Daniel 12:1-13
12 “Sa panahong iyon, tatayo si Miguel,*+ ang dakilang prinsipe+ na nakatayo alang-alang sa iyong bayan.* Mararanasan ang isang panahon ng kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. At sa panahong iyon, makatatakas ang iyong bayan,+ ang lahat ng nakasulat sa aklat.+
2 Marami sa mga natutulog sa alabok ng lupa ang magigising, ang ilan tungo sa buhay na walang hanggan at ang iba tungo sa kahihiyan at walang-hanggang kadustaan.
3 “At ang mga may kaunawaan ay magliliwanag na gaya ng langit,* at ang mga umaakay sa marami tungo sa katuwiran* ay magniningning na gaya ng mga bituin magpakailanman.
4 “At ikaw, Daniel, ilihim mo ang mga salita at panatilihing natatakan ang aklat hanggang sa panahon ng wakas.+ Marami ang magpaparoo’t parito,* at sasagana ang tunay na kaalaman.”+
5 At akong si Daniel ay may nakita na dalawa pang nakatayo, isa sa isang panig ng pampang ng ilog at isa pa sa kabila.+
6 Ang isa ay nagsabi sa lalaking nakasuot ng lino,+ na nasa ibabaw ng ilog: “Gaano kahaba ang katuparan ng kamangha-manghang mga bagay na ito?”
7 At narinig kong sinabi ng lalaking nakasuot ng lino, na nasa ibabaw ng ilog, habang itinataas niya tungo sa langit ang kaniyang kanan at kaliwang kamay at sumusumpa sa ngalan ng Isa na buháy magpakailanman:+ “Mangyayari iyon sa loob ng isang takdang panahon, mga takdang panahon, at kalahating panahon.* Kapag natapos ang pagdurog sa kapangyarihan ng banal na bayan,+ magwawakas ang lahat ng ito.”
8 Narinig ko ito pero hindi ko naintindihan,+ kaya sinabi ko: “O panginoon ko, ano ang kalalabasan ng mga bagay na ito?”
9 Sinabi niya: “Humayo ka, Daniel, dahil ang mga salitang ito ay mananatiling lihim at natatakan hanggang sa panahon ng wakas.+
10 Marami ang maglilinis at magpapaputi ng kanilang sarili, at sila ay madadalisay.+ At ang masasama ay gagawa ng masama, at walang isa man sa kanila ang makauunawa; pero maiintindihan ito ng mga may kaunawaan.+
11 “At kapag inalis na ang regular na handog+ at ipinuwesto ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang,+ lilipas ang 1,290 araw.
12 “Maligaya siya na patuloy na naghihintay* hanggang sa matapos ang 1,335 araw!
13 “Pero ikaw, manatili kang matatag hanggang sa wakas. Magpapahinga ka, pero sa wakas ng mga araw, babangon ka para tanggapin ang iyong bahagi.”*+
Talababa
^ Ibig sabihin, “Sino ang Tulad ng Diyos?”
^ O “sa mga anak ng iyong bayan.”
^ Lit., “kalawakan ng langit.”
^ O “Susuriin itong [ang aklat] mabuti ng marami.”
^ Tatlo at kalahating panahon.
^ O “siya na naghihintay nang may pananabik.”
^ O “ang iyong gantimpala; ang lugar na itinakda para sa iyo.”