Daniel 4:1-37
4 “Ito ang mensahe ni Haring Nabucodonosor para sa lahat ng bayan at bansa sa buong lupa na iba’t iba ang wika: Magkaroon nawa kayo ng saganang kapayapaan!
2 Gusto kong ihayag ang mga tanda at himala na ginawa sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
3 Kahanga-hanga ang kaniyang mga tanda at makapangyarihan ang kaniyang mga himala! Ang kaniyang kaharian ay walang hanggan, at ang kaniyang pamamahala ay magpapatuloy sa lahat ng henerasyon.+
4 “Akong si Nabucodonosor ay panatag noon sa aking bahay at namumuhay nang sagana sa aking palasyo.
5 May napanaginipan ako, at natakot ako rito. Habang nakahiga ako, may nakita akong mga larawan at pangitain na ikinatakot ko.+
6 Kaya iniutos kong dalhin sa harap ko ang lahat ng matatalinong tao sa Babilonya para maipaalám nila sa akin ang ibig sabihin ng panaginip ko.+
7 “At dumating ang mga mahikong saserdote, salamangkero, Caldeo,* at astrologo.+ Nang sabihin ko sa kanila ang panaginip ko, hindi nila masabi sa akin ang ibig sabihin nito.+
8 Nang bandang huli, humarap sa akin si Daniel, na pinangalanan ding Beltesasar+ batay sa pangalan ng aking diyos,+ at nasa kaniya ang espiritu ng mga banal na diyos.+ Sinabi ko sa kaniya ang panaginip:
9 “‘O Beltesasar na pinuno ng mga mahikong saserdote,+ alam kong nasa iyo ang espiritu ng mga banal na diyos+ at na walang lihim na hindi mo kayang malaman.+ Kaya ipaliwanag mo sa akin ang mga pangitaing nakita ko sa panaginip ko at ang ibig sabihin nito.
10 “‘Sa mga pangitaing nakita ko habang nasa higaan ako, may isang puno+ sa gitna ng lupa, at pagkataas-taas nito.+
11 Lumaki ang puno at naging matibay, at umabot sa langit ang tuktok nito, at nakikita ito hanggang sa mga dulo ng lupa.
12 Mayabong ito at mabunga, at may pagkain dito para sa lahat. Sa ilalim nito sumisilong ang mga hayop sa parang, at sa mga sanga nito namumugad ang mga ibon sa langit, at dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.*
13 “‘Sa mga pangitaing nakita ko habang nakahiga ako, may isang bantay, isang banal na mensahero, na bumababa mula sa langit.+
14 Sinabi niya nang malakas: “Putulin ang puno,+ baliin ang mga sanga nito, alisin ang mga dahon, at ikalat ang mga bunga! Paalisin ang mga hayop sa ilalim nito at ang mga ibon sa mga sanga.
15 Pero huwag ninyong bunutin ang mga ugat nito. Iwan ninyo ang tuod, na may bigkis na bakal at tanso, kasama ng mga damo sa parang. Hayaan itong mabasâ ng hamog ng langit at makasama ng mga hayop sa gitna ng pananim sa lupa.+
16 Ang taglay nitong puso ng tao ay hayaang mapalitan ng puso ng hayop, at pitong panahon+ ang palilipasin.+
17 Ito ang utos ng mga bantay+ at ang hatol ng mga banal, para malaman ng mga taong nabubuhay na ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao+ at na ibinibigay niya ang pamamahala kung kanino niya gusto, kahit sa pinakamababa sa mga tao.”
18 “‘Ito ang napanaginipan ko, akong si Haring Nabucodonosor; ngayon, O Beltesasar, sabihin mo ang ibig sabihin nito, dahil hindi ito kayang ipaalám sa akin ng lahat ng iba pang matatalino sa kaharian ko.+ Pero ikaw, kaya mo, dahil nasa iyo ang espiritu ng mga banal na diyos.’
19 “At natigilan sandali si Daniel, na may pangalan ding Beltesasar,+ at natakot siya.
“Sinabi ng hari, ‘O Beltesasar, huwag kang matakot sa panaginip at sa ibig sabihin nito.’
“Sumagot si Beltesasar, ‘O panginoon ko, ang panaginip nawa ay para sa mga napopoot sa iyo, at ang ibig sabihin nito ay para nawa sa mga kaaway mo.
