Daniel 6:1-28
6 Nakita ni Dario na mabuting mag-atas ng 120 satrapa para sa buong kaharian.+
2 Nag-atas din siya ng tatlong matataas na opisyal na mamamahala sa mga ito, at isa sa kanila si Daniel;+ ang mga satrapa+ ay nag-uulat sa tatlong ito para mapangalagaan ang mga kapakanan ng hari.
3 Pero kitang-kita ang kaibahan ni Daniel sa ibang matataas na opisyal at sa mga satrapa, dahil mayroon siyang di-pangkaraniwang talino,+ at iniisip ng hari na bigyan siya ng awtoridad sa buong kaharian.
4 Nang panahong iyon, ang matataas na opisyal at mga satrapa ay naghahanap ng maiaakusa kay Daniel may kaugnayan sa pangangasiwa niya sa kaharian, pero wala silang makitang anumang masama sa kaniya, dahil tapat siya, hindi pabaya, at hindi tiwali.
5 Sinabi nila: “Wala tayong maiaakusa sa Daniel na ito, maliban na lang kung may kaugnayan ito sa kautusan ng kaniyang Diyos.”+
6 Kaya sama-samang pumunta sa hari ang matataas na opisyal at mga satrapang ito, at sinabi nila: “O Haring Dario, mabuhay ka nawa magpakailanman.
7 Ang lahat ng opisyal sa kaharian, prepekto, satrapa, tagapayo sa kaharian, at gobernador ay nag-usap-usap para bumuo ng isang batas na aaprobahan ng hari. Gusto naming ipatupad ang isang pagbabawal sa loob ng 30 araw, na ang sinumang magsumamo sa sinumang diyos o tao maliban sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon.+
8 Ngayon, O hari, pagtibayin mo nawa ang batas at lagdaan ito+ para hindi ito mabago, ayon sa kautusan ng mga Medo at mga Persiano, na hindi puwedeng mapawalang-bisa.”+
9 Kaya nilagdaan ni Haring Dario ang batas at ang pagbabawal.
10 Pero nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ang batas, umuwi siya agad sa kaniyang bahay at pumunta sa kaniyang silid sa bubungan na may nakabukas na bintanang nakaharap sa Jerusalem.+ At tatlong beses sa isang araw, lumuluhod siya, nananalangin, at pumupuri sa kaniyang Diyos, gaya ng lagi niyang ginagawa noon pa man.
11 Nang pagkakataong iyon, biglang pumasok ang mga lalaking iyon at nakita si Daniel na humihiling at nagsusumamo sa harap ng kaniyang Diyos.
12 Kaya lumapit sila sa hari at ipinaalaala sa kaniya ang pagbabawal na inaprobahan niya: “Hindi ba nilagdaan mo, O hari, ang isang batas na sa loob ng 30 araw, ang sinumang magsumamo sa sinumang diyos o tao maliban sa iyo ay ihahagis sa yungib ng mga leon?” Sumagot ang hari: “Oo, at hindi puwedeng ipawalang-bisa ang kautusan ng mga Medo at mga Persiano.”+
13 Kaagad nilang sinabi: “O hari, hindi ka iginalang ni Daniel, na isang tapon mula sa Juda,+ pati ang pagbabawal na nilagdaan mo, dahil tatlong beses siyang nananalangin bawat araw.”+
14 Nang marinig ito ng hari, nabagabag siya nang husto, at nag-isip siya ng paraan para iligtas si Daniel; at pinagsikapan niyang iligtas ito hanggang sa paglubog ng araw.
15 Nang bandang huli, sama-samang pumunta sa hari ang mga lalaking ito, at sinabi nila: “Alalahanin mo, O hari, na ayon sa kautusan ng mga Medo at mga Persiano, hindi puwedeng baguhin ang anumang pagbabawal o batas na pinagtibay ng hari.”+
16 Kaya nag-utos ang hari, at dinala nila si Daniel at inihagis sa yungib ng mga leon.+ Sinabi ng hari kay Daniel: “Ililigtas ka ng iyong Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran.”
17 At isang bato ang itinakip sa pasukan* ng yungib, at tinatakan iyon ng hari gamit ang kaniyang singsing na panlagda at singsing na panlagda ng mga opisyal niya para hindi mabago ang desisyon may kaugnayan kay Daniel.
18 Pagkatapos, umuwi ang hari sa kaniyang palasyo. Magdamag siyang nag-ayuno* at ayaw niyang magpaaliw,* at hindi siya nakatulog.
19 Nang magbukang-liwayway na, bumangon siya agad at dali-daling pumunta sa yungib ng mga leon.
20 Habang papalapit sa yungib, sumigaw siya kay Daniel sa malungkot na tinig. Tinanong ng hari si Daniel: “O Daniel, lingkod ng Diyos na buháy, iniligtas ka ba mula sa mga leon ng iyong Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran?”
21 Agad na sumagot si Daniel: “O hari, mabuhay ka nawa magpakailanman.
22 Isinugo ng aking Diyos ang anghel niya at itinikom ang bibig ng mga leon,+ kaya hindi ako sinaktan ng mga ito,+ dahil wala akong kasalanan sa harap niya; at wala rin akong ginawang masama sa iyo, O hari.”
23 Tuwang-tuwa ang hari, at iniutos niyang iahon si Daniel mula sa yungib. Nang maiahon si Daniel, wala siyang anumang pinsala, dahil nagtiwala siya sa kaniyang Diyos.+
24 At iniutos ng hari na ihagis sa yungib ng mga leon ang mga lalaking nag-akusa* kay Daniel, pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila nakakarating sa baba ng yungib, sinakmal na sila ng mga leon at dinurog ang lahat ng buto nila.+
25 At sumulat si Haring Dario sa lahat ng bayan at bansa sa buong lupa na iba’t iba ang wika:+ “Magkaroon nawa kayo ng saganang kapayapaan!
26 Ipinag-uutos ko na sa buong teritoryo ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat na manginig sa takot sa harap ng Diyos ni Daniel.+ Dahil siya ang Diyos na buháy at mananatili siya magpakailanman. Hindi kailanman mawawasak ang kaharian niya, at walang hanggan ang pamamahala* niya.+
27 Siya ay sumasagip,+ nagliligtas, at nagsasagawa ng mga tanda at himala sa langit at sa lupa,+ dahil iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”*
28 Kaya naging maganda ang kalagayan ni Daniel sa kaharian ni Dario+ at sa kaharian ni Ciro na Persiano.+
Talababa
^ Lit., “bunganga.”
^ O posibleng “at walang pinapasok na manunugtog.”
^ O “nanirang-puri.”
^ O “soberanya.”
^ O “sa pangalmot ng mga leon.”