Deuteronomio 16:1-22
16 “Alalahanin ninyo ang buwan ng Abib* at ipagdiwang ang Paskuwa para sa Diyos ninyong si Jehova,+ dahil inilabas kayo ng Diyos ninyong si Jehova sa Ehipto isang gabi sa buwan ng Abib.+
2 At dapat ninyong ialay sa Diyos ninyong si Jehova ang handog para sa Paskuwa,+ mula sa kawan at bakahan,+ sa lugar na pipiliin ni Jehova para sa kaluwalhatian ng pangalan niya.+
3 Huwag ninyo itong kakainin na kasama ng anumang may pampaalsa;+ sa loob ng pitong araw, dapat kayong kumain ng tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng paghihirap, dahil nagmadali kayong lumabas sa Ehipto.+ Gawin ninyo ito para maalaala ninyo habambuhay ang araw na lumabas kayo sa Ehipto.+
4 Hindi dapat magkaroon ng pinaasim na masa sa buong teritoryo ninyo sa loob ng pitong araw,+ at kung tungkol sa karne na ihahain ninyo sa gabi ng unang araw, dapat na walang matira dito hanggang sa kinaumagahan.+
5 Hindi ninyo puwedeng ialay ang handog para sa Paskuwa sa kahit aling lunsod lang na ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.
6 Dapat ninyo itong gawin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Jehova para sa kaluwalhatian ng pangalan niya. Dapat ninyong ialay sa gabi ang handog para sa Paskuwa pagkalubog ng araw,+ sa araw* ng paglabas ninyo sa Ehipto.
7 Lutuin ninyo ito at kainin+ sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Jehova,+ at sa kinaumagahan, makakauwi na kayo sa tolda ninyo.
8 Anim na araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng isang banal na pagtitipon para sa Diyos ninyong si Jehova. Huwag kayong gagawa ng anumang trabaho.+
9 “Magbilang kayo ng pitong linggo. Simulan ninyo ang pagbilang ng pitong linggo kapag nagsimula na kayong mag-ani ng* mga butil.+
10 Pagkatapos, ipagdiwang ninyo ang Kapistahan ng mga Sanlinggo para sa Diyos ninyong si Jehova+ dala ang inyong kusang-loob na handog, na ayon sa pagpapalang ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.+
11 Magsasaya kayo sa harap ng Diyos ninyong si Jehova, pati ang inyong mga anak na lalaki at babae at aliping lalaki at babae, ang mga Levita na nasa mga lunsod* ninyo, dayuhang naninirahang kasama ninyo, batang walang ama,* at biyuda, na nasa gitna ninyo, sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Jehova para sa kaluwalhatian ng pangalan niya.+
12 Alalahanin ninyong naging alipin kayo sa Ehipto,+ at tuparin ninyo at isagawa ang mga tuntuning ito.
13 “Ipagdiwang ninyo ang Kapistahan ng mga Kubol*+ nang pitong araw kapag tinitipon na ninyo ang inyong mga ani mula sa giikan at ang langis at alak mula sa inyong pisaan.
14 Magsaya kayo sa panahon ng kapistahan,+ pati ang inyong anak na lalaki at babae at aliping lalaki at babae, ang mga Levita, dayuhang naninirahang kasama ninyo, batang walang ama, at biyuda, na nasa mga lunsod ninyo.
15 Pitong araw ninyong ipagdiriwang ang kapistahan+ para sa Diyos ninyong si Jehova sa lugar na pipiliin ni Jehova, dahil pagpapalain ng Diyos ninyong si Jehova ang lahat ng aanihin ninyo at lahat ng ginagawa ninyo,+ at tiyak na magsasaya kayo.+
16 “Ang lahat ng lalaki sa inyo ay dapat humarap sa Diyos ninyong si Jehova sa lugar na pipiliin niya, tatlong beses sa isang taon: sa Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ Kapistahan ng mga Sanlinggo,+ at Kapistahan ng mga Kubol,*+ at hindi sila puwedeng humarap kay Jehova nang walang dala.
17 Ang kaloob na dadalhin ng bawat isa ay dapat na katumbas ng pagpapalang ibinigay sa kaniya ng Diyos ninyong si Jehova.+
18 “Mag-atas kayo ng mga hukom+ at opisyal para sa bawat tribo sa lahat ng lunsod* na ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova, at dapat na maging matuwid sila sa paghatol sa bayan.
19 Huwag ninyong babaluktutin ang hustisya,+ at huwag kayong magtatangi+ o tatanggap ng suhol, dahil binubulag ng suhol ang mata ng marurunong+ at pinipilipit ang salita ng matuwid.
20 Katarungan—dapat ninyong itaguyod ang katarungan+ para manatili kayong buháy at makuha ninyo ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.
21 “Huwag kayong magtatanim ng anumang uri ng puno bilang sagradong poste*+ malapit sa altar na ginawa ninyo para sa Diyos ninyong si Jehova.
22 “Huwag din kayong magtatayo ng sagradong haligi para sa inyong sarili,+ isang bagay na kinapopootan ng Diyos ninyong si Jehova.
Talababa
^ O “takdang panahon.”
^ O “kapag ginamit na ninyo ang karit sa.”
^ O “ulila.”
^ Lit., “nasa loob ng mga pintuang-daan.”
^ O “Pansamantalang Tirahan.”
^ O “Pansamantalang Tirahan.”
^ Lit., “sa loob ng lahat ng pintuang-daan.”