20 “‘Ang punong nakita mo na naging napakalaki at matibay, na ang tuktok ay umabot sa langit at nakikita sa buong lupa,+
21 na mayabong, mabunga, at pinagkukunan ng pagkain ng lahat, at sinisilungan ng mga hayop sa parang at pinamumugaran ng mga ibon sa langit,+
22 ikaw iyon, O hari, dahil naging dakila ka at malakas, at ang kaluwalhatian mo ay umabot sa langit,+ at ang pamamahala mo hanggang sa mga dulo ng lupa.+
23 “‘At ang hari ay nakakita ng isang bantay, isang banal na mensahero+ na bumababa mula sa langit, na nagsabi: “Putulin ang puno at sirain iyon, pero huwag ninyong bunutin ang mga ugat nito. Iwan ninyo ang tuod, na may bigkis na bakal at tanso, kasama ng damo sa parang. Hayaan itong mabasâ ng hamog ng langit at makasama ng mga hayop sa parang hanggang sa lumipas ang pitong panahon.”+
24 Ito ang ibig sabihin ng panaginip, O hari; ito ang sinabi ng Kataas-taasan na mangyayari sa panginoon kong hari.
25 Itataboy ka ng mga tao at maninirahang kasama ng mga hayop sa parang, at pananim ang kakainin mo gaya ng mga toro; at mababasâ ka ng hamog ng langit,+ at lilipas ang pitong panahon+ hanggang sa malaman mong ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na ibinibigay niya ang pamamahala kung kanino niya gusto.+
26 “‘Pero dahil sinabi nilang iwan ang tuod ng puno at ang ugat nito,+ ang iyong kaharian ay ibabalik sa iyo kapag nalaman mo nang ang tunay na tagapamahala ay nasa langit.
27 Kaya maging katanggap-tanggap sana sa iyo ang payo ko, O hari. Itigil mo ang paggawa ng kasalanan at gawin mo ang tama, at talikuran mo ang iyong kasamaan at kaawaan ang mahihirap. Baka sakaling tumagal pa ang iyong kasaganaan.’”+
28 Nangyari ang lahat ng ito kay Haring Nabucodonosor.
29 Pagkalipas ng 12 buwan, habang naglalakad ang hari sa bubungan ng maharlikang palasyo sa Babilonya,
30 sinabi niya: “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila na ako mismo ang nagtayo para sa maharlikang sambahayan sa pamamagitan ng aking lakas at kapangyarihan at para sa aking maluwalhating karingalan?”
31 Habang nagsasalita pa ang hari, isang tinig ang narinig mula sa langit: “Para sa iyo ang mensaheng ito, O Haring Nabucodonosor, ‘Ang kaharian ay aalisin sa iyo,+
32 at itataboy ka ng mga tao. Maninirahan kang kasama ng mga hayop sa parang, at pananim ang kakainin mo gaya ng mga toro, at lilipas ang pitong panahon hanggang sa malaman mong ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na ibinibigay niya ang pamamahala kung kanino niya gusto.’”+
33 Nang sandaling iyon, natupad ang sinabi tungkol kay Nabucodonosor. Itinaboy siya ng mga tao, at nagsimula siyang kumain ng pananim gaya ng mga toro, at ang katawan niya ay nabasâ ng hamog ng langit, at humaba ang buhok niya gaya ng balahibo ng agila at ang mga kuko niya gaya ng mga kuko ng ibon.+
34 “Pagkatapos ng panahong iyon,+ akong si Nabucodonosor ay tumingala sa langit, at bumalik ako sa katinuan. At pinuri ko ang Kataas-taasan; pinuri ko at niluwalhati ang Isa na buháy magpakailanman, dahil ang pamamahala niya ay walang hanggan at ang kaniyang kaharian ay mananatili sa paglipas ng mga henerasyon.+
35 Ang lahat ng naninirahan sa lupa ay walang kabuluhan kung ikukumpara sa kaniya, at ginagawa niya sa hukbo ng langit at sa mga naninirahan sa lupa ang ayon sa kalooban niya. At walang makapipigil sa kaniya*+ o makapagsasabi sa kaniya, ‘Ano ang ginawa mo?’+
36 “Nang panahong iyon, bumalik ako sa katinuan, at naibalik sa akin ang kaluwalhatian ng aking kaharian at ang aking karingalan at karilagan.+ Hinanap ako ng aking matataas na opisyal at ng mga prominenteng tao, at naibalik ako sa aking kaharian, at lalo pa akong naging dakila.
37 “Ngayon, akong si Nabucodonosor ay lumuluwalhati sa Hari ng langit,+ at pinupuri ko siya at dinadakila dahil ang lahat ng kaniyang gawa ay kaayon ng katotohanan at ang mga daan niya ay makatarungan,+ at dahil kaya niyang ibaba ang mga mapagmataas.”+
Talababa
^ Isang grupong eksperto sa panghuhula at astrolohiya.
^ Lit., “laman.”
^ O “kaniyang kamay.”