalik sa amo niya sa Colosas. Sumama siya kay Tiquico, na nagdala ng mga liham ni Pablo para sa mga taga-Efeso at mga taga-Colosas. (Efe 6:21, 22; Col 4:7, 8) Posibleng si Onesimo ang nagdala ng sulat kay Filemon. Sumama si Onesimo kay Tiquico sa mahabang paglalakbay na ito papuntang Colosas posibleng para maprotektahan siya mula sa mga Romanong awtoridad, na nanghuhuli ng mga tumakas na alipin. Hiniling ni Pablo sa kongregasyon na mainit na tanggapin si Onesimo, na isang “tapat at minamahal [na] kapatid.”

pinsan ni Bernabe: Dito, binanggit ni Pablo na si Marcos ay “pinsan ni Bernabe,” na isang posibleng dahilan kung bakit naging matindi ang di-pagkakasundo nina Pablo at Bernabe na nakaulat sa Gaw 15:37-39. (Tingnan ang study note sa Marcos sa talatang ito.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang “pinsan” (a·ne·psi·osʹ). Pangunahin na itong tumutukoy sa “pinsang buo,” pero puwede rin itong tumukoy sa iba pang pinsan.

Marcos: Tinawag ding Juan sa Gaw 12:12, 25; 13:5, 13. (Tingnan ang study note sa Mar Pamagat; Gaw 12:12.) Hindi nagkasundo sina Pablo at Bernabe kung isasama nila si Marcos sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero (mga 49-52 C.E.). Nauwi ito sa “mainitang pagtatalo,” at naghiwalay sila ng landas. (Gaw 15:37-39) Pero sa 1Co 9:6, makikita sa sinabi ni Pablo na nagkaayos na sila ni Bernabe noong isinusulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas. Kasama ni Pablo si Marcos sa Roma noong una siyang mabilanggo, kaya ipinapakita nito na nagbago na ang tingin niya rito. Sinabi pa nga ni Pablo na “talagang napalalakas” siya ni Marcos. (Tingnan ang study note sa Col 4:11.) Posibleng isinulat ni Marcos ang Ebanghelyo na nakapangalan sa kaniya noong mga panahong dinalaw niya si Pablo sa Roma.—Tingnan din ang “Introduksiyon sa Marcos.”

Marcos: Mula sa pangalang Latin na Marcus. Marcos ang Romanong apelyido ni “Juan” na binanggit sa Gaw 12:12. Ang kaniyang ina ay si Maria, isa sa mga unang alagad na nakatira sa Jerusalem. Si Juan Marcos ay “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10), na nakasama niya sa paglalakbay. Naglakbay rin si Marcos kasama ni Pablo at iba pang misyonerong Kristiyano noon. (Gaw 12:25; 13:5, 13; 2Ti 4:11) Hindi binanggit sa Ebanghelyo kung sino ang sumulat nito, pero sinasabi ng mga manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. na si Marcos ang sumulat nito.

mga tuli: Mga tuling Judiong Kristiyano. Tinulungan si Pablo ng mga kapatid na ito na binanggit niya sa pangalan. (Tingnan ang study note sa talagang napalalakas sa talatang ito.) Malamang na hindi sila nagdalawang-isip na makihalubilo sa mga di-Judiong Kristiyano, at siguradong masayang-masaya silang nangaral kasama ni Pablo sa mga di-Judio.—Ro 11:13; Gal 1:16; 2:11-14.

talagang napalalakas: O “napapatibay.” Sa naunang mga talata, binanggit ni Pablo ang mga kapatid na tumulong sa kaniya noong nakabilanggo siya sa Roma. (Col 4:7-11) Sinabi niyang “talagang napalalakas nila” siya. Madalas gamitin sa sinaunang mga literatura at inskripsiyon ang salitang Griego na ginamit dito, pero dito lang ito lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ayon sa isang reperensiya, ang salitang ito at ang mga anyo nito ay partikular nang ginagamit sa medisina, na tumutukoy sa ginhawang nararamdaman kapag nawawala ang sintomas ng sakit. Sinabi pa nito: “Ang salitang ito ay pangunahin nang tumutukoy sa pagbibigay ng lakas at kaaliwan, posibleng dahil sa nabanggit na paliwanag tungkol sa salitang ito.” Kaya lumilitaw na sa sitwasyon ni Pablo, pinatibay siya at pinalakas ng mga kapatid na binanggit niya, hindi lang sa salita kundi pati sa pagbibigay ng praktikal na tulong.—Kaw 17:17.

marubdob: Ang pandiwang Griego na a·go·niʹzo·mai, na isinalin ditong “marubdob,” ay kaugnay ng pangngalang Griego na a·gonʹ, na kadalasang tumutukoy sa paligsahan ng mga atleta. (Tingnan ang study note sa Luc 13:24; 1Co 9:25.) Kung paanong ibinibigay ng mga atleta noon ang buong lakas nila sa palaro para matapos ang takbuhan o manalo, ibinuhos din ni Epafras ang puso at lakas niya sa pananalangin para sa mga kapatid sa Colosas. Lumilitaw na malaki ang naitulong ni Epafras para maitatag ang kongregasyon doon, kaya alam niya ang espesipikong kailangan ng mga kapananampalataya niya doon. (Col 1:7; 4:13) Gusto niya at ni Pablo na ang mga kapatid ay manghawakan sa pag-asa at manatiling may-gulang, o ganap na mga Kristiyanong may matibay na pananampalataya.—Col 1:5; 2:6-10.

