Daniel 1:1-21

1  Nang ikatlong taon ng pamamahala ni Haring Jehoiakim+ ng Juda, sinalakay* ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang Jerusalem.+ 2  At ibinigay ni Jehova si Haring Jehoiakim ng Juda sa kamay niya,+ pati na ang ilan sa mga kagamitan ng bahay* ng tunay na Diyos, at dinala niya ang mga iyon sa Sinar*+ sa bahay* ng kaniyang diyos. Inilagay niya ang mga kagamitan sa kabang-yaman ng kaniyang diyos.+ 3  At iniutos ng hari sa kaniyang punong opisyal sa palasyo na si Aspenaz na dalhin ang ilang Israelita, kasama ang mga anak ng mga hari at mga maharlika.+ 4  Dapat na mga kabataan* sila na walang kapintasan, maganda ang hitsura, pinagpala ng talino, kaalaman, at kaunawaan,+ at kayang maglingkod sa palasyo ng hari. Dapat ituro sa kanila ni Aspenaz ang wika at pagsulat* ng mga Caldeo. 5  Iniutos din ng hari na araw-araw silang bigyan ng pagkain at alak ng hari. Sasanayin* sila sa loob ng tatlong taon, at maglilingkod sila sa hari pagkatapos nito. 6  Kasama sa kanila ang ilan mula sa tribo* ni Juda: sina Daniel,*+ Hananias,* Misael,* at Azarias.*+ 7  At binigyan sila ng pangunahing opisyal sa palasyo ng ibang pangalan:* kay Daniel ay Beltesasar,+ kay Hananias ay Sadrac, kay Misael ay Mesac, at kay Azarias ay Abednego.+ 8  Pero buo ang pasiya ni Daniel* na hindi niya durumhan ang kaniyang sarili ng pagkain at alak ng hari. Kaya nakiusap siya sa pangunahing opisyal sa palasyo na payagan siyang hindi kumain at uminom ng mga ito para hindi siya maging marumi. 9  At pinakilos ng tunay na Diyos ang pangunahing opisyal sa palasyo na magpakita ng pabor* at awa kay Daniel.+ 10  Pero sinabi kay Daniel ng pangunahing opisyal sa palasyo: “Natatakot ako sa panginoon kong hari na nagtakda ng pagkain at inumin ninyo. Paano kung makita niyang mukha kayong sakitin kumpara sa ibang kabataang* kaedad ninyo? Mananagot ako* sa hari.” 11  Sinabi ni Daniel sa lalaking inatasan ng pangunahing opisyal sa palasyo na mag-alaga sa kaniya at kina Hananias, Misael, at Azarias: 12  “Pakisuyo, subukin mo ang iyong mga lingkod sa loob ng 10 araw. Gulay at tubig ang ibigay mo sa amin, 13  at pagkatapos ay ikumpara mo kami sa mga kabataang* kumakain ng pagkain ng hari, at saka ka magpasiya para sa iyong mga lingkod ayon sa makikita mo.” 14  Kaya pumayag siya at sinubok sila sa loob ng 10 araw. 15  Pagkalipas ng 10 araw, mas maganda at mas malusog ang hitsura* nila kaysa sa lahat ng kabataang* kumakain ng pagkain ng hari. 16  Kaya gulay ang ibinibigay sa kanila ng tagapag-alaga, sa halip na pagkain at alak ng hari. 17  At binigyan ng tunay na Diyos ang apat na kabataang* ito ng karunungan, pati ng kaalaman at unawa sa lahat ng aklat; at si Daniel ay binigyan ng kakayahang maunawaan ang lahat ng klase ng pangitain at panaginip.+ 18  Nang matapos ang panahong itinakda ng hari,+ dinala sila ng pangunahing opisyal sa palasyo sa harap ni Nabucodonosor. 19  Nang kausapin sila ng hari, walang iba sa grupo ang tulad nina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias;+ at patuloy silang naglingkod sa hari. 20  Sa lahat ng tanong ng hari sa kanila na kailangang gamitan ng karunungan at unawa, mas magaling sila nang 10 beses kaysa sa lahat ng mahikong saserdote at salamangkero+ sa kaharian niya. 21  At nanatili roon si Daniel hanggang sa unang taon ni Haring Ciro.+

Talababa

O “kinubkob.”
O “templo.”
Babilonia.
O “templo.”
Lit., “bata.”
O “mga isinulat.”
O posibleng “Palulusugin.”
Ibig sabihin, “Tumulong si Jehova.”
Posibleng ang ibig sabihin ay “Sino ang Tulad ng Diyos?”
Ibig sabihin, “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap.”
Lit., “mga anak na lalaki.”
Ibig sabihin, “Ang Aking Hukom ay Diyos.”
Mga pangalang Babilonyo.
O “Pero ipinasiya ni Daniel sa kaniyang puso.”
O “kabaitan.”
Lit., “batang.”
Lit., “ang ulo ko.”
Lit., “batang.”
Lit., “at mataba ang laman.”
Lit., “batang.”
Lit., “batang.”

Study Notes

Media