Lucas: Sa tatlong beses na paglitaw ng pangalan ni Lucas sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, lagi itong galing kay apostol Pablo. (2Ti 4:11; Flm 24) Malamang na si Lucas ay isang Judio na nagsasalita ng Griego at naging Kristiyano pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E. Isinulat niya ang Ebanghelyo na nakapangalan sa kaniya, at pagkatapos ay ang aklat ng Gawa. (Tingnan ang study note sa Luc Pamagat.) Sinamahan niya si Pablo sa ikalawa at ikatlong paglalakbay nito bilang misyonero. At kasama siya ng apostol noong mabilanggo ito nang dalawang taon sa Cesarea. Kasama din siya ni Pablo sa paglalakbay papuntang Roma noong una itong mabilanggo doon. Noon isinulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas. Kasama ulit ni Pablo si Lucas noong huling mabilanggo ang apostol, na malamang na humantong sa pagpatay sa kaniya.—2Ti 4:11.

ang minamahal na doktor: Sa talatang ito lang direktang sinabi ang propesyon ni Lucas. Kahit na para bang malakas si Pablo dahil sa mga nagagawa niya, nagkakasakit din siya (Gal 4:13), kaya posibleng malaking ginhawa kay Pablo na kasama niya si Lucas. Malamang na pamilyar sa mga doktor ang mga Kristiyano sa Colosas dahil may mga paaralan sa medisina sa lugar nila.

Demas: Binanggit din ni Pablo ang kamanggagawa niyang ito sa liham niya kay Filemon. (Flm 24) Pero pagkaraan lang ng ilang taon, nang mabilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon, sinabi niya: “Pinabayaan ako ni Demas; inibig niya ang sistemang ito.” Bumalik si Demas sa Tesalonica, na malamang na sarili niyang bayan.—2Ti 4:10.

Lucas: Sa Griego, Lou·kasʹ, mula sa Latin na Lucas. Si Lucas, ang manunulat ng Ebanghelyong ito at ng Mga Gawa ng mga Apostol, ay isang doktor at tapat na kasamahan ni apostol Pablo. (Col 4:14; tingnan din ang “Introduksiyon sa Lucas.”) Dahil sa Griegong pangalan niya at istilo ng pagsulat, ipinapalagay ng ilan na hindi Judio si Lucas. Gayundin, sa Col 4:10-14, nang banggitin ni Pablo ang “mga kabilang sa mga tuli,” hindi niya agad binanggit si Lucas. Pero ang ganiyang palagay ay hindi kaayon ng sinasabi sa Ro 3:1, 2, na sa mga Judio “ipinagkatiwala . . . ang salita ng Diyos.” Kaya malamang na si Lucas ay isang Judio na nagsasalita ng Griego at may Griegong pangalan.

sa kongregasyon na nagtitipon sa bahay niya: Tingnan ang study note sa 1Co 16:19.

basahin din ninyo ang liham na ipinadala ko sa Laodicea: Tinutukoy dito ni Pablo ang liham niya para sa kongregasyon sa Laodicea, na hindi na nakarating sa atin. (Ihambing ang study note sa 1Co 5:9.) Ipinapakita nito na may mga isinulat na liham si Pablo na hindi naging bahagi ng Bibliya. Posibleng ang laman ng liham na ito ay natalakay na nang detalyado sa mga liham na naging bahagi ng Bibliya. Anuman ang dahilan, makikita sa sinabi ni Pablo na ang mahahalagang liham noon, gaya ng isinulat ni Pablo, ay ipinapaikot sa mga kongregasyon para basahin. (1Te 5:27) May isang liham, na posibleng isinulat noong mga ikaapat na siglo C.E., na diumano’y ginawa ni Pablo para sa mga taga-Laodicea. Pero hindi ito kailanman itinuring na kanonikal ng mga kongregasyon noon.—Tingnan sa Glosari, “Kanon (kanon ng Bibliya).”

Arquipo: Lumilitaw na ito rin ang Arquipo na tinawag ni Pablo na “kapuwa namin sundalo” sa liham niya kay Filemon. Isinulat niya ang maikling liham na iyon para “kay Filemon, . . . kay Apia, na kapatid naming babae, at kay Arquipo,” at sa kongregasyong nagtitipon sa bahay ni Filemon. (Flm 1, 2) Sinasabi ng maraming iskolar ng Bibliya na magkakapamilya ang tatlong Kristiyanong ito at nakatira sila sa iisang bahay. Walang matibay na ebidensiya ang konklusyong ito pero makatuwiran itong isipin. Bukod sa detalyeng may tinanggap na ministeryo si Arquipo, halos wala nang binanggit ang Bibliya tungkol sa kaniya. Nang sabihin ni Pablo kay Arquipo na ‘magpokus sa ministeryo,’ hindi naman ito nangangahulugang pinagsasabihan niya si Arquipo. Gusto lang ni Pablo na pahalagahan at gampanan ng lahat ng Kristiyano ang ministeryo nila.—Ihambing ang study note sa 2Co 4:7.

Ako, si Pablo, ay bumabati rin sa inyo: Lit., “Narito ang pagbati ko, ni Pablo, mula sa sarili kong kamay.” Si Pablo ang mismong sumulat ng huling pagbati sa liham na ito, malamang na para patunayang galing ito sa kaniya. Ganiyan din ang ginawa niya sa ilan sa iba pa niyang liham, na nagpapakitang madalas na may tagasulat siya ng mga liham niya.—1Co 16:21; 2Te 3:17.

